“DON’T worry about anything, Gigi. Mula ngayon ay ako na ang bahala sa inyong mag-iina. Hindi ko kayo pababayaan.”
Hindi ako sumagot. Mataman lang akong nakamasid sa dalawang lalake na nagtatabon ng lupa sa parihabang hukay sa aking harapan. Pagkatapos ng tatlong gabi ng burol ay inilibing na namin si Tatay.
Narinig ko ang banayad na pagbuga ng hangin ni Mr. Javier bago nito sinundan ang sinabi.
“Sayang. Hindi man lang naabutan ni Gardo ang ating kasal. Nanghihinayang ako nang husto. Hindi ka man lang niya maihahatid sa altar. Hindi man lang niya nakita kung gaano kaganda at kamahal ang isusuot mong traje de boda. Hindi man lang niya naipagmalaki sa mga kaibigan niya kung gaano kaelegante ang magiging kasal ng kaniyang anak. Hindi man lang-”
Hinarap ko ang matandang negosyante dahilan para mahinto ito bigla sa pagsasalita. “Utang na loob, Mr. Javier. Irespeto n’yo naman po ang libing ng Tatay ko,” kalmado subalit mariing sabi ko.
Natigilan ang matanda at halatang napahiya. Tumahimik naman ito at hindi na muling naglitanya sa aking tabi.
Hanggang sa makauwi na kami ng bahay ay kasama namin si Mr. Javier. Ilang minuto silang nag-usap ni Tita Donna bago ito nagpaalam na uuwi na.
“Gigi, ikaw na ang maghatid kay Mr. Javier sa labas,” utos sa akin ng aking madrasta bago ito pumasok sa kwarto nila kasama si Jaypee. Naiwan sa sala ng aming bahay si Ate Candy.
Wala akong nagawa kundi ang gawin ang utos ni Tita Donna. Ayoko naman na kalilibing lang ni Tatay ay magtatalo pa kami. Sumunod ako sa paglabas ni Mr. Javier. Naroon sa bakuran namin ang isang bodyguard at ang kaniyang driver.
“Gigi, kung anuman ang kailangan mo ay magsabi ka lang. H’wag na h’wag kang mag-aatubiling lumapit sa akin.”
Isang tango na lang ang isinagot ko. Pagkatapos noon ay sumakay na siya sa kaniyang sasakyan. Hindi muna ako pumasok ng bahay at pinanood ang pag-alis nina Mr. Javier.
Saktong kaaalis lang ng sasakyan ng negosyante ay dumating naman ang van na naghatid sa akin pauwi sa aming bahay noong gabing na-stranded kami ni Senyorito Matthew. Kumabog nang malakas ang dibdib ko nang huminto iyon sa mismong harapan ko. Ilang sandali pa ay bumaba mula sa likuran ang abogado.
“Gigi…”
Hindi ko alam kung paano ko siya babatiin. Sa tatlong gabing paglalamay, isang beses lang siya nagpakita sa akin. Iyon ay noong pangalawang gabi para sabihing wala na kaming dapat intindihin sa pagpapalibing kay Tatay. Pagkatapos noon ay hindi ko na ulit siya nakausap. At kahit kanina sa mismong libing ay hindi ko man lang nakita ni anino niya.
“A-ano pong ginagawa n’yo rito? Kanina po namin inihatid si Tatay sa libingan.”
Hindi niya ako sinagot. Hinubad niya ang sunglasses at mataman akong pinagmasdan. Napayuko ako ng ulo kasabay ng pag-iinit ng mukha. Bigla ko na namang naalala ang mga nangyari sa amin sa jeep niya.
Noong pangalawang gabi ng lamay na naririto siya, hindi rin ako halos makatingin kay Senyorito Matthew. Hindi ko kasi alam kung ano ang iniisip niya sa akin. Dahil ako man sa sarili ko, nahihiya akong isipin na habang nag-aagaw-buhay ang tatay ko, naroon ako sa kandungan ni Senyorito Matthew at nakikipaglandian.
“Si Mr. Javier ba ‘yong kaaalis lang?” tanong niya makalipas ang ilang sandali.
Lumingon ako sa daang tinahak ng sasakyan ng matanda bago tumango. “Siya nga po ‘yon, Senyorito. Kasama siya sa mga nakipaglibing kanina kay Tatay.”
“Nagpunta rin ako roon pero, paalis na kayo nang dumating ako. I’m sorry kung nahuli ako.”
Marahan akong umiling. “W-wala hong kaso ‘yon, Senyorito. U-uhh… gusto n’yo bang pumasok muna para… makapagkape?”
“Naalala ko ang sinabi ni Mr. Javier na ikakasal ka sa kaniya. Is it true?” matamang tanong ulit niya imbes na sagutin ako.
“Sila lang po ni Tita Donna ang nagkasundo tungkol sa bagay na ‘yon. Wala akong dahilan para magpakasal sa taong halos lolo ko na.”
Nagusot nang husto ang noo niya. “Are you saying that the marriage is against your will?”
Napabuntung-hininga ako sa terminong sinabi niya at hindi na sumagot. Malinaw naman na siguro sa sinabi ko. At hindi ba naisip ni Senyorito Matthew na kung magpapakasal ako sa ibang lalake, bakit pa ako nakipaghalikan sa kaniya? O baka akala niya ay kagaya ako noong Vivian? Na nadala niya sa maisan kahit may nobyo na?
Ilang sandaling tahimik lang kami pareho ni Senyorito Matthew. Maya-maya ay lumapit siya nang bahagya sa akin. Napilitan akong mag-angat ng mukha para tingnan siya.
“Gigi, alam kong hindi madali ang pinagdadaanan ng pamilya mo ngayon. Kung may maitutulong ako, sabihin mo lang agad. Don’t hesitate to tell me about anything. Okay?” sinserong wika ng abogado.
Marahan akong tumango. Ang totoo ay hindi iyon ang gusto kong marinig mula sa kaniya. Alam kong kalilibing lang ng tatay ko at hindi tamang pag-usapan namin ang nangyari sa amin sa jeep niya pero, umaasa akong magbabanggit si Senyorito Matthew ng tungkol doon.
Maliban na lang kung balewala lang sa kaniya ang nangyari sa amin. Na nadala lang siya ng sitwasyon at pagkakataon. At ngayon ay burado na sa isip niya ang mga ginawa naming milagro.
“Hindi ako pwedeng magtagal,” untag niya sa pananahimik ko. “May kailangan akong asikasuhin sa kabilang bayan. Mawawala ako ng ilang araw kaya kung may kailangan ka at gusto mo akong makausap, tawagan mo lang ako. Naibigay ko na naman sa’yo ang number ko noong isang gabi. I hope you were able to save my contact.”
“O-opo, Senyorito…”
“Good. Aalis na ako.”
Pag-alis ni Senyorito Matthew ay pumasok na ulit ako sa bahay. Ilang oras na lang at maggagabi na. Kailangan kong kumilos para maghanda ng hapunan namin.
Dati-rati, kahit alam kong iba ang trato nina Tita Donna at Ate Candy sa akin, hindi ako nalulungkot sa tuwing uuwi ako ng bahay. Naroon lang naman kasi si Tatay. Kahit ni minsan, hindi niya ako kinampihan sa tuwing magtatalo kami ng asawa niya, alam kong nagmamalasakit pa rin siya sa akin bilang magulang ko. Pero ngayong wala na siya, pakiramdam ko ay nag-iisa na lang talaga ako sa buhay. Ulilang lubos na. At kung may inaasahan akong aaliw sa akin sa pangungulila ko sa mga magulang, iyon ay ang kapatid ko na lang na bunso na si Jaypee.
Bumalik na rin ako sa trabaho nang sumunod na araw. Marami sa mga kasamahan ko sa pabrika ang nagpahatid na ng pakikiramay sa akin at ang ilan ay nag-ambag pa noong nakaburol pa lang si Tatay.
Halos isang linggo na ang dumaan at hindi pa ulit kami nagkikita ni Senyorito Matthew. Siguro ay sobrang busy niya at hindi talaga nagagawi sa hacienda. May pagkakataong gusto ko siyang tawagan o i-text pero, nauunahan naman ako lagi ng hiya. Ayoko kasing isipin niya na may kailangan ako sa kaniya dahil ang gusto ko lang naman ay ang marinig ang boses niya.
Isang hapon ay nadatnan ko si Tita Donna na umiiyak sa aming sala. Kinabahan ako at agad na nagtanong kung anong nangyari.
“Pinapunta ako ni Ma’am Samantha sa Villa Isabelle at kinausap,” sagot ni Tita Donna pagkatapos magpunas ng luha at kalmahin ang sarili.
Si Ma’am Samantha ang isa sa mga anak ni Don Hernando na isa sa mga nangangasiwa ng hacienda at ilang negosyo ng mga Ylustre. Sa pagkakaalam ko ay nakakatandang kapatid ang ginang ng pumanaw na ina ni Senyorito Matthew.
“Bakit po kayo pinapunta sa villa ni Ma’am Samantha? Tungkol po saan ang pinag-usapan ninyo?”
“Tungkol sa bahay na ito, Gigi. Ang sabi niya sa akin ay kailangan na raw nating umalis dito sa bahay ngayong wala na ang tatay mo. At ang pamilya raw ng magiging bagong katiwala ang dapat tumira rito.”
“P-po? A-anong… ibig sabihin…. wala na tayong matitirhan?”
“Gano’n na nga!” sagot nito na sinabayan ng tayo at pinadilatan ako. Kung kanina ay mukhang talunan si Tita Donna, ngayon ay parang makikipag-away siya sa hitsura niya.
“Ano, ngayon, Gigi? Ngayon ka pa magmatigas kay Mr. Javier! Ang matandang ‘yon na lang ang pag-asa natin, hindi mo ba nakikita? Paalisin man tayo rito ng mga matapobreng Ylustre, may matitirhan pa rin tayo oras na pumayag kang magpakasal kay Mr. Javier!”
Umahon agad ang matinding pagtutol ko. “Pero ayoko nga pong magpakasal kay Mr. Javier. Wala akong nararamdaman para sa kaniya maliban sa para ko na siyang tatay,” mahinahong sagot ko.
“Sarili mo lang ba lagi ang iisipin mo, ha, Gigi?” galit na tanong niya. “Ginigipit na tayo ay nagmamalaki ka pa rin? Isipin mo na lang ang kapatid mong si Jaypee! Ano? Matitiis mo bang sa lansangan matulog ang kapatid mo? Ako, kahit sa kalye pwede, pero si Jaypee? Paano ang kapatid na iniwan sa’yo ng tatay mo?”
Nang gabing iyon, naisip ko na tawagan si Senyorito Matthew at ipaalam sa kaniya ang aming problema. Total ay ibinilin niya sa akin na kung may kailangan ako ay sabihin ko lang sa kaniya. Pero nagdalawang-isip agad ako. Pakiramdam ko kasi ay ang inalisan ko na ng hiya ang sarili ko kapag ginawa ko iyon. Ang tiyahin niya mismo ang nagsabi kay Tita Donna. Ayoko naman na kapag pinakiusapan ko si Senyorito Matthew ay makarating iyon kay Ma’am Samantha at mag-isip ito ng iba. Isa pa, nahihiya talaga akong magsabi kay Senyorito Matthew. Kung naiba lang sana ang sitwasyon ay baka pa. Kung hindi sana nangyari ‘yon sa amin sa jeep niya.
Day-off ko nang sumunod na araw. Hindi ko alam kung tamang magsadya ako sa Villa Isabelle para kausapin si Ma’am Samantha pero, iyon lang ang alam kong paraan. Hindi ko naman hihilingin sa ginang na h’wag niya kaming paalisin sa tinitirhan namin. Hihingi lang ako ng sapat na panahon para makapag-ipon ako ng pansimula. Naisip ko kasing umupa na lang kami ng bahay sa bayan. Kaya lang ay siguradong sosolohin ko ang tungkol sa bagay na ito dahil kagaya rin ni Tita Donna ang isip ni Ate Candy. Siguradong wala akong maaasahang tulong sa kaniya kung magrerenta kami ng bahay. Sakto lang kasi ang benepisyo na natanggap ni Tatay mula sa matagal na paninilbihan nito sa hacienda para sa ilang utang na iniwan niya. Kung may sumobra man, siguradong itinatabi na iyon ni Tita Donna para maiseguro ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
“Tumuloy ka na raw, Gigi. Nasa opisina niya si Senyora Samantha,” sabi sa akin ng isa sa mga katulong ng mga Ylustre.
Hindi ko na naman napigilang igala ang tingin ko sa napakalawak na solar ng Villa Isabelle. May ilang pagkakataon na rin na nakatuntong ako sa bakuran ng villa pero, hanggang doon lang. At gaya ng una at sumunod na beses ay hangang-hanga pa rin ako sa ganda ng paligid. Puno ng iba’t ibang klase ng halaman ang malawak na hardin. At mistulang kastilyo sa laki, ganda at disenyo ang bahay na nasa harapan ko.
Imbes na sa main entrance kami dumaan ay sa gilid ng villa ako iginiya ng katulong. Kung kamangha-mangha ang laki at ganda ng villa mula sa labas ay lalo na pagpasok. Halong puti, gold at silver ang kulay ng interior. Matayog ang kisame na may magagarbong disenyo ng ilaw. Makikinang ang mga antigong muwebles, dekorasyon at kasangkapan.
Wala man lang akong nakitang tao pagdaan namin maliban sa isa pang unipormadong kasambahay. Hindi ko alam kung nasaan si Don Hernando at ang iba pang nakatira sa villa. Sa pagkakaalam ko kasi ay roon din nakatira ang asawa ni Ma’am Samantha na si Mr. Bernabe at ang dalawang anak nito sa una. Hindi naman daw nagkaroon ng sariling anak ang mag-asawa.
“Dito tayo, Gigi,” wika ng katulong.
Sinamahan ako nito hanggang sa mismong pinto ng opisina ng ginang. Ito na rin ang kumatok at nagsabi sa amo na naroon ako. Pagbukas ng pinto ay iniwan na rin ako ng katulong.
Pumasok ako at isinarado ang pinto. Paglingon ko ay nakita kong pinanonood ako ni Ma’am Samantha. Sa iilang pagkakataon na nakita ko siya, kabisado ko na ang maganda niyang mukha. Hindi siya palangiti pero, hindi rin naman siya masungit tingnan sa maamo niyang mga mata.
“Maupo ka.”
Hindi na ako nagsayang ng oras at sinunod na lang ang sinabi ng ginang. Naupo ako sa isang silya sa harap ng malapad na mesa at tumingin sa kaniya. Direcho pa rin at pormal ang tingin niya sa akin. Hindi man siya nagbukas ng bibig para itanong kung ano ang kailangan ko. Mukhang naghihintay lang siya ng sasabihin ko.
“Ma’am Samantha… ako po si Gigi-”
“Nasabi na ‘yan sa akin ng mayordoma. Alam kong ikaw ang anak ng namayapang Gerardo Apostol. Anong kailangan mo? Bilisan mo lang at nasasayang ang oras ko,” kalmado subalit, malamig na wika niya.
Sandali akong natigilan bago unti-unting tumango. “Pasensiya na po sa abala, Ma’am Samantha-”
“H’wag ka nang magpaligoy-ligoy pa at sabihin na agad ang kailangan mo. Ano ‘yon?”
Tumango ako. “Ma’am Samantha… makikiusap po sana ako na kung pwede ay bigyan n’yo kami ng sapat na panahon para makapag-ipon ng pansimula. Kung aalis kasi kami agad sa bahay ay wala kaming matitirhan.”
Hindi siya agad sumagot. Dinampot muna niya ang isang folder sa ibabaw ng mesa at binuksan. “Bibigyan ko kayo ng dalawang buwan. Sapat na iyon para makaipon kayo ng pansimula. Kung wala ka nang sasabihin ay makakaalis ka na.”
Natigilan ako at hindi nakaimik. Naiwan sa isip ko ang sinabi niya.
Dalawang buwan? Parang napakaiksi naman noon? Sa liit ng sinasahod ko sa garments factory ay gaano lang ang maiipon kong pera sa loob ng dalawang buwan?
“Hindi mo ba ako narinig?” tanong ng ginang sabay taas ng tingin mula sa binabasang papeles at tiningnan ako. “Ang sabi ko ay makakaalis ka na. Pinagbigyan na kita sa hiling mo. Ngayon kung hindi mo gusto ang palugit na ibinigay ko ay wala na tayong dapat pag-usapan.”
“S-sige po, Ma’am!” maagap na sagot ko bago pa niya bawiin ang pasya niya. “Dalawang buwan po. S-salamat na rin po sa palugit na ibinigay ninyo.”
“Salamat na rin?” Tiningnan niya ako gamit nang may pang-uuyam. “Ang mga tao nga naman. Tinulungan mo na nga ay may masasabi pa ring hindi maganda,” aniya na sinundan ng dismayadong iling. “Sige na. Makakaalis ka na.”
Paglabas ko ng opisina ay naiwan sa isip ko ang pinag-usapan namin ni Ma’am Samantha. Dalawang buwan? Kailangan ay maghanap pa ako ng iba pang trabaho at magtipid nang husto para makaipon. Hindi pa man din biro ang magsimula nang panibago. Maghahakot pa kami ng gamit. Siguradong sa akin ipapasagot ni Tita Donna ang lahat ng gastos kapag nagkataon.
Dahil may iniisip ako ay nalimutan ko kung saan ang aming dinaanan kanina ng katulong. Kaya nang makita ko ang kaparehong salamin na pinto ay doon ako tumungo. Subalit paglabas ko ay ang asul na tubig ng malaking swimming pool ang aking nabungaran.
Hindi ko napigilang huminto para masdan ang paligid. Kaya lang ay lalo akong natulala nang makita ko sa tabi ng swimming pool ang dalawang tao na nakatayo.
Ang isa - ang anak na babae ni Mr. Bernabe na asawa ni Ma’am Samantha - na kayakap at kahalikan si Senyorito Matthew.