Kabanata 8

1289 Words
Kabanata 8 Bago pa man makalapit si Peter sa lugar ay pinigilan na siya ni Kinro. “Hayaan mo munang ako ang lumapit. Kontrolin mo muna ang sarili mo dahil wala tayong oras para diyan.” Napatingin si Peter sa bagay na tinitingnan ni Kinro. Nakatitig ito sa kaniyang mga kamay na nakakuyom. May lumalabas na ring itim na usok doon dahil sa pagtusok ng kaniyang mga kuko sa palad. Sinusubukan na lang niyang saktan ang sarili upang makalimutan ang gutom na nararamdaman ngunit hindi pa rin kumbinsido si Kinro na hindi ito makagagawa ng hindi nila nanaisin. Imbis na dugo rin ang lumabas sa mga murklin na gaya niya ay itim na usok ang lalabas. Dahil ang itim na usok ang kaniyang enerhiya, ang kanilang buhay. Mas mabuti na rin ang mag-ingat tutal ay wala naman dito ang mga kapatid ni Chronos. Mukhang wala rin dito ang hinahanap nilang murklin dahil wala siyang naaamoy. Paniguradong mararamdaman din niya kung sakali mang narito nga ito. Sa oras na maglabas ang mga murklin ng itim na usok at ipakita sa ibang murklins ang pagkasabik nila sa emosyon, mararamdaman nila iyon agad. Kung ordinaryong mga murklin nga sila at hindi pa bihasa sa kanilang kakayahan ay imposibleng maitago nila ang pagkasabik nila. Nang dumating ang mga kapatid ni Chronos ay lumapit na rin si Peter sa mga mortal. Ang ilan sa kanila ay naibaba na ni Kinro sa krus kung saan sila nakapako kanina. Ang ilan sa kanila ay wala ng buhay, ngunit halos sampu pa sa kanila ang wala lang malay. Mga nakadilat ang mga mata nila at nakatingin sa kawalan. Nakanganga rin ang mga bibig nila. Kaunting pagkakamali lang nila ay maaari nilang mapatay ang mga ito. Kailangan nilang pigilan ang mga sarili na huwag kumain dahil hindi naman iyon ang kanilang pinunta rito. “Wala akong nakitang kakaiba sa Hilaga,” ani Chloe habang nakaupo at sinisipat ang isa sa mga bangkay. Gaya ng kaniyang inaasahan ay wala na siyang maramdamang takot sa mga ito. Tiyak na sinimot na ng murklin ang lahat ng takot nito. “Kailangan natin silang dalhin sa imperyo,” suhestiyon ni Chelsea bago tumayo at hinarap silang lahat. “Hindi natin sila pwedeng iwan dito dahil naaamoy ko pa rin ang ibang emosyon na nanggagaling sa kanila. Baka hindi lang murklin na kumakain ng takot ang narito. Ito na lang ang magagawa natin para matulungan sila.” Huminga nang malalim si Churchill at sumang-ayon. “Dalhin niyo na ang mga bangkay nila sa imperyo, Gyro,” utos niya sa kaniyang titan. “Wala tayong magagawa kung hindi ang gamutin muna sila roon bago ibalik sa pamilya nila. Kailangan naming manatili para hanapin ang murklin na ‘yon. Hindi dapat tayo nagsasayang ng oras.” Yumuko si Gyro at tinawag ang kaniyang buong unang dibisyon. Naiwan na lamang silang magkakapatid at ang kanilang mga titan maliban sa titan ni Churchill. Naningkit agad ang mga mata ni Peter habang nakatingin sa kapatid. Hindi siya natatakot na mawalay sa kaniya ang kaniyang titan, na isang nakapanghihinalang bagay dahil ang mga titan ay lagi dapat nilang kasama. Para na silang kalahati ng kanilang pagkatao. Kung wala ang isa, ay hindi gagana ang isa pa. Kaya naman nang utusan ni Churchill ang titan ay agad nagtaka si Peter. Ngunit mukhang hindi naman naghihinala ang iba sa kanila. Pero bilang ang manunulat ng kwentong ‘to ay hindi niya mapalalampas ang maliliit na bagay gaya nito. Siya lang ang nakaaalam ng mga ganoong bagay. Siguro ay wala lang para sa kanila ‘yon, pero isa iyong pagsira sa batas na ginawa ni Peter sa kaniyang mundo. “Chloe, Chelsea,” tawag ni Peter sa mga ito, “bumalik kayo sa imperyo upang ipaalam ito kay ama. Kami na ni Churchill ang bahala sa paghanap sa murklin.” Wala namang umangal sa sinabi niya, gaya ng kaniyang inaasahan. Si Chronos ang panganay sa kanila kaya obligado silang sundin ito lalo na sa tuwing may ganitong pangyayari. Kung tutol man sila sa ibang desisyon niya ay kailangan nilang sabihin iyon sa kaniya nang harapan. Agad umalis sina Chloe at Chelsea upang bumalik sa imperyo habang nanatili naman sina Peter sa lugar upang hintayin ang pagdating ng unang dibisyon ni Gyro. Ginawa niya iyong pagkakataon para sipatin ang mga katawan ng mga mortal at tingnan kung may kakaiba ba rito. “Sa tingin mo,” ani Churchill, “may kinalaman ba ang kanilang pinuno sa nangyayari?” Hindi niya inalis ang tingin sa isang bangkay nang sumagot. “Siya ang pinuno nila, may alam man siya o wala, responsibilidad niya ‘to kaya kailangang ipaalam ni ama.” Tumango-tango si Churchill. “Kapag si ama ang humarap sa hari nila, malaki ang posibilidad na magkaroon ng digmaan sa pagitan natin at ng kaharian nila.” “Hindi hahayaan ng Union na magkaroon ng digmaan sa pagitan nating mga murklin. Alam mong sa oras na mangyari ‘yon ay maaaring makialam ang mga caleum lalo pa at may mortal na sangkot sa isyu.” Mahinang natawa si Churchill. Napakunot ang noo ni Peter dahil doon. “Hindi ka talaga nagpapatalo sa tuwing may ganitong isyu, ‘no?” “Huh?” Napataas ang kilay ni Peter habang nakatingin sa lalaki. Pinanood niya itong tumayo mula sa harap ng isang bangkay at humarap sa kaniya. Tipid itong nakangiti sa harap niya, tila malungkot. Pero alam niyang magaling lamang itong magtago ng tunay niyang nararamdaman. Sigurado siyang nag-aapoy na ito sa galit, sa loob-loob niya, dahil nagmamagaling na naman ito. “Kahit anong pagsubok ang kinahaharap natin, ng buong imperyo, para bang kalmado ka pa rin. Na para bang inaasahan mo na ang nangyayari, at ang mga mangyayari pa. Kahit na malaki ang posibilidad na marami ang mapahamak, hindi ka pa rin natitinag. Sana gaya mo rin ako, kapatid.” Gustong mapangiwi ni Peter ngunit pinigilan niya ang sarili. Gustuhin man niyang masapak ang lalaki kahit isa lang ay hindi niya pwedeng gawin. Sa puntong ito ng kwento, wala pang alam si Chronos tungkol sa pagtatraydor nito. Kahit na panaginip lang ito ay ayaw pa rin niyang mabulilyaso ang sarili niyang kwento. “Gaya niyo,” ani Peter, “may kinatatakutan din ako. Pero imbis na magpatalo sa takot, pipiliin ko lagi na maging mas malakas para labanan ‘yon.” Napatulala si Churchill habang nakatingin sa kapatid. Nawala na ang kaniyang ngiti sa mga labi pero kalaunan ay muli rin iyong lumawak. “Kung ikaw ang piliin ni ama na tagapagmana niya ay hindi na ako magugulat, lalo na sa ginawa nating ekspediyon noong nakaraan.” Kumunot ang noo ni Peter. “Ekspedisyon? Anong ekspedisyon ang sinasabi mo?” Napaawang ang bibig niya at magsasalita na sana nang umiling ito. “Ibig kong sabihin ay nalalapit na ekspedisyon natin. Tiyak akong ikaw na naman ang makalulutas at makapagtatapos n’on kaya hindi na ako dapat magulat pa.” Bago pa man makapagtanong si Peter ay dumating na si Gyro kasama ang buong unang dibisyon na hawak niya. Mabilis nilang kinolekta ang mga bangkay at hiniwalay sa mga hindi bago sila umalis sa lugar na ‘yon. Nagsimula ulit silang maghanap sa kabuoan ng kagubatan. Nang masuyod nila ang bawat sulok ay saka lang huminto si Peter sa hangganan ng kagubatan. Mula sa kaniyang kinatatayuan ay tanaw niya ang baryo ng Fract kung saan may mga kabataan na nagkakagulo. Ang ilan sa kanila ay nanonood lang sa gilid at sumisigaw na para bang nasa isang sabong, sinisigaw kung sino ang kanilang pambato. Napabuntonghininga si Peter. “Alam kong ako ang nagsulat nito, pero hindi pa rin ako makapaniwala. Ito na nga ang Fract, ang baryo ng Tribo ng Vad, ang pinakamababang uri ng mga mortal.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD