**Third Person’s POV**
Muli pa sanang susuntok ang lalaki ngunit agad na may sumalong kamay sa braso niya. Isang kamay na mas malaki at tila pagmamay-ari ng isa ring lalaking higit na mas matanda kaysa kanilang lahat.
Naalerto ang mga binata sa biglaang pagsulpot niya. Pinagmasdan nila siya nang ilang saglit bago sila naghandang labanan ito. Kahit pa mas nakatatanda ang lalaki ay kita nila ang liit ng pangangatawan nito kung kaya’t iniisip nilang kaya nila itong maitaboy at ipagpatuloy ang pagturo ng leksyon sa babae.
Sinubukan ng binata na alisin ang braso niya sa pagkakahawak ng lalaki ngunit masyado itong mahigpit. Napatingin ang binata sa mata ng lalaki. Walang mababakas na kahit anong emosyon sa mata niya, ngunit takot ang hatid nito sa binata.
Napasinghap si Doi, “Uncle...” bulong niya.
Itinulak ng lalaki ang kamay ng binata papunta sa dibdib nito kasabay ng malakas na pagtulak na ikinatumba nito sa lupa. Sabay na sumugod ang dalawang estudyante sa lalaki, ang isa ay nagtangkang sumuntok habang ang isa naman ay pumorma ng sipa, ngunit pareho lamang itong sinalo ng lalaki at itinulak din ang dalawa na kapwa rin napasalampak sa lupa. Ang binata namang nakapulupot kay Emma mula sa likod ay natamaan ng siko ng lalaki kung kaya’t napabitaw ito at napahawak sa bibig.
“Ayokong makapanakit hangga’t maaari. Magsiuwi na kayo at baka hinahanap na kayo ng mga magulang n’yo.” malamig na sabi niya sa mga estudyante.
Susugod pa sana ang isa ngunit pinigilan siya ng pasimuno ng grupo na nakakita nang malapitan sa mukha ng lalaki kanina. Hindi man tukoy nito kung ano ang dahilan ngunit nararamdaman niyang hindi basta basta ang lalaking kaharap. Nababatid niyang malalagay lamang sila sa alanganin kung kakalabanin pa ang lalaki.
“Hindi pa kami tapos sa inyo!” angil ng binata habang tinuturo sina Gael at Emma.
Hinila niya na paalis ang mga kasama at sabay sabay silang tumakbo paalis ng kanto. Tsaka lamang lumabas mula sa posteng pinagtataguan niya si Doi at lumapit sa kakambal niya.
Sa hitsura ngayon ni Gael ay mas mukha siyang kaawa-awa kung kaya’t siya ang tinulungang makatayo ni Bernardo.
“Ba’t ka nandito, Uncle?” tanong ni Emma habang pinupunasan ng sariling kamay ang dugo mula sa kanyang ilong at bibig.
“Ako ang dapat na magtanong sa inyo niyan. Dapat kanina pa kayo nasa bahay. Ano’t nandito kayo’t nakikipag-away na naman? at sa mga lalaki pa?”
“Hindi po ako kasali ah. Pinigilan ko ‘yan, pero ayaw pa ring paawat. Ayan lang naman po ang laging gusto ng away.” sabad ni Doi na halatang nahihintakutang mapagalitan.
“Kung hindi tayo nakialam, e’di sana tuluyan na nilang nalumpo ‘yan!” sagot naman ni Emma sabay turo sa duguang si Gael.
Tinignang isa isa ni Gael ang mga taong kaharap niya. Hindi niya inasahang may magliligtas pa sa kanya laban sa mga lalaking kamag-aral na halos gusto na siyang patayin.
Pa’no ba naman kasi, nadatnan siya ng mga ito na kumukuha ng video habang nagnanakaw ang mga ito sa loob ng principal’s office. Tinataon talaga ng mga sira ulo na halos wala nang mga guro at mga estudyante sa paaralan para magawa na nila ang mga kalokohan. At dahil Student Council President si Gael, lagi siyang nahuhuli sa pag-uwi at kung minsan nga ay ginagabi pa sa loob ng eskwelahan kung kaya’t nahuli niya sa akto ang mga lalaki kanina.
Natuon ang atensyon ni Bernardo sa kaharap na binata, “Saan ka ba nakatira, iho? Ihahatid ka na namin.”
Hindi siya nakasagot at nanatiling nakatulala sa lalaki.
“Oo nga, baka kapag nakita ka rin ng mga ‘yun na nag-iisa, upakan ka ulit.” muling singit ni Doi.
“M-May dadaanan pa po kasi ako. Hindi po ako pwedeng makita ng parents ko na ganito.”
“Ihahatid ka na namin sa dadaanan mo.” sagot muli ni Doi na nagmamadali dahil sa nasa isip niyang tambak na assignments.
“Sandali. Bakit ayaw mong ipaalam ‘to sa mga magulang mo? Natatakot ka ba?” tanong ni Bernardo.
“H-Hindi po. B-Basta.. hinding hindi po nila ‘to pwedeng malaman.”
Gustung gusto man nilang tatlo na magsumbong sa magulang ng binata ay wala silang magawa. Hindi nila kilala ang mga magulang nito at ayaw nitong magpahatid sa mismo niyang bahay. Alam ng kambal na sikat man ang binata sa buong paaralan dahil sa talino’t kagwapuhan ay isang malaking misteryo ang pinanggalingan nito.
Walang ibang nakakaalam, kahit pa ang mga guro, kung sino ang tunay na magulang niya at kung saan siya nakatira. Tanging si Hiro na kanyang matalik na kaibigan, at ang school principal lamang ang nakakaalam ng tunay na pagkatao ng binata at ito ang nagbibigay ng permiso sa estudyante na itago ang mga personal na detalye tungkol sa kanya. Ganito ang set up na plinano ng kanyang mga magulang para sa kanyang seguridad, ngunit tila ba mas lalo pa siyang napapahamak dahil hindi natatakot ang kahit sino na saktan siya.
“Ihahatid ka na lang namin sa pupuntahan mo.”
“Hindi na po. Kaya ko na po ang sarili ko. Salamat po sa tulong n’yo.”
Tumakbo si Gael. Hindi na sila nag-abalang habulin siya.
Nangangati sa impormasyon si Emma. Bagama’t alam niyang mahirap makuha ang misteryo sa pagkatao ng binata ay nais niya itong tulungan.
Hindi siya nakatulog kinagabihan sa pag-alala kung paano siya makakalapit kay Gael para protektahan ito. May naiisip siya ngunit hindi niya alam kung tama bang gawin ‘yun habang nasa loob sila ng eskwelahan.
Sa pagpasok ng kambal sa eskwelahan kinabukasan ay masigla pa rin si Doi, samantalang hindi mapakali si Emma dahil sa kaba sa gagawin niya.
North Pristine Academy, ang paaralan kung saan sila nag-aaral, isang paaralang sa pangalan palang ay napakalinis na. Relihiyoso ang mag-asawang may-ari nito at parte ng ibinabahaging karunungan nila sa mga mag-aaral ay pananampalataya. Maganda ang reputasyon ng eskwelahang ito sa paningin ng mga tao sa buong lalawigan, ngunit delikado sa loob nito dahil bagsakan ito ng mga sira-ulong kabataan na pilit na pinapatino ng kanilang mayayamang magulang. Ang masaklap dito, hindi naman talaga nababago ang ugali ng mga bata, nagmimistulang lugar ito upang pagbigyan ang katigasan ng ulo nila dahil nakokontrol ng pera ang sistema.
Sabay silang nakapasok sa gate ng campus ngunit kalaunan ay naghiwalay rin. Pareho man silang first year high school sa pareho ring section ay hindi sila parehas ng mga kaibigan. Si Doi ay sa mga matatalino at matitinong estudyante sumasama, samantalang si Emma naman ay sa mga kinulang sa talino at mga basag-ulo ng paaralan.
Maaga pa masyado. Alas-otso ng umaga ang klase ngunit alas-sais imedya pa lang ay nandito na sila. Sa karaniwang araw ay nasa group study si Doi kasama ang mga kaibigan niya, habang si Emma naman ay nakatambay sa classroom na teritoryo ng grupo niya, naghihintay sa mga late comers niyang mga katropa. Ngayong araw ay iba dahil kinausap kahapon ni Emma ang buong tropa at inutusan silang maging maaga sa pagpasok.
Hindi na niya kinailangan pang maghintay sa classroom, limang minuto palang ang nakakalipas ay nagsidatingan na rin ang mga katropa niya. Nagsabay sabay ang apat na mga babaeng sumalubong sa kanya, naglalakad na rin sa ‘di kalayuan ang dalawa pa. Sa pormahan palang, halata mo nang mahilig mag-cutting classes ang mga babaeng ito. Imbis na black ay rubber shoes ang suot nila. Wala rin halos laman ang mga bag at ang iba nga ay t-shirt lang ang pantaas na suot imbis na ang uniporme nilang light blue. Hindi sila pinagbabawalang pumasok dahil ultimo ang guard ay takot sa kanila.
Si Emma ang pinakabata sa kanilang pito, galing ang iba sa mas matataas na year level, ngunit siya ang leader nila. Palibhasa’y siya ang pinakamatalino at pinakamalakas. Dahil sa sikat din siya ay malaki ang pagtataka ng mga tao kung bakit sa kabila ng mga natatanging katangian niya, sa mga estudyanteng katulad nila niya piniling sumama.
Sa pangunguna ni Emma ay nagpunta sila sa loob na bahagi ng paaralan. Natanaw nila ang pintuan ng Student Council Office na sarado pa. Naupo sila sa loob ng isang maliit na gazebo kung saan parehong tanaw ang daanang pinanggalingan nila pati ang daan papunta sa SC Office.
Ang mga dumaraang estudyante ay iniisip na may inaabangan ang grupo para sugurin o saktan pero alam din nilang hindi ‘yun madalas ginagawa ng grupo sa loob kun’di sa labas lamang ng campus at hindi sa ganitong umagang umaga.
Ilang saglit pa ay natanaw na nila si Stella, ang SC Secretary, na papalakad papunta sa SC Office. Madadaanan nito ang gazebo bago lumiko sa opisina.
Si Stella ay isang fourth year student. Kaklase at kaibigan din siya ni Gael. Sa hitsura palang nito ay mahahalata mo nang mula siya sa mayamang pamilya. Makinis at may kaputian ang balat, marami ring lalaking nagkakandarapa sa kanya dahil sa angkin niyang kagandahan, may buhok na itim na itim na tuwid at hanggang balikat, malaman nang kaunti ang pangangatawan ngunit hindi mo masasabing mataba, matalino, at maayos ang disposisyon sa buhay.
Tinignan ni Emma si Stella mula ulo hanggang paa mula sa ‘di kalayuan. Madalas niya itong makitang kasama ni Gael sa mga school programs. Sa kabila ng mga papuri kay Emma ng mga tao, hindi niya maalis ang insecurity niya kay Stella. Morena siya at maputi ito kaya’t madalas niyang makumpara ang sarili.
Nang malapit na si Stella sa kanila ay napahinto ito. Bakas ang takot sa mukha niya ngunit dahil officer siya ay kailangan niyang magpanggap na matapang.
“A-Anong ginagawa n’yo diyan?” tanong niya sa grupo.
“Nagkatambay lang kami, Ate. Naghihintay lang naman po ng klase.” nakangiting sagot ni Emma sa astig ngunit magalang na tono.
Nagtataka si Stella kung bakit doon sila naghihintay kung ang mga classrooms ay nasa kabilang building, malayo sa kinalalagyan nila ngayon. Ipinagsawalang bahala niya na lang ‘yun dahil sa takot.
Tumango siya sa kanila’t dumeretso upang buksan ang SC Office. Maya’t maya niyang nililingon mula sa opisina ang grupo kung anong gagawin ng mga ito. Inisip niya na lang na baka nagsawa lang sila sa dating tambayan.
“Ito na ang hinihintay natin, Master.” mahinang sabi ni Thea.
Tanaw na nilang papalapit ang kanilang target. Hinintay muna nila itong makakalahati ng lakad sa daanan mula sa gazebo bago nila ito nilapitan.
Humarang silang pito sa daanan upang wala itong malusutan. Naalerto man si Stella sa nakita ay hindi niya pa agad masaway ang mga babae, nag-iisip siya kung paano ba sila sasawayin nang hindi natatakot.
“Hindi libre ang pagligtas ko sa’yo kahapon.” matigas na sabi ni Emma kay Gael.
“H-Ha?”
“Bingi ka ba? O baka nabingi ka dahil sa pagbugbog sa’yo, weak ass.”
Tumawa nang kaunti ang ibang mga babae.
Napapatingin ang ibang mga estudyanteng napapadaan sa eksena. Alam nilang hindi ito maganda at nagtataka rin sila. Iniisip nila at pinagchichismisan kung ano kayang atraso ng SC President sa grupong ito.
Bumwelo si Gael bago nagsalita nang medyo may katigasan din, “Anong ibig mong sabihin?”
“Kailangan mong magbayad sa pagliligtas ko sa’yo. O ayan, iniba ko na ng way ng pagsabi. ‘Wag mong sabihing hindi mo pa rin gets? ‘Diba matalino ka?”
“Bakit ako magbabayad? Hindi kita inutusang iligtas ako. E’di dapat pinabayaan mo na lang akong mabugbog.”
Ngumiti si Emma. Matalino nga si Gael, ngunit inasahan niya nang sasabihin sa kanya ito ng binata.
“Well, sa’kin hindi gano’n. Hindi sapat ang salamat, Mr. President. Parang hindi mo naman ako kilala.” lalong lumapad ang ngiti niya.
“Tama nang sa labas kayo ng campus nanggugulo. ‘Wag n’yo nang gawin dito.”
“Simple lang naman. Tutal ga-graduate ka na ngayong taon. Mula ngayon, magiging alipin na kita hanggang sa makaalis ka sa school na ‘to.”
“ANO?”
“Tsk tsk tsk.. Nabingi ka na talaga.”
“B-Bakit ako papayag na maging alipin mo?”
Humalakhak si Emma, “Come on, Mr. President. ‘Wag ka nang magpanggap na malakas ka. At papayag ka dahil kung hindi, mas lalong magiging magulo ang buhay mo habang nandito ka sa loob ng campus.. hanggang sa labas.”
Napalunok si Gael. Alam niya kasi kung ano ang kayang gawin ng mga babaeng ito, lalo na si Emma. Isa pa, hindi siya pumapatol sa mga babae. Ano na lang ang gagawin niya kung sakaling tumanggi siya at paglaruan siya araw araw ng mga babaeng ito? Muli na namang sumagi sa isip niya ang pagsusumbong sa mga magulang sa nangyayari sa kanya. Pero lalo niya ‘yung hindi magawa, hindi talaga niya magagawa lalo na sa kanila. Hindi kakayanin ng konsensya niya kung may mangyayaring hindi maganda sa kahit na sinumang tao dahil sa kanya.
Sa isang banda ay naisip niya rin kung ano ang iisipin ng mga guro’t estudyante sa kanya. Ang SC President ay nagpaalipin sa isang babaeng gangster, isang katawa-tawang balita ‘yun malamang. Pero naisip niya rin ang mas lalong sakit sa ulo kapag hindi niya siya sinunod.
Hindi rin naman siguro ito mag-uutos ng masasamang gawain sa loob ng campus, siguradong magiging alalay lamang siya nito. Kahit nga may mga naninira na kay Emma harap-harapan ay hindi naman nito sinasaktan o ginagantihan. Ang mga babaeng kagrupo lamang nito ang talagang magugulo. Ginagalang nga ni Emma ang ibang mga nakatatanda sa campus. Tsaka lamang ito sumusugod kapag nasosobrahan na o may nakikitang inaaping ibang estudyante. Nagtataka nga rin siya sa inaasal nito ngayon, para bang sa isang iglap ay naging iba ang paraan ng pakikipag-usap nito sa kanya.
“Sa isang kondisyon.”
“Ayun naman pala! Anong kondesyones ‘yan, Pres? Madali rin naman akong kausap.”
“Hindi na makikipag-away ang grupo n’yo sa kahit sinong estudyante, sa loob man o sa labas ng NPA. Wala nang mananakit sa inyo ng kahit sino sa kahit saan.”
Nagtinginan sa isa’t isa ang ibang mga babae ngunit nanatiling nakatuon ang atensyon ni Emma kay Gael.
“Parang ang hirap nun.” bulong ni Tiffany kay Emma.
Lumapit din sa kanya si Claire, “Pa’no kung tayo naman ang balikan ng mga estudyante kung hindi na natin sila pwedeng saktan?” bulong din nito sa kanya.
Humingang malalim si Emma at muling ngumiti kay Gael.
“Deal.”
~~~ ~~~ ~~~
**Deya’s POV**
Ang dami ko sigurong na-miss sa mga klase, pero dahil chinat naman sa’kin ni Liz ang mga topics ay inaaral ko sila ngayon. Lintek na ‘to. Alam ko naman hindi ‘to magiging kaunti kahit kailan pero naiinis pa rin ako kung bakit sangkaterba ang cases na dapat pag-aralan.
Sa totoo lang, hindi pa rin maayos ang pakiramdam ko. Pinipilit kong kainin ‘tong vegetable salad at cranberry juice na inihanda nila para sa’kin para raw madagdagan platelet count ko. Hayst.. bakit ba kasi nagkakasakit ang tao?
Napalingon ako sa entrada ng kusina nang marinig na parang may tao. Si Ate Shane pala, inaayos ulit ang mga pillows sa sofa.
“Ate Shane?”
“Po?” saad niya nang makalingon sa’kin.
“Tulog na ba si Gael?”
“Uhmm.. hindi po ako sure eh. Pero kanina pa po siya sa kuwarto niya, kaya baka tulog na rin po talaga.”
Yeah, I know. Hindi naman siya tumatambay sa kuwarto niya nang gising siya. Kaya nga ayaw niya ng kinakatok ang kuwarto niya.
Iniisip ko kung malalaman ba ni Gael kung lalabas ako. Base kasi sa pag-explore ko sa buong bahay na ‘to, wala silang security room na may mga assigned na nagbabantay talaga sa cameras and locks. Baka iilang tao o sila sila lang din ang nag-mo-monitor.
“Ahh. Sige, Ate Shane. Salamat.”
Nag-bow si Ate Shane at umakyat. Lumingon lingon ako sa paligid, walang tao. May pasok kasi ang lahat halos ng tao sa school o office at ang mga kapwa ko artista, kung hindi nasa galaan ay natutulog naman para sa taping mamayang gabi.
Mabilis kong tinext si Kuya Delio. Hindi na ‘ko magbibihis, mag-ma-mask na lang ako at magsasalamin para hindi makilala ng mga tao sa labas.
Nag-reply siya agad.
Kuya Del
Nov 26, 13:06
‘Mayayari tayo kapag nalaman niya.’
13:06
‘Saglit lang tayo, ako bahala.’
Tsk! ‘Wag ka naman sanang matakot, Kuya. Gagawa ako ng paraan para ‘di ka matanggal dito.
Kuya Del, 13:08
‘Bilisan mo. Mag-aabang ako sa entrance.’
13:08
‘Ikaw ang magbilis. Lalabas na ‘ko.’
Ginamit ko ang elavator paakyat ng 3rd floor. Mabilis kong kinuha ang sumbrero, glasses, at mask sa drawer at agad na bumaba rin gamit ang elevator.
Tumingin muna ako sa paligid, wala pa ring tao sa living room kahit ang mga maids. Busy sila sa paglilinis ng iba pang parte ng bahay. Dali-dali akong lumabas at sinikap kong kaunti lang ang magawang ingay.
As expected ay nakaabang na ang kotse sa labas. Mabuti naman at may common sense talaga ‘tong Kuya ko at hindi kotse ni Gael ang kinuha. General service car ‘to ng mga Diaz.
Sa pagpasok ko ay agad na pinaandar ni Kuya ang kotse. Nang makita ng guard ang mukha ni Kuya ay binuksan niya na rin agad ang main gate. Hindi na rin siya nagtanong pa kung saan kami pupunta o kung alam ba ni Gael. Ito rin ang perks ng may personal driver, basta makita nilang may driver na maghahatid sa’yo palabas, hindi nila iisiping unathorized ang pag-alis mo.
“Tinext ko na rin ‘yung dalawang ugok.” sabi ni Kuya habang naka-focus ang tingin sa daan.
“Good! Buti may utak ka pa rin talaga kahit papa’no.”
Pikon siyang tumingin saglit sa’kin na siya namang ikinatawa ko. Matalino rin naman kasi talaga ‘to si Kuya. Nawalan lang ng gana dahil sa hirap ng trabaho sa probinsya, pasalamat na lang talaga kami ni Doi at nilibre pa kami ng tiyuhin at tiyahin namin sa pag-aaral.
Hindi pamilyar sa’kin ang daang tinatahak namin ngayon. Minsan ko na ‘tong nadaanan pero sadyang wala lang talaga ‘kong sense of direction.
“Sa’n tayo ngayon papunta?” tanong ko.
Ngumisi siya, “Papunta tayo sa mundo ng mga engkantada.”
Siya naman ang nang-aasar sa’kin ngayon dahil alam niyang mahina ako pagdating sa direksyon.
“Maganda do’n. Sasabihin ko sa mga engkantada na ‘wag ka na pabalikin at ikulong ka na lang sa mundo nila habangbuhay.”
Humalakhak siya. Hinayaan ko na lang siyang magmaneho at hindi na nagtanong pa ulit kung saan ba ‘to patungo. Baka mapikon ako’t iuntog ko pa siya sa manibela.
Ilang saglit pa ay pumasok sa isang masikip na eskinita ang kotse. Ako ang natatakot para sa kotse kapag nagasgasan ‘to dahil sa sikip ng daan, pero tiwala rin naman ako kay Kuya na kaya niya ‘to. Pagdating sa looban, medyo lumawak na rin ang daan. Tumambad ang napakaraming dikit dikit na bahay. Parang project pabahay ito ng isang politiko. Dahil sa tirik ang araw, wala masyadong tao ang nasa labas. May mangilan ngilan lang na mga tao ang dumungaw sa labas mula sa bahay nila dahil sa kotse na paparating.
Inihinto ni Kuya ang sasakyan sa tapat ng isa sa mga bahay. Mas lalong kumukuha ng atensyon ng mga tao ang lakas ng tahulan ng mga aso. Napakarami ring nagkalat na basura sa paligid.
Kinatok ni Kuya ang katapat na bahay na agad ding binuksan ni Kuya Daniel.
“Kain muna.” salubong ni Kuya David na nakaupo sa monobloc na upuan, kaharap ang mesa habang tsumitsibog ng parang sa palagay ko ay inihaw na isda na nasa foil pa.
“Kakakain ko lang, Kuya.”
Lahat kami ay naupo sa tig-i-tig-isang monobloc, palibot sa 4-seater na mesa.
Sa muling pagpunta ni Kuya Daniel sa sala ay may dala na siyang pitcher at dalawang baso ng tubig, “Si Doi?”
“Nasa Pasay, tulog siguro ngayon, o baka nasa klase na kasi hapon na.”
“Panggabi pa rin ang trabaho niya?” muling tanong ni Kuya Daniel.
Tumango ako, “Nga pala, ba’t n’yo naman iniwan sina Mama’t Papa?”
“Ako lang ang umalis. Malay ko bang aalis din ‘tong dalawang ‘to.” wika ni Kuya Delio.
“Hindi ko rin alam na aalis kayo.” nakayukong sabi ni Kuya Daniel.
“Mas lalo naman ako.” saad din ni Kuya David sabay subo na naman ng kanin at isda mula sa kamay niya.
“Gagaling n’yo talaga! ‘Di pala talaga kayo nag-usap usap. Kaya pala magkakahiwalay pa rin tayo ngayon, e’di sana sama sama na lang tayo sa mansyon para mas mabilis nating magagawa ‘yung misyon, ‘diba? Tsaka pa’no na lang sina Mama’t Papa do’n? Siguradong nagtatampo sila ngayon kasi nilayasan n’yong lahat!”
“Nagpaalam naman ako.” sabay sabay nilang sabi na naging sanhi rin para magtinginan sila sa isa’t isa.
Napahinga na lang ako nang malalim. Gusto rin talaga siguro ng mga magulang namin na tulungan nila akong tatlo. Sana naman in-inform ako ‘no?
“Nakipagkaibigan ako sa mga ibang nagtatrabaho sa mansyon. Nag-uusisa ako, pero parang wala namang kakaiba sa ikinikilos ng mag-asawa. Maayos din ang mga anak nila. Maliban lang do’n sa Gael na laging nagagalit sa’kin kapag lumalapit ako kay Deya.” ani Kuya Delio.
“Aba aba! May dumidiskarte yata sa baby girl namin!” saad ni Kuya David pagkatapos niyang lunukin ang isang subo niya ng kanin at ulam, habang si Kuya Daniel naman ay humalakhak.
“Pwede ba! ‘Wag muna nating ilihis ang usapan. Do’n muna tayo sa mga pwede nating magawa ngayon para sa misyon.” singhal ko na ikinatahimik ng dalawa.
“Normal ang daily routine ng mga taong ‘to, maliban sa isa sa kanila.” dugtong ni Kuya Delio.
“S-Sino?”
“Hindi pa ‘ko sigurado. Pero si Gael, kung minsan may inihahatid siyang mga babae mula sa bahay.”
“Mula sa bahay?”
“Oo, palabas ng bahay. At sa madalas kong nakikita, mga walang malay ang mga babaeng sinasakay niya sa kotse papunta sa hindi pa tukoy na lugar. Hindi ko alam kung dahil ba do’n kaya ayaw niyang magkaro’n kayo ng personal driver.”
“So, ibig sabihin ba nito, pwedeng hindi sa loob ng mansyon nila ginagawa ang pambibiktima?” sabad ni Kuya Daniel.
“Sa naobserbahan ko, maaari nga. At pwede ring hindi ang buong pamilya nila ang aswang kun’di si Gael lang.”
Teka.. Bakit hindi ko alam na nangyayari ‘yun? Sinisigurado nya ba munang tulog ako bago niya ‘yun gawin? Pero halos hindi nga ako natutulog eh, talaga bang tinataon niyang wala ako sa mansyon bago siya mambiktima?
Lumagok ng tubig si Kuya David, “At heto pa.. Si Divine Chen, ‘yung nawawalang anak ng business tycoon, nakita kong kasama niya ‘yun isang madaling araw. Kumain sila do’n sa katapat na mamahaling restaurant ng McD. Wala na kasing tao kaya malaya lang silang nakakain do’n. Tapos kinabukasan, tsaka siya nabalitang nawawala.”
Sumisikip ang dibdib ko. Para bang isang parte ng utak ko ang hindi naniniwala sa mga narinig ko. May nagsasabi sa loob ko na baka naman may rason siyang iba. Baka hindi talaga siya aswang o baka hindi niya naman siguro ‘yun magagawa. Pero alam ko rin sa isip ko na hindi dapat ako magpaapekto sa kung anong ipinapakita ni Gael sa’kin.
“Nakuha ko ang schedule niya sa registrar ng College of Business Ad.” inilapag ni Kuya Daniel ang printed copy ng sched.
“Pa’no mo nakuha ‘to Kuya?” mangha kong tanong.
“Syempre, madiskarte ang Kuya mo. Bakit pa ‘ko naging janitor kung ‘di ako makakapasok do’n?”
Iniiwasan kong pakialaman ito dati pero mukhang kailangan ko na rin ‘tong malaman. Pagkukumparahin ko ‘to sa schedule ko para malaman ko ‘kung kailan dapat na bantayan ni Kuya Delio si Gael kapag wala ako.
“Pero napansin ko rin, may mga CCTV cameras sa loob ng bahay maliban lang sa elevator, sa buong 2nd floor, at sa laboratory sa 4th floor. May space din sa baba na sa palagay ko, hindi sakop ng mga camera.” saad ko.
Tumayo si Kuya David dala ang pinggan niya.
“Malamang pinasadya talaga nila ‘yun para may parte ng bahay na hindi makikita sa CCTV at malaya silang makakilos.” –Kuya Daniel
Bumalik si Kuya David na may dalang toothpick at nagtinga sa harap namin, “Ano nang plano?”
“Hindi naman siguro natin kailangang magsama-samang magtrabaho sa mansyon. Mas mahahalata nila tayo. Mukha kasing binabantayan din ni Gael ‘tong si Deya palagi at parang ayaw na may mga lalaking lumalapit sa kanya. Mahihirapan tayo sa gano’n.” –Kuya Delio
“Kuya Daniel, i-xe-xerox ko ‘tong kopya ng schedule ni Gael, bantayan mo siya sa mga vacant hours at sa uwian. Kahit ‘di mo siya masusundan, bantayan mo kung sino ang mga kasama niya kapag aalis siya sa building o sa school.”
Tumango-tango si Kuya Daniel.
“Kuya David, kung pwede kang mag-apply pa sa ibang establishment na sakop ng dinadaanan palabas at papunta ng mansyon, mas maganda.”
“Ha? Mag-a-apply ulit ako?” gulat niyang tanong.
“Nandito ka naman lang din sa Maynila, gawin mo na.” –Kuya Daniel
“Okay lang naman kung ayaw mo. Ayos lang naman kung wala kang masyadong ambag sa misyon.” nakangising saad ni Kuya Delio.
“Mas okay kung ang magiging schedule mo ay hapon hanggang gabi, sa gano’ng oras kasi na ‘yun ako madalas ako may pasok. Hindi ko siya ma-mo-monitor.”
Napahimas sa mukha niya si Kuya David, “Naku namaaaan.. Nakalusot na ‘ko eh, sige susubukan ko.”
Nag-thumbs up si Kuya Delio at nagpigil ng tawa.
“Kami naman ni Kuya Delio, kikilos kami sa mga lugar din na walang CCTV. Hindi ko pa alam kung saan konektado ang mga camera sa bahay at aalamin ko pa. Mas marami pa akong aalamin sa mga ikinikilos ni Gael.”
“Pa’no mo aalamin?” tanong ni Kuya David.
Muli akong huminga nang malalim, “Gagawa ako ng paraan para lalong mapalapit sa kanya.”
Katahimikan ang sunod kong narinig mula sa kanila. Kasunod no’n ay ang makahulugan nilang pagtitinginan sa isa’t isa.
“Baby girl,” pagkuha ni Kuya Daniel sa atensyon ko, “Alam naming malakas at matalino ka, pero sa ganito, sana mas mag-ingat ka. Hindi lang sa posibleng pag-atake ng mga kalaban, ingatan mo rin ang isip at puso mo na hindi madaya ng mga nakikita o nararamdaman mo.”
Naiintindihan ko, pero hindi sila dapat mag-alala sa’kin. Alam ko naman ang totoo sa hindi at mas may kontrol na ako sa isip at damdamin ko ngayon.
“Wag kayong mag-alala. Kung iniisip n’yo na pwede akong mawala sa wisyo habang nasa misyon, hindi mangyayari ‘yun. Sanay naman na ‘kong guyuin ng mga maligno pero hindi ako naaapektuhan.”
“Di bale, nasa malapit ako para bantayan siya.” singit ni Kuya Delio habang nakatingin nang matalim sa’kin.