MULING nag-iso play (galawang halatang hindi magpapasa) si Kier. Sinubukan nitong gumawa ng crossover mula sa bumabantay na si Arnold Cortez ngunit natapik nito mula sa kanya ang bola dahil sa padalos-dalos na drive. Mayroon na rin nga lamang natitirang dalawang minuto bago matapos ang laro. 22-6 ang score at talagang hirap na hirap ang mga try-outees sa labang ito. Hinihingal na rin si Kier nang sandaling iyon, ngunit mas hinihingal ang apat nitong kakampi dahil sa pagod.
Tumalsik palayo ang bola.
"Habulin ninyo!" bulalas ni Kier na sinubukan ding habulin ang bola dahil siya ang last touch sa possession na iyon.
"K-kaya ko pa..." sabi ni Ricky sa sarili. Samantala, ibinigay na nga niya ang kanyang pinakamabilis na pagtakbo sa kabila ng pagod na nararamdaman. Isa pa, kanina pa siyang bigay na bigay sa pagdepensa sa binabantayang si Raven Cruz. Iyon nga ang naging dahilan upang hindi makahawak ng bola ang varsity player na ito. Isa pa rin ay si Ricky ang nangunguna sa pagdepensa pabalik sa tuwing makukuha ng kalaban ang bola.
Sa kabila ng panginginig ng kanyang tuhod at halos hindi na makahinga nang maayos ay ipinagpapatuloy niya ang ginagawang pagdepensa.
Tumalbog palabas ang bola.
Natigilan na lang si Coach Erik sa ginawa ni Ricky. Tumalon ang binata para lang makuha ang bola na maa-out of bounds na. Napangiti si Ricky nang mahawakan ng dalawa niyang kamay ang bola. Sinundan niya agad iyon ng isang mabilis na pagbato patungo sa loob ng court. Hindi na niya alam kung sino ang makakasalo noon dahil bumagsak na si Ricky sa harapan ng ilang mga manonood matapos ang ginawa niyang iyon. Naramdaman niya ang sakit dahil sa pagsadsad ng braso niya sa semento. Mabilis na bumulwak mula sa sugat na nilikha noon ang dugo. Nakakuha rin siya ng galos sa mukha dahil doon.
Napangiwi siya sa sakit. Pero sa kabila noon ay pinilit niyang tumayo ngunit itinakwil na ng kanyang katawan ang kagustuhan niyang makapasok uli sa court. Nanghina na lamang siya at unti-unting napapikit.
Nawalan ng malay si Ricky dahil nanibago siya sa paglalaro ng basketball.
"M-mukhang wala akong future sa try-out na ito..." Iyon ang mga huling salita sa isip niya.
"M-mikaa..."
KINABUKASAN, pinilit ni Ricky na pumasok kahit nananakit ang kanyang katawan. May tapal din siya sa mukha at braso dahil sa mga galos na natamo niya mula sa try-out kahapon. Maging sa tuhod ay nagkagalos din siya ngunit hindi iyon makikita dahil sa pantalon niyang suot.
Hindi nga niya natapos ang game. Natalo rin sila at pakiramdam niya ay wala man lang siyang nagawa sa larong iyon.
"Olats..." Iyon na lamang ang nasabi ni Ricky sa tatlo niyang kaibigan nang magkita-kita sila sa loob ng paaralan.
"Okay lang iyan p're... Pasensya na at hindi kami nakapanood kahapon," wika ni Roland na halatang seryoso.
"Ayos lang, baka pagtawanan lang ninyo ako," sabi ni Ricky na sinamahan pa ng pagtawa pagkatapos iyong sabihin.
"Pare naman, hindi naman kami gano'n. Slight lang..." biro naman ni Mike at napatawa ang apat.
"Ilalakad ka na lang kasi namin kay Mika," wika ni Andrei na umakbay pa kay Ricky. Napangiwi naman ang binata dahil parang may sakit na naramdaman siya sa kanyang balikat. Dahilan iyon upang alisin kaagad ng kaibigan nito ang braso sa balikat niya.
"Sorry pare. Tsaka, hindi mo naman kailangang mapili sa basketball team ng school. Kami na lang ang gagawa ng paraan para makilala ka ni Mika," dagdag pa ni Andrei.
Mapait na ngiti na lang ang isinagot ni Ricky. Pakiramdam niya ay nakakahiya lang ang kanyang ginawa kahapon.
"P're! Si Mika!" biglang bulalas ni Mike at dumaraan nga sa tapat ng classroom nila ang dalaga.
"Hi Mika!" bati ng tatlo maliban kay Ricky habang kumakaway sa bintana.
Ngumiti naman si Mika at bumati rin ito.
"Mika! Wait!" bulalas ni Andrei na nagmamadaling lumabas mula sa classroom. Napatigil naman ang dalaga upang malaman kung bakit.
"Y-yes?" wika ni Mika.
"May tropa kasi kaming gustong makipagkilala sa iyo. Matagal na niyang gustong makilala mo... Ang totoo niyan, crush ka niya since high school pa. Same school tayo ng pinasukan."
Napatingin si Ricky sa kaibigang si Andrei nang marinig iyon. Napatayo tuloy siya at nagmadaling lumabas kahit paika-ika. Alam na kasi niya ang patutunguhan ng sinasabing iyon ng kanyang kaibigan.
"H-hoy! Ano'ng sinasabi mo!?"
Nagngitian ang mga kaibigan ni Ricky nang makita siya.
"Siya Mika! Si Ricky Mendez!"
Natigilan na lang nga si Ricky nang pagmasdan siya ni Mika. Ang unang beses na pagtingin sa kanya ng dalaga ay tila naging isang eksena sa pelikula. Napalunok siya ng laway at ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib.
Nakaramdam siya ng hiya nang tingnan siya ng dalaga.
"A-ah. Na-nagjo-joke lang ang mga iyan... M-mmmika..." palusot ni Ricky na hindi na alam ang gagawin.
Bigla namang sumilay ang ngiti sa labi ni Mika.
"I know you! Isa ka sa mga nag-try out kahapon? Ikaw nga 'yon!" bulalas ni Mika na may kaunting gulat na ekspresyon sa mukha.
Napanood ng dalaga ang nakakahiya niyang laro. Mas lalong kumabog ang dibdib ni Ricky dahil doon. Parang gusto nga niyang tumakbo pero tila nakadikit sa semento ang kanyang mga paa dahil hindi niya magawang makagalaw.
"A-ako nga iyon... Nakakahiya ang ginawa ko. H-hindi naman talaga ako naglalaro ng basketball..." Natatawang ewan na lamang si Ricky matapos niya iyong sabihin.
"Nakakahiya?" winika ni Mika habang nakatingin sa kanya.
"No! Ang galing mo nga. Hindi ka nga pumuntos pero ang pagdepensa mo... Hindi iyon gagawin ng sinumang nagta-try out! Iyong huli mong ginawa! Ang hustle play mong iyon..."
Bawat salitang binitawan ni Mika ay tila musika habang naririnig ni Ricky.
"Ang galing no'n! Hindi ka takot masaktan, mai-save lang ang bola."
"I admire that gameplay! Ang galing mo... Ricky Mendez!"
Hindi makapaniwala si Ricky na maririnig niya ang papuring iyon mula sa dalagang matagal na niyang gusto. Ang tatlo naman niyang kaibigan ay halos ayaw ring maniwala. Isa pa, habang sinasabi ni Mika iyon ay nakikita nilang tuwang-tuwa ito.
"S-sorry! Pasensya na kung medyo nag-over react ako. Hilig ko talagang manood ng basketball," nangingiti na lang na sinabi ni Mika sa apat.
Sumilay ang ngiti sa labi ni Ricky habang kaharap ang dalaga. Nandoon pa rin ang hiya pero dahil sa papuring narinig niya... naglaho ito nang bahagya iyon.
"O-okay lang. Ang galing nga..." wika ng binata habang nakatingin sa mga mata ni Mika.
Huminga nang malalim si Ricky. Kumuha siya ng lakas ng loob. Nakangiti niyang inilahad ang kanyang kanang kamay sa harapan ng dalaga.
"Ako si Ricky Mendez!"
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay napangiti bigla si Mika. Hindi ito nagdalawang-isip at kinamayan ang binata pagkatapos. Kasunod noon ay isang hindi kalakasang kantyaw mula sa mga kaibigan ni Ricky ang kanilang narinig.
"Mika! Mika Mendoza! Nice meeting you!"
Kung isa itong eksena sa isang palabas. Uulan ng maraming bulaklak na sasabayan ng magandang love song.
"Mukhang madalas na tayong magkikita... Ricky."
Napaisip bigla si Ricky sa sinabing iyon ng dalaga. Nagbitaw sila at nagkatinginan.
"Ako ang cheerleader ng school sa CBA at varsity player ka," dagdag pa ni Mika.
"P-paanong..." Hindi maisip ni Ricky kung paano.
"Napili ka Ricky! Hindi mo pa ba nababasa sa bulletin board?" nangingiting paglalahad ni Mika na ikinagulat ng apat.
"I-imposible! S-seryoso?" muling tanong ni Ricky dahil ayaw niyang paniwalaan iyon.
Ngumiti si Mika at tiningnan sa mata ang binata.
"Mukha ba akong nagbibiro?"
Napalunok ng laway si Ricky at napa-Yes naman ang kanyang mga kaibigan. Hindi nila inaasahang mapipili ang binata. Isa pa, mukhang ito na nga talaga ang simula ng kwento nila ni Mika.
Si Ricky Mendez, sinubukan lang niyang maglaro upang mapansin ng dalaga... at sa pagkakataong ito... nakapasok siya sa CISA basketball team nang hindi niya inaasahan.
Ang pagsisimula! Ang pagsisimula ng isang kwentong pag-ibig at kwentong basketball ni Ricky Mendez!