Prologue

3005 Words
“Foolish people will always be servants to the wise.” – Proverbs 11:29b * Prologue Ivy Hinila ni Sachi ang buhok ko. Paalabas na kami ng bahay no’n. Madilim at malamig ang simoy ng hangin. Papunta kami sa Floreso para sa unang gabi ng burol ni Ate Veron. “Aray ko naman, Sachi. Hindi makapaghintay?” inis kong bulyaw sa bunso kong kapatid. Dalawa lang kaming magkapatid pero madalas kaming mag away. “Bleh!” “Mommy, oh!” sigaw kong sumbong. Kasalakuyang nila-lock ni daddy ang pinto ng bahay. Nilingon kami ni mommy. Imbes na mainis, malambing niya kaming nginitian. Kaya love na love ko ang mommy, e. Hindi siya agad nagagalit sa amin. “Stop it, Sachi. Ate mo ‘yan.” Humalukipkip ako sa harap ng kapatid ko. Nginisihan ko siya. Kahit na anong gawin niya, ako pa rin ang papanigan ni mommy. Kasi mas matanda nga ako sa kanya. E, siya? Nine years old pa lang siya. Bansot pa! Haha! Sinimangutan niya ako. Pinagkainterisan na lang niyang paglaruan ang ribbon sa nakatrintas niyang buhok. Kulay yellow ang kanya, ang sa akin ay pink naman. Parehong mahaba ang buhok namin. Tapos, kapag iniipitan kami, magkapareho lang din. Sumakay kami sa kakarag karag na kotse ng daddy. Hindi naman malayo ‘yung burulan. Kaya halos hindi ko namalayan ang dumaang oras, narating din namin ang Floresco. Maraming tao sa labas. May nagkukumpulan pa nga at maingay. Hawak ako ni mommy sa kamay at hinihila ako, pero naiiwan ang mga mata ko sa mga tao. “Puno pala rito sa baba, Alona. Ang daming nagsusugal,” dinig kong sabi ni daddy. Tiningnan lang niya si daddy. Hindi sumagot. Natatandaan ko itong lugar. Dito rin binurol noon ang Lolo Marco ko. Tatay ni daddy. Pero nasa second floor ang pwesto. Kasi naroon ang de-aircon na kwarto. Dito sa baba, nakabukas ang folding door at kitang kita ang loob. At mukhang tulad ng kay Lolo Marco, mukhang nasa taas din ang burol ni ate Veron. Binilisan ko ang paglalakad. Hindi ako excited na pumunta sa burol ni ate Veron. Pero Ate siya ng kaibigan kong si Luna. Kaklase ko. Mabait at mahiyain ‘yun kaya gusto ko siya. Noong sinabi niya sa aking patay na raw ang Ate Veron niya, kahit hindi kami close ng ate niya, naiyak din ako. Kasi, love na love ni Luna ang ate niya. Kahit masungit naman sa kanya. Kaka-debut lang ni Ate Veron. Ang sabi ni daddy, napakabata raw namatay. Pag-akyat namin sa second floor, may mga tao pa rin pala sa labas ng kwarto. Tumingala ako at hinanap si Luna. Saang kwarto kaya sila rito? Hindi mabasa ang pangalan. Pero si mommy, agad niyang nakita. “Si Alex daw ang suspect.” “Tsk. Tsk. Hindi ko akalaing magagawa ‘yan ni Alex. Kawawa tuloy si Luna.” “Oo nga. Ang bata-bata pa lang, naulila na.” “Aba, bakit? Buhay pa naman si Rita, ah?” “Buhay nga, baldado naman!” Mabilis akong hinila ni mommy. Dinaanan namin iyong kumpulan ng mga matatanda na kumakain sa labas ng pinto. Binuksan niya ang pinto at sumingaw ang malamig na hangin mula sa loob. Pagpasok ko, una kong napansin ang puti at malaking kabaong doon sa harap. May mga bulaklak at isang litrato si Ate Veron sa ulunan ng kabaong niya. Hindi ko alam kung bakit pero kinilabutan ako. Hinila ko ang kamay ni mommy. “Mommy,” Dinungaw niya ako. “Bakit, Ivy?” “Ayokong sumilip kay Ate Veron. Natatakot po ako sa kanya.” lalo na, patay na siya. Baka dalawin niya ako sa panaginip! Tinawanan lang ako ni mommy at saka pumunta sa harapan. Hinanap ko ang kaibigan kong si Luna. Iilan lang ang bata rito. Karamihan, mga matatanda na. Iyong, mga kaedaran din ni Ate Veron. Nandito rin ang ilang kaibigan niya. “Luna!” Bumitaw ako kay mommy. Kausap na niya si Aling Rita na nakaupo sa wheelchair. Nilapitan ko si Luna. Nakaupo ito sa pangalawang hanay ng mahabang bench. Tumabi ako sa kanya. Nilingon niya ako. “Malungkot ka pa rin?” Tumango siya. “Oo. Kasi, kinuha ng mga pulis ang Papa ko. Sabi nila, siya raw ang gumawa niyan kay ate,” Nalungkot ako. “Totoo kaya?” Nagkibit siya ng mga balikat. “Ewan ko. Kakaunti lang ang nadinig ko. Palagi kasi akong kinukulong ni mama sa room.” “Uh. Baka ayaw ka lang niyang malungkot. Tahan na, Luna. Nandito naman ako, e.” Ngumiti siya. Ngumiti na rin ako. “Sina Chance, oh!” “Kasama pa talaga ang sampid!” Natigilan kaming dalawa ni Luna nang magkaroon nang kaunting ingay. Binalingan ko ang gitna ng kwarto. May ilang tao ang napatayo nang pumasok at naglakad sa loob ang kilala kong kabarkada ni Ate Veron. Unang naglakad sa gitna si Chance Valiente hawak sa kamay ang bunsong kapatid. Si Ruffa Valiente. Gwapo raw siya. Matangkad din. Kayumanggi ang balat at maraming nagka crush. Napaawang ang labi ko. Kilala ang mga Valiente sa lugar namin. Mayaman sila at matagumpay sa negosyo. Lumapit sila sa kabaong ni Ate Veron. Sumilip. Hindi naman nila pinapaalis ang mga Valiente. Mas lalong hindi sila ang pinagsasalitaan. Kundi ang isa pa nilang kasama. Si Ryder Adriano. Pinsan nina Chance at Ruffa. Kaibigan ding matalik ni ate Veron. Kasunod nila itong lumapit sa kabaong at sumilip. Mayaman ang mga Valiente, pero mas mayaman ang mga Adriano. Kaso, kung sina Chance at Ruffa, mamahaling tunay ang mga suot, kupasing polo at pantalon naman ang suot ni Ryder. Medyo mahaba rin ang kanyang buhok. “Pa’nong naging Adriano ‘yan? Sus.” Kasing edad ni Ryder sina Chance at ate Veron. Sabi ni daddy, hindi raw tanggap si Ryder ng mga Adriano. Hindi ko pa maintindihan ang kwento pero ang alam ko, halos lahat ng taga sa amin, ayaw kay Ryder at sa nanay niya. Sa pag iisip ko, biglang lumingon sa amin si Ryder. Mabilis lang agad niya ring binalik sa pinsan niya. Bumaba sila sa stage at nilapitan si Aling Rita. Si Chance ang yumuko at may inabot na puting sobre sa kanya. Hindi naman nagsalita si Ryder. Hindi rin sila nagtagal o kumain. Umalis din silang tatlo na parang bagyong dumaan sa burol. “Talagang sumabay pa sa mga Valiente, huh? Para hindi mapalayas?” “Karelasyon yata ni Veronica si Ryd.” Umingay ang chismisan nang mawala ang tatlo. Parang artistang pinag usapan ang kani kanilang mga buhay. Binalingan ko si Luna at inakbayan. “’Wag ka nang malungkot. T’yak, kung nasaan man ngayon ang ate mo, masaya na.” ** *Five years later* And why I needed to suffocate my mind, just because my family wasn’t having the lifestyle I wanted? Nakasakay ako sa jeep pauwi sa bahay. Katabi ko ang tahimik na si Luna. Nakabukas ang libro at notebook niya. Humalukipkip ako at ngumuso. Ang babaeng ‘to, hanggang sa loob ng jeep na umaandar, nagagawa nang simulan ang assignment namin. Sa sobrang sipag nito sa pag aaral, balang araw, ipagtatayo ko siya ng monumento niya. Nakaupo kami sa dulo ng jeep. Sa tabi ng babaan. Sa harapan namin, nakaupo sina Eyra at Ruffa. At maingay na nagkukwentuhan tungkol sa mga bagong labas na lipstick o foundation yata. Ewan ko. Hindi naman ako interisado ro’n. Hindi sa ayaw ko. Wala akong perang pambili. Kapag hindi ko afford, hindi ko na iniintindi. Waste of my time. Naghagikgikan ang dalawa sa harapan ko. May pumara kaya nabunggo ko si Luna. Pumataas ang kamay niyang may hawak na ballpen. Ayun, nagkaroon ng mahabang linya ang papel niya. “Oops! Sorry!” hinging paumanhin ko. Nilingon niya lang ako saglit. Tapos ay walang kibong pinagpatuloy ang pagsusulat. Umikot ang mga mata ko. “Pakopya ako mamaya, ha?” untag ko sa kanya. “Okay.” Walang reklamo niyang sagot sa akin. “Ikaw, Ivy? Nakagamit ka na ba no’n?” maarteng tawag sa akin ni Eyra. If I know, gusto niya lang akong inggitin. Sus. Alam naman niyang wala kaming pambili no’n. Dumidikit lang siya kay Ruffa kasi mayaman ang pamilya nito. Para kay Eyra, isang karangalan ang maging kaibigan si Ruffa Angela Valiente. Tipid ko siyang nginitian. “Hindi pa, e. Magkano ba ‘yon? Balita ko mahal daw.” Sabay irap ko sa kanya. I caught Ruffa’s giggles. Napanguso ako. Kahit mayaman itong si Ruffa at kilala ang pamilya nila sa Malabon at Navotas, ang simple niyang tingnan. I mean, mayaman sila pero sa Malabon National High School siya nag aaral. Pwede naman siya sa Immaculate Concepcion Parish School o sa St. James sa bayan. O kahit saang Academy niya magustuhan. Bakit kaya? At bakit ko tinatanong?! Huwag ko na ngang isipin! “Alam mo, ang cute mo, Ivy. Boyfriend mo na ba si . . . Ranie Santillan?” Kumunot ang noo ko. Hala siya. Namula ang pisngi niya pagkasambit sa pangalan ni Ranie. Kamuntik akong mangiti pero pinaloob ko ang labi ko sa bibig. Umayos ako ng upo. Nilingon ako ni Luna. Hindi ko siya pinansin. Tumikhim ako. “Hay naku, Ruffa. Kung crush mo si Ranie, wala ka nang pag asa ro’n. Matagal na sila ni Ivy!” Nalusaw ang tawa ko. Matalim kong nilipat ang tingin si Eyra. “Excuse me, matagal na kaming magkaibigan.” Pagko correct ko. Ito namang si Eyra, akala mo hindi ko rin matagal na kaibigan. Mula first year, magkakaklase na kami. Solid kaming kumpleto noong first year high school. Gustong gusto ko ang kulay ng palda namin na pink. You know. From green sa elementarya, pink naman sa high school. Doon ko nakilala si Ranie at ang buong barkada. Except Luna, dahil bata pa lang ay magkaibigan na kaming matalik. Si Troy at Blake magkakambal, si Lance na hindi mahilig magsalita, si Ferdie na palaging nangungulangot, si Eyra na palakaibigan at palaging may kulay ang labi, si Arra na may makapal na salamin at si Luna na mabait at mahiyain. Sa kanilang mga girls, kina Luna at Arra ako pinakamalapit. Absent ngayong araw si Arra dahil may sakit ang kapatid niya at walang mag aalaga kundi siya lang. Noong mag second year kami, nagkahiwa hiwalay kaming magbarkada. Though, kaklase ko pa rin sina Arra, Luna at Eyra. Iyong boys, bumaba ang section. Nang mag third year kami, nagsama sama ulit kami sa iisang klase. At ngayong fouth year, kamuntik mahiwalay ang mag bestfriend na sina Ranie at Troy. Palagi kasi silang late sa enrollment kaya nauunahan silang mapuno ang isang klase. Ang dami kayang estudyante sa school. Pero pumayag ang teachers na malipat sila sa section namin. Section 11 kami. “Sows! Aminin niyo na kasi. Matagal na kayo ni Ranie. Ang sweet sweet niyo kaya!” tukso ni Eyra. Bahagyang nabawasan ang ngiti sa mukha ni Ruffa. Third year na kami nang maging kaklase rin siya. “Normal na namin ‘yon, Eyra.” Kainis na ‘to! Gumagawa ng issue. “Bata ka pa, Ivy.” Mahinhing salita ni Luna. Binalingan ko siya. “Magsulat ka na nga lang d’yan.” Sabay tulak ko sa kanya. “Edi, hindi pa kayo talaga?” Bumuntong hininga ako. Alam kong hindi tulad ng ibang girls, hindi vocal sa feelings niya si Ruffa. Tahimik siya kapag nariyan si Ranie. Ranie did look at her, pero hindi kasing tagal ng titig ni Ruffa sa kanya. Ranie and I . . . well, we’re very close. Sa mga kaibigan kong lalaki, sa kanya ako pinakamalapit. Nakakatulog ako sa balikat niya. Umaabrisiete ako sa braso niya. Sinasabunutan ko siya at sinusuntok---nang walang romantic interest. May best friend siya. Si Troy. My besties ako, sina Luna at Arra. Nagsasabihan pa rin kami ng problema pero hindi siya nagsasabi na manliligaw. Though, isang beses, nagpahaging siya. Dadalaw daw sa bahay. Hindi kasama ang tropa. Siya lang. Ano kaya ‘yun? Umayaw ako agad. Todo todo ang pagkontra ko. Ayokong pumunta siya sa bahay namin. Ayokong makita niyang . . . magulo. I sighed. “Hindi kami, Ruffa. Tropa ko lang ‘yun.” Lumabi si Eyra at nagkibit ng balikat. Si Ruffa ay tila nakahinga ng maluwag. Napakamot sa ulo. “E, yung Kuya Chance mo, may girlfriend o nililigawan na?” Napailing ako sa tanong ni Eyra. Isa pa ‘yan sa dinidikit niya kay Ruffa. Ang makakuha ng balita sa gwapo at mayaman na si Chance Rafael Valiente. Nag isip pa si Ruffa. “Sa work yata nila, may magaganda at mas mature na babae. Baka may pinupormahan na rin.” Sumimangot si Eyra. “Sayang naman. Kailan kaya kami makakapunta sa bahay niyo sa Paez, Ruffa? Matagal ko nang gustong makapasok sa mansyon niyo. Ang ganda ganda kasi!” Tumingin na lang ako sa labas. Pero nakikinig sa kanila. “Sa birthday ko!” Napalingon ulit ako sa kanya. Ang mukha ni Eyra, nagliwanag. “Talaga? Pupunta ako! Yes!” “Invited din kayo, ha? Luna. Ivy? Wala pang invitation cards pero malapit nang magpagawa si mommy.” “Ruffa, Ruffa! Pupunta rin ba ang pinsan mong si Ryder?” Namilog ang mga mata ko. “Eyra, boses mo!” Tiningnan ko ang iilang pasaherong kasabay namin. Kahit si Luna ay napaangat ng tingin. Nang makita naming nilingon nila sina Eyra, nagligpit na ng gamit niya si Luna. She didn’t like attention. Nawawala ang concentration niya sa lahat bagay kapag ganoon. Kahit hindi niya sinasabi sa akin, alam kong kapag nakikilala siya, nauungkat ang nangyari noon sa pamilya niya. Ang pagkakakulong ng papa niya at pagkapatay sa ate Veron niya. Nag peace sign si Eyra. Pagtingin ko kay Ruffa, para itong nahiya. Kinagat na lang ang labi. Gusto kong maawa sa kanya. Kasi, kapag napag uusapan si Ryder Adriano, nahihiya siya. Though, hindi namin siya inaa outcast just because pinsan niya iyon. Pero kakabit ng pangalang Valiente ang mga Adriano. Kahit ganoon, sinagot pa rin ni Ruffa ang tanong ni Eyra. “H-hindi ko alam, e. Itatanong ko pa sa kuya ko.” mahina niyang sabi. “Uhh.” “Para po!” sigaw ko sa driver. Ako ang mauunang bumaba sa aming apat. Nagpaalam ako sa kanila. “Bye, Ivy!” “See you tomorrow.” Mahinhing sabi ni Luna. Nakangiti ako at kumaway sa kanilang tatlo. Nasa tabi lang ng kalsada ang bahay namin. Itong lumang bahay na minama ni daddy sa parents niya. Dalawa lang silang magkapatid. Si Auntie Sita, nang makapag asawa ay lumipat daw ng bahay. Pero