Chapter 19

2425 Words
LUMIPAS ang isang linggo na hindi ko gaanong namalayan. Tuloy-tuloy ang paggagawa sa parteng kusina ng resthouse at nakikita ko na halos ang magandang kalalabasan noon. Araw-araw umaalis si Senyorito Matthew para asikasuhin ang sa aming kasal at sa buong isang linggo ay dalawang beses niya akong isinama - para humarap sa civil registrar at sa family planning seminar na nire-require para sa pag-release ng marriage license. Kapag hindi niya ako kailangang isama ay nasa bahay lang ako at tumutulong naman kay Ate Rosa. Sa tuwing gabi, kapag kami na lang dalawa ng abogado ang magkaharap, para na kaming estranghero sa isa’t isa. Nag-uusap kami pero, kapag may sasabihin o itatanong lang siya. Kumakain kami nang sabay. Natutulog nang magkahiwalay. Hindi ko maiwasan minsan na sumama ang loob dahil sa ikinikilos niya. Para bang ipinamumukha niya sa akin na hindi niya ito talaga gustong gawin. Na may pinanghahawakan lang siya sa akin kaya napipilitan siyang pakasalan ako. Gusto kong magreklamo. Gusto kong manumbat. Hindi ko kasi alam kung pagkatapos ng kasal ay kapareho pa rin ang magiging sitwasyon namin at iniisip ko pa lang kung paano kami tatagal nang ganoon ay sumasakit na ang dibdib at ulo ko. “Melba! Anong nangyari sa’yo at ngayon ka lang ulit nagparamdam?” tanong ko sa kaibigan ko nang sa wakas ay sumagot siya sa aking text. Tinawagan ko siya agad at ngayon nga ay kausap ko sa cellphone. “Kumusta ka na? Bakit hindi ka nagtetext? Hindi rin kita matawagan.” “Sorry, Gigi. Akala ko kasi galit ka sa akin. May nagawa kasi akong kasalanan... sa’yo…” Nagsalubong ang mga kilay ko sa sagot niya. “Anong sinasabi mo? Anong kasalanan?” Sumibol ang munting kaba sa dibdib ko. “K-kasi Gigi… nasabi ko kay Inay ang tungkol sa’yo. Alam niya na nasa Irosin ka at kasama ni Attorney Matthew.” “Ano?” bulalas ko at napatayo sa silya. “Sinabi mo ‘yon sa Inay mo? Melba,bakit mo naman ginawa ‘yon?” “Hindi ko naman sinasadya, Gigi. Kilala mo naman si Inay, 'di ba? Mabait ‘yon. Pero kapag may itinanong siya sa aming magkakapatid at hindi kami nagsabi nang totoo, nagagalit talaga siya. Nagtataka kasi ang Inay kung bakit hindi ka napagkikita gayong nakalaya ka na. Hanggang sa nalaman niya na pinalayas ka nga ni Donya Donata. Tuloy, ako ang piniga niya dahil sigurado raw siya na alam ko kung nasaan ka.” Napahawak ako sa aking ulo at muling napaupo. Hindi ko alam ang isasagot ko kay Melba. Parang alam ko na ngayon kung paano nakarating kay Tita Donna ang tungkol sa amin ni Senyorito Matthew. Malamang na ang nanay ni Melba na si Manang Marites ang nagsabi rito. Pero iba ang interpretasyon ng madrasta ko kaya ipinalabas niya na tinangay ako ng abogado. “Gigi, sorry talaga! Ang dami mo nang sinabi sa akin na sikreto mo pero, ito pa talaga ang hindi ko naingatan. Hindi kita sisisihin kung sakaling hindi mo na ako pagtiwalaan ulit. Sorry, Gigi.” Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ko. “Wala na tayong magagawa, Melba, nariyan na ‘yan, e. Sana lang mapakiusapan mo ang Inay mo na h’wag nang ipagkalat ang tungkol doon. At kung pwede, pakilinaw rin na tinutulungan ako ni Senyorito Matthew kaya niya ako kasama. Please, Melba?” May guilt sa akin nang sabihin iyon dahil alam kong hindi pagtulong ang pakay sa akin ng abogado. Pero sa nangyaring ito, ayoko nang magsabi kay Melba ng kahit ano. “Oo, Gigi. Iyan din mismo ang sinabi ko kay Inay na tinutulungan ka ni Attorney kaya ka nariyan. At hindi tsismosa ang Inay kaya wala kang dapat alalahanin.” Hindi ko na sinundan ang sinabi niya. Ayokong magtalo pa kami. Oo, mabait ang nanay niya pero kung hindi ito tsismosa, bakit nalaman ni Tita Donna kung nasaan ako. Ayokong magbintang pero kanino pa ba manggagaling ang balitang iyon kung hindi rito? Ang tanging maganda lang ngayon, alam ko na kung sino-sino sa mga taga-asyenda ang nakakaalam kung nasaan ako. At maaaring tama si Senyorito Matthew. Hindi magtatagal kakalat ang balitang magkasama kami ng abogado na naninirahan sa iisang bubong. Kinagabihan ay magkaharap ulit kami sa hapunan ni Senyorito Matthew. Medyo maaga siyang dumating at naabutan pa niya ang mga trabahador na gumagawa. Paunti-unti na ring inaayos ang bagong renovate na kusina ng rest house. Isa o dalawang araw pa ay pwede na sigurong magamit iyon. “Aalis tayo sa makalawa para bumili ng isusuot natin sa kasal. Kapag may nagtanong ulit sa’yo, sabihin mo na lang na may kailangan kang asikasuhin sa pagbabalik mo sa kolehiyo.” Tumango ako. Sa dalawang beses kasi na isinama niya ako ay laging nag-uusisa si Ate Rosa. Hindi ko malaman ang isasagot dito hanggang sa sisingit na lang si Senyorito Matthew para siyang magsabi sa ginang. Pagkakain ay naghugas naman ako ng pinggan. Pagkatapos, umakyat na ako sa aking kwarto nang hindi nagpapaalam kay Senyorito Matthew. Busy na kasi siya sa sala at nagbabasa ng ilang papeles kaya iniwan ko na siya roon. Naglinis ako ng katawan at nagpalit ng pantulog na daster. Inihahanda ko na ang tulugan ko nang bumukas ang pinto ng aking kwarto at dumungaw si Senyorito Matthew. Sinalakay ako agad ng kaba. “You may sleep with me starting tonight.” Walang kaabug-abog ang pagkakasabi niya noon. Ilang segundo akong naestatwa bago nakakibo. “A-anong sinasabi mo, Senyorito?” “You know what I am talking about, sweetheart. Kapag kasal na tayo, kabilang ‘yan sa magiging obligasyon natin sa isa’t isa.” “Pero hindi pa tayo kasal at inoobliga mo na ako.” Nagkibit siya ng balikat. “I’m not forcing you to do it. Desisyon mo pa rin kung saang kama ka matutulog.” Tumalikod siya at naglakad paglabas ng kwarto ko. Nasa labas na siya nang lingunin ako. “Maghihintay ako.” Nang tuluyang makaalis si Senyorito Matthew ay lumapit ako sa pinto. Dali-dali kong isinarado iyon at ikinandado. Nagngingitngit ako nang bumalik sa kama at inayos ang mga unan saka humiga. Maghihintay siya? Pwes, maghintay siya sa wala dahil hindi ako lilipat sa kwarto niya! Alas sais pasado na nang magising ako kinaumagahan. Mabilisan akong naligo at nagbihis bago bumaba. Walang senyales na may tao kaya siguro ay tulog pa ang may-ari ng bahay. Binuksan ko na ang main door, dumirecho sa terasa at nagsimulang maghanda ng aalmusalin habang umiinom ng kape. Bandang alas siete kinse naman nang dumating si Ate Rosa dala ang mga pinamalengke niyang karne, isda at gulay. Hinugasan ko ang mga iyon at inilagay sa regriferator ang iba samantalang ang iba ay inihanda na niya para sa uulamin sa tanghalian. Nagprito si Ate Rosa ako ng hotdogs, bacon at itlog para sa almusal naming lahat. Saktong pumaparada ang service van ng mga trabahador nang lumabas si Senyorito Matthew. Nakapantalong itim, sapatos na leather at polo shirt siyang light blue na nakalilis hanggang siko. Naka-sunglasses rin siya. Hindi ko mapigilang humanga dahil kahit anong suotin ng abogado ay hindi nagbabago ang lakas ng dating nito. Palihim na sinaway ko ang sarili ko at binati siya. Hindi nga lang siya bumati pabalik kaya nakadama ako ng inis. “Good morning, Attorney! Mag-almusal na po kayo ni Gigi,” alok rito ni Ate Rosa. “Hindi na. I’m already late with my appointment. Kailangan ko nang umalis ngayon.” “Mukhang napuyat nga po kayo kagabi kaya itinatago n’yo ang mga mata n’yo," natatawang komento ni Ate Rosa. Nasilip ko sa ibabaw ng sunglasses na suot niya na umarko ang mga kilay ng abogado pero, wala siyang tugon sa puna ng ginang. Bumaling siya sa akin. “Aalis na ‘ko.” Tumango lang ako. Tumalikod na siya at lumabas ng terasa. Narinig ko pa nang batiin siya ng mga trabahador pero, wala man lang pinansin si Senyorito Matthew sa mga ito. Nakasunod pa rin ang tingin ko sa abogado hanggang sa makasakay na ito ng kotse. “Gigi, kumain ka na,” untag sa akin ni Ate Rosa. “Ako na ang bahalang mag-intindi sa mga trabahador.” Matipid akong ngumiti rito. “Sige po, Ate.” Tumingin muna ako sa sasakyan ni Senyorito Matthew at pinanood ang pag-alis noon. Katatapos lang ng tanghalian nang sorpresahin naman ako ng pagdating ng isang bisita sa rest house. Kinatok pa ako ni Ate Rosa sa aking kwarto para sabihing naroon sa ibaba ang nanay ko. “Gigi!” nakangiting bati sa akin ni Tita Donna nang lumabas ako ng rest house. Sa gilid ko ay naroon si Ate Rosa na nanonood sa amin. Hindi ko alam kung paano ko sila ipapakilala sa isa’t isa kaya laking pasalamat ko nang magpaalam si Ate Rosa na ipagpapatuloy na nito ang ginagawa. Naiwan akong mag-isa na hinarap ang aking bisita. Sinamantala ako ang pagkakataong nakatalikod si Ate Rosa. Hinawakan ko sa kamay si Tita Donna at iginiya siya palabas ng terasa papunta sa gilid ng rest house. “Tita Donna, anong ginagawa n’yo rito? Bakit kayo nagpunta?” tanong ko nang malayo-layo na kami. Pinagtaasan niya ako ng mga kilay. “Ano bang klaseng tanong ‘yan? Siyempre, inaalam ko ang kalagayan mo!” Mataas man ang boses niya ay hindi naman tonong galit o nang-aaway. “Tita Donna, please, h’wag po kayong gagawa ng gulo rito. Mababait po ang mga tao rito at hindi sila sanay sa gulo.” Inaasahan ko nang ikakagalit niya ang sinabi ko pero, nanatiling masaya ang tugon niya sa akin. “Ano ba itong batang ito? H’wag mo ngang sabihin ‘yan! Hindi ako manggugulo. Kinukumusta lang kita.” Ngumiti ito. Hindi ko maiwasang magtaka sa reaksiyon niya. Tumingin si Tita Donna sa gawi ng bahay bago muling nagtanong. “Anong meron sa bahay n’yo? Nasilip ko kanina na ang daming lalake sa loob.” “Mga trabahador po sila. Ipinapaayos po kasi ni Senyorito Matthew ang ilang parte ng bahay.” “Gano’n ba? Mukhang pinaghahandaan na talaga ni Attorney ang lahat. O, ikaw, kumusta ka? Maayos ba ang pagtrato sa’yo ng mapapangasawa mo?” Napaawang ang mga labi ko. “P-po?” “O, bakit? H’wag mong sabihing mali ako. Alam kong may relasyon kayo ni Attorney at magpapakasal na kayo!” Hindi ko malaman kung paano susundan ang usapan. Wala akong sinabihan ni isa tungkol sa pagpapakasal namin ni Senyorito Matthew. Kahit kay Melba ay nag-alangan na rin akong magsabi. Wala akong ideya kung paano nalaman ni Tita Donna. Baka si Senyorito Matthew din ang nagsabi rito dahil nanghihingi nga raw ng danyos at baka pinuntahan na naman ni Tita Donna si Do Hernando. Pero malinaw ang sinabi ng abogado na hindi siya magbibigay. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na naroon si Tita Donna para igiit ang tungkol sa pera. “At saka ikaw na bata ka, bakit ganiyan ka bisitahin?" wika ni Tita Donna na pumukaw sa pag-iisip ko. "Imbes na hilahin mo ako papasok ng bahay n’yo ay rito mo ako dinala? Ayaw mo bang malaman ng mga tao rito na magkapamilya tayo?” May kaunting hinampo ang boses niya at hindi ko malaman kung kikilabutan ako o ano. “Tita Donna, hindi po sa gano’n. Nakita n’yo naman po, may ginagawa po ang mga tao sa loob. Baka makaabala tayo.” “Bakit sila maaabala e, makikipagkwentuhan lang naman ako sa’yo? Aalamin ko lang kung kailan ang kasal ninyo at kung imbitado ba kami.” Naghahalo ang pagkataranta at prustasyon sa akin. “Tita Donna, h’wag na po nating pag-usapan ‘yan! Sige po! Papasukin ko kayo pero, hanggang sa terasa lang dahil may ginagawa sa loob. At pakiusap lang, h’wag kayong magbabanggit ng tungkol sa relasyon namin ni Senyorito Matthew. Lalo na ng tungkol sa kasal. Hindi po ‘yon alam ng mga taga-rito.” Halos magtagpo ang mga kilay niya. “Anong sinasabi mong bata ka? Hindi ba alam ng mga taong ‘yan na ikakasal ka sa abogadong iyon?” Umiling ako. “Hindi po. Sa aming dalawa lang po ni Senyorito ang tungkol doon kaya wala po kaming ibang pinagsasabihan.” “Inililihim n’yo pa? Ano bang klaseng nobyo ‘yang si Attorney? Ikinahihiya ka ba niya kaya ayaw niyang ipaalam?” Hindi ako nakasagot. Hindi naman siguro ganoon pero, ayokong magsalita ng tapos. Wala akong alam sa takbo ng utak ni Senyorito. “Sige. Para mapanatag ka ay hindi na lang ako tutuloy sa bahay ninyo. Mahirap na kung may masabi ako e, ako pa ang masisi. Hindi na rin ako magtatagal. Malayo ang ibiniyahe ko para makita ka pero, kung ganiyang hindi ka pala masaya na bisitahin ko ay uuwi na lang ako ng Sta. Magdalena.” Nang maggabi ay hindi ko inawat ang sarili ko at sinabi kay Senyorito Matthew na nagpunta roon si Tita Donna. Sa palagay ko kasi ay karapatan niyang malaman iyon dahil minsan siyang pinagbintangan nang hindi maganda ng aking madrasta. Baka sa iba pa niya marinig na nagpunta roon si Tita Donna ay mag-isip pa ang abogado na pinaglilihiman ko siya. “Nakarating na pala sa kaniya ang tungkol sa pagpapakasal natin?” “G-gano’n nga,” sagot ko, “pero hindi ako ang nagsabi sa kaniya dahil wala akong sinasabihan ni isa!” agap ko sa medyo defensive na tono. Tiningnan niya ako. “What else did she tell you?” Humugot ako ng malalim na hininga. “Gusto rin niyang malaman kung kailan ang kasal natin at kung imbitado ba siya?” “Sinabi mo bang isang civil wedding lang ang magaganap?” “Hindi. Wala akong sinabi na kahit ano. Ang sabi ko sa kaniya, tayo lang ang nag-uusap tungkol doon at ayaw nating ipaalam sa ibang tao.” “It’s useless, Gigi," sagot ng abogado. "Sa ginawa ng tiyahin mo sa akin, hinihintay ko na nga lang na lumikha siya ng malaking balita sa Sta. Magdalena. Pero hindi na 'yon mahalaga. Hindi na tayo babalik sa Hacienda Isabelle.” “A-ano? B-bakit?” naguguluhang tanong ko. Hindi siya sumagot at bagkus ay ipinagpatuloy niya ang pagkain. “Dahil ba sa pamilya mo, Senyorito?” Iyon lang ang dahilan na nakikita ko. Malamang na galit ang pamilya ni Senyorito Matthew sa naging desisyon niya. Lalo na si Don Hernando. At saka lang nanasok sa isip ko ang iba pang posibilidad. Nakadama ako ng takot. Tumikhim si Senyorito Matthew at nang tingnan ko siya ay mukhang patapos na siya sa pagkain. “Bilisan mo na riyan para makaakyat ka na sa kwarto mo at makatulog. We will leave early tomorrow.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD