“Gusto niyong sumama sa mall?” tanong ni Paulle kina Reyannah at Keisha matapos ang kanilang klase.
“Ako, okay lang. Ikaw, Keisha?”
Napatingin ito sa kaniyang orasan. “Maaga pa naman. Sama ako.”
“Yown! Tara. Libre ko kayo.”
Nagsimula silang maglakad palabas ng room habang nagkukuwentuhan. Maaga silang pinalabas dahil maaga ring natapos ang lecture ng kanilang guro. Malayo pa ang midterms examination kaya naman napagpasyahan nilang gumala.
“Pasko na, ‘no?” ani Paulle habang nakatingin sa isang malaking Christmas tree sa kanilang campus. “Ang bilis ng araw.”
“Sinabi mo pa,” ani Reyannah. “Parang kailan lang nagsimula ang klase, ‘tapos pasko na agad. Kaunting push na lang, mga college students na rin tayo.”
“May Christmas party nga palang gaganapin sa ‘min, sama kayo. Magkakaroon kami ng exchange gift kaya magbubunutan na tayo sa Sabado.”
“Ay! Gusto ko ‘yan. Sama ka, Keisha. Last year, sobrang kwela ng naging party sa kanila.” Nang mapansin ang pagdadalawang isip nito ay nagpatuloy siya, “Katuwaan lang naman ang exchange gift. Worth 100 pesos lang. Anything funny.”
Napatango si Keisha. “Susubukan ko. Siguraduhin ko munang wala akong trabaho sa mismong date na ‘yon.”
“Great!” bulalas ni Paulle.
Mas ayos na rin ‘yon kaysa sabihin niyang hindi siya sasama. Sa ilang buwan kasi nilang nakakasama ito ay kabisado na nila ang dalaga. Madalas itong hindi sumasama sa mga gala nila lalo na kung kailangan niyang gumastos.
Hindi rin naman sila ganoon kayaman pero kumpara sa pamumuhay ni Keisha ay aware silang financially troubled ito. Hindi na lang sila masyadong nagsasalita tungkol dito pero hindi pa rin nila hinahayaang nakararamdam ito ng pag-iisa.
As much as possible, gusto pa rin nilang ayain ito sa mga gala nila. Sila na ang nag-iisip ng paraan para hindi na ito gumastos nang gumastos basta ba ay makasama ito.
Nagtingin-tingin na rin si Keisha ng mga damit sa department store nang doon sila makarating. Halos mapangiwi pa siya sa tuwing napapatingin sa price tags at mabilis na binabalik sa lalagyan ang mga ‘yon.
Sa huli, sinundan na lang niya sina Paulle at Reyannah sa kung saan man ito magpunta. Hindi naman ito bumili ng kahit ano kaya nag-aya na silang kumain. Nahihiya man ay wala siyang nagawa nang ilibre siya nito.
Habang umiinom ng milk tea ay napadaan sila sa gitna ng mall kung saan may banda. Nagse-set up pa lang ang mga ito kaya hindi pa ganoon kaingay sa paligid. Hindi rin nila kilala ang tutugtog pero napagpasyahan nilang makinig kahit saglit.
“Hey!”
Sabay-sabay silang napalingon sa bumati sa kanila at halos rumolyo naman ang mga mata ni Paulle dahil sa nakita.
“Kahit saan talaga nakikita kita, kuya,” ani niya nang makita ang kapatid.
Mahina itong natawa. “Hindi mo na ako matataboy kahit kailan. Kahit may asawa at mga anak ka na, makikita mo pa rin ako. Kaya masanay ka na.”
Napatingin silang lahat nang mapansing kasunod nito ang ilan sa mga pinsan nila. Halos lahat ng taong naroon ay napatingin dahil sa sobrang ingay nila. Sa pangunguna na lang nina Peter at Geob.
“Hindi mo nga kilala ‘tong banda pero sumama ka, eh,” ani Peter kay Geob.
“Syempre! Open naman ako na makilala sila. Hindi naman ibig sabihin na hindi ko sila kilala, wala na akong karapatang makinig sa mga kanta nila.”
“Hindi naman ‘yon ang point ko. Sabi mo kasi kilala mo sila, ‘tapos hindi naman pala.”
“Hep!” pagsingit ni Jennica. “Eh, kung tumigil na kaya kayong dalawa dahil kanina pa kayo nagtatalo, eh ‘si sana mas okay. Naririndi na talaga ako sa boses niyong dalawa.”
“Takpan mo tainga mo!” sabay na bulalas nina Peter at Geob.
Nakatanggap naman ang mga ito ng malakas na palo sa dalaga. Napahinto lang sila nang mapagtantong may iba na silang kasama.
“Hi, Reyannah!” bati ni Peter. “Hi, Keisha!”