rito pa rin sa lugar namin. Nakapagpatayo sila ng negosyo. Gumagawa siya ng bersyon ng Pancit Malabon. Na ang secret recipe ay pinamana pa raw galing sa Lola Renee. Si Auntie Sita raw kasi ang may hilig sa pagluluto. Kaya ayun, ginawa niyang negosyo na sobrang umusbong at pumatok. Kalaban ang iba pang pangalan ng nanay sa lugar namin. Mga tatlo siyang anak. Sina kuya Bobby, Caroline at Dion Razon. Wala naman akong masabing masama sa mga pinsan ko. Mababait din sila. Kami nga ni Sachi ang naalalangan at nahihiya kapag magkakasama kaming magpipinsan. Basta! Para bang ang taas taas nila at ang baba namin. “Mommy?” Hinubad ko ang sapatos ko. Pumasok ako at sumilip sa kusina. May pagkain kaya? Binuksan ko na rin ang luma naming refrigerator. As usual, halos walang laman. Kinuha ko ang isang pitsel at nagsalin sa baso—nang biglang may kumalabog! Agad akong lumabas at sumilip sa sala. Nakasarado na ang pinto sa harap. Kumurap kurap ako. Naisara ko ba iyon kanina? Ni replay ko sa isip ang ginawa ko kanina. s**t. Hindi ko rin maalala. “Mommy? Daddy?” Hindi ko alam kung wala nga sila. Pinuntahan ko ang kwarto nila at binuksan ang pinto. Walang tao. Ako lang talaga. Bumalik ako sa kusina at uminom na lang tubig. Pagkatapos ay pumunta ako sa kwarto namin ni Sachi. Wala rin siya kasi panghapon ang klase niya. Agad kong pinindot ang bentilador. Init na init na ako at pawis na pawis. May sando pa kasi akong suot. “Tulong.” Napabaling ako sa pinto. Hindi ko rin naisarado. Bumuntong hininga ako at ni lock na lang iyon. Ano ba ‘to? Kanina ko pa nakakalimutang magsara ng pintuan. May nakabukas kayang TV o radyo sa malapit? Pagka lock ko, lumapit ako sa aparador at humugot ng t-shirt. Doon na rin ako nagtanggal ng butones ng uniform ko. Nang matanggal ko na lahat, hinubad ko iyon kasunod ang puting sando. Kumalam ang sikmura ko. Sana may pagkaing tinira si Sachi para sa akin. Natigilan ako nang marinig ang dahan dahang pagbukas ng pintong ni lock ko. I looked at door. It creaked opened. Slowly. Naestatwa ako. Tumigil ang pagbukas nang makalahati ang puwang mula sa hamba. My eyes stared outside. “Mommy? daddy? ‘Andyan na po ba kayo?” malakas kong sigaw. Walang sumagot. Nakarinig ako ng babaeng umiiyak. Hindi ko alam kung ano’ng biro ito. Alam kong walang tao sa bahay. At mas lalong hindi ako ginaganito ng mga magulang ko. Pumihit ako papunta sa nakabukas ng pinto. Wala sa isip kong matakot pero kabadong kabado na ang dibdib ko. Damn it. Katanghaliang tapat para matakot ako! “Mommy, ikaw ba ‘yan?” sigaw ko ulit. Dahan dahan akong humakbang. Pasilip silip din ako sa labas. Habang lumalapit ako’y palakas din nang palakas ang iyak na naririnig ko. Napalunok ako. I was only sixteen. I watched horror movies and liked it. Pero hindi pa ako kailanman natakot nang . . . ganito. Inangat ko ang kamay ko para mahawakan ang door knob nang---malakas na sumara ang pinto sa mismong harapan ko! Napatda ako. Huminto ako sa paghinga. My eyes widened at the door. Nanlaki ang ulo ko. Nangilabot ako. Tumindig ang mga balahibo sa braso at batok. “Tulungan mo ako . . .” bulong sa tainga ko ng isang babae. Tumigas ang lalamunan ko. Hindi ako nakagalaw. Natatakot akong lumingon sa gilid ko. I felt the cold wind. Was it wind? Bago ko pa mapagtanto, nagdilim ang paligid ko.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD