Bola 14

3578 Words
LINGGO, isang araw bago ganapin ang College Basketball League.   Isa itong kompetisyon sa pagitan ng sampung tertiary schools sa Calapan City kung saan ay ang city government ang umi-sponsor nito at may malaking premyo ring makukuha ang sinumang magka-kampeon. Sa kompetisyong ito, round rovin ang magiging sistema ng laban at sa oras na matapos ang siyam na laban ng bawat team ay doon na pipiliin ang top 4. Lalabanan ng nasa 1st ang nasa 4th place, samantalang ang 2nd at 3rd naman ang magkakaharap. Ito ay sa isang best of three games. Ang unang makadalawang panalo ay siyang uusad sa finals. Pagdating naman ng Finals, mayroon namang best of five games kung saan, ang mauunang maka-tatlo ng panalo ay siya ang magiging champion.   Ang Calapan University ang school na palaging nagka-kampeon dito at tila sila pa rin ang mananalo sa season na ito. Halos lahat kasi ng kanilang mga players ay magagaling at lahat ng mga ito ay praktisado para sa bawat laro na lalaruin nila. Sa mata ng marami ay nananatiling walang makakatalo sa paaralang ito lalo pa't narito ang tinaguriang Big 3 ng CBL.   Bukas na gaganapin ang opening ng CBL sa CU at inaasahang maraming estudyante mula sa iba't ibang school ang pupunta rito. Isa pa, ang CU ay ang nag-iisang university sa buong Oriental Mindoro, sa ganda at laki ng school gym nila ay kayang-kaya nilang iukopa ang maraming mga manonood. Bukas din gaganapin ang unang laro sa pagitan ng CU Ballers at St. Anthony Thunder. Isa itong laban na siguradong maraming manonood dahil maglalaban kaagad ang top 2 teams ng CBL. Ang Big 3 laban sa kinikilalang Big 3 ng SA! Nitong nakaraang season nga ay nagawang ma-3 to zero ng CU ang kalabang ito, pero sa kabila noon ay naging dikit ang bawat laro nila.   Samantala, habang ang lahat ng mga players ng bawat school ay abala sa paghahanda sa CBL, mas pinili naman ng coach ng CISA na pagpahingahin ang kanyang mga players. Hindi sila nagkaroon ng practice game nitong dumaang sabado. Naisipan nga ni Coach Erik na gawin iyon, dahil nakita niya ang puspusang pagpa-practice ng ilan sa kanyang mga players. Sila ay sina Alfante, Romero at Cunanan. Maging ang baguhang si Ricky Mendez ay nakikita rin niyang pursigido. Aminado si Coach na hindi lahat ng players niya ay siniseryoso ang practice games, pero hindi niya maipaliwanag, pakiramdam niya kasi ay tila may maiipanalo na silang laban ngayong darating na season.   Isang normal na Linggo ng umaga naman para kay Ricky ang araw na ito. Pagkatapos niyang mag-jogging at sa bihirang pagkakataon ay dinala niya ang kanyang sarili sa basketball court na malapit sa bahay nila. Tulad ng madalas niyang napapansin, may mga naglalaro na kaagad dito. Mga binatang halos kaedad niya ang mga naroon at may ilan ding mga nasa trenta na pataas ang edad.   Napatingin siya sa court pagkatapos niyang umupo sa isang tabi. Naisipan muna kasi niyang magpahinga. Nang sandaling mapatingin siya sa court ay napaisip na lamang siya.   "Bukas na ang opening ng CBL. Sa Martes, may laro na kami..."   Wala pang ideya si Ricky sa player na kanyang babantayan, pero isa lang ang bagay na alam niya... magaling na player ito.   Pinanood niya muna sandali ang mga naglalaro sa court. Puro shooting lang ang nakikita niyang ginagawa nila. May siyam na kalalakihan at may ilang mga bata na nakikisambot ng bola sa ilalim ng basket kapag hindi papasok ang tira ng mga nandoon.   Halos mga nakahubad ang mga naglalaro rito. Halatang kanina pa lang ay naglalaro na ang mga ito. Tila walang kapaguran kung titingnan sila. Para sa kanila, ang sarap maglaro ng basketball. Nakikita rin ni Ricky ang mga payabangan ng mga moves at mga kung ano-ano ng bawat isa.   Napaisip tuloy si Ricky kung may ibubuga ba siya sa basketball? Para kay Mika? Para mapansin ni Mika?   Napangiti na lang na parang sira si Ricky. Para na naman raw kay Mika. Aminado siya na iyon talaga ang main reason niya, ngunit dahil kasali na siya sa varsity... kailangan na rin niyang mag-ayos kahit paunti-unti.   "Kahit hindi mo ako gusto..."   "Lalaruin ko pa rin ang sports na gusto mo..."   Tumagal nga si Ricky ng sulyap-tingin noon pa, kaya sisiw lang daw ito sa kanya. Babalik na lang daw uli siya sa pagsulyap-tingin sa dalagang gusto niya.   Parang dati lang.   Medyo hindi na rin sila nagka-chat ni Mika habang papalapit na ang CBL. Busy na rin kasi ang dalaga. Inintindi na rin naman iyon ni Ricky, tutal, nakikita pa rin niya ang dalaga habang nagpa-practice ito sa gym. Medyo pinanghinaan nga lang siya ng loob na i-approach ito. Magkagayon man, masaya pa rin si Ricky sa mga nangyayari sa kanila.   Nakatulala nga si Ricky sa kawalan nang mapansin niyang may kung anong paparating sa kanya.   Ang bola!   Kung dati-rati'y nahihirapan siyang sambutin ito, sa pagkakataong ito... nasalo niya ito nang walang kahirap-hirap. Napabuntong-hininga na nga lang siya at napatayo habang hawak ang bola.   "Muntik na iyon..." winika niya sa sarili at isang lalaki nga ang lumapit sa kanya.   "R-ricky?" wika ng lalaki.   Bahagyang nagulat si Ricky nang banggitin ng lalaki ang kanyang pangalan. Pero alam na rin naman niya kaagad kung bakit. Namukhaan niya kaagad ito, ang kapitbahay niyang si Christian at kaklase niya ito noong elementary.   "Laro tayo! Kulang kami ng isa! 5 vs. 5!" winika ni Christian na tila alam na naglalaro si Ricky nito.   "H-huh?"   Ngumiti si Christian at tinapik sa balikat ang binata.   "Napanood kita! Naglalaro ka pala ng basketball."   "Hindi ako makapaniwala ah. Parang 'di ka naman naglalaro dati ah."   "Varsity player ka pala ng CISA..."   Medyo napangiti ng pilit si Ricky. Hindi niya alam kung paano iyon nalaman ni Christian hanggang sa naalala niya kung saan ito nag-aaral. Sa Southwestern College!   "Sumali ka! Hindi ka pwedeng humindi! Bukas na ang simula ng CBL! Isama mo na sa practice ito!" may kaunting biro pa ni Christian sa kanya. Wala na ngang nagawa si Ricky kundi maglakad patungo sa loob ng barangay court.   "Mga brad! Game na! Kompleto na kami! Kaming lima, laban sa inyo?" kampanteng winika ni Christian at nilapitan ito ng tatlo pang halos kaedarin din nila ni Ricky. Natira sa kabilang grupo ang tatlong mga may edad na at dalawang kabataan.   "Brad, naglalaro ba iyan?" tanong ng isang kabarangay rin ni Ricky. Si Jojo ito kung tawagin. Kalbo ito at may kapayatan ang pangangatawan.   "Oo brad. Varsity player ito ng CISA," pagmamalaki ni Christian sa kasama. Si Ricky naman ay parang nahiya dahil dito.   "Naglalaro ako pre, pero 'di magaling," wika ni Ricky.   "Baka tayo matalo brad. 1k ang pustahan..."   Nang marinig iyon ni Ricky ay parang napaatras siya. Isa palang pustahan ang kanyang napasukan.   "Ay pre, hindi ako pwede. Pustahan pala. Wala akong pera..." winika na lang ni Ricky na papalayo na sana, ngunit pinigil siya ni Christian.   Inakbayan siya ng dating kaklase.   "Brad. Don't worry. Wala kang babayaran kung matalo tayo. Tsaka, napanood kita. Alam kong hindi ka magaling pumuntos..." Parang nahiya si Ricky nang marinig iyon, subalit nag-iba ito nang marinig niya ang sumunod.   "Pero pagdating sa depensa... Oks!"   Nginitian siya ni Christian sabay tingin sa tatlo pang kakampi.   "May tiwala ako sa kaibigan kong ito. Tayo ang pupuntos at siya ang babantay sa scorer nila..."   "Hindi ba brad?" Napatingin pa si Christian kay Ricky.   Gusto ni Ricky na umatras dahil baka matalo sila. Pero naalala niya si Christian, mabait ito noong mga bata pa sila. Lagi siyang binibigyan ng pagkain nito sa school. Napakababaw na dahilan iyon, pero sapat na ito para hindi makatanggi sa dating kaklase.   "Sige na pre... Game na!" Napangiting-pilit na lang si Ricky at pumwesto na sila. Pero bago iyon, itinuro ni Christian kung sino ang babantayan niya sa pustahang ito.   "Siya brad ang gagwardyahan mo. Iyong pinakabata... pamangkin siya nina Manong."   "Taga-kabilang barangay sila at lagi kaming hinahamon ng pustahan. Madalas ay lagi kaming panalo...tapos ngayon, naghahamon uli."   Naging seryoso si Christian.   "Isinama na nila si Reynold Martinez. Siya ang star player ng St. Anthony College sa CBL. Depensahan mo lang siya... kami na ang bahala sa ibang bagay."   Napalunok ng laway si Ricky sa narinig. Napasubo nga yata talaga siya. Ngayon ay isa na namang magaling na player ang kanyang gagwardyahan.   Kinausap na nga ni Christian ang kabilang grupo at nagkasundo sa mangyayaring pustahan. Race to 21 ang game at isang libo ang pusta ng dalawang grupo.   Sa mga kalaban ni Ricky ang possession ng bola. Doon na nga kumalat ang depensa nila. Kanya-kanya na rin sila ng binabantayan. Kung titingnan ay mas lamang sa laki at taas ang kabilang grupo ngunit sa takbuhan ay dalawa lamang naman ang makakasabay sa grupo nina Ricky. Isa pa, full court ang larong ito.   Tinapatan na ni Ricky ang sinabing bantayan niya. Mas matangkad ito sa kanya. Nakahubad ito ng damit at tanging shorts lang ang suot. Nakaapak din ito. Tanging siya nga lang ang naka-tsinelas sa mga naglalaro.   Doon ay isang maliksing dribbling ang ginawa nitong si Reynold Martinez sa harapan niya. Isang pagtalikod kay Ricky na sinundan ng isang mabilis na pagkaliwa sabay takbo patungo sa basket.   Ang bilis niyon!   Kampante na itong lumalapit sa basket. Naka-pwesto na rin ang kanyang mga kakampi para bigyan siya ng espasyo sa ilalim.   "2-0..." Sa isip-isip niya. Ngunit biglang nawala ang bola mula sa kanyang mga kamay.   Napalingon siya sa kanyang tagiliran at naroon si Ricky na natapik pala ang bola. Hinabol pa nga ito ng binata na ikinabigla naman ni Reynold nang bahagya.   Nakuha ni Ricky ang bola at ang mga kakampi nitong sing-bilis ng kidlat na nagsitakbuhan. Nasa side na agad nila ang apat. Doon na nga ibinato ni Ricky ang bola. Nasambot iyon ni Christian at nakapuntos ito matapos gumawa ng isang lay-up.   "2-0!" Tiningnan pa ni Christian ang kabilang grupo matapos iyon.   Si Reynold naman ay napangisi na lang at tiningnan si Ricky. Sinimplehan lang niya ang kanyang ginawang galaw. Ang mga tipikal na naglalaro sa mga bara-barangay ay hindi na siya hinahabol, ngunit iba ang kalaban niyang ito.   "Ayos ka ah..." nasabi na lang ni Reynold. Doon nga ay nasa kanila na uli ang bola. Ipinasa uli sa kanya iyon ng kanyang kakampi.   Napakabilis naman siyang dinipensahan ni Ricky. Sa bola at mga paa lang nakatingin ang binata habang tinatantya naman ni Reynold ang depensa ng bumabantay sa kanya.   Isang drive ng bola pakaliwa ang kanyang ginawa. Nakasabay naman si Ricky doon. Isang biglaang paghinto naman ang ginawa ni Reynold. Kasunod nga rin noon ay ang pag-dribble niya ng bola sa pagitan ng kanyang mga binti.   Napadiretso tuloy si Ricky at nagkaroon ng espasyo ang kanyang binabantayan. Pero magkaganoon man, pinilit niya pa ring makahabol para dumipensa.   May kaunting pagkagulat naman ang nakita kay Reynold. Ang kanyang gagawin sanang jumpshot ay naging isang biglaang pasa. Dumiretso iyon papunta sa isa sa mga tiyo niyang nasa ilalim ng basket.   Dinasik nga nito ang depensa mg bumabantay rito. Dahil sa laki at bigat nito, si Christian na dumidepensa roon ay napaatras. Kasunod nga noon ay ang pagtalon nito para ilagay ang bola sa basket.   "All two," sambit ng lalaking nakapuntos habang pinagmamasdan si Christian na napaupo na nga lamang sa sahig ng court.   "Tss. Hindi ako ready, kaya mo ako naisahan..."   Halata pa sa pangangatawan ni Christian na batak ito dahil sa mga nakabukol na muscles sa braso at binti.   "Pasa!" bulalas ni Christian at siya na ang nagdala ng bola. Ang bilis ng kilos ng mga kakampi ni Ricky. Hindi iyon masabayan ng mga may edad na nilang kalaban. Isa pa, araw-araw rin silang naglalaro rito... tiyak nga na hindi agad mapapagod ang mga ito. Isa nga sa kakampi niya ang pasimpleng umikot patungo sa basket. Doon nga ay mabilis niyang pinatalbog ang bola. Pagkatapos ay isang biglaan at mabilis na pasa ang ginawa ni Christian papunta roon.   Isang malakas na paglagapak ng bola at palad ang umalingawngaw sa paligid. Nahuli iyon ni Reynold. Kalmado lang ito at pagkatapos ay ibinato niya ang bola papunta sa side nila. Naroon na nga ang isa nitong kakampi na kaedarin niya.   "Baba agad!" sigaw ni Christian at tumakbo na sila.   Pagkasalo ng pinsan ni Reynold ng bola ay siya pang pagdala nito rito patungo sa basket. Dalawang hakbang ang kanyang ginawa at pagkatapos ay tumalon ito para gawin ang maayos na lay-up.   Subalit, nagulat na lang si Reynold nang makita ang sumunod na nangyari.   Naglaho ang bola mula sa kamay ng kakampi nito nang may isang kalaban ang tumapik nito.   Dumiretso ang bola palabas, ngunit hinabol pa rin iyon ni Ricky. Tumalon siya palabas at pagkakuha ng bola ay buong-lakas na ibinato ito pabalik sa court.   Nasambot iyon ni Christian, kasabay rin ng pagbagsak ni Ricky. Subalit pagkaharap nito para i-drive ang bola ay natapik naman ito ni Reynold. Mabilis nitong kinuha ang bola at huminto sa three-point area. Pagkatapos ay pinakawalan niya ang isang jumpshot mula roon.   "5-2."   Napatingin na lang si Reynold sa tumayong si Ricky na kasalukuyang pinapagpagan ang suot nito para maalis ang dumi.   Na kina Ricky na nga uli ang bola. Nakita naman ni Christian ang problema. Nababasa pala ni Reynold ang kanilang gagawin. Isa pang problema ay alam niya ring hindi magaling si Ricky sa dribbling at pagpuntos. Kapag pinasahan nila ito, siguradong maaagaw ito ng bumabantay rito.   "Jojo!" bulalas ni Christian at nilapitan siya nito. Isang screen!   Ginamit ni Christian ang katawan ng kasama para lampasan ang dumidepensa sa kanya. Mabilis naman na gumalaw ang kanyang mga kasamahan. Kaso, bigla siyang binantayan ni Reynold na sandali niyang ikinabigla.   Dahil doon ay tila nawala ang pagkakalma ni Christian dahil alam niyang magaling ito. Naging dahilan tuloy iyon upang makuha ni Reynold ang bola.   Pinilit itong agawing muli ni Christian kaso, isang biglaang pagpapadaan ng bola sa likuran ang ginawa ni Reynold. Hindi nakita ni Christian kung saan pupunta ang kanyang binabantayan. Akala niya ay kakaliwa ito kaya dito siya dumiretso ngunit naiwanan siya ni Reynold nang pinatalbog naman nito ang bola pakanan matapos itong padaanin sa pagitan ng mga binti niya.   Sabay na kumaripas ng takbo si Reynold at ang pinsan nito. Ganoon din nga ang mga kalaban nila.   Nagkatinginan pa ang magpinsan. Gumalaw naman ang mga kamay ni Reynold. Ipapasa nito ang bola sa kakamping nasa kaliwa nito.   Ang bumabantay na si Jojo ay naalarma kaya hinarangan niya ang isang kalaban. Ngunit isa lang pala iyong fake dahil hawak pa rin ni Reynold ang bola. Dalawang malaking hakbang ang ginawa nito na sinundan ng isang pagtalon palapit sa basket.   Napangisi si Reynold. Inaasahan na rin niya na may isa pang pipigil sa kanya. Aagawin na ni Ricky ang bola na nasa kanya namang kaliwang kamay subalit biglang ibinali ni Reynold ang kanyang lay-up. Iniba niya iyon ng direksyon. Mabilis niyang inilagay sa kanang kamay ang bola at itinaas palayo mula sa kamay ni Ricky.   Umangat ang bola sa ere kasabay ng pagbagsak nilang dalawa sa semento. Ang bola nga ay tila lumipad at dumiretso sa butas ng basket.   "7-2..."   Mabilis nga na tumayo si Reynold. Doon ay inalalayan din niya si Ricky.   "S-salamat..." wika ni Ricky rito na naliligo na sa sariling pawis.   Napailing na lang si Christian at lumapit kay Ricky.   "Brad... mukhang na-underestimate ko sila ah. Tsk. Ang lakas ni Reynold..."   "Tagilid tayo..." dagdag pa ni Christian.   "Goodbye 1k..." biro na lamang ni Jojo sa mga kakampi.   Napangiti naman ng pilit si Ricky at tiningnan ang mga kakampi.   "H-hindi pa sila nakaka-21... Kaya hindi pa s-siguro tayo talo..." wika ni Ricky.   Wala si Ricky sa CISA at hindi siya naglalaro para mapansin ni Mika. Hindi rin siya naglalaro para sa school nila. Sa pagkakataong ito, naglalaro siya para sa mga kakamping hindi naman pa niya kilala maliban kay Christian.   "Anong gagawin natin brad? Baka may ma-suggest ka?" tanong ni Christian.   Napaisip si Ricky.   "May shooter ba sa inyo? Magaling sa three pointer?" tanong ni Ricky.   "Sa totoo lang, ako ang medyo shooter sa amin. Kaso, minsan ay sumasablay."   "Iba talaga ang galawan kapag may mas maraming experience sa paglalaro nito..." dagdag pa ni Christian. Iba na nga sa pagkakataong ito. Maingat ang galaw ng kalaban nila na pinapangunahan ng isang player mula sa CBL. Kaya nga lang sila nanalo nitong huli nilang laban ay dahil hindi nababasa ng mga ito ang plays nila.   "Siguro nga..." nasabi na lang ni Ricky.   Napatingin na lang si Ricky sa basket. Kaya naman niyang pumuntos kapag malapit sa basket dahil natatantiya niya ang pwersa rito ‘pag malapit.   "Wala sigurong masama kung susubukan..." sabi ni Ricky sa sarili at ibinaba na nila ang bola.   Inalala ni Ricky ang mga napanood niya at ang mga itinuturo ng kanilang coach sa CISA.   "Magse-set din ako ng screen sa iyo..." wika ni Ricky. Doon nga ay sabay silang gumawa ng screen ni Jojo at tinakasan ni Christian ang bumabantay sa kanya. Si Jojo naman ay mabilis na tumakbo palapit sa basket.   Ipapasa sana niya rito ang bola kaso, biglang humarang si Reynold. Kinabahan na naman ito ngunit nakita niya si Ricky na tumatakbo patungo sa basket.   Wala ng ibang naisip si Christian. Alam niyang baguhan ito, pero no choice na siya.   "Jojo!" bulalas ni Christian, at pagkatapos ay ibinato nito ang bola.   Doon ay nabigla si Reynold dahil hindi sa direksyon ni Jojo pumunta ang bola.   Nasambot iyon ni Ricky. Doon ay hinarangan siya ng isa sa may edad na kalaban. Napakalapit na niya sa ring at doon nga ay tumalon siya para buong lakas na ibinira ang bola paitaas.   Kaso, hindi iyon pumasok.   Doon ay naisipan nga ni Ricky na kunin ang rebound, ngunit tila hindi siya makagalaw nang i-box-out na siya ng malaki at may kabigatan na kalaban.   Wala ng nagawa si Ricky kundi ang kumaripas ng takbo patungo sa side ng kalaban upang dumipensa. Nakuha nga ng kalaban ang rebound!   Nasa ibaba na rin si Reynold. Doon ay nakita nga niya ang bola na paparating na sa kanya. Nakita rin niya si Ricky na papalapit na sa kanya.   "Wala kang opensa... Pero magaling sa depensa..."   "Ayos ka kung magagaling din ang kasama mo, kaso..."   "Ang basketball ay isang team sports. Hindi mo kami matatalo kung sila ang kakampi mo..."   Binitawan ni Reynold ang bola. Isang three-point shot ang kanyang pinakawalan at pumasok iyon.   "10-2."   Gaya ng inaasahang mangyari, wala na ngang nagawa ang grupo ni Ricky. Natalo sila.   Pagod na pagod ang dalawang grupo nang matapos ang kanilang laro. At mas napagod ang grupo ni Ricky dahil talo sila ng isang libo.   "Pasensya na pre..." tila malungkot na sabi ni Ricky kay Christian. Nakaupo na sila sa court nang mga oras na iyon.   Napatawa naman ang kanyang mga kasama. Sa kabila ng pagod at pagkatalo ay tila masaya pa rin ang mga ito. Hindi tuloy maiwasang mapansin ni Ricky ang mga bagay na iyon.   "Nabawi lang naman nila ang kanilang talo noong isang araw..."   "Ano, brad? Hindi ba masarap maglaro ng basketball?" biglang nawika naman iyon ni Christian kay Ricky.   Napatayo si Ricky at nakita niya ang kaligayahan ng mga ito. Ang mga hiyawan ng mga ito sa umaga tuwing naglalaro. Ang mga nagkikiskisang mga pawisang katawan. At ang mga tunog ng pagtalbog ng bola... Hindi lang basta naglalaro ang mga ito.   Ini-enjoy nila ang larong basketball.   "Oo pre. Masaya nga talagang maglaro ng basketball. Kaya sa sunod, pag-aaralan ko na ang pagtira ng jumpshot! Para sa sunod na pustahan natin... manalo na tayo."   "Dagdag pambaon din." Napabiro pa si Ricky at kasabay niyon ay ang paglapit ni Reynold sa kanila.   "Yow! Salamat sa magandang game! Nag-enjoy ako! Nakakapagod pero ayos pa rin!" nakangiting winika ni Reynold na nakapagpangiti kina Ricky.   "Salamat din brad! Star player ba naman ng St. Anthony ang makalaban namin. Goodluck brad sa CBL!" wika naman ni Christian.   "So, nag-aaral pa kayo? Nanonood kayo ng CBL?" Tila nagkaroon ng kaunting pag-uusapan ang mga ito dahil doon.   "Kami lang ni Ricky brad." Inakbayan ni Christian ang katabing si Ricky.   "Ako, sa Southwestern at ang isang ito, sa CISA."   Napatingin si Reynold kay Ricky.   "Oh, sa CISA ka? So, kilala mo si Macky Romero?" Doon na napatayo sina Ricky. Sasagot na sana siya nang biglang sumingit si Christian.   "Kilala niya iyon brad. Teamate niya sa varsity ng CISA!"   Sandaling natigilan si Reynold sa narinig. Doon ay napangiti ito at naalala ang isang kakilala roon, hindi... isang matalik na kaibigan.   "So, player ka ng CISA? Ayos na ayos talaga..." Doon ay inilahad ni Reynold ang kanyang kamay.   "Reynold Martinez! Nice meeting you!"   Doon ay napatingin si Ricky sa binata.   "Ricky Mendez! Salamat pre. Nice game! Mas gagalingan ko pa sa sunod..."   Doon ay nagkamay ang dalawa. Si Reynold, biglang sumeryoso nang marinig ang buong pangalan ng kaharap niyang ito.   "Ricky Mendez? Sino iyon? Sure ka? Taga-CISA? Inalok ni Karlo?"   "Bakit hindi ko kilala ang isang iyon?"   "Icha-chat ko nga si Macky."   Napatapik na lang si Reynold sa balikat ni Ricky at seryosong tiningnan sa mata ang binata.   "So, see you sa CBL! Mukhang nakikita kong may gugulatin ang CISA ngayong season..."   Pagkatapos noon ay umalis na si Reynold. Pero bago iyon ay sinabi muna nito na ia-add niya sa sss si Ricky. Gusto kasi nitong maging kaibigan ang player ng CISA na ito.   Napangiti na lang si Reynold habang naglalakad palayo. Hindi na siya makapaghintay na makalaban ang team ng kanyang bestfriend.   "Hindi ako papayag na matalo mo na ako sa CBL, Macky..."   Ang tinutukoy ni Reynold na kailangan ni Ricky para manalo... ay mga magagaling na kakampi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD