Prologue
Prologue
"Ano ka bang bata ka at palagi mo na lang pinapasakit ang ulo ko!" Nagagalit na sabi ni Nana Puring kay Victoria, nang puntahan niya ito sa barangay.
Nakulong lang naman kasi ang dalagita dahil sa pandurukot na naman nila ng mga kasamahan niya.
"Sinabi ko na kasi sa'yo na huwag ka ng sumama-sama riyan sa grupo ni Patrick. Bakit ba ang tigas ng ulo mo na bata ka? Akala ko naroon ka sa paaralan subalit lumiban ka na naman para sumama diyan sa grupo ni Patrick!" Paninermon pa rin ni Nana Puring sa alaga niya.
Nakasimangot ang mga nguso ni Victoria, habang pinapagalitan nito ni Nana Puring.
Nakayuko ang dalagita habang lumalabas sila sa sa opisina ni Kapitan. Nasangkot na naman kasi ito sa gulo. Nahuli ang mga kasamahan niya, at itinuro siya na siya ang nanguha ng pitaka ng isang mama na dayo lang din sa lugar nila.
Siya nga ang kumuha ng pitaka at agad niya itong ibinigay sa mga kasamahan niya, subalit nahuli ang mga ito kaya nadamay na rin siya.
"Sorry po, Nana Puring. Hindi na po mauulit," hingi ng paumanhin ng dalagita sa Yaya niya na kasama niya mula pa noong sanggol siya.
"Palagi ka naman ganyan, Toyang. Hihingi ka sa akin ng sorry, sasabihin mo hindi na uulit, pero sa susunod na araw uulit ka na naman. Ano na lang ba ang gagawin ko sa iyong bata ka? Aba'y gusto mo yatang manirahan na lang sa kulungan habang buhay?" walang tigil na panenermon sa kanya ni Nana Puring.
"Saka na po ako titira sa kulungan Nana Puring, kapag napatay ko na po ang mga pumatay sa mga magulang ko," sagot pa nito sa matanda na siya namang ikinagulat ni Nana Puring.
Hindi iyon inaasahan ni Nana Puring, na sasabihin iyon ni Victoria.
"Masama iyang iniisip mo, iha. Ipasa-Diyos mo na lang ang mga gumawa noon sa mga magulang mo. Ilang imbestigador na ang binayaran ko upang hanapin ang mga pumatay sa magulang mo, subalit wala man lang silang mahanap na lead kung sino," sabi ni Nana Puring sa bata.
Nagpara ng tricycle si Nana Puring, at sumakay na sila ni Victoria.
''May palatandaan po ako kung sino ang pumatay sa mga magulang ko, Nana Puring. Nakita ko po ang tattoo niya sa kamay na isang cross at my ahas na nakapalupot roon. Tapos may nakasulat pa roon sa gilid na T-gang," wika pa ni Victoria sa Nana Puring niya.
Pitong taong gulang siya noong patayin ang kaniyang mga magulang. Itinago siya sa cabinet ng kanyang ama at sinabihan na kahit anong mangyari ay huwag siyang sumigaw o umiyak at huwag na huwag siyang umalis sa cabinet. Nasa isang hotel sila noon, subalit pinasok ng mga kriminal ang silid kung saan sila naka-check in. Walang awa na pinatay ang kanyang mga magulang. Sumilip si Victoria sa awang ng cabinet. Nakita niya ang kamay na may hawak na patalim at walang awang sinasaksak ang kanyang ama, kaya natatandaan niya ang tattoo na nakaguhit doon sa kamay ng kriminal.
Simula noon nangaako siya sa kanyang sarili na maghihiganti siya at hahanapin ang pumatay sa kaniyang mga magulang.
"Kalimutan mo na iyon, iha. Mabuhay na lang tayo na tahimik. Mag-aral ka ng mabuti para pagdating ng araw, mapapatakbo mo ng maayos ang mga negosyo at mga ari-arian na iniwan sa'yo ng mga magulang mo," pagpapayo sa kanya ni Nana Puring, at hinaplos pa nito ang kanyang ulo.
Simula ng mamatay ang kanyang mga magulang ay hindi na siya naalis sa pangangalaga ni Nana Puring. Para na siyang anak kung ituring ni Nana Puring dahil wala namang asawa at anak ang Yaya niya.
Labing anim na taon na ngayon si Victoria. Subalit kahit isang sandali hindi niya kinalimutan ang pag-iisip na maghihiganti siya sa pumatay sa kanyang mga magulang. Kaya kahit bata pa lang siya ay sumali siya sa mga tournament sa paaralan. At pagtungtong niya ng high school, ay sumabak siya sa Arnis tournament. Pati ang taekwondo ay hindi niya rin iyon pinalampas.
Palagi siyang nananalo. Habang nag-aaral siya sa high school sikreto siyang nagbabayad sa mga nagtuturo sa kanya sa karate at sa aikido. Lahat ng uri ng karate ay gusto niyang pag-aralan.
Palagi na lang sumasakit ang ulo ng Nana Puring niya sa kanya, subalit hindi mapigil ni Nana Puring ang kagustuhan ni Victoria. Natatakot na nga si Nana Puring, dahil nasasangkot na ang alaga niya sa gulo. Ilang beses niya na itong sinundo sa barangay.
"Kapag inulit mo pa ito, Toyang. Ipapakulong na talaga kita," pananakot sa kanya ni Nana Puring.
"Pangako po Nana Puring, hindi ko na po uulitin," sabay taas niya ng kanyang kaliwang kamay sa matanda na sumusumpa na hindi na uulitin ang ginawa.
Bumuntong hininga ng malalim ang matanda. "O, sige. Maghain ka na at kakain na tayo," utos sa kanya ng matanda.
Sinunod naman ni Victoria, ang utos na iyon sa kaniya ni Nana Puring. Kumain silang dalawa.
Kinabukasan fiesta sa bayan ng Roxas, kaya hindi pinalampas ni Victoria, ang mga nakakaaliw na palabas sa plaza.
Kasama niya si Patrick, ang kababata niya.
"Nagugutom ako, Patrick. May pera ka ba riyan?" tanong ni Victoria sa binatilyo.
"Alam mo naman na binawi ang wallet na nadukot mo kahahapon. Kung hindi lang sana kumanta si Basilio, eh 'di, sana tiba-tiba tayo," sabi naman ni Patrick kay Victoria.
Napahawak si Victoria sa kaniyang tiyan, talagang nagugutom na siya. Saktong-sakto at may misa ngayon.
"Dito ka lang muna Patrick, ha? Sasamba lang ako, magbabawas lang ako ng kasalanan ko," paalam ni Victoria kay Patrick.
"Sige, rito lang ako. Manonood lang ako ng mga palabas," tugon naman ni Patrick sa kaniya.
Pumasok na nga si Victoria sa simbahan. Pumwesto siya sa isang bakanteng upuan na malapit sa Gobernador at sa mga bisita nito.
Nag-sign of the cross si Victoria, ng makita niya ang nakausling wallet ng bisita ng Gobernador. Kung hindi siya magkamali parang labing-walong gulang na ang isa sa mga bisita ng Gobernador.
Unti-unting lumapit si Victoria sa likod ng binata. Walang kahirap-hirap na dinukot niya ang wallet ng binata. Nag-sign of the cross siya bago lumabas ng simbahan.
Nakangiti habang patungo siya sa banyo. Pagdating sa banyo binuksan niya ang wallet. Tumambad sa kanya ang sampung libo na nakalagay sa wallet pati ang lisensya ng binata.
Namangha si Victoria, sa larawan na nakita niya roon. Medyo kupas na ang larawan na iyon subalit may nakapangalan doon. 'Zyross love Victoria' medyo kinilig pa siya ng mabasa ang pangalan na nakasulat sa larawan. Isang batang babae at batang lalaki ang nasa larawan kung hindi siya nagkamali Victoria, rin ang pangalan ng babae at Zyross, ang pangalan ng lalaki.
Kinuha ni Victoria, ang pera subalit tinago naman niya sa kaniyang bag ang wallet.
Lumabas siya ng banyo at kumaha ng isang libo. Pagkatapos ay nagtungo siya kay Patrick.
"Patrick sa'yo na itong isang libo, oh! Bumili ka ng gusto mo uuwi na ako," paalam niya kay Patrick.
Nagtataka na tinanggap ni Patrick ang pera na inabot niya. "Nandukot ka? Magkano 'yong nakuha mo?" tanong ni Patrick sa kaniya.
"2,000 lang hati na tayo. Ikaw na lang ang bahala magbigay sa mga grupo. Sabihin mo kay Basilio, salamat kamo sa panlalaglag niya sa akin. Hindi muna ako sasama sa susunod nintong lakad dahil mag-aaral muna ako," sabi ni Victoria kay Patrick.
Hindi alam ng binatilyo na sampung libo ang nakuha ni Victoria sa wallet na iyon.
Nakakunot noon na lang si Patrick na tumingin kay Victoria habang paalis na ito.
Umuwi si Victoria at itinago niya ang wallet na iyon na kinupit niya.
Ilang sandali pa ang lumipas ay nag-order siya sa online ng hamburger at fried chicken. Wala si Nana Puring. Nasa plaza rin marahil ito at nanonood ng mga palabas.
Pagsapit ng hapon hapong-hapo si Nana Puring na dumating. "Toyang, nariyan ka ba?" Narinig ni Victoria. Toyang, ang tawag na iyon ni Nana Puring sa kanya. Si Nana Puring, lang talaga ang pinahintulutan niya na tawagin siyang Toyang. Subalit kapag ibang tao na ay nagagalit na siya. Para sa kanya kasi panlalambing lang iyon ni Nana Puring sa kaniya.
Lumabas siya ng kaniyang silid habang gulo-gulo ang kanyang mga buhok.
"Bakit po, Nana?" tanong niya sa kaniyang yaya, habang kinukusot niya ang kanyang mga mata.
"Lumabas ka ba ng bahay," tanong ni Nana Puring sa kaniya, habang nanlalaki ang mga mata nito.
Nakunot ang noo ni Victoria. "Lumabas po ako kanina, Nana. Kasi nandilig ako ng mga halaman," sagot niya sa kaniyang Nana Puring.
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Pumunta ka ba sa plaza?"
Tumango-tango si Victoria, kaya lalo na namang sumakit ang ulo ni Nana Puring.
"Pumunta po ako kanina, Nana. Pero umuwi rin ako kaagad kasi nagutom ako. Bakit po ba, Nana? May problema po ba?" tanong pa ni Victoria sa matanda.
"Malaki talagang problema dahil nadukutan ng walletbang anak ng bisita ni Gobernador. Kaya lahat ng mandurukot pinapatawag ni Gobernadir, at isa ka na roon. Kaya sabihin mo nga sa akin ang totoo may kinalaman ka na naman ba sa pagdukot doon sa anak ng bisita ng gobernador?" Nangongonsuming tanong ni Nana Puring sa alaga niya.
Agad na umiling-ilig si Victoria, sa tanong na iyon ng kanyang Nana Puring.
"Wala po akong kinalaman doon, Nana Puring. Maghapon po akong tulog dito sa bahay," katwiran ni Victoria. Kung titigan mo siya parang napakainosente niyang bata. At sino ba naman ang maniniwala na isa siyang mandurukot dito sa bayan ng Roxas?
"Huwag ka na sa akin mangatwirain! Magbihis ka na at humarap ka doon kay gobernador. Puro na lang sakit sa ulo ang binibigay mo sa akin na bata ka," utos sa kanya ni Nana Puring . Habang pakamot-kamot naman ito ng kanyang ulo.
Ilan sandali pa dumating ang mga tanod ng barangay at ang first konsehal. "Nana Puring?" tawag ng konsehal.
"Oh, bakit po? Pasok po muna kayo," anyaya naman ni Nana Poring sa mga ito.
"Huwag na po Nana Puring. Pinapaimbitahan po pala ni Kap ang dalagita ninyo para humarap po doon kay gobernador," sabi ng first konsehal kay Nana Puring.
"Pinapabihis ko na nga po, saglit lang! Maupo po muna kayo konsehal," alok ni Nana Puring sa mga taga barangay.
Ilan sandali pa lumabas na si Victoria. Suot nito ang mini skirt niya at hanging blouse. Alam niya rin kasi na baka makaharap niya ang dinukutan niya gusto niyang magpa-impress dito.
"Ano ba 'yang suot mong bata ka? Palitan mo nga iyan," saway sa kanya ni Nana Puring.
"Maganda naman po ang suot ko, Nana Puring. Ayos lang po ito sa akin," pagmamatigas naman ng dalagita.
"Hayaan niyo na po, Nana Puring ang suot ni Victoria. Baka naghihintay na si Gobernador," sabi ni konsehal.
Wala na ngang nagawa si Nana Puring, kundi samahan na lamang ang alaga niya. Sumakay sila sa patrol na dala ng barangay.
Pagdating nila doon sa opisina ni gobernador naroon ang grupo ni Patrick. Masama naman ang tingin ni Victoria kay Basilio dahil nilaglag siya nito kahapon.
"Isa ito sa mga kasama ninyo?" Agad na tanong ni Mr. Ronaldo Sebastian. Ang ama na dinukutan ni Victoria.
"Magaling po mandukot ang batang iyan, Mr Ronaldo. Sa katunayan po kalalabas niya lang kahapon sa barangay," sabi ni kapitan sa bisita ni Gobernador.
Nariyan din si Zyoss. Hindi ito makapaniwala na magawa ng babaeng ito na dukutan siya kung sakali man.
Naagaw talaga ni Zyross, ang atensyon ni Victoria. Panay pa-cute ng dalagita sa binata.
Panay ang hawi ni Victoria ng kanyang buhok, habang walang kakurap-kurap na nakatingin siya kay Zyross.
"Ikaw, iha. Ikaw ba ang dumukot ng wallet ni Zyross?" agad na tanong ni Gobernador kay Victoria.
Agad naman itinanggi ng dalagita ang pagkumpronta na iyon sa kanya ng gobernador.
"Hindi po. Nasa bahay lang po ako. Anong oras po ba siya ng wala ng pitaka?" tanong ni Victoria sa gobernadorm habang nakatingin ito kay Zyross.
Bumaling naman ang gobernador kay Zyross. "Hindi ko po tiyak, Tito. Basta napansin ko na lang na nawala ang pitaka ko noong lumabas na tayo sa simbahan," sagot naman ni Zyross.
Tumaas ang kilay ni Victoria nang marinig ang sagot si Zyross. "Hindi ka pala tiyak sa oras. Kaya bakit po kami ang pinagbibintangan ninyo? Baka naman po wala kayong dalang pitaka at nakalimutan niyo lang kung saan inilagay."
Napunot ang noo ni Zyross, sa pagmamaldita na iyon ni Victoria, sa kanya. Para bang pinapalabas nito na kasalanan niya na nawala ang kanyang wallet.
"Hindi ako ulyanin, Ening. Noong pumasok ako sa simbahan nariyan pa ang wallet ko. Pero noong paglabas ko wala na. Kaya imposible na mawala iyon kung walang kumuha!" naiinis na sabi ni Zyross kay Victoria.
"Eh, malay mo kinuha ni Papa Jesus at binigay niya kay Mama Mary. Nakita mo ba isa sa amin na pumasok sa simbahan?" tanong ni Victoria sa binata.
Lalong nagsalubong ang mga kilay ni Zyroos sa sinabing iyon ni Victoria. "Ikaw dinamay mo pa talaga si Papa Jesus at Mama Mary. Kababae mong tao mandurukot ka! Hindi mo ba alam na isa kayo ng salot sa lipunan?" nanggigigil na sabi ni Zyross kay Victoria.
"Bakit nakita mo ba na nandukot ako? May ebedensiya ka? Hindi mo nga ako nakita na pumasok sa simbahan kanina, hindi ba?'' pagtatanggol naman ni Victoria sa kaniyang sarili.
"Kayo pumasok ba kayo sa simbahan?" tanong pa ni Victoria sa mga kasamahan niya.
Agad naman tumanggi ang mga kasamahan niya. Subalit alam ni Patrick na siya lang ang pumasok sa loob ng simbahan kanina at paglabas nito ay inabutan niya ng pera si Patrick, subalit alam ni Victoria na hindi siya ilalaglag ni Patrick.
"Hindi ba magkasama tayo Patrick kanina? At hindi tayo nakapasok sa simbahan? Umuwi nga ako dahil nagugutom ako tapos hindi na ako nakabalik?" sabi pa ni Victoria kay Patrick.
Tumango-tango naman ang binata sa kanya. "Nanonood lang po kami kanina ni Vikay, ng palabas sa plaza. Saka hindi po kami nakapasok sa loob ng simbahan," wika ni Patrick sa mga kaharap nila.
"Well, wala namang magnanakaw na umaamin. Hayaan na lang natin iyon, Dad. Pero I suggest you, Tito na maglagay kayo ng cctv sa bawat lugar para sa susunod na may madukutan makikita kung sino talaga ang mandurukot. Karmahin din ang kumuha ng wallet kong iyon. Sana mapilayan na lang siya o 'di kaya maputulan ng kamay," sabi ni Zyross sa gobernador.
Naubo bigla si Victoria sa sinabing iyon ni Zyross. Bigla niyang kinontra sa isipan niya ang sinabing iyon ni Zyross. 'Lord, huwag naman po sana. Last ko na po mandukot hindi na po ako uulit," bulong ni Victoria sa kanyang isipan.
Tiningnan siya ng makahulugan ni Zyross. Subalit nginitian niya lang ito at nagpapa-cute pa siya. Lalo lang naiinis ang binata sa kanya dahil malakas ang instinct ni Zyross. Sa pag-ubo na iyon ni Victoria, para kay Zyross ay guilty ang dalagita. Subalit wala siyang sapat na puwerba na magpapatunay na ito ang kumuha ng kanyang wallet.
Pinakawalan na lang sila ni gobernador. Dahil wala namang sapat na ebidensya na sila nga ang nandukot sa pitaka ni Zyross.
"Ang gwapo niya, ano? Nakangiti na sabi ni Victoria kay Patrick, nang makalabas na sila sa gobernador office.
Nakunot ang noo ni Patrick, habang nakatingin kay Victoria. Hindi ka pwede ma-inlove roon dahil mayaman iyon. Ang mayaman ay para lang sa mayaman at ang mahirap ay para lang sa mahirap," pambabara ni Patric kay Victoria.
Ngayon lang nakaramdam si Victoria, ng paghanga sa isang lalaki at nararamdaman niya iyon kay Zyross.
"Alam mo Patrick? mali ang kaisipan mong iyan. "Ang mayaman para sa mahirap, para ang mahirap maging mayaman gano'n lang 'yon. Kapag nag-asawa ako pipiliin ko 'yong mayaman para lalo pa ako maging mayaman," sabi ni Victoria sa kababata niya.
"Ewan, ko sa'yo! Huwag kang mag-ambisyon ng mataas. Mabuti pa mag-aral ka na lang ng mabuti. Tigilan na natin 'yong pandurokot dahil mamaya baka ito pa ang dahilan para masawi tayo," sabi pa ni Patrick sa kaniya.
"Alam mo kahit hindi na ako mag-aral dahil mayaman naman ako. Kaso sabi ni Nana, kailangan ko pa rin mag-aral para may matutunan ako at magamit ko sa paglaki ko," sabi pa ni Victoria kay Patrick.
"Ayan ka na naman, nangangarap ka na naman ng gising. Kung mayaman ka hindi sana kayo nakatira ni Nana Puring sa tagpi-tagping bahay. At sana palaging bago ang mga suot mong damit. Punit-punit nga 'yong mga damit mong suot."
Hindi na lang nagsalita pa si Victoria sa sinabing iyon ni Patrick. Tama nga naman si Patrick dahil kung mayaman siya hindi sila magtitiis ni Nana Puring, sa isang tagpi-tagping bahay na nakatirik pa sa gilid ng tulay.
Oo, natatandaan niya na mayaman siya noong bata pa siya dahil lahat ng gusto niya binibigay sa kanya ng kanyang mga magulang at mansyon ang tinitirahan nila noon. Masasarap na pagkain ang nakahain palagi sa lamesa.
Pagdating ni Victoria sa kanilang bahay tinanong niya si Nana Puring.
"Nana Puring, sabi niyo po mayaman ako, pero bakit ganito po yong buhay natin?"
Nagsalubong naman ang kilay ng matanda sa tanong niyang iyon. "Kaunting tiis na lang, iha. Isang taon na lang makukuha mo na ang pamana sa iyo ng iyong mga magulang. Pagsapit mo ng labing taong gulang, pwede mo ng mahawakan ang kompanya ng iyong ama. Pwede mo na rin ma-withdraw ang pera na pinamana nila sa'yo. Ang pwede mo lang kasing makuha ay ang educational plan mo, kaya iyon ang ginagamit natin sa ating pang araw-araw at sa pag-aaral mo. Kaunting tiis na lang, anak. Makukuha mo na rin ang mansyon ninyo sa bangko kapag dumating ka na sa tamang gulang," paliwanag pa sa kanya ni Nana Puring.
Subalit para kay Victoria, gawa-gawa na lang iyon ni Nana Puring, para hindi siya malungkot. Tanggap naman ni Victoria ang buhay nilang dalawa ni Nana Puring.
Lumipas pa ang ilang araw habang naglalakad si Victoria at si Patrick, sa plaza bigla na lang may huminto na van sa kanilang tabi. Isinakay roon si Victoria at naiwan si Patrick.
Sobrang kinabahan si Victoria ng nasa loob na siya ng van dahil may mga babae roon na kasama niya at umiiyak.
Tahimik lang siyang nakaupo. Habang pinapakinggan ang ingay ng iyak ng mga kabataan na nasa kanyang tabi.
Tinatakpan na lamang niya ang kanyang tainga.
Hanggang ibinaba sila sa tabi ng dagat at may barko roon na naghihintay sa kanila.
"Saan niyo kami dadalhin?" matapang na tanong ni Victoria sa lalaking humahawak sa kanyang braso. Nakapiring ang kanilang mga mata. Alam niya na nasa tabi sila ng dagat dahil sa hampas ng alon sa dalampasigan at sa mga buhangin na kanyang inaapakan. Nakapaa lang siya dahil ang tsinelas niya ay nawala nang bigla siyang isakay sa Van.
"Manahimik ka at sumunod ka na lang!" sabi sa kanya ng lalaki na humahawak sa kanya.
"Wala nng magawa si Victoria, kundi tanggapin ang kanyang kapalaran, na ang mundong ito hindi patas ang buhay.
May ipinanganak na swerte at mayroong ipinanganak na malas. Para sa kanyang isip ito ang kabayaran ng lahat ng kasalanan na nagawa niya. Subalit hindi siya na panghinaan ng loob, bagkus umaasa siya na darating pa rin ang araw na makamit niya ang hustisya sa pagkamatay ng kanyang mga magulang.