Natawa si Paulle. “Para kayong naging maamong tupa, ah? May hiya rin pala kayo?”
“Grabe ka naman, Paulle,” ani Geob. “Baka akalain ng mga kaibigan mo makapal mga mukha namin.”
“Totoo naman,” bulong ni Jennica.
“Narinig ko ‘yon!”
“Pinarinig ko talaga sa ‘yo!”
At nagsimula na naman silang magbangayan. Natawa na lang sina Reyannah at Keisha dahil nagsisimula na rin silang masanay sa mga magpipinsan. Napadadalas na rin kasi ang pagsama nila sa grupong ‘to.
“Hey,” bulong ni Kise sa kapatid.
“Oh, anong kailangan mo? Wala akong pera.”
“Hindi ‘yon. May hihingin lang sana akong pabor sa ‘yo.”
Napataas ang kilay nito. “Bago ‘yan, ah? Anong balak mo? Sinasabi ko talaga kapag may ginawa kang kalokohan, susumbong kita kay mommy.”
“Wala akong gagawing kalokohan. Tulungan mo lang ako.”
“Ano nga ‘yon? Papetiks-petiks ka pa. Naiinip na ‘ko.”
“Ayain mo si Keisha na gumala bukas, pero bigla kang hindi matutuloy dahil may lakad ka kamo.”
Napasinghal ito. “Tuturuan mo pa talaga akong magsinungaling, ah? At paano ka naman nakakasiguradong ipagkakanulo ko sa ‘yo ang kaibigan ko?”
“Just this once, Paulle. Kilala mo ‘ko. Hindi ako hihingi ng pabor kung magloloko lang din ako. Saka kuya mo ‘ko, wala ka bang tiwala sa ‘kin?”
“May tiwala ako sa ‘yo sa ibang bagay, kuya. Alam mo ‘yan. Pero kaibigan ko ang pinag-uusapan dito. Alam ko kung gaano karami ang mga babae mo.”
“Marami akong kaibigang babae, Paulle. Hindi ko sila mga babae. Magkaiba ‘yon. At iba ‘to.”
“At paanong naging iba ‘to, aber?” Pinagkrus pa niya ang mga braso sa kaniyang dibdib habang nakataas pa rin ang kilay sa kapatid.
Pareho silang napatingin kay Keisha na nakikipagkwentuhan na sa mga pinsan nila. Mabuti na lang at malapit na sila sa isa’t isa kaya wala na ang nale-left out sa mga kaibigan ni Paulle.
“She’s different, Paulle. Just give me this. I really like her.” Bahagya pa itong nag-puppy eyes sa harap ng kapatid kaya nakatanggap ito nang mahinang sampal.
“Why? ‘Cause she’s pretty?”
“No. I mean, yeah, she’s pretty. Pero hindi ko ‘to ginagawa dahil nagagandahan ako sa kaniya. She’s just not like other girls.”
“She’s my friend, kuya.”
“And I’m your brother. Magtiwala ka sa ‘kin dito. I won’t let you down. Alam ko ring mabuti siyang kaibigan sa ‘yo kaya hinding-hindi ko siya paglalaruan. I just really like her.”
“How much?”
“A lot.”
Saglit pa silang nagkatitigan hanggang sa si Paulle na ang sumuko. Nakita niya talagang determinado ang kapatid niya para sa gusto nitong mangyari. Kung hindi man niya ito tulungan ngayon ay tiyak gagawa pa rin ito ng paraan para maka-date ang kaibigan.
“Okay. I’ll do it, but I’ll do it my way. Hindi ako magsisinungaling sa kaniya dahil kaibigan ko siya. At kung gusto mo talaga siya, you’ll not lie to her. Una pa lang, minus ka na agad.”
“Yes!” bulalas ni Kise. “Thank you! Thank you!”
“Hindi ka pa nanalo, kuya. Ako pa lang ang pumapayag. Iba pa ang pagpayag ni Keisha.”
“I know. I know. Pero salamat pa rin sa pagpayag mo. Syempre, kailangan ko rin ng approval mo dahil kaibigan mo siya, ‘di ba?”
“Good.”
Nakihalo na sila sa mga pinsan nila at nakinig na lang sa banda na nagsisimula na. Maya’t mayang napapatingin si Paulle sa kuya niya na pilit kinakausap si Keisha kahit na madalang lang itong magsalita.
Napapailing na lang siya at napapairap dahil kitang-kita niya talagang gusto ng kapatid ang kaniyang kaibigan. Doon niya napagtantong gagawin nga nito ang lahat para mapalapit kay Keisha kahit na wala ang tulong niya.
*
Panay ang tingin ni Keisha sa kaniyang phone habang hinihintay si Paulle na susundo sa kaniya. Magbubunutan na kasi sila para sa exchange gift nila at natiyak na niyang wala siyang pasok sa mismong araw na ‘yon kaya makakasama siya.
Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit kailangan pang magkita-kita para sa bunutan. Pwede namang isa na lang ang magpunta para pabunutin sila o hindi kaya naman ay siya na lang ang magpunta sa bahay nina Paulle.
Pero imbis na magtanong ay pumayag na lang siyang magpunta sa bahay nila. Tapos naman na ang trabaho niya sa araw na ‘yon kaya makakasama na siya. May pasok din ang kapatid niya kaya wala siyang aalalahanin. Kailangan niya lang umuwi agad bago mag-alas dyes ng gabi.
“Sorry, we’re late!” bungad ni Paulle na nakadungaw sa sasakyan ni Kise. “Traffic kasi. Pasok ka na.”
Kumunot ang noo ni Keisha nang mapagtantong sa passenger seat siya nito pinauupo. Kunot-noo naman siyang pumasok doon at hindi na nagtanong.
Suminghal si Kise bago pinaandar ang sasakyan. “Traffic daw. Ang sabihin mo, ang bagal mong gumayak. Isang oras yata akong naghihintay sa ‘yo.”
“Hoy! Thirty minutes lang ‘yon.” Ngumuso pa siya at tumingin kay Keisha na parang nagsusumbong. “Sorry, Keisha.”
“Okay lang. Hindi naman ako gano’n katagal naghintay. Na-late din kasi ako ng dating.”
“Ay! Saan ka nga pala nagwo-work?”
“Sa isang convenience store malapit sa bahay. Tuwing weekends lang ako dahil ‘yon lang ang free time ko.”
“Baka nakakaistorbo kami. Dapat yata nagpapahinga ka, eh.”
Ngumiti ito sa rear view mirror. “Ayos lang talaga. Sasabihin ko naman kung pagod ako at hindi ko kayang magpunta. I’m really okay.”
“Sige. Papahatid na lang kita kay kuya para hindi ka na mahirapang mag-commute mamaya. Gagastos ka pa.”
“It’s okay–”
“Hep! Bawal ang tumanggi. Ito na lang ang magagawa namin sa pagnakaw ng oras mo. ‘Di ba, kuya?” Pinanlakihan pa niya ito ng mga mata.
“Paulle’s right. I don’t mind taking you home. Para saan pa ang sasakyan ko kung hindi ko gagamitin?”
Hindi na nakapagkomento pa si Keisha at ngumiti na lang sa magkapatid. Nahihiya man ay hindi naman siya makaangal. Nahihirapan talaga siyang umangal sa tuwing itong magkapatid na ang pinag-uusapan. Hindi niya alam kung nahihiya lang ba siyang umangal o talagang makulit lang ang magkapatid.
Nang makarating sila sa bahay nina Paulle ay natanaw na nila ang mga magpipinsan. Naroon na rin si Reyannah at ilan pang mga hindi pamilyar na mukha. Ayon kay Paulle ay mga kaibigan ng mga pinsan nila ang naroon. Pero kumpara noong party nila ay mas kaunti na ang tao ngayon.
“Mga malalapit na kaibigan lang talaga ang kasama tuwing Christmas party,” ani Kise. “Hindi na rin sumasama ang mga tito at tita namin dahil may bukod kaming party.”
“Ang laki talaga ng pamilya niyo, ‘no?”
“Sinabi mo pa. Pero ang nakakatuwa, close kaming lahat. Perks na rin dahil sa iisang compound kami lumaki. May ilang lumipat na pero hindi nawala ang connection.”
“Sa iisang compound lang kayo nakatira?”
Tumango ito bago kumuha ng upuan para sa kanila. “Oo. Isang compound lang kasi ang bahay ng mga tito at tita namin sa mother side. Pinagawa ng tita namin ang isang compound na ‘to para sa lahat ng mga kapatid niya.”
Tango lang ang naging sagot ni Keisha kaya nagpatuloy si Kise. “Nasa Japan na ang tita namin na ‘yon. Taon-taon siyang pumupunta rito sa bansa at nagi-stay ng ilang buwan kasama ang pamilya nila. Minsan naman, kami ang nagpupunta roon para mag-stay.”
Napatingin si Kise sa kaniya dahil hindi ito nagsasalita at halos mapaatras siya nang mapansing titig na titig ito sa kaniya. “Ahm… sorry. Baka nabo-bored ka na sa kwento ko.”
Umiling ito. “Not really. Ang interesting nga ng pamilya niyo, eh.”
Lihim na napangiti si Kise. Noong una, akala niya ay nababagot na ito sa mga pinagsasabi niya. Ngunit nang makitang tutok na tutok ito sa pakikinig ay mas lalo siyang ginanahang magkwento. Kahit na hindi ito magsalita ay ayos na sa kaniya.
Masaya na siyang makita itong interesadong nakikinig sa kaniya.