Nilingon ako ni Kuya Nero nang maramdaman nito na hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko. Muli itong bumalik at nagulat na lang ako nang hawakan niya ang kamay ko bago niya ako hinila papasok ng elevator. Hinigit ko pabalik ang kamay ko mula sa kaniya pero hindi niya iyon pinakawalan bagkos ay isinilid pa niya sa loob ng jacket niya ang kamay naming dalawa. Napatanga na lang ako sa ginagawa niya. Dumayo pa ba siya ng Japan para lang pakiligin ako? Hindi ko na mapigilang mapangiti dahil sa ginawa niya. Kung kahibangan man ang nararamdaman ko ngayon, sasamatalahin ko na. Matagal ko nang pinangarap na mangyari ito. Kahit na parang nakaw na sandali lang ang labas wala na akong pakialam. Pagbalik ko naman ng Pilipinas sa probinsya na ako at maaring matagal na panahon na bago ulit kami magkita.