Kabanata 1
"Andeng!" tawag ng kaniyang Tiya Letty sa kaniyang palayaw. Andrea ang kaniyang tunay na pangalan at Andeng kung siya ay tawagin ng mga kamag-anak at matatalik niyang kaibigan.
"May balita ho pa sa pinasukan ko?" tanong niya rito nang makalapit.
Ngumiti ng malapad ang kaniyang Tiya Letty at saka tumango. "Tumawag sa akin ang may-ari no'ng bahay na in-apply-an mo ng trabaho. At sinabi niyang tanggap ka na sa trabaho bilang isang kasambahay ng mga Severino."
"Magandang balita po iyan, Tita Letty. Kailangan na kailangan ko po ng trabaho para sa Gian," tukoy niya sa kaniyang kapatid na dise otso anyos at may sakit sa kidney. Stage 2 na ang sakit nito at kasalukuyan na nagda-dailysis.
"Ako muna ang bahalang magbantay sa kapatid mo habang nasa trabaho ka. Hindi ka pa naman p'wedeng umuwi araw-araw dahil tuwing sabado at linggo lamang ang day off ng mga katulong. Oo nga pala, limang libong piso ang sinabi nilang sahod mo."
"Maraming salamat po, tiya. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko kapag wala kayo sa tabi ko. Kung hindi lang sana maagang namatay ang Nanay namin ni Gian ay hindi sana ganito kahirap ang aming sitwasyon. May Tatay nga kami pero mas importante naman ang sarili nitong pamilya, minsan nga gusto kong ibalik ang panahon na kung p'wede lang talaga si Nanay na lang ang nabuhay," mangiyak-ngiyak niyang sabi rito.
Napakrus si Tiya Letty sa kaniyang sinabi. "Aba'y masama iyang iniisip mo, Andeng. Huwag kang magtatanim ng galit sa Tatay mo."
Pinigil ni Andrea ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata. Masama pa rin ang loob niya dahil sa ginawa ng kaniyang Tatay. Nag-asawa kaagad ito makalipas ang isang linggo matapos mamatay ang kanilang Ina ni Gian. Mula noon ay pinabayaan na sila nito at dalawang taon na ang lumipas ay wala pa rin silang natatanggap na financial na tulong galing dito. Kahit na alam naman ng kanilang ama na hirap na hirap silang magkapatid.
Masama man ang naisip niya, iyon ang gusto niyang mangyari, hindi sana sila nahihirapan ng ganito.
"Kung anuman ang galit mo sa Tatay mo kalimutan mo na iyon, Andeng. Ang isipin mo ngayon ay ang kapatid mo, kailangan mong magtrabaho para sa kaniya. Kung malaki lang sana ang kinikita nitong gotohan ko hindi mo na sana kailangan na mamasukan bilang katulong."
"Wala naman ho akong tinapos, Tiya Letty. Nakatuntong nga ako ng highschool pero undergraduate naman. Sinubukan kong mag-apply sa mga fastfood pero wala e, diploma ang hinahanap nila. Kung hindi lang nagkasakit si Nanay noon, hindi sana ako tumigil sa pag-aaral ko. Kaso wala ho talaga, sadyang mapait ang kapalaran."
Hinawakan ni Tiya Letty ang kaniyang balikat. "Andeng, nakikita at naririnig ng Diyos ang lahat ng dasal natin. Hindi man niya sagutin ngayon ang mga panalangin mo, alam kong darating ang panahon na masasagot ang lahat ng iyan, magtiwala ka lang."
Naalala ni Andre na ilang buwan na nga pala siyang hindi nagsisimba. Sa edad niyang bente dos ay banat na ang kaniyang buto sa pagtratrabaho. Wala na siyang iniisip kun'di magtrabaho, gumising, maghanap-buhay at kung p'wede nga lang ay hindi na siya matulog para lamang may kitain siyang pera para sa gamot at dialysis ng kaniyang kapatid.
Niyakap ni Andrea ang kaniyang Tiya Letty. Ito na lang ang nagpapalakas ng kaniyang loob. Ang tanging tao na nakakaintindi at umuunawa sa kaniya.
Ilang minuto pa ay nagpaalam na siya rito. Kinuha ni Andrea ang kaniyang sling bag at inilagay doon ang nakabalot na goto para sa kaniyang kapatid. Iniwan niya ito sa kanilang barong-barong dahil nagmadali siya kanina na pumunta sa gotohan ng kaniyang Tiya Letty.
Naabutan niyang nakadungaw sa bintana ang kaniyang kapatid. Hinaplos niya ang buhok nito at saka kinuha ang goto sa kaniyang bag. Inilagay niya iyon sa mangkok at nilagyan ng kutsara. Inilapag niya iyon sa maliit na lamesita sa tabi nito.
"Mag-almusal ka na, masarap ang goto ngayon ni Tiya Letty, maraming sahog," masayang sabi niya rito.
Bakas sa mukha ng kaniyang kapatid ang sakit at hirap na dinaranas nito. Naaawa na siya rito, kung p'wede lang na siya na ang magkasakit huwag lang ang kaniyang nakakabatang kapatid.
"Palagi mong sinasabi na masarap ang luto ni Tiya Letty, ate." Kinuha nito ang mangkok at inalalayan naman niya iyon sa ilalim.
"Oo nga pala, Gian. Bukas iiwan kita kay Tiya Letty, doon ka muna sa bahay niya titira ng Lunes hanggang Biyernes. Kailangan ko kasing mamasukan ng trabaho sa Severino. Iyong bahay sa bayan na nakikita natin noon."
"Hindi ba witch ang nakatira doon, ate? Sinasabi ng mga kaibigan ko noon na masungit ang may-ari ng bahay na iyon, mga masasamang tao," ani Gian na napangiwi pa sa naalala.
"Hindi mo ba alam na isang anghel ang kapatid mo, Gian. Kung witch sila, fairy ako." Pagbibiro niya rito para mapatawa ito.
"Ano ang trabaho mo roon, ate?" muli nitong tanong pagkatapos sumubo ng kaunti.
Tumayo siya at nagpameywang sa harapan ng kaniyang kapatid. Kinuha niya ang takip ng kanilang lumang kaserola at ang sandok na putol ang hawakan.
"Ako ang reyna s***h superwoman s***h wonder woman in short... isa akong pinakamaganda..." Umikot siya sa harapan nito at saka nagtaas ng baba. "Pinakamagandang katulong." Nag-bow si Andrea sa harapan nito at itinaas ang kaniyang invisible na palda.
"Ate, hindi na ako bata para maniwala pa diyan!" natatawang reklamo ng kaniyang kapatid.
"Gian, ikaw pa rin ang maliit kong kapatid. Pasalamat ka na lang at mas matangkad ka sa akin. Ikaw pa rin ang baby boy ko, ang bestfriend ko at ang aking ultimate MVP."
Napawi ang ngiti sa labi ng kaniyang kapatid sa huli niyang sinabi. Tumingin ito sa labas ng binatana habang naglalaro ng basketball ang mga kaibigan nito.
"Hindi na ako makakapaglaro, Ate Andeng," mahinang sabi nito na pinilit na ngumiti nang balingan siya nito.
"Gagaling ka... alam ko na gagaling ka. Babalik ulit ang dati mong sigla, makakapaglaro ka ulit ng basketball at magiging MVP ka sa lahat ng liga at panunporin kita. Magpapagawa ako ng malaking tarpaulin at ilalagay ko ang pangalan mo roon."
Nagkamot ng ulo si Gian sa kaniyang ginawa. "Hay, naku, Ate Andeng."
"Nahiya ka na naman, proud ate mo ako, Gian." Ibinalik niya ang mga hawak niya sa kusina at pinigil ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi dapat niya ipakita ang kahinaan niya sa harapan ng kaniyang kapatid. Tuloy ang laban ng buhay... siya lamang ang lakas nito at hindi dapat siya pinanghihinaan ng loob.