PROLOGUE
Nagbuntong hininga si Lawrence saka itinigil sa gilid ng kalsada ang sasakyan. Kinuha niya ang notepad saka iyon sinulatan. Pagkatapos ay inilagay sa loob ng kahita kasama ang singsing. Bumaba siyang tangan ang maliit na kahon. Pinuno niya ng sariwang hangin ang dibdib saka pinagsawa ang paningin sa magandang tanawin sa ibaba ng cliff na kinatatayuan niya.
Siguro talagang hindi lang sila para sa isa't-isa ni Claire dahil kahit hindi niya aminin alam naman niya sa sarili niyang hindi rin naman siya naging patas sa dalaga. Sa katunayan iyon ang dahilan kung bakit kahit kaya niyang ibili ito ng mamahaling diamond engagement ring ay ruby ang mas pinili niya.
Minahal ko si Claire sa paraang alam ko. Pero bakit ganoon, kahit alam ko mismo sa sarili kong baka masaya kana ngayon sa piling ng iba? Bakit ang hirap mong kalimutan? Anya? Ang isang bahagi ng isip niya. Saka pagkatapos ay noon niya inihagis ng malakas palayo ang kahita sa cliff saka muling sumakay sa loob ng sasakyan.
AFTER FIVE YEARS...
SA bahaging iyon ng gubat piniling mangahoy ni Benjamin. Malapit iyon sa mansyon ng mga Medina at ang bahaging iyon ng bayan nila ang isa sa pinakapaborito niya. Sa looban naroon ang isang maliit na ilog na dinadaluyan ng malinis na tubig. Katatapos lang ng bagyo at tiyak niyang maraming nangabaling sanga at nabuwal na puno. Ayon sa balita, mayroon nanamang namumuong sama ng panahon at malamang ay pumasok iyon sa bansa sa susunod na linggo. Hindi ganoon kainit ang sikat ng araw kaya alam niyang mahihirapan siyang magpatuyo pero mainam narin iyon. Ang importante ay makarami siya ng kahoy na panggatong na siyang pangunahing gamit nila sa pagluluto.
Napangiti siya nang matanawan ang isang puno ng ipil na nakahambalang sa daraanan. Hindi nga siya nagkamali. Nang makalapit ay sinimulan niya iyong sibakin gamit ang dala niyang itak. Walang masyadong nangangahoy sa parteng iyon ng gubat dahil masyadong tago at mahirap pasukin. Pero wala iyon kay Benjamin. Lahat kaya niyang tiisin para sa kanyang Lolo Benito at Lola Nena.
Hinihingal niyang itinuwid ang likod, hinawakan ang laylayan ng suot niyang tshirt at saka ipinantuyo sa pawisan niyang mukha. Wala sa loob niyang tiningala ang itaas nang kagabutang kinaroroonan niya. Ang maunlad na bayan ng Don Arcadio kung saan nakatira ang kilalang alahera na si Aling Lilia.
Lahat nalang yata ng mayayaman sa bayang iyon at maging sa kalapit pang bayan gaya ng kanila na kilala bilang bayan naman San Fernando ay doon namimili ng mga alahas lalo na ng engagement ring at wedding ring.
Makalipas ang kulang isang oras ay nagawa niyang putol-putulin ang katamtamang laki ng puno ng ipil-ipil. Pagkatapos, mula sa likurang bulsa ng kanyang pantalon ay hinugot niya ang isang sako at saka inilagay sa loob ang nasibak na kahoy. Sa bahay na niya itutuloy ang pagsisibak ng mga iyon. Mula sa pagkakayuko, nagsalubong ang kanyang mga kilay nang mamataan ang isang maliit na kahon. Kasabay niyon ay ang agarang pagbundol ng kaba sa kanyang dibdib sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.
Dinampot niya iyon. Habang hindi alintana ang kakaiba at nakakalitong emosyon sa kanyang dibdib. Marumi iyon at balot ng putik dahil marahil sa nakalipas na pag-ulan. Ikinuskos niya sa suot niyang pantalong maong ang kahita para lang matigilan nang mabasa ang nakasulat sa ibabaw niyon. Lilia's Jewelry Store.
Binuksan niya ang kahita para lang masorpresa sa isang kulay dilaw na papel, kinuha niya iyon para lang panuyuan nang lalamunan nang tumambad sa kanya ang isang napakagandang singsing na batong ruby ang dulo.
Pinanghinaan siya ng tuhod kaya minabuti niyang tumalungko. Noon niya hinarap ang maliit na papel na nakita niyang kasama kanina ng singsing. Inaasahan niyang my note doon at hindi nga siya nagkamali. Una niyang binasa ang date para lang mapangiti. Five years ago, saka niya sinimulang basahin ang naka-note doon.
Sa Iyo,
Ang buhay raw ay puno ng ikalawang pagkakataon. Sana bigyan mo ng second chance ang singsing na ito na makita ang talagang para sa kanya.
Lawrence Joseph Lerios
Naguguluhan man ay minabuti ni Benjamin na ibalik sa loob ng kahon ang maliit na papel kasama ang singsing. Sa ngayon isa lang ang talagang tumatakbo sa isipan niya, ang ibigay iyon sa dalawang matanda at bahala na ang mga ito doon.
"LOLO, Lola tingnan ninyo itong napulot ko sa gubat habang nangangahoy ako" ang hinihingal niyang sabi nang makapasok sa loob ng bahay at inabutang nagpapahinga ang dalawang matanda.
"Ano?" ang halos magkapanabay pang tanong ng mga ito.
Noon niyang nakangiting inilabas ang kahita mula sa kanyang bulsa, binuksan iyon saka pagkatapos ay kinuha sa loob ang singsing. "Malaking pera ito kapag ipinagbili natin" iyon naman talaga ang nasa isip niya kanina pa.
Wala silang maraming utang kung tutuusin dahil hindi naman sila talagang maluho. At kung sakali alam niyang maitatabi nila ang napagbilhan ng singsing na iyon.
Nakita niyang nagpalitan ng makahulugang tingin ang kanyang lolo at lola saka nakangiting nagsalita sa kanyang ang matandang lalaki. "Itabi mo na iyan, sa'yo iyan Benjamin" anito sa kanya.
Taka siyang napatitig sa mabait na mukha ng kanyang Lolo Benito. "P-Pero Lo, hindi ko naman ito kailangan, pambabae ito" aniyang natawa pa ng mahina sa huling tinuran.
"Iyon na nga, pambabae iyan. Ibigay mo iyan sa babaeng pakakasalan mo" ang kanyang Lola Nena.
Noon niya takang tinitigan ang dulo ng mamahaling singsing. Ang totoo kasi, hindi iyon pumasok sa isip niya dahil bukod sa wala naman siyang nobya sa ngayon. Malayo pa sa plano niya ang tungkol doon. Dahil ang priority niya ngayon ay mag-aral at iahon sa hirap ang dalawang matanda.
"S-Sigurado ho ba kayo?" ulit niyang tanong.
Tumango ang dalawang matanda. "Sige na maligo kana at magpahinga. Naglaga ako ng saging na saba, kumain ka kung nagugutom ka. Bukas mo na sibakin iyong mga kahoy. Tutal linggo naman at walang pasok sa eskwela" ang kanyang Lola Nena.
AFTER ONE YEAR
MULA sa pagkakayuko sa binabasang libro ay agad na lumukso ang puso ni Sara nang marinig ang isang pamilyar na sipol sa nagmumula sa bukas na veranda. Noon siya nagmamadaling tumayo saka iyon tinungo para lang mapangiti.
"Benjie!" mahina niyang sambit nang mabungaran ang nobyo niyang nakangiting nakatingala sa kanya. Hawak nito ang isang tangkay ng kulay pulang rosas na alam niyang pinitas ng binata sa mismong garden nila.
Tumango siya saka lumapit sa may pasemano nang sumenyas itong aakyat. Gaya nang dati ang nakalawit na bakal na hagdan na siyang pinaka-exit sakali mang magkaroon ng emergency ang ginamit ni Benjamin.
"Hello" anitong iniabot sa kanya ang rosas.
Tinanggap niya iyon saka inilapit sa kanyang ilong. "Gabi na, bakit nagpunta ka pa rito?" sa kabila ng tuwang nararamdaman niya ay iyon ang naitanong niya sa binata.
Noon nito hinagod ng tingin ang kanyang mukha. "Alam mo namang nahihirapan akong matulog kapag hindi kita nakikita hindi ba?" pabulong pero malamyos ang pagkakasabi kaya nag-init ang mukha ni Sara sa sinabing iyon ng kasintahan.
Umikot ang mga mata ni Sara sa narinig bagaman nakangiti. "Umiral nanaman iyang bulaklak ng dila mo" aniya.
Malagkit ang titig na pinagmasdan siya ni Benjamin. "I love you" anito.
Kinikilig niyang nakagat ang pang-ibaba niyang labi saka humakbang palapit kay Benjamin. "I love you too" aniya.
Nangislap ang mga mata ng binata sa sinabi niyang iyon. "Someday ipagpapatayo kita ng ganito kalaking mansyon. At gaya ng Lolo at Lola mo, ang palasyo natin ang magiging simbolo ng pagmamahalan at pagsisikap nating dalawa."
Kinikilig siyang napabungisngis. "Hindi ko nga ma-picture ang sarili ko na tumatawa at tumatanda na ibang lalaki ang kasama ko eh" pag-amin niya.
Mula sa pagkakakapit sa pasemano ay inabot ng binata ang mukha niya saka iyon hinaplos. "Ikaw ang dahilan ng lahat ng pagsisikap ko. Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa'yo, kasi gusto kong ibigay ang buhay na nababagay para sa'yo. Pero sana ipangako mo sa akin na habang wala tayo doon hindi ka bibitiw, hindi ka susuko."
Nag-init ang mga mata ni Sara pero pinigil niya ang mapaiyak. Hinawakan niya ang kamay ng binata na nasa kanyang pisngi saka iyon buong pagmamahal na hinalikan."I promise that my heart will hold on to you forever" aniya saka hinalikan ang binata.