TWO WEEKS LATER
PINAGHALONG excitement at kaba ang nararamdaman niya para sa nalalapit niyang pag-uwi ng Pilipinas. Matagal na panahon narin kasi at talagang excited siyang makita at masilayan ang lugar na masasabi niyang sa maikling panahon ay itinuring niyang sarili niyang tahanan. Ang bayan ng San Fernando.
Sa susunod na araw na ang lipad niya pauwi ng Pilipinas. At dahil iyon nalang ang araw na libre siya ay minabuti niyang kumpletuhin na ang lahat ng pasalubong na iuuwi niya para sa mga tauhan sa mansyon. Napabuntong hininga siya nang maalala ang kagustuhan ng mga magulang niyang ibenta ang bahay na magkasamang itinayo ng kanyang Lolo Antonio at Lola Lilia. Mga parehong magulang ng kanyang ama.
Lolo ayokong mawala ang mansyon. Kasi para sa akin doon nabuo ng husto ang pagkatao ko. Hindi lang dahil sa doon kita nakasama, kundi dahil narin sa kanya.
Alam niyang mali ang ginagawa niya at unfair para sa nobyo niyang si Marcus pero totoong mahirap turuan ang puso. Dahil kahit sabihing sampung taon na ang mabilis na nagdaan, hanggang ngayon hindi parin niya makalimutan si Benjamin. Hindi nabura minsan man sa isipan niya ang gwapo nitong mukha. Ang magaganda nitong mga mata, at higit sa lahat ang maiinit nitong halik at mahigpit na yakap sa kanya.
Kahit alam kong posibleng may iba ka nang niyayakap at hinahalikan ngayon, bakit hindi ko magawang ibigay ng buo ang puso ko kay Marcus? Bakit ang hirap mong kalimutan?
Sinubukan niyang hanapin si Benjamin gamit ang internet pero nabigo siya. Naunawaan niya, nasa personalidad naman kasi ng binata ang hindi mahilig sa social media. Dahil kung ibabase sa pagkatao ni Benjamin noon, masyado itong seryoso at laging inuuna ang mga bagay na alam nitong pakikinabangan talaga nito.
Pero kung nagkataon, naitanong rin niya sa sarili. Paano kung halimbawang may f*******: account ito, at sa profile picture nang binata naroon at kasama nito ang maganda nitong asawa? Anong mararamdaman niya? Ngayon palang ay nasasaktan na siya.
Sa parking lot ng mall itinigil ni Sara ang dala niyang kotse saka bumaba. Kapapasok lang niya sa entrance ng malaking pamilihan nang mamataan ang isang pamilyar na mukha. Agad na sumikdo ang dibdib niya gawa ng matinding kaba. Si Marcus, kasama ang isang bata at magandang babaeng typical Norwegian ang itsura na nakilala niyang si Kimmy ang isa sa dalawang assistant ng binata sa clinic.
Kinutuban man pero mas pinili niyang ikalma ang sarili. Alam niyang hindi makatutulong ang paghihisterya pero mabilis na uminit ang mukha niya nang makitang naglapat ang mga labi ng dalawa. Sa kabilang bahagi ng kanyang dibdib naramdaman ni Sara ang kirot na gumuhit doon. Sa dinami-rami nang naging nobyo niya, ngayon lang niya naranasan ang ganito. At talagang masakit pala. Kahit naman kasi sabihing hindi niya nakalimutan si Benjamin, minsan man ay hindi niya ginawang pagsabayin ang dalawang lalaki gaya ng ginagawang ito ni Marcus sa kanya.
Noon malalaki ang mga hakbang niyang sinalubong ang dalawa. Habang sa isip niya naglalaro ang mga bagay na posibleng ginagawa ng mga ito kapag naiiwan ang mga ito sa clinic. Isama pang nagagawa siyang ngitian ng babaeng ito tuwing dumadalaw siya doon? Lalong nagtumindi ang galit na nararamdaman niya.
"S-Sara!" nanlalaki ang mga mata sa gulat na bulalas ni Marcus nang makita siya nito. Mabilis nitong binitiwan ang kamay ni Kimmy na napansin niyang biglang namutla ang mukha.
"Small world" ang mabalasik niyang turan saka matalim na pinaglipat-lipat ang paningin sa dalawa. Mabilis na nagbaba ng ulo si Kimmy.
"Please, let me explain" ani Marcus nang umakma siyang tatalikuran ang mga ito. Hinawakan pa nito ang kaliwa niyang braso pero mabilis niya iyong nabawi saka ito malakas na sinampal.
"Siguro naman tama na ang sampal na iyan para maging malinaw sayo ang lahat" aniyang iniwan ang mga ito pagkatapos.
"ALING Norma!" ang masiglang bati ni Sara sa matandang mayordoma nang masyon nang makababa siya ng sasakyan.
"Sara" anitong naluluha siyang niyakap. "lalo kang gumanda alam mo ba?"
Ngumiti siya. "Salamat po" aniya.
"Halika na, hayaan mo na iyang mga gamit mo diyan kay Turing nang makakain kana. Niluto ko lahat ng paborito mo" pagmamalaki pa ng matanda. Ang tinutukoy nitong Turing ay ang asawa nitong siya namang driver pa noon ng kanyang yumaong Lolo Antonio. Hindi man nabiyayaan ng anak ang mag-asawa ay masasabi niyang hindi iyon naging kakulangan para mahalin ng mas higit pa ng mga ito ang bawat isa.
Humaplos ang mainit na damdamin sa dibdib ni Sara nang makapasok siya sa loob ng kabahayan. Gaya ng dati, napakaganda parin niyon at halatang na-maintain ng mabuti. Ang mga muwebles nasa dating ayos at hindi rin nagalaw kahit sampung taon na ang nakalipas.
Ang mansyon na magkasamang ipinatayo ng Lolo at Lola niya ay masasabi niyang nahahanay sa mga bahay na classic ang arkitektura. Lumipas man ang mahabang panahon hindi maluluma at malalaos ang desenyo. Naalala niyang sinabi sa kanya minsang inihalintulad pa ng Lolo niya ang bahay na iyon sa pagmamahalan nito at nang kanyang Lola Isabel.
Hindi magmamaliw, hindi maluluma at hindi magbabago ang kagandahan lumipas man ang magpakailanman. Kaya para sa kanya ang bahay na iyon ay totoong sumisimbolo sa pag-iibigan ng dalawang matandang nagsimulang bumuo ng mga pangarap at masayang pamilya doon. Kaya napakahalaga nito sa kanya. Kaya hindi madali para sa kanya ang pakawalan ito ng basta-basta.
Pero bilang solong anak, ang Papa niyang si Roberto ang magde-desisyon ng lahat. Sa loob ng sampung taon, ay nagawang ibenta ng Papa niya ang lahat ng lupain ng ama nito. Maliban nalang sa manggahan na ngayon siya ngang pinaaasikaso nito sa kanya kasama itong mansyon.
Naramdaman niyang hinipo ng lungkot ang kanyang dibdib. Talagang nasasaktan siya hindi pa man dumarating ang araw na iyon. Dahil bawat piraso ng muwebles doon ay puno ng alaala ng dalawang matanda. Lalo na ng Lolo niyang mahal na mahal niya.
Pagkakain ay sinamahan pa siya ni Aling Norma sa dating kwarto na okupado niya. Nasa pinakadulo iyon ng pasilyo. Nang mapasok ang silid ay agad na natuon ang pansin niya sa veranda. Mabilis na nagbalik sa alaala ni Sara ang isang tagpo sa kanyang nakaraan na kahit kailan ay hindi niya nakalimutan na mabilis din naman niyang iwinala. Habang sa loob-loob niya, ramdam niya ang pamilyar at gumuguhit na sakit doon. Alam niyang kabi-break lang nila ni Marcus. Nasaktan siya oo, pero ngayong nandito na siya sa Pilipinas pakiwari niya'y natabunang lahat ang hinanakit niya para sa dating nobyo at sa halip ay nahalinhinan ng bitterness at pangungulila kay Benjamin.
"Maiwan na kita anak" ang tinig ni Aling Norma ang nagbalik kay Sara sa kasalukuyan.
"Sige po Aling Norma" aniya.
"Gigisingin kita kapag handa na ang hapunan" anito."siya nga pala" bago makalabas ng pinto ay muli siyang hinarap ni Aling Norma.
"Ano ho iyon?" aniyang inilapag ang kanyang shoulder sa kama.
"Tumawag si Atty. Ignacio, bukas raw siya paparito para mapag-usapan ninyo ang tungkol sa pagbebenta nitong mansyon" balita sa kanya ng matanda.
Napabuntong hininga doon si Sara. "May buyer na ho bang nabanggit si Attorney?"
Umiling ang matanda. Gaya nang ibang ari-arian ng Lolo niya, lawyer to lawyer ang transaksyon. Well kung tutuusin ay wala namang big deal doon as long as nagkakasundo ang mga ito. Pero this time dahil siguro mansyon ang involve at pati narin ang manggahan ay gusto niyang makilala ang bibili nito. Dahil ang totoo gusto niya itong pakiusapan na i-absorb kung maaari ang mga tauhan ng malaking bahay at maging ang mga tauhan ng orchard dahil sa kawalan ng matutuluyan ng mga ito at kabuhayan ng mga ito.