Chapter 12

2122 Words
(GIGI) “TULUNGAN ko na po kayo, Ate Rosa,” sabi ko sabay kuha sa tray na paglalagyan ng juice na para sa mga gumagawa sa rest house. Taga-ibaba lang si Ate Rosa at ang bahay ng ginang ang pinakamalapit sa rest house. Nang maghanap si Senyorito Matthew ng taong pwedeng mag-asikaso ng pagkain sa mga gumagawa sa bahay niya, si Ate Rosa ang nakuha niya. “Naku, salamat, Gigi. Sige, ikaw ang bahala sa inumin. Hahanguin ko lang itong pansit,” wika ni Ate Rosa. Naglagay ng pansamantalang kusina sa terasa ng rest house kung saan inihahanda ang mga pagkain para sa mga trabahador. Apat ang gumagawa sa bahay bukod pa sa foreman nila. Habang hinahango ni Ate Rosa ang niluto ay ipinupwesto ko naman ang pitsel ng juice at ang mga baso sa tray. Ilang sandali pa ay magkasunod namin iyong dinala sa sala ng rest house at doon tinawag ang mga trabahador upang magsipagmeryenda. Maya-maya ay dumating si Senyorito Matthew. Nagpaalam siya kaninang umaga na may aasikasuhin sa kabilang barangay. Inalok siya ni Ate Rosa at ng mga trabahador para kumain. Nagprisinta naman akong ikuha siya ng pansit at juice kaya lumabas ako sandali sa terasa. “Bakit Senyorito ang tawag sa’yo ni Gigi, Attorney?” Iyon ang naabutan kong itinatanong ni Ate Rosa kay Senyorito Matthew kaya bumagal bigla ang aking paglakad. “Iyon ang gusto niya.” Narinig ko namang sagot ng abogado. Hindi ko alam kung bakit itinatanong iyon ni Ate Rosa pero, kinakabahan ako. Lumapit ako at iniabot ang pagkain ni Senyorito Matthew. “Thank you.” Ngumiti si Ate Rosa sa akin. “Magandang bata ang pinsan mong ‘yan, Attorney. Masipag at matulungin pa. Hindi nga ako gaanong nahirapan sa pag-aasikaso ng pagkain ng mga tao.” Natulos ako sa sinabi ni Ate Rosa. May service van ang mga trabahador na gamit. Pagsapit ng alas cinco ay huminto na sila sa paggawa at naghanda na para umuwi. Pag-alis ng sinasakyan nila ay nilapitan ko si Ate Rosa na naglilinis sa terasa. “Gigi, magpahinga ka na. Marami ka nang naitulong, ako na ang bahala rito. Ipagluluto ko na rin kayo ng hapunan ni Attorney.” Ngumiti ako sa babae. “Ako na lang po ang magluluto ng hapunan namin, Ate Rosa. Umuwi na po kayo pagkatapos ninyo riyan para makapagpahinga na rin.” Hindi na nakipagtalo si Ate Rosa. Nang matapos siya roon ay nagpaalam na siya kay Senyorito na kasalukuyang nasa sala lang ng rest house. Kumaway naman ito sa akin bago tuluyang umalis. Binuksan ko ang refrigerator at naghanap ng maaaring iluto para sa hapunan. Inilabas ko ang isdang tilapya at kumuha rin ako ng mga gulay. Sinimulan ko ang paghahanda ng mga sangkap. Gusto ko talagang abalahin ang sarili ko ngayon dahil baka hindi ko mapigilang komprontahin si Senyorito Matthew. Bakit pinsan ang pakilala niya sa akin kay Ate Rosa? Ganoon din kaya ang alam ng mga trabahador niya? Kaninang umaga nang ipakilala niya ako sa foreman ay tanging pangalan ko lang ang sinabi niya. Siguro nga ay magpinsan ang alam ng mga tao tungkol sa amin ni Senyorito Matthew. Pinsan talaga? Mas matatanggap ko pa kung sinabi niyang katulong o alalay niya ako. Dahil yata sa iniisip ko ay hindi ko na napapansin ang aking pagkilos. Nagulantang na lang ako nang bumagsak sa aking paanan ang kawali na pagpiprituhan ko ng isda. Bago pa ako makakilos ay nakalabas na sa terasa si Senyorito Matthew. Salubong ang mga kilay na tiningnan niya ako bago ang sahig na kinatatayuan ko. “Nagdadabog ka ba?” Natigilan ako sandali. Imbes na sagutin siya ay yumuko na ako para damputin ang kawali. Pagtuwid ko ay nasa harapan ko na si Senyorito Matthew. “Leave it. Ako na ang magluluto.” Palihim akong umirap at tumalikod para ituloy ang aking ginagawa. Hindi ko siya pinakinggan. “Gigi.” “Nabitiwan ko lang po ang kawali,” sabi ko at nilingon siya nang bahagya. “Hindi po ako nagdadabog… Kuya…” Lalong nagsalubong ang mga kilay niya sa huling sinabi ko. Nagkibit ako ng balikat at hinarap na muli ang aking ginagawa. Alam kong alam ni Senyorito Matthew kung bakit bigla ko siyang tinawag na Kuya. Ang nakakaini, hindi man lang siya nagtangkang buksan ang topic para linawin sa akin kung bakit niya ako naging pinsan sa kaalaman ng mga tao. Tahimik naming kinain ang inihanda kong hapunan. Wala kahit katiting na usapan. Nang matapos ay ako rin ang naghugas ng mga kasangkapan. Hindi naman ako pinigilan ni Senyorito Matthew. Bago matulog nang gabing iyon ay katext ko si Melba. Sinagot ko ang lahat ng naisip niyang itanong sa akin. Alam din ni Melba na wala na ako sa Sta. Magdalena kaya kinukulit niya ako kung ano ba ang estado namin ngayon ni Senyorito Matthew. Ako: H’wag kang mag-isip ng kung ano-ano, Melba. Tinutulungan lang ako ni Senyorito. At h’wag kang mangarap na may mamamagitan sa amin dahil magpinsan ang alam ng mga taong relasyon naming dalawa. Nang magsawa siya ay nagpaalam na rin. Nahulog na naman ako sa pag-iisip sa abogado. May palagay na ako kung bakit pinsan ang pakilala niya sa akin sa mga tao. Umiiwas marahil siya na pag-usapan kami. Kapag nga naman sinabi niyang anak ako ng dating katiwala ng asyenda nila, baka kung ano ang isipin ng mga ito dahil nasa iisang bubong kami natutulog. Nag-iingat lang siguro si Senyorito Matthew na maugnay siya sa kagaya ko. Maaga ulit akong nagising kinaumagahan. Naligo at nagbihis ako ng daster. Pagbaba ko ay naroon na si Ate Rosa sa terasa at naghahanda ng pang-almusal. Tutulong sana ako sa kaniya nang tumunog ang cellphone ko. Pagtingin ko ay nakita ko ang pangalan ni Tita Donna. Kinabahan ako sa magkaibang dahilan - tuwa at pag-aalala. Tuwa na naalala niya ako at pag-aalala dahil baka may nangyaring hindi maganda. Lumabas muna ako ng terasa at nagpunta sa tagiliran ng bahay bago sinagot ang tawag. “Tita Donna?” “Nasaan ka ngayon, Gigi?” bungad niya. Nakahinga ako nang maluwag. Hindi galit ang tono niya at hindi rin nagpapanic. Ibig sabihin ay walang masamang nangyari. “Bakit po, Tita?” Imbes na sagutin ay napatanong pa ako. Hindi ko naman kasi inaasahan na tatawag pa siya matapos niya akong ipagtabuyan. “Sagutin mo lang ang tanong ko, Gigi, nasaan ka?” Medyo nanibago ako. Kalmado kasi ang boses niya. “N-nandito po ako sa… Irosin…” “Sinong kasama mo riyan?” Hindi ako agad nakasagot. “A-ako lang po…” “Talaga? Kaladkarin ka palang bata ka? Pasalamat na lang ako na nauna nang mawala ang ama mo dahil kung hindi, ikaw pa ang magiging mitsa ng kamatayan niya.” At pagkasabi niya noon ay pinatayan na niya ako ng linya. Nalilitong ibinaba ko ang cellphone ko. Wala akong naintindihan sa mga sinabi ng aking madrasta pero, ang tiyak ko lang ay galit na naman siya. Galit pa rin siya. Binalikan ko na si Ate Rosa at inako ang paggawa ng sandwich. Sakto namang dumating ang service van ng mga trabahador. Nagbabaan ang mga sakay at napansin kong mula sa lima ay naging anim sila. “Mag-almusal muna kayo, mga Sir, bago magtrabaho,” sabi ni Ate Rosa nang magsipasukan ang mga ito. Tumulong ako sa pag-aabot ng sandwich. Nagtimpla naman si Ate Rosa ng kape. Napansin kong kulang iyon kaya kumuha pa ako ng isang tasa. Ako na rin ang nagtimpla noon dahil abala na si Ate Rosa sa pamamahagi ng kape sa mga manggagawa. “Para sa akin ba ‘yan?” Napaangat ang tingin ko sa nagsalita at nakita ang lalakeng nakatayo sa gilid ng mesa. Ito iyong nadagdag sa mga trabahador dahil hindi ko siya nakita kahapon. “Sorry. Hindi kasi ako sanay na hindi nagkakape sa umaga. Minadali naman ako ni Tatay kanina kaya hindi ko na nainom ang tinimpla ni Nanay na kape bago kami umalis.” May maliit na ngiti sa mga labi niya nang magpaliwanag. Tipid akong ngumiti at dinampot ang tasa ng kape. “Okay lang, Sir, para sa’yo nga ito. Hindi kasi napansin ni Ate Rosa na nadagdagan kayo.” “Salamat.” Sinimulan niya agad higupin ang kape. Pagkatapos ay napatingin siya sa paligid. “Bahay n’yo ba ito?” Umiling ako. “Hindi po. S-sa…. pinsan ko na nagpapagawa. Nakikitira lang ako.” Tumango siya at muling uminom ng kape. “Maiwan na po kita.” “Ako nga pala si Gio.” Napahinto ako sa akmang pagtalikod. Nakita kong nakalahad ang palad niya sa akin. “Tatay ko ‘yong foreman, si Marcelo Flores,” dagdag pa niya. Tipid akong ngumiti at nagpakilala rin dito. “Ako si Gigi.” Umangat ang mga kilay niya. “Gigi? Wow! Magkatugma pa pala ang first syllable ng pangalan natin?” Hindi ako nakasagot. Tumango na lang ako at muling nagpaalam kay Gio. Naghahanda na para magtrabaho ang mga tauhan nang umakyat ako. Saktong palabas ng kwarto nito si Senyorito Matthew. “Aalis ulit ako. Kailangan kong bumalik sa Sta. Magdalena. Dito ka na lang, hindi na kita isasama.” Natigilan ako dahil sa nadamang disappointment. Lagi na lang siyang umaalis. “Sige po, Senyorito. Tutulong na lang ako kay Ate Rosa sa kusina.” Hindi na siya sumagot at iniwan na ako. ------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------ (MATTHEW) NASA plano ko ang tumigil ngayong araw sa rest house at panoorin ang paggagawa ng mga trabahador. Pero tinawagan ako ng personal assistant ni Lolo at sinabing kailangan kong umuwi sa Sta. Magdalena. Hindi ako nakatanggi. Importante raw kasi na umuwi ako dahil may pag-uusapan kami ni Lolo. Nagbihis ako at nagpaalam kay Gigi. Hindi ko na siya isasama tutal ay babalik din ako mamaya. Gugugol lang naman ako ng mahigit tatlong oras na biyahe paroon at parito. “Paalis po ulit kayo, Attorney?” tanong sa akin ng foreman na si Mr. Flores matapos niya akong batiin pagbaba ko. Tumango ako at napatingin sa lalakeng katabi niya. Napansin iyon ng foreman kaya agad niyang ipinakilala sa akin ang kasama. “Attorney, ito po pala si Gio, panganay ko na Civil Engineering student.” “Good morning po,” nakangiting bati sa akin ng anak niya. “Good morning.” “Gusto po niyang makita ang ginagawa namin kaya sumama siya," wika ng nakakatandang lalake. “It’s okay. Kung tutulong ka sa kanila, you’ll also get paid," sabi ko sa anak ni Mr. Flores. “Uy! Salamat po, Attorney!” Nagpaalam na ako kay Mr. Flores. Palabas ako ng pintuan nang mahagip ko ang pagbaba ni Gigi ng hagdan. House dress ang suot niya kaya bawat hakbang niya ay nasisilip ang mga hita niya. Hinintay ko siyang makababa para mapagsabihan. Puro lalake pa man din ang nasa loob ng rest house. “Gigi…” Narinig naman niya ang tawag ko. Tahimik lang siyang lumapit sa akin. “Palitan mo ‘yang suot mo.” “Po? Bakit, Senyorito? Isasama mo ba ako pag-alis?” “No. I just want you to change. Sige na. Aalis na rin ako.” Nagusot ang noo ni Gigi. Hindi ko na lang pinansin ang reaksiyon niya at tumalikod. May ibinilin pa ako kay Ate Rosa bago lumabas ng terrace. Hinugot ko ang susi ng sasakyan at pinindot ang unlock button noon. Pasakay na ako nang matanaw ko ang paglabas ni Gigi sa terrace kasunod si Gio. Humarap si Gigi sa anak ng foreman at nakita kong nag-usap ang dalawa. I clenched my jaws. Ibinagsak ko ang pintuan ng driver’s seat at pumasok ulit sa terrace. Napansin agad nila ako. “What did I tell you?” tanong ko kay Gigi. Hindi ko mapigilan ang mairita dahil hindi niya sinunod ang utos ko. Napabuga ako ng hangin at tiningnan siya nang masama. Noong si Celine ang tinulungan ko ay hindi naman sumakit nang ganito ang ulo ko. Masunurin kasi lagi si Celine kay Jude kaya wala akong naging problema. But this girl was not only proud but also stubborn. “Sige po. Magpapalit na po ako ng damit… Kuya…” “What?” Nagsalubong lalo ang mga kilay ko. At naalala ko rin agad na hindi iyon ang unang beses na tinawag niya akong ‘Kuya’. Nalaman siguro niya na ‘pinsan’ ang pakilala ko sa kaniya sa mga trabahador. And she’s playing along with it. “Maiwan muna kita rito, Gio.” Narinig kong paalam ni Gigi sa anak ng foreman. “No, stop!” pigil ko sa kaniya nang tumalikod na ito para pumasok ng bahay. Nakita ko ang iritasyon sa mukha niya nang muling humarap sa akin. “Nagbago ang isip ko. H’wag ka nang magpalit ng damit. Sumama ka na lang sa akin sa Sta. Magdalena.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD