Chapter Eight

2123 Words
CHAPTER EIGHT ELSA MALAKAS ang buhos ng ulan pero ramdam na ramdam ko ang mainit na pagdaloy ng luha sa mga pisngi ko. Ang pagkabog ng puso ko ay sumasabay sa kabang nararamdaman ko sa bawat minutong lumilipas. Nagkukumpulan ang lahat ng mga tao na nakikita kong nasa kalsada at halos hindi ako makagalaw para humakbang dahil sa takot na lumulukob sa buong pagkatao ko. Anong nangyayari? Ano tong kabang nararamdaman ko? Para saan itong takot na lumulukob sa pagkatao ko? "Emergency! Emergency! Padaan! Mga Medics kami!" Huminga ako ng malalim bago nagsimulang maglakad papunta sa kumpulan ng mga tao na para bang may interesadong pangyayari doon kaya sila nagkukumpulan. Dahan dahan akong naglakad. Sa bawat hakbang ko ay palakas nang palakas ang pagkabog ng dibdib ko dahil sa takot at kaba. Naghalo halo na ang mga emosyon ko. Nasasakal ako dahil doon pero pinilit ko pa ring magpatuloy sa paglalakad. "Excuse me ho. Padaan po," mahinang sabi ko pero wala ni isa ang nagbigay ng daan sa akin. Ni walang nagbigay ng atensyon sa akin. Marahas akong nagbuga ng hininga bago itinulak ang mga taong nasa harapan ko. "Tabi sabi! Padaan ako!" nanginginig ang boses ko dahil sa lamig, takot at kaba. "Ay ano ba yan! Wag kang ganyan miss. Wag kang manulak, pare-pareho tayong nakikichismis dito." Hindi ko pinansin ang lalaking nanita sa akin at patuloy kong isiningit ang sarili ko. Itinulak ang mga taong nasa harapan ko hanggang sa makita ko ang rason kung bakit sila nagkukumpulan. Sa gitna ng kalsada kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan ay maririnig ang malalakas kong sigaw. Gumuho ang mundo ko kasabay ng pagsalampak ko sa semento. Ang kalsada ay binalot ng tubig ulan. Pero hindi lang basta tubig ulan yon dahil ang kulay nito ay pula. Pulang pula-- kasing pula ng suot kong damit at hindi ako tanga para hindi malaman kung ano iyon. Napaluhod ako at punung puno ng sakit na nakatingin sa harapan ko. "HINDI!" Mabilis akong bumalikwas ng bangon. Balot na balot ako ng pawis . Mararahas ang paghinga ko. Tumingin ako sa labas ng bintana at nakita kong madilim iyon senyales na gabi na. Ipinalibot ko ang paningin ko at nakita ko ang payapang natutulog ang anak ko. Mabilis akong tumayo at bumaba sa kusina. Mabuti nalang at hindi ko nagising ang anak ko dahil sa pagsigaw ko. Umupo ako sa silya at napahilamos sa mukha. Hindi na bago ang ganitong pangyayari. Hindi talaga ako tatantanan ng madilim na nakaraang iyon. "Nanaginip ka naman ba?" Napatingin ako kay Nay Nina na nakasandal sa hamba ng pintuan. Tinanguan ko siya. "Kung magpatingin ka kaya sa doktor nak?" Umupo siya sa katabing silya. "Nay, ayos lang ako. Kaya ko naman. Saka mas importante ang anak ko," napabuntong hininga ako at pinaglaruan ko ang mga daliri ko habang nakayuko. Strong ako eh. Kaya ko to. Ako pa ba? "Ang sabi ko naman sayo puwede kitang tulungan basta magsabi ka lang. Hindi naman puwedeng akuin mo na lahat ng problema mo nak. Andito lang ako," nag taas ako ng tingin at sinalubong ang mga tingin niya. Malungkot siyang nakangiti. "Nay, sobra sobra na po ang naitulong niyo. Ayoko naman po iyon abusuhin. Ang pag aalaga niyo palang po kay Jay-ar, malaking tulong na po iyon." "Ayoko lang makitang nahihirapan ka dahil pa rin doon. Ilang taon na ang nakalipas Elsa. Sigurado ka bang kaya mo pa?" Puno ng pag-aalala ang mukha niya. Nababasa sa mukha niya ang takot at pangamba. "Opo nay. Kaya ko. Ako pa ba? Malakas ako." "Paano kung hindi mo na makaya? Ano nalang ang mangyayari? Ano nalang ang gagawin mo?" Mula sa pagkakaupo ay tumayo siya para magpunta sa harap ko at mahigpit na hinawakan ang mga kamay ko. "Nay, hindi po mangyayari yon. Magtiwala po kayo," nginitian ko siya at mahina kong pinisil ang hawak hawak kong kamay niya. "Oh siya sige, basta kung hindi mo na kaya ay magsabi ka lang. Andito lang naman ako palagi. Oh siya sige, sa sala lang ako," nakangiti niyang sabi. Tumango lang ako. Ngumiti siya at naglakad palabas ng kusina. Noong mag-isa nalang ako ay naalala ko na naman ang panaginip ko kanina. Napabuntong hininga ako. "Tulungan mo akong makalimot. Alang ala sa anak natin. Hindi ako puwedeng maging ganito nalang palagi," bulong ko. Umihip ang hangin. Napatingin ako sa bintanang hindi naisara. Naku si Nanay Nina talaga. Nakalimutan na naman niyang isara ang bintana. Hindi pa naman umaalis ang bagyo, paano nalang kung hindi ko napansin to. KINABUKASAN ay hindi ko pa rin pinapasok si Borg at Lina. Signal number 1 nalang pero umaambon pa rin at malakas ang ihip ng hangin. Ayaw rin kaming pauwiin ni Nay Nina. Okay na rin siguro iyon dahil hindi rin ako mapakali kung iiwan ko siyang mag-isa rito. Baka kung anong mangyari sa kanya. "Sinong may gusto ng itlog?" Magiliw kong sabi habang hawak ko ang isang itlog. "Mama ko, ako po!" Tinaas taas pa niya ang kamay niya saka pumalakpak. Ang ganado ng anak ko basta pagkain ang pinag uusapan. Well, lahat naman ng bata napaka energetic kapag pagkain ang pinag-uusapan. "Oh sige. Behave ka jan at umupo ng mabuti baka mahulog ka anak. Hala sige, magkakabukol ka," pananakot ko sakanya. Nag pout lang siya. Ang cute naman ng bebe ko. Tinapos ko ang pagluluto ng agahan. Inilapag ko ang sinangag pati na rin ang prinito kong itlog. May kamatis rin na may halong bagoong. Kumuha ako ng mga pinggan habang si Jay-ar ay kumuha ng mga kutsara't tinidor. Noong maayos naming dalawa ang hapag kainan ay inayos ko rin siya sa pagkakaupo. Minsan kasi ay napaka kulit niya at napakagalaw kaya naman nahuhulog siya sa upuan. "Ayan, wag ka kasing galaw ng galaw anak, mahuhulog ka. Sige gusto mo mahulog tapos magkabukol?" "Masakit po ba yun mama ko?" Ang mukha niya ay curious na curious. Bata pa nga talaga dahil napaka inosente ng pag-iisip. "Opo. May lalabas na kanin sa sugat mo tapos made-deads ka. Gusto mo yon?" Nakita kong nanlaki ang mata niya. Mabilis na pag-iling ang iginawad niya sa akin na siyang ikinatawa ko. Cute. "Oh sige, behave ka jan ha. Tatawagin ko lang ang Nanay Nina para makakain na tayo." "Yehey! Nay Nina! Yehey! Kain! Yum yum!" Nasa kamay na niya ang kutsara at tinidor. Ngumiti ako. Nagtungo ako sa sala kung saan nakita ko si Nay Nina na may tinatahing bestida. Tinawag ko ang atensyon niya. "Nay, handa na ho ang agahan. Kakain na po tayo." "Sige. Tara na't kumain," sabi niya bago binitawan ang bestidang tinatahi at sabay kaming nagtungo sa kusina. "AKO na ang maghuhugas Nay." "Ay wag na. Ako na. Ikaw na nga ang nagluto kaya ako na ang maghugas," sabi niya habang inilalagay sa lababo ang mga pinagkainan namin. "Naku Nay ako na po. Pabayaan niyo na po ako," sabi ko. Pumwesto ako sa lababo at hinawakan ko na ang mga plato at sinimulan ko nang hugasan ang mga iyon para hindi na maka angal pa si Nanay. Nakita kong umiling lang siya bago ngumiti, “Oh siya sige. Ikaw na ang maghuhugas. Itutuloy ko lang iyong tinatahi kong bestida.” PAGKATAPOS maghugas ng pinggan ay nagtungo ako sa kwarto kung saan kami natutulog. Nakita ko ang anak kong nakadungaw sa bintana. Umupo ako sa tabi niya. "Anak? Anong tinitignan mo jan?" Tanