Bola 11

3726 Words
NANGINGINIG na ang mga binti ni Ricky dahil sa pagod matapos niyang makabalik ng bench. Pakiramdam nga niya ay hindi na niya kayang maglaro muli. Napansin nga rin iyon ni Coach Erik at batid nga talaga niyang baguhan talaga ang kanyang player na ito. Tama ang narinig niya rito na ni minsan ay hindi pa ito naglaro ng basketball bago sumali rito. Halata rin naman iyon sa estilo ni Mendez, pero ang nagpahanga kay Coach Erik ay ang kakaibang determinasyon nito na maglaro. Wala siyang ideya sa pinagmumulan noon pero, isa lang ang alam niya. Dahil kay Ricky, tila may kaunting pag-asa na manalo sila sa game na ito.   Kahit nga practice game lang ito, gusto ni Coach Erik na makitang pursigido ang kanyang mga players. Isa pa, ang ginawa ni Romero na pagsampal nito sa sarili ay parang isang bagay na sa tingin niya ay nagpagising dito.   "Mendez! Magpahinga ka muna... ako muna ang magbabantay kay Rio!" seryosong sinabi si Macky Romero na ikinagulat ng kanyang mga kasama. Ni minsan kasi ay walang naging pakialam ang kanilang ace player sa mga kakampi nito. Kahit nga si Alfante, na kanilang team captain ay hindi nakarinig ng ganoong klaseng mga salita mula rito.   "Tama Ricky! Magpahinga ka muna! Magaling ang ginawa mo... Hindi ako nagsising ipinasok ko ang tulad mo sa team na ito," dagdag pa ng kanilang coach. Ang ilan nga sa mga players nila ay hindi maisip kung ano ang magandang ginawa ni Ricky. Iyon ay sa kadahilanang nasa isip na nilang sila ay matatalo.   "Romero... kaya mo bang bantayan si Rio? Hindi ko sinasabing mas magaling ang Mendez na ito pagdating sa depensa kumpara sa iyo... pero--" biglang winika ni Cunanan na may konting pagngisi pa matapos tingnan si Romero.   Doon nga ay ngumiti na tila may ibig-sabihin si Romero at nagbanat din siya ng mga hita at bisig.   "Kung makalusot siya sa akin... nandiyan ka naman, hindi ba? Mr. Back-up?" sagot ni Romero at sandaling nagtitigan ang dalawa. Tila ba may masamang mangyayari pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay wala ng sinabing mapang-asar si Cunanan para rito.   "Hayaan mo, papalitan kita sa position mo kapag dumating na ang CBL." Halatang hindi pa pagod si Cunanan na dinampot pa ang bola na dala nila at nag-practice dribbling pa sa bench.   "Ngayong second half, gusto kong makita sa inyo ang depensa na ginawa ng player nating si Ricky!" wika ni Coach sa kanyang mga players. Karamihan nga sa mga ito ay napaismid na lang dahil hindi nila nakikita ang ginawa ng baguhang si Mendez.   Alam din nilang hindi nila magagawa iyon. Halos iilan lang kasi sa mga players ng CISA ang handang mabugbog o mapagod nang sobra sa laro. Karamihan sa mga nasa team ay sumali lang upang makatakas sa klase. May ilang para lang maging sikat. May ilan ding sumali lang dahil marunong silang maglaro.   Nasa CISA sila, at para sa kanila ay hindi nila kailangang manalo! Ang makapaglaro lang ay sapat na para masabing isa silang team. Ito ang dahilan kung bakit kulelat ang kanilang team. Iyon ay dahil iilan lang sa team ang gustong manalo.   "Tama si Coach! Kaya nating talunin ang SW. Kahit practice game lang ito-- Talunin natin sila," seryosong wika ni Alfante at malambot na "Yes captain!" ang isinagot ng kanyang mga kasama.   "Asa pa kayo CISA!" May napasigaw pa ngang ilang mga manonood dahil medyo may kalakasan ang sinabing iyon ni Alfante. Pinagtawanan tuloy sila dahil doon.   "Asa pang manalo kayo!"   "Oo nga!"   Normal na ang mga ganitong bagay sa bawat laro, lalo't nasa court sila ng kalaban.   Napakuyom na nga lang ng kamao si Alfante. Ramdam niyang walang determinasyon ang kanyang mga kakampi. Tanging si Romero, Alfante at Mendez lang ang nakikita niyang may kagustuhang manalo at seryosohin ang ganitong game. Subalit para sa kanya ay sapat na iyon para magkaroon ng kaunting pag-asa ang kanilang koponan.   "Kuya! Bakit sa CISA ka papasok? Bakit hindi sa CU? Mas lalakas ka sa school na iyon pagdating sa basketball..."   "Isa pa, doon ako papasok! Gusto kong maging kakampi kita Kuya!"   Napatingin na lang sa kawalan si Alfante nang maalala ang mga salitang iyon. Ang mga salita mula sa kanyang nakababatang kapatid.   Samantala, sa bench naman ng SW, wala ni isang salita ang lumabas mula sa coach nina Rio. Senyales iyon na hindi niya nagustuhan ang 10-1 run na nangyari bago matapos ang quarter.   Hinihingal na umupo si Rio at uminom ng tubig. Napatingin pa nga siya sa bench ng CISA. Nang makita niya si Mendez ay napapisil siya sa tubigan niyang hawak.   "Rio, sisiguraduhin naming tatambakan natin sila sa pagbalik natin sa game. Tandaan mo, hindi lang ikaw ang dapat nilang katakutan--"   "Narito rin kami!" winika naman ng center na si Aquino.   "Tayo ang number 4 sa Calapan last season, kaya kahit practice game lang ito, hindi tayo dapat matalo!" dagdag naman ni Contales, ang kanilang Power Forward.   "Pagtatawanan tayo ng ibang school kapag nalaman nilang tinalo tayo ng CISA," wika muli ni Aquino at ayaw nilang mangyari iyon.   Huminga nang malalim si Rio at ikinalma ang pagod na katawan. Napatingin din siya kay Coach Nate.   "Sorry Coach! Magiging kalmado na ako. Wala na akong pakialam kung maagawan ako ng bola o magmintis ang mga tira ko--"   "Hindi kami dapat matalo ng CISA! Lalo na rito sa ating school!" seryosong sabi ni Rio na itinaas ang kanyang buhok gamit ang kamay niya pagkatapos.   Tumunog na ngang muli ang buzzer. Hudyat iyon na tapos na ang halftime break at sisimulan nang muli ang game. Doon nga ay muling umingay ang buong gym dahil sa cheer ng mga taga-SW para sa kanilang koponan.   Ang starting 5 ng SW ang muling pumasok sa game, samantalang sa CISA, si Benjo Sy na ang nasa bench at si Cunanan ang pumasok para rito. Si Romero naman ay naging SF at si Cunanan ang napunta sa shooting guard position.   Tumakbo na ngang muli ang oras at sa CISA ang possession. Malakas na sigaw ng "Defense!" din ang umalingawngaw sa buong court mula sa crowd na nanonood.   Si Cortez ang nagdala ng bola para sa team. Si Cunanan naman ay tumatakbo upang makahanap ng magandang pwesto pero bantay-sarado siya ng katapat na si James Blanco. Ganoon din nga si Romero, bantay-sarado rin ito ni Rio. Isa pa, hindi na maririnig ang pang-aasar nito at naging mas seryoso na lalo ito sa paglalaro ngayon.   "Walang mapuntahan ang aming mga scorer. Baka ma-steal ang bola kapag ipinasa ko sa kanila," wika ni Cortez sa sarili na inaayos ang dribbling dahil baka makasundot ang bumabantay sa kanyang si Herrera. Madikit din kasi ang depensa nito sa kanya.   Doon na nga tumakbo si Alfante palapit sa kanilang PG at tumayo siya sa gilid nito. Isang screen iyon! Ginamit na ngang pagkakataon iyon ni Cortez. Pumunta siya sa likuran nito at nag-drive nang madikit sa kakampi upang hindi agad makasunod ang kanyang defender. Doon nga ay nagkaroon ng libreng espasyo ang CISA patungo sa basket. Doon na nga rin lumitaw ang Center ng SW para dumipensa dahil kung hindi ay makakalusot ang player na may dala sa bola.   Naging pagkakataon naman iyon para kay Alfante para tumakbo palapit sa basket. Hinahabol na ito ng PG ng SW. Doon na nga binilisan ni Cortez ang dribbling at isang bounce-pass sa gilid ni Aquino ang kanyang ginawa.   Kasabay nga ng pagtakbo ni Alfante ay ang pagsambot nito sa bola. Malaki ang advantage niya nang sandaling iyon dahil hindi si Aquino ang sumabay sa kanya kundi ang PG ng kalaban na si Herrera. Mas mataas siyang tumalon kumpara rito at doon na nga siya umatake. Tumalon na siya upang mag-lay-up. Ngunit sa pag-angat ng bola mula sa kanyang kanang kamay ay may isang player ang biglang pumigil sa pagdiretso nito sa basket.   Napakalampag ang mga manonood nang biglang lumitaw si Rio Umali sa ilalim at binutaan ang ginawa ni Alfante. Alam ni Rio na hindi maiipasa ng sentro ng CISA ang bola papunta sa kanyang binabantayan kaya naisipan niyang pigilan ito.   Tumalsik nga ang bola palayo. Doon na nga tumakbo ang mga players ng SW. Hinabol ni Herrera ang bola bago ito tuluyang lumabas. Napatalon na nga lang siya palabas ng linya para magawa iyon. Kasunod din niyon ay isang mabilis na pasa papunta sa kakampi nitong nasa likuran.   Pagbagsak ni Herrera sa labas ay siyang pagsambot ng tumatakbong si James Blanco sa bola.   Nakababa naman agad si Cunanan para dumipensa, ngunit, tatlo laban ang isa ang kalalabasan dahil nahuhuli ang mga kakampi niya para dumipensa.   Doon ay binilisan ni Blanco ang dribbling at kalmadong dumiretso sa basket. Tumalon na ito at sinabayan na rin siya ni Cunanan.   "Wala iyan!" sambit pa ni Cunanan pero hindi niya nakita ang pag-angat ng bola. Pumasok na lang ang bola sa ring matapos makagawa ng libreng lay-up si Contales. Ipinasa pala rito ni Blanco ang bola nang makitang mapipigilan ni Cunanan ang kanyang tira.   Nakakabinging cheer ang sumalubong sa lahat matapos ang pagpuntos na iyon  ng SW. 37-53!   Nasa CISA na muli ang bola, pero bago pa man mahawakan ng kanilang PG ang bola ay naka-steal si Rio nang mahuli ang inbound pass ni Alfante papunta rito.   Ititira na nga sana ni Rio ang bola ngunit biglang lumitaw si Romero para maka-steal.   Napangisi kaagad si Rio dahil nabigo si Romero. Isa pa, dumiretso na rin ang bola papunta sa kanilang PG na si Herrera na ginamit ang screen ni Aquino para makalusot sa bumabantay. Pagkasambot nito sa bola ay itinira nito ang isang three-point shot.   Napahiyaw na naman ang mga taga-SW nang pumasok iyon. 37-56! Ipinapakita na ng SW ang rason kung bakit sila pasok sa top 4 noong nakaraang taon.   "Depensa! Tambakan natin ang CISA!" bulalas kaagad ni Rio na nagpasigaw ng "Oo!" sa mga kakampi niya. Isa pa, mas naging masigla rin ang cheer ng buong supporters nila dahil doon. Binigyan nga nila ng Full-Court Press defense ang CISA.   "Pasa!" bulalas ni Romero na tumakbo na palapit sa inbounder. Nalusutan niya nga nang bahagya si Rio.   Pagkasalo ni Romero noon ay mabilis nitong ibinato palayo ang bola. Mula sa kawalan, may isang kamay ang biglang sumalo sa bola.   Napangisi naman si Coach Erik nang makita iyon. Si Romero, nagpasa ng bola para pumuntos ang kakampi!   "Nice pass!" bulalas naman ni Cunanan na malapit na kaagad sa ring nila. Doon ay isang libreng lay-up ang ginawa nito na bahagyang nagpatahimik sa mga nanonood. 39-56 ang naging score matapos iyon.   Hindi nga naabutan ni Herrera ang pagtakbo ni Cunanan. Isa nga iyon sa napansin ni Romero. Naisip niyang imposibleng mabantayan ng PG ng SW ang isang player na kagaya ni Cunanan-- isang player na nagmula sa pinakamalakas na team sa Calapan.   Isa itong patunay na hindi pa nawawalan ng pag-asa ang CISA. May tatlo pa silang player sa loob ng court na maasahan sa oras na iyon.   Napangisi na lamang nga si Rio sa nangyaring iyon. Doon ay kinuha niya ang bola mula kay Herrera. Siya na nga ang nagdala nito patungo sa kanilang side.   Seryoso nga kaagad siyang dinipensahan ni Romero. Nakikita ni Rio na nag-iba ito kumpara kanina. Isa pa, ang pakiramdam niya nang sandaling iyon ay kagaya ng naramdaman niya nang dipensahan siya ni Mendez kanina.   "Hindi kami magpapatalo sa inyo," sabi ni Rio sa sarili at doon ay nag-drive siya pakaliwa. Sinundan siya ni Romero ngunit bigla itong nabunggo sa nag-set ng screen na si Aquino. Naiwanan tuloy ito. Doon na nga seryosong dumiretso sa ilalim ng basket si Rio. Si Alfante naman ngayon ang dumidipensa sa kanya.   Pinatalbog ni Rio ang bola nang mas mabilis at isang biglaang paghinto ang ginawa niya dahilan upang mabigla si Alfante. Nakagawa ng space si Rio dahil doon. Tumalon na nga siya para sa isang jumpshot. Seryoso rin niyang pinagmasdan ang basket at pagkatapos ay perpektong binitawan ang bola patungo rito.   Muling natahimik ang buong gym nang may kamay na pumigil sa bola. Nagawa pa rin iyong i-block ni Alfante na hindi mapaniwalaan ni Rio.   "Wala iyan!" bulalas ni Alfante at doon ay isang malakas na tunog ang umalingawngaw sa buong court nang sampalin nito ang bola palayo.   "Ang bola!" sambit pa ni Reynan pagkatapos noon.   "Depensa! Bilisan natin!" bulalas naman kaagad ni Rio. Doon nga ay nakita niyang nasambot ni Romero ang bola at higit na mas mabilis ito kumpara sa kanilang sentro na si Aquino.   Sinubukan nilang habulin si Romero na sinusundan din kaagad ni Cunanan.   "Ang dalawang ito..." bulalas ni Rio na wala ng nagawa sa fastbreak na iyon. Mas ikinagulat pa ng lahat nang tumigil sa three-point territory si Romero at pinakawalan nga nito ang isang 3-point shot. Nakataas pa nga ang isang kamay nito habang umaarko sa ere ang bola. Kasunod nga niyon ay ang tunog ng pagkahalit ng net dahil pumasok ang tirang iyon.   Swishhh!   Napa-cheer sina Mika at ang mga kaibigan ni Ricky matapos iyon. Napatayo naman ang binata sa bench nang makita iyon. Isang napakagandang three-point  shot ang kanyang nasaksihan, dahilan upang maging 42-56 ang score.   "Depensa naman!" bulalas ni Alfante at seryosong pumwesto ang kanilang team captain kasama sina Romero at Cunanan. Ang dalawa nilang kakampi pang sina Cortez at Reyes ay tila nawala naman sa sarili.   "Cortez! Reyes!"   "Gusto ba ninyong manalo? Gusto ba ninyong lagi tayong pinagtatawanan? Kung ayaw na ninyong maglaro... lumabas na kayo ng court na ito!" bulalas ni Alfante na ikinabigla ng mga kalaban nila. Bahagya ring natahimik ang mga manonood dahil doon.   "Kung mananatili kayong ganyan, mas mabuti pang si Mendez ang pumasok sa court kaysa sa inyo," dagdag pa ni Romero na may halong pagtitig sa mga mata ng dalawa.   Napayuko sina Cortez at Reyes dahil doon. Aminado silang walang ibang iniisip kundi matatalo sila, pero nang makita nila sina Cunanan at Romero...   "Sorry Captain!" sigaw ng dalawa na seryoso na ngang dumipensa. Kaya nilang manalo!   Mas naging seryoso tuloy ang SW nang marinig iyon. Doon na nga nagpatuloy ang laro. Si Rio ay mas inayos pa ang paglalaro. Nagkaroon nga ng palitan ng mga puntos ang bawat team. Mas naging madikit na sila lalo sa depensa at pahirapan na sila bago makapuntos sa paglipas ng limang minuto.   Tuwing makakapuntos ang CISA, nakakasagot naman ang SW. Kung madikit ang naging depensa ng CISA, mas ginalingan din ng SW ang kanilang pagsagot dito.   Hindi na ito laban ng SW team kontra sa isang mahinang team. Laban na ito sa pagitan ng dalawang hindi magpapatalong koponan sa darating na CBL!   56-75 na ang score. Lamang pa rin ang SW sa kabila ng magandang ipinapakita ng CISA. Iyon ay sa kadahilanang matinik ding dumipensa itong si Rio. Nagagawa pa rin niyang hindi mapapuntos si Romero. Madalas nga ay si Cunanan ang pumupuntos. Isa pa, dahil may mga araw na 'di sumama sa mga practice game si Romero ay mas nauna pa itong mapagod kaysa kay Rio.   Nagpakawala nga ng isang jumpshot si Rio na nagpahiyaw muli sa mga taga-SW. Doon na nga napatawag ng time-out ang CISA. 56-77 ang naging score matapos iyon at may natitira na lamang 4 minutes bago matapos ang 3rd quarter.   Nakita ni Coach Erik ang kahinaan ng kanilang line-up. Dahil nga si Rio ang dumidepensa kay Romero, medyo nahihirapan sila sa opensa. Iyon ang naging dahilan din ni Coach upang hindi muna ipasok si Ricky Mendez dahil walang puntos na magagawa ito. Isa pa, pwedeng i-double team ang alinman kay Romero at Cunanan at hayaan si Mendez kapag nasa kanila ang bola. Kung sa pagdepensa, lima ang kanilang player ngunit pagdating sa opensa, nagiging apat lang ito kung nasa loob si Ricky.   Isa pa, nakikita ni Coach na medyo napagod na si Romero sa pagbantay kay Rio. Isa rin iyon sa rason kaya tumawag siya ng time-out. Para makapahinga sandali ang kanyang mga players.   "Kaya natin ito team! Hindi tayo titigil hangga't hindi natin naabutan ang score nila!" malakas na sabi ni Alfante sa mga kasama.   Wala na ring gaanong maisip na paraan si Coach Eric para makahabol ang kanilang koponan. Kailangan na rin nga niyang ipasok si Ricky dahil nakapaghinga na ito.   "Ricky! Palitan mo muna si Cortez," wika ni Coach Erik.   "Y-yes coach!" Napatayo si Ricky. Napahinga nga rin siya nang malalim.   "Kaya mo iyan Ricky Mendez!" cheer naman nina Roland mula sa kanyang likuran.   Napalingon nga ang binata at nakita ang magandang ngiti ni Mika. Pampalakas! Wika na lang niya sa sarili at napangiti.   "Kaya ninyo iyan CISA FLamers!" sigaw pa nina Mika. Nagche-cheer din nang oras na iyon ang mga taga-SW kaya medyo nasasapawan sila. Nang magpatuloy na nga muli ang game ay doon na nga dumagundong ang buong gym dahil sa cheer ng mga taga-SW.   Napatingin din saglit si Ricky sa pwesto ni Andrea at nag-thumbs-up ang dalaga sa kanya dahilan para mapangiti siya.   "Kaya mo iyan Ricky!" sabi niya sa sarili. Doon na nga kinuha ni Romero ang bola at dinala patungo sa kanilang side.   Napa-ow na lang ang mga taga-SW dahil walang bumantay kay Ricky. Dalawa na ang bumabantay kay Romero sa oras na iyon, si Rio at si Blanco!   Wala tuloy makuhang pwesto ang star player ng CISA. Si Ricky nga ay hindi na alam ang gagawin nang oras na iyon.   "Mendez! Lumapit ka rito!" tawag ni Romero sa kanya. Pagkalapit nga ni Ricky ay siya namang paggamit sa kanya ni Romero bilang screen. Nakatakas si Macky sa bumabantay rito ngunit sa pagsugod niya sa basket ay biglang nawala ang bola mula kanyang mga kamay. Natapikan siya ni Rio nang lumapit ito.   Doon ay nagsitakbuhan sina Romero at ang mga taga-SW para kuhanin iyon. Pero mas malapit si Rio sa bola at mabilis niya iyong kinuha. Dinepensahan siya ni Romero, ngunit dahil sa biglaang pangyayari... Biglang pinadaan ni Rio ang dribbling sa kanyang likuran na sinundan ng isang biglaang pagkaliwa dahilan upang mapa-wow ang mga manonood.   Isang behind-the-back crossover! Napatakbo ang mga taga-CISA para dumipensa, kaso, nakabwelo na si Rio. Hahabulin pa sana ito ni Cunanan ngunit nag-set ng screen si Herrera dahilan para maiwanan siya lalo.   Napangisi na lang si Rio habang papalapit sa ring. Ngayon ay gagawin na niya ang gusto niyang gawin kanina. Subalit biglang umiba ng direksyon ang bolang kanyang dini-dribble. Kasunod din noon ay ang paglampas sa kanya ng isang player na nakapula ng jersey.   Inagaw nito ang bola mula kay Rio at pagkatapos ay ipinasa nang patalbog papunta sa isang taga-CISA na si Cunanan.   Mabilis itong tumakbo patungo sa basket nila. Ang depensa nga ng SW ay napokus kay Cunanan. Binantayan nila ang ilalim ng basket laban sa paparating na kalaban at doon na nga tumalon si Cunanan. Sinabayan pa siya ng tatlong player ng kalaban sa ere.   Napangisi na nga lang si Cunanan. Doon na nga niya biglaang ipinasa ng walang tinginan ang bola sa kanyang likuran at patungo ito sa isang player pang paparating. Si Romero!   Pagkasambot nito ng bola ay nilampasan niya ang papalapag pa lang na mga taga-SW at doon pinakawalan ang isang lay-up. Dumaan pa nga iyon sa board bago pumasok sa basket. 58-77!   "P-paanong naabutan mo pa rin ako?" Ito na lang ang naitanong ni Rio sa hiningal na si Ricky.   Wala namang salitang lumabas mula sa bibig ni Ricky, bagkus ay dinipensahan niya lang si Rio. Gaya ng sabi ng kanilang coach, ang trabaho niya ay dipensahan ang star player ng SW na si Umali.   Sa loob ng tatlong minuto, ni isang puntos ay walang nagawa si Rio. Iyon ay dahil pursigido si Ricky na gawin ang kanyang trabaho.   Depensa. Depensa! Dahil din sa ginawang iyon ni Ricky, ang opensa ng SW ay humina nang bahagya. Sa natitirang 39 seconds, 75-80 na ang score.   Dahil din nga sa pagpasok ni Ricky, mas ginalingan nina Romero at Cunanan. Hindi nila alam, pero dahil sa ginagawa ni Ricky ay na-motivate silang huwag sayangin ang efforts nito sa depensa. Silang dalawa nga ang nagmando ng opensa. Isang three-point shot pa nga ang nakapagpatahimik lalo sa mga taga-SW. Isang itong tres mula kay Cunanan na sinundan pa ng paghiyaw ng malakas.   78-80 ang naging score at dalawa na lang ang lamang ng SW. Dahilan tuloy iyon upang mapatawag ng time-out ang Knights.   Nakangising bumalik si Cunanan sa bench kasama ang kanyang teamates. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang naglaho iyon nang may isa sa mga manonood ang kanyang nadaanan ng tingin. Halatang kakarating lang ng taong iyon dahil hindi niya iyon napansin kanina.   Nakasuot ito ng varsity jacket na purple at gold ang kulay. May kasama pa itong dalawang lalaki rin na ganoon din ang suot. Maging ang mga manonood ay napatingin din nga sa mga bagong dating na iyon. Kilala nila ang mga iyon!   "Ang Big 3 ng Calapan University!" sambit ng isa sa mga manonood na taga-SW.   Umupo ang mga ito malapit sa bench ng CISA. Tila naglaho nga ang angas ni Cunanan nang makita ang mga iyon. Si Romero naman ay naging seryoso lalo, habang si Alfante naman ay napakuyom na lamang ng kamao lalo na nang mapatingin sa isa sa mga players ng CU na dumating.   "Kumusta, Kier?" nakangiting bati ng nasa gitna kay Cunanan. Siya si Karlo Ibañez, ang sinasabing pinakamagaling na college player sa probinsya ng Oriental Mindoro. Isa pa, sinasabi ring may tsansa itong makapaglaro sa PBA kung gugustuhin nito.   "Kuya Reynan! Mukhang maganda ang ipinapakita ng team ninyo ah!" nakangisi namang sabi ng nasa kaliwa ni Ibañez. Siya naman ay si Rommel Alfante! Ang sinasabing pinakamagaling na Point Guard sa buong CBL.   "Dikit ang laban ah! Mukhang humina na ang team mo-- Rio Umali!" may kalakasang winika pa ni Ibañez at napakuyom na nga lang ng kamao si Rio pagkarinig noon. Napasigaw naman ng "Boo!" ang mga taga-SW na tinawanan lang ng tatlo.   Kampante ang tatlo na walang mangyayari sa kanilang masama kung gagawin nila iyon. Isa pa, alam ng lahat na ang tatlong ito ang pinakamagaling na mga players sa CBL. Gusto nilang talunin ang mga ito sa larangan ng basketball at hindi sa kung ano pa man.   Pero sa gitna ng pangyayaring iyon ay isang tanong ang sandaling magpapabago ng atmospera sa loob ng court na iyon.   "Si...s-sino sila?" bigla namang nasambit ng pawisan at pagod na si Ricky sa kanyang mga kasama na nagbalik bigla sa reyalidad sa mga nasa loob ng gym. Hindi man iyon kalakasan pero narinig pa rin ng karamihan sa mga naroon ang sinabi ng player ng CISA na may numero tres sa jersey.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD