ECHASL

3044 Words
Noong bata pa ako, tinanong ako ni Papa kung ano raw ba ang pangarap ko paglaki. Sabi ko sa kan'ya, gusto ko maging fashion designer o kaya naman ay hair stylist. Doon siguro nagsimula ang pagiging mailap sa akin ni Papa. Noon, hindi ko alam kung bakit. 20 years old na ako ngayon. Wala akong ibang gusto bukod sa pansinin akong muli ng aking Ama at mayakap ulit siya. Labing dalawang taon na rin ang nakalipas simula nang maramdaman ko ang tunay na pagmamahal ng isang ama. “Oh, ito, pamasko mo Vicky... Ito naman ang para sa 'yo, Vanna... Para sa 'yo naman ito, Veronica,” sambit ni papa habang ibinibigay ang mga regalo niya sa aking mga kapatid. Pinanood ko ang reaksyon ng mga kapatid ko. “Wow, thank you po, Papa!” maligayang sambit ni ate Vicky. Nagtatatalon naman si ate Vanna sa tuwa bago nakapagsalita, “You're the best talaga, Pa! Thank you!” Ganoon din ang reaksyon ni Veronica. Masayang-masaya siya sa natanggap na regalo mula kay papa. Siya ang bunso kong kapatid. Naghintay ako na mabigyan din ng regalo galing kay papa. Ngunit nang magsalita na siya, alam kong wala siyang inihandang regalo para sa akin. “Mabuti naman at nagustuhan niyo.” Nakangiting saad ni papa habang nakatingin sa aking mga kapatid. Ngumiti na lamang ako sa sarili at nanahimik sa isang tabi. Si mama na nasa tabi ni papa ay nakatingin sa akin ngunit wala naman siyang reaksyon kaya hindi ko alam ang iniisip niya. Si papa? Hindi niya man lang ako tinignan. Natapos ang pasko na wala akong natanggap na regalo kay papa. Pumasok na ako sa aking kwarto para makapagpahinga at isipin kung bakit wala na naman akong natanggap na regalo mula sa kanya. Noong una, hindi ko alam ang sagot sa tanong kong iyon. Ngunit nang dumating ang ikatlong pasko na wala siyang regalo sa akin ngunit sa mga kapatid kong babae ay mayroon, napagtanto ko na kung bakit. Simula nang malaman ni papa na mas gusto kong maging fashion designer kaysa maging engineer, naging ganito na ang trato niya sa akin. Bukod sa wala akong regalo na natatanggap tuwing pasko, hindi na rin ako gaanong kinakausap ni papa at hindi ko na rin siya nakakasama. Para bang iniiwasan niya ako. “Vien?” Napalingon ako sa pintuan ng aking kwarto nang may marinig na tumawag at may kumatok doon. Siguradong si ate Vanna na naman ang tumatawag sa akin. Ika-labing dalawang taon na ng aking pasko simula no'ng wala akong natanggap na regalo kay papa at nag-iba ang trato niya sa akin. Noon, halos araw-araw akong umiiyak at iniisip kung bakit gano'n na lamang ang pagtrato niya sa akin ngunit ngayon, nasanay na lamang ako. “Vien, pabukas naman ng pinto.” Bumuntong hininga ako at tumayo para pagbuksan si ate Vanna ng pinto. Minsan ko nang naisip na magpanggap na tulog para hindi niya na ako gambalain pa. Pagkatapos kasi ng noche buena, palaging ganoon ang eksena ng ate ko. Papasok siya sa kwarto ko at may ibibigay sa akin na regalo. Oo, siya ang nagbibigay ng regalo sa akin at hindi si papa o si mama. Wala namang kaso sa akin iyon ngunit gusto ko rin namang makatanggap muli ng regalo mula sa aking mga magulang at hindi sa aking kapatid. Si ate Vanna lamang ang nagbibigay sa akin ng regalo tuwing pasko. “Ang tagal mo naman buksan 'yung pintuan! Ano bang ginagawa mo?” Umirap si ate Vanna pagkatapos niyang sabihin iyon. “Matutulog na kasi ako,” sagot ko. Sumimangot si ate Vanna ngunit 'di kalauna'y napangisi rin. Tinignan ko ang hawak niya na malaking paper bag na may nakalagay na merry christmas. Nang makita niyang nakatingin ako roon, ngumisi siya nang malaki at itinaas ang paper bag na hawak niya. “Oh, bago ka matulog, may regalo ka munang bubuksan!” masayang sambit ni ate Vanna habang pakindat-kindat pa. Inilapag niya sa aking kama ang paper bag. Kunwari ay hindi ako interesadong makita kung ano ang laman no'n ngunit sa loob-loob ko, nae-excite talaga ako. Ano kaya ito? Siguradong magugustuhan ko na naman itong binigay ni ate. Palagi ko namang nagugustuhan ang mga regalo niya sa akin tuwing pasko. Alam na alam niya kasi ang mga tipo ko. Tinanggal ko ang pagkaka-stapler ng paper bag para makita ang laman no'n. Unti-unting nanlaki ang mga mata ko nang makitang sketchbook ang regalo niya sa akin! “Ano, nagustuhan mo ba?” Nakangising tanong ni ate at para bang sabik na sabik sa isasagot ko. Kailangan niya pa bang tanungin iyon? S'yempre, nagustuhan ko! Tumango ako bago sumagot sa kan'ya, “Thank you, Ate Van!” Lumapit ako para yakapin siya. Hindi niya alam kung gaano ako kasaya sa gabing ito sa kabila ng nangyari kanina. Kaya kahit na hindi ako mabigyan ng regalo ni papa at nakikita kong mas mahal ni papa si ate Vanna, ate Vicky, at Veronica, hindi ko kayang magalit sa kanila. Siguro nga ganoon talaga. Sa magkakapatid, may hindi paborito. “Thank you sa lahat, Ate. Hindi lang dahil binibigyan mo ako ng regalo tuwing pasko, pero dahil hindi ka nagsasawang kumustahin ako.” Pinigilan ko ang mga luhang nagbabadya nang lumabas mula sa aking mga mata. Ngunit nang tinapik nang marahan ni ate Vanna ang likod ko, hindi na nagpapigil ang mga luhang iyon. “S'yempre naman, Vien... Sino pa ba ang dadamay sa'yo sa tuwing may problema ka? S'yempre, ako pati na rin sina Vicky at Veronica,” bulong ni ate Vanna. Tumango ako at humagulgol sa balikat niya. Sa loob ng mga taon na mailap si papa sa akin, si ate Vanna ang naging sandalan ko. Alam niya ang nangyayari sa pagitan namin ni papa. Alam din iyon ng dalawa ko pang mga kapatid ngunit walang nagsasalita ni isa dahil walang may lakas ng loob na gawin iyon. Ka-close ko ang lahat ng mga kapatid ko. Ngunit iba si ate Vanna. Siya ang nakakaintindi sa akin, at siya rin ang nagbibigay ng advice sa lahat ng mga problema ko, hindi lang sa pamilya. Siguro, kaya ganoon ay dahil siya ang panganay sa amin. “Huwag ka nang umiyak, Vien... Naiiyak na rin tuloy ako,” sambit ni ate sa garalgal na boses. Suminghot ako at humiwalay sa kan'ya. “Sorry, Ate... Hindi napigilan.” “Ayos lang. May gusto ka bang i-kuwento sa akin?” Humiga kami sa aking kama. Pinagmasdan ko muna ang kulay pink kong kwarto. Ang ganda. Ilang taon nang ganito ang kulay ng kwarto ko ngunit hindi talaga ako nagsasawang pagmasdan ito. “Gusto kong sumali sa contest, 'te.” Lumingon ako sa kan'ya pagkatapos kong sabihin iyon. Kumunot ang noo ni ate Vanna. “Anong contest naman 'yan?” “Contest ng pang alam mo na.” Bumuntong hininga ako. Napaharap sa akin si ate Vanna dahil sa sinabi ko. Nakatihaya kasi siya kanina pero nang marinig ang sinabi ko, nakuha ko ang buong atensyon niya. “Vien, walang problema sa akin kung gusto mong sumali sa contest na gano'n... Pero baka naman mas lalo lang lumayo ang loob sa iyo ni Papa kung ipipilit mo ang gusto mo.” Nag-aalalang sambit ni ate Vanna. May punto siya. Posible ngang ganoon ang mangyari. Pero, malayo na ang loob ni papa sa akin noon pa. Kahit may gawin ako o wala, wala pa rin namang magbabago. Nang hindi ako magsalita, dinugtungan ni ate Vanna ang sinasabi niya. “Kailan ba 'yang contest na sinasabi mo?” “Next year, sa mismong birthday ko.” Ngumiti ako. 21 na ako sa susunod na taon, sa February pa naman iyon at matagal-tagal pa. Gusto ko kasing suotin ang mga dine-design kong damit kaya naisipan kong sumali sa contest na sinabi ng kaibigan ko. “Girl, ano? Sasali ka ba sa sinabi ko? Malaki rin premyo kapag ikaw ang nanalo.” Lumingon ako sa kaklase ko na si Manuelito at saka umiling. “Hindi pa ako sigurado, magpapaalam pa ako.” Bumuntong hininga ako at iniwas ang mga mata kay Manuel nang hindi siya sumagot. Ngunit napalingon ako sa kan'ya ulit nang bigla na lamang siyang tumatawa. “Sure namang papayagan ka. Supportive kaya 'yung Ate mo sa'yo,” sagot niya. Tipid akong ngumiti at hindi na dinugtungan ang sinabi na niya. Hindi ko na kailangang ipangalandakan na hindi sang-ayon ang Tatay ko sa kung anong mga nangyayari sa buhay ko. Tama na iyong ako lang ang nakakaalam at ang pamilya ko. Ang akala ko ay tatahimik na si Manuelito dahil hindi na siya nagsalita at ilang minuto na ang lumipas, ngunit may idudugtong pa pala siya. “Bakit? May magagalit ba kapag sumali ka?” Inosenteng tanong na ang hirap sagutin. Noon, hindi ko kayang sagutin ang tanong na iyan. Palagi kasi akong niyayaya ng mga kaibigan ko na sumali sa mga pa-contest sa school man o sa lugar namin. Ngunit ang lagi kong sagot ay 'ayoko.' “Meron. Si Papa.” tipid kong sagot sa tanong niya. Tapos na ang pasko at January na. Balik eskuwela na rin ako kaya nakapagkita na kami ng kaibigan kong iyon na si Manuelito. Pauwi na ako galing sa school. Pagkabukas ko ng pinto ay si papa na nasa sala ang nadatnan ko. Nanonood siya ng TV at palabas ni Vice Ganda ang pinapanood niya. Tuwang-tuwa siya sa mga palabas ni Vice Ganda ngunit hindi man lang siya natuwa sa akin. Bumuntong hininga ako at nilakasan ang loob ko na lapitan siya. Lagi ko namang ginagawa ang ganito noon pa man dahil nagmamano ako sa kan'ya sa tuwing galing ako sa school ngunit hindi pa rin mawala ang kaba ko. Kinakabahan ako na baka kung ano ang masabi niya sa akin na hindi maganda. Isa pa, mas lalo lamang nakadagdag sa kaba ko ngayon ay ang desisyon ko na sabihin sa kan'ya ang tungkol sa contest na gusto kong salihan. Habang naglalakad kasi ako kanina, naisip ko na kausapin si papa tungkol sa contest na iyon. Baka iyon din ang maging solusyon sa problema naming dalawa ni papa. Unti-unti akong naglakad papalapit sa sala. Hindi pa rin ako napapansin ni papa. “Pa, mano po,” sambit ko sa mahinang tinig at kinuha ang kanang kamay niya. Hindi siya nagsalita at hindi niya rin ako tinignan. Ganito naman siya palagi, kaya pagkatapos kong magmano ay umaalis kaagad ako sa harapan o sa tabi niya at pumapasok na sa kwarto. Ngunit ngayon, may kailangan akong sabihin kaya hindi muna ako umalis. “Pa, may sasalihan po akong contest.…” Nagpasalamat ako sa sarili ko dahil hindi ako nautal nang sabihin ko iyon. Kabado ako pero hindi p'wedeng ipakita ko kay papa ang kaba na nararamdaman ko. “Anong contest?” malamig niyang sambit at hindi pa rin lumilingon sa akin. Hindi ko alam kung kaya ko bang sabihin iyon. Kaya naman huminga muna ako nang malalim bago sagutin ang tanong niya. “G-Gay contest, Pa.” bumilis ang paghinga ko pagkatapos kong sabihin iyon. “Bakit ka sasali sa gano'n?” “G-Gusto ko kasing m-masuot 'yung mga dine-design kong d-damit, P-Pa, kaya g-gusto kong sumali.” Nauutal kong sambit. Hindi ko alam, ngunit na-trigger 'ata si papa sa sinabi ko dahil napatayo siya mula sa kinauupuan niya. “Hindi ka na nga sumunod sa kurso na sinabi kong kunin mo, tapos sasali ka pa sa contest ng mga bakla! Iniinsulto mo ba talaga ako, Vienvenido?!” Nangilid ang mga luha ko nang biglang sumabog si papa. Alam na alam ko na ang dahilan ni papa kung bakit ganito ang trato niya sa akin ngunit hindi ko iyon kayang aminin sa sarili ko. Ayaw ni papa sa kursong kinuha ko ngunit kinuha ko pa rin iyon. Lumayo rin ang loob niya nang malaman niyang bakla ako. Naiintindihan ko iyon. Ako ang nag-iisang lalaki sa mga anak niya ngunit hindi ko nagawang magpaka lalaki dahil babae ang puso ko. “P-Pa, alam niyo naman po na ayaw kong gumawa ng bahay... Gusto ko pong gumawa ng mga damit, Papa.” mahina kong sambit, ipinapaliwanag muli sa kan'ya ang gusto ko dahil baka sakali, ngayon ay maintindihan niya na. Hindi sumagot si papa. Nilagpasan niya lamang ako at handa nang umalis ngunit hindi ko napigilan ang sarili ko ay nagsalita pa ako. “Kailan niyo ba ako matatanggap?” Nangilid ang mga luha ko nang sabihin ko iyon. Napahinto si papa nang marinig iyon mula sa bibig ko. Ngunit hindi niya ako nilingon, sa halip ay ipinagpatuloy niya ang pag-alis. Doon ko napagtanto na wala na nga talagang pag-asa sa pagitan naming dalawa ni papa. “Huwag mo nang isipin si Papa, Vien. Okay lang 'yon,” sambit ni ate Vanna at nginitian ako na para bang iyon ang solusyon upang mawala ang kaba at lungkot ko. Buwan na ng Pebrero at ngayong araw ay ang araw ng contest na ipinaalam ko noon kay papa. Hindi ko sana gustong ituloy ito ngunit kinausap ako ni ate Vanna at sinabing ayos lang iyon dahil susuportahan niya naman ako. Tama nga, susuportahan nga talaga ako ni ate Vanna dahil nandito siya ngayon sa backstage at siya ang magiging personal assistant ko. “Let us all welcome, Vienvenido Vienna Peralta!” Nang marinig ko ang host na bigkasin ang pangalan ko ay dahan-dahan akong naglakad papunta sa stage. Abot-abot ang kaba ko dahil first time kong sumali sa contest. Nakakabingi ang mga sigawan ng mga tao na nanonood sa contest na sinalihan ko. Inilibot ko ang aking paningin sa audience na naririto at halos manlaki ang mga mata ko nang dumako iyon sa hindi ko inaasahang manonood sa akin. Mas lalo lamang akong kinabahan. Ang lahat ng mga inensayo ko para sa talent portion nitong contest ay para bang nilipad ng hangin nang makita si papa, mama, at ang mga kapatid ko.  Anong ginagawa nila rito? Bakit sila nanonood? “Are you ready, Miss Vienna?” Napalingon ako sa host ng contest at wala nang nagawa kung hindi ang tumango. Hindi pwedeng matulala lang ako rito. Nagsimulang tumugtog ang kanta na sasayawin ko kaya inumpisahan ko na rin ang aking talent portion. “Thank you for that powerful dance, Miss Vienna! Lalaking-lalaki pa rin gumalaw!” Nagtawanan ang mga tao dahil sa sinabi ng host. Gustuhin ko mang ngumiti, hindi ko naman magawa lalo na noong nakita kong muli ang Papa ko na seryoso ang mga matang nakatingin sa akin. Tumakbo ako sa backstage at nilapitan agad ako ni ate Vanna kaya naman nagtanong na ako sa kan'ya. “A-Ate, nanonood sina Papa sa contest,” sambit ko, may halong taranta sa tinig. Ngumiti si ate Vanna. “Oo nga, sinabi ko kasi na pumunta sila ngayon para manood sa sinalihan mong contest. Buti na lang pumayag sila.” Pinigilan ko ang umiyak. Hindi ko alam kung paano napapayag ni ate Vanna si papa na manood sa akin. Natapos din ang contest at nanalo ako ngunit 2nd runner up lamang. Gayonpaman, ayos lang sa akin iyon dahil nagkausap din kami ni papa pagkatapos na pagkatapos ng contest. “Congrats, Anak.” Isa-isang pumatak ang mga luha nang marinig kong sabihin iyon ni papa. Dahan-dahan akong lumapit sa kan'ya at niyakap siya nang mahigpit. “S-Salamat po, Papa...” Hinaplos ni papa ang likod ko. “Patawarin mo si Papa, 'nak... Tanggap kita noon pa man, hindi ko lang alam kung paano kita kakausapin nang hindi tayo nag-aaway...” “P-Pa.” ito lang ang tanging nasabi ko. “Happy birthday, Vien.” Ang 21st birthday ko ang pinakamasayang nangyari sa taong ito. Pati na rin sa buong buhay ko. “Merry christmas!” Tapos na ang noche buena. Narito na naman kami sa bigayan ng regalo tuwing pasko. Pero ngayon, mas excited na ako dahil alam kong makakatanggap na rin ako ng regalo mula kay papa. Bukod doon, ayos na rin kami at tanggap na tanggap niya na ako! “Merry christmas mga anak, kunin niyo na ang regalo niyo sa ilalim ng christmas tree,” sambit ni papa habang nakatingin sa akin. Kaya naman hinanap ko ang regalo na may pangalan ko ngunit wala man lang ako roon. Kumunot ang noo ko at medyo nalungkot nang mapagtantong hindi pa rin ako bibigyan ni papa ng regalo kahit pa ayos na kami. “Vien,” tawag ni papa. Napalingon ako sa kanilang dalawa ni mama. Parehas silang may hawak na regalo at parehas din nilang inaaabot ito sa akin. “Merry christmas, Anak,” sambit ni mama. Hindi ko na naiwasan ang mapaiyak. Sa wakas, maayos na rin ang relasyon ko sa buong pamilya ko! Kahit iyon lang ang regalo nila sa akin ngayong pasko, ayos na ayos na ako. Pero dahil may ibinigay silang mga regalo sa akin, mas masaya ako lalo. “Thank you po, Mama at Papa.” Suminghot ako at nagpunas ng mga luhang natuyo na sa aking pisngi. Tumawa naman ang mga kapatid ko dahil sa pag-iyak ko. Natawa na lang din ako at niyakap sina mama at papa. “Pero! Alam mo ba, Vien, lahat kaya ng mga regalo na binibigay ko sa'yo noon galing din kay Papa. Hindi niya lang maibigay sa'yo kasi nga hindi pa kayo magkaayos noon. Pero suportado ka naman talaga niya noon pa man,” kuwento ni ate Vanna sa aming lahat. Ikinagulat ko ang kuwento niyang iyon. Hindi ko alam na ganoon pala ang nararamdaman ni papa. Kung alam ko lang noon, hindi na sana ako nalungkot at hindi na nag-isip pa ng kung ano-anong mga bagay. Ngunit kahit kailan naman, hindi ko naisip na magalit sa mga magulang ko. Malungkot? Oo. Dahil ang akala ko noon ay hindi ako tanggap ni papa. Alam kong nahirapan din siyang tanggapin na ang kaisa-isa niyang anak na lalaki ay bakla pala. Pero ngayon, masaya akong malaman na okay naman pala siya sa akin. Ang akala ko, puro dilim lang ang dadaan sa buhay ko. Ngunit ngayong magkaayos na kami ni papa, unti-unti nang nagliliwanag ang buo kong paligid. At dahil pasko naman, siguro papayagan naman ako ni papa kung magpapaalam ako sa kan'ya. “Pa, may sasabihin pala ako,” saad ko sa mahinang tinig. “Ano 'yon, Vien?” Bumuntong hininga muna ako bago nagpatuloy sa sinasabi, “M-May boyfriend na po ako, P-Pa.” Napayuko ako pagkatapos kong sabihin iyon. Nakakahiya! Tama bang sinabi ko iyon? Baka magalit na talaga sa akin si papa! Baka sabihin niya, sumosobra na ako! Dahan-dahan kong inangat ang mga mata ko nang wala akong narinig na nagsalita. Gano'n na lang ang gulat ko nang makitang nakangiti si papa sa akin. “Kailan mo ipapakilala sa amin? Nang makilatis at masintesyahan na.” Nagtawanan ang mga kapatid ko pati na rin si mama dahil sa sinabi ni papa. Nakahinga ako nang maluwag dahil doon.  Pinagmasdan ko ang buong pamilya ko. Ito na ang pinakamasayang pasko na nangyari sa buong buhay ko. Salamat, Panginoon. -FIN-

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD