Chapter 23

1831 Words
“ATTORNEY! Good afternoon po!” Ang nakangiting mukha ni Tita Donna ang natanaw ko nang buksan ni Senyorito Matthew ang pinto. Nahati ang isip ko kung magtatago ba sa kwarto o haharap sa kaniya. Pero sa tingin ko ay mas tamang harapin ko siya. Kabastusan naman kung hindi ako magpapakita dahil ako ang kamag-anak niya kaya malamang na ako ang dahilan kaya narito si Tita Donna. Hindi ko narinig na sumagot si Senyorito Matthew. Nanatili lang siyang nakatingin sa nasa labas at lumingon lang nang maramdaman marahil ang paglapit ko. Namataan agad ako ni Tita Donna. “Tita Donna,” tawag ko nang makalapit. “Ano pong ginagawa n’yo rito?” “Ate!” Namilog ang mga mata ko nang makita ang pinagmulan ng maliit na boses. “Jaypee!” “Ate!” masayang sambit ng kapatid ko sabay sugod ng yakap sa akin. Awtomatikong napaupo ako upang mayakap din siya. Huli kong nakita si Jaypee noong nakalaya ako at umuwi sa bahay pero, pinalayas naman ako ni Tita Donna. Sa nagdaang mga linggo ay naiisip kong puntahan siya pero, sa dami ng problema ay hindi ko naman mauna. “Kumusta ka na, Jaypee?” tanong ko nang bumitiw siya sa aking yakap. Imbes na sumagot ay nalukot nang bahagya ang mukha ng kapatid ko. “Ate, anong nangyari sa’yo? Bakit ang dami mong ganiyan?” “Ha? Ang alin?” “Iyan po,” turo niya sa leeg ko. Saka ko lang naunawaan ang tinutukoy niya. Nabitiwan ko si Jaypee at tarantang tumayo. Hindi ko malaman kung paano ko tatakpan ang sarili ko. Napatingin ako kay Tita Donna na nanlalaki ang mga mata sa akin. “Siya po ba ang asawa mo, Ate?” Nakaturo si Jaypee sa katabi ko habang itinatanong iyon. Nagkatinginan kami ni Senyorito Matthew. Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang kapatid ko. “Papasukin mo muna ang mga bisita mo, Gigi.” Narinig kong sabi ni Senyorito Matthew. Hinawakan ko si Jaypee sa kamay at iginiya papasok sa sala. Kasunod namin si Tita Donna na nagtataas na ngayon ng mga kilay sa akin. Isinarado ni Senyorito Matthew ang pinto at lumapit. “Pasensiya na kayo, Attorney! Mukhang nakaistorbo kami ng kapatid ni Gigi.” “Si Gigi na muna ang bahala sa inyo. Sa itaas na muna ako.” Nilingon ako ni Senyorito Matthew. “Call me if you need anything.” Tumango lang ako at pagkatapos ay tinalikuran na niya kami. Pinanood ko pa ang pag-akyat niya sa hagdan. “Maupo muna tayo, anak! Halika rito!” Nabaling ang pansin ko kay Tita Donna na hinihila si Jaypee sa sofa. Sumunod naman ang kapatid ko na naupo sa tabi niya. “Tita Donna, ano po palang kailangan n’yo? Bakit kayo napasyal?” Umismid siya bago sumagot. “Hayan ka naman, Gigi. Sa tono mo e, kulang na lang itaboy mo kami pauwi. Hindi ako ang may gustong magpunta rito. Itong kapatid mo ang gusto ka raw makita. Hindi ba, bunso, ikaw ang nagyaya rito para makita ang Ate Gigi?” tanong nito sa katabi. Tumango naman si Jaypee. “Mabuti nga at sinamahan ko kahit alam kong mapapahiya lang ako sa’yo.” “Hindi naman sa gano’n, Tita Donna. Hindi ko kasi bahay ito.” “Kaninong bahay ito, Ate? Doon sa masungit na lalake?” Nagulat ako sa tanong ni Jaypee. Napakamot ako sa batok at saka naupo sa kabilang sofa at hinarap siya. “Hindi masungit si Matthew, Jaypee. Mabait naman ‘yon. Hindi ba, naroon siya noong nakaburol si Tatay? Siya kasi ang tumulong sa atin.” “Pero bakit hindi siya nangiti sa akin?” Nahirapan akong sagutin ang tanong ng bata. Napatingin ako kay Tita Donna. “D’yan ka lang muna, Jaypee. Mag-uusap muna kami ng Ate mo.” Pagkasabi noon ay tumayo si Tita Donna, iniwan ang bag sa sofa at nilapitan ako. Hinawakan niya ako sa braso at iginiya patayo. Hinila niya ako sa may ibaba ng hagdan at doon kinausap. “Gigi, ano ba ‘yang nasa katawan mo? Bakit ka pumapayag na lagyan ka ng ganiyan? Sobra naman ‘yang nobyo mo!” Napahawak ako sa aking leeg. Hindi ko na naman alam kung paano ko sasagutin iyon. Kanina pa ako napipipilan. Wala naman kasi akong kabalak-balak na humarap sa ibang tao sa ganoong ayos ko. “Itatama ko ang sinabi mo, Mrs. Apostol. Hindi ako nobyo ni Gigi. Asawa na niya ako. We've been married since yesterday.” Naramdaman ko na muna ang pagbaba niya sa hagdan bago ko narinig ang boses ni Senyorito Matthew. Pareho kaming napatingin dito ni Tita Donna. “Marahil nga, Attorney. Kitang-kita ko naman sa ginawa mo rito sa anak-anakan ko, e.” Binalingan ako ni Tita Donna at pinagtaasan ng mga kilay. “Kahapon pala ang kasal mo ay hindi mo man lang ipinaalam sa akin. Kung nabubuhay lang ang Tatay mo, siguradong nasaktan ‘yon sa ginawa mo. Para kang walang pamilyang bata ka.” Malumanay ang pagkakasabi noon ni Tita Donna pero, tumagos sa dibdib ko. Siguro nga ay may pagkukulang ako sa parteng iyon. Dahil kahit ano naman ang pinagdaanan namin ay may karapatan pa rin silang malaman ang sitwasyon ko at ang nangyayari sa buhay ko. “We wanted our wedding to be private. Kahit ang pamilya ko ay walang alam na kasal namin kahapon.” Umiling si Tita Donna at tumingin kay Senyorito Matthew na ngayon ay nakatayo na sa tabi ko. “Kung hindi alam ng pamilya mo, bakit nagpadala ng tauhan si Don Hernando kahapon sa bahay para pagbantaan kami?” Nagusot ang noo ko sa sinabi ni Tita Donna. “A-ano po?” Napatingin ako sa katabi ko. Hindi nagbabago ang reaksiyon ni Senyorito Matthew. “Isang linggo. Isang linggo na lang ang pwede naming ipamalagi sa bahay sa asyenda dahil kapag hindi kami umalis ay ang mga tauhan mismo ng Lolo mo ang magpapalayas sa amin. Saan kami lilipat ngayon?” “Tita Donna… h’wag mo pong isisi kay Matthew ang tungkol diyan.” ”At bakit hindi, Gigi?” naiiyak na siya nang bumaling sa akin. “Kung siya ang puno’t dulo ng mga ito, bakit hindi ko sisisihin ang asawa mo?” “Ano bang gusto mong mangyari, Mrs. Apostol?” kalmadong tanong ni Senyorito Matthew sa aking madrasta. “Pinanindigan ko ang anak-anakan mo kahit mali ang pag-aakusa mo sa akin. I married her, I made her my wife. Legal wife. Masama pa ang ginawa ko?” “Masama dahil sinuway mo si Don Hernando! Alam mong tutol ang Lolo mo na pakasalan mo ang isang gaya ni Gigi pero, itinuloy mo pa rin? Bakit? Para ipamukha sa akin na wala akong makukuha ni isang sentimo mula sa’yo? Mukhang pera ba ang tingin mo sa pamilya ng asawa mo, Attorney?” “Tita Donna, ano po bang sinasabi mo? Huminahon kayo, naririnig kayo ni Jaypee.” Nilingon ko ang kinaroroonan ng kapatid ko. Tahimik lang ito na nakatingin sa amin. Narinig ko ang mga hikbi ni Tita Donna. Nakita kong pinahid niya ang luha ng palad at tumingin sa akin. Nakalarawan sa mga mata niya ang labis na pagdaramdam. Hindi ko sigurado pero, para bang nasasaktan at naaawa siya sa akin. “Totoo ang sinabi ko, Gigi. Alam kong masakit marinig pero, hindi natin masisisi ang mga Ylustre. Sino ba naman tayo, hindi ba? Ano bang maipagmamalaki ng pamilya natin? Nakikitira nga lang tayo sa lupa nila… at ngayon, pinapaalis na nila tayo...” Dumaloy ulit ang luha ni Tita Donna pagkasabi noon. Hindi ko malaman ang sasabihin ko. Gusto kong itanong kay Senyorito Matthew sa oras na ‘yon mismo ang tungkol doon pero, para bakit pa? Wala naman akong dapat ipagtaka sa sinabi ni Tita Donna. Tama rin siya. Hindi ko masisisi si Don Hernando kung tutol ito sa pagpapakasal namin ng apo niya. “Kung bahay ang problema n’yo, h’wag kayong mag-alala. Tutulungan ko kayo.” Napatingin ako sa katabi ko. Nabuhayan ako ng loob sa sinabi niya. Kahit hindi kami magkasundo ni Tita Donna, ayokong mawalan sila ng tirahan. Lalo na si Jaypee. “A-anong ibig mong sabihin, Attorney? Handa ka bang kupkupin din ang pamilya ni Gigi?” tanong ni Tita Donna. Natigilan ako. May bahagi ko ang hindi sang-ayon kung sakaling makakasama namin sila sa iisang bahay pero, kung iyon ang desisyon ni Senyorito Matthew, anong magagawa ko? “Tutulungan ko kayong makahanap ng bahay. Ako ang bahala sa lahat ng gastos. Bukas na bukas din, magpapahanap ako ng malilipatan ninyo at once makakita ako, magpapadala ako ng mga tao roon sa asyenda para tulungan naman kayong maghakot ng gamit.” Hindi kumibo si Tita Donna. May maliit na ngiti naman sa mga labi ko nang marinig ang sinabi ni Senyorito Matthew. At least, solved na ang problema. Ipinagluto at pinakain ko muna sina Tita Donna at Jaypee bago sila umalis. Nangako naman ako sa aking kapatid na magkikita ulit kami nito. “Ate, pwede bang malapit dito ang magiging bagong bahay namin? Para madali kitang mapuntahan.” Hindi na naman ako nakasagot. Nagkatinginan lang kami ni Senyorito Matthew na katabi ko habang inihahatid sila sa labas. Pagkaalis nila ay umakyat na ulit kami ng kwarto. Naiwan pa rin sa isip ko ang mga sinabi ni Tita Donna. Hindi ko alam kung dapat pa bang pag-usapan ang bagay na iyon pero, parang hindi rin tama na balewalain ko. Bakit iginiit pa ni Senyorito Matthew ang pagpapakasal namin kung ayaw pala ng Lolo niya? “Iniisip mo ang sinabi ng madrasta mo?” tanong na pumukaw sa pananahimik ko. Nakita ko si Senyorito Matthew na nakatapis na lang ng tuwalya. Naalala ko na kanina habang paakyat kami ay sinabi niyang maligo na muna kami. “Wala ka kasing nabanggit tungkol doon. Ang lagi mo lang sinasabi… iyon ang gusto mong kabayaran sa tulong mo sa akin.” “Dahil iyon ang talaga ang rason ko. Regardless of my family’s opinion, pakakasalan kita dahil iyon ang gusto kong bayad mo.” “Hindi mo ba naisip na pang-habangbuhay ang kasal?” “Of course, I know that.” “P-paano kung… kung isang araw maisip mo na ayaw mo na’kong makasama? Paano kung isang araw maisip mo na tama pala si Don Hernando? Na hindi mo dapat pinakasalan ang gaya ko? Anong... gagawin mo?” Hindi siya sumagot. Nanatili lang siyang nakatayo at nakatingin sa akin. At ewan ko pero, hindi ko napigilang magdamdam sa pananahimik niya. Parang may kung anong tumutusok sa dibdib ko na tila nagpasikip sa aking paghinga. Humugot ako ng hangin at saka marahang umiling ako. Ayokong maging dahilan ng pagtatalo. Ngayon pa lang kami ulit nag-uusap nang maayos ni Senyorito Matthew mula nang dalhin niya ako rito. Maliit akong ngumiti. “H-h’wag na lang siguro nating pag-usapan. A-ang… importante naman siguro… -hindi mo ako pababayaan?” Nakita ko ang pagpintig ng mga pisngi ni Senyorito Matthew bago siya tumango. “Of course. Don’t worry.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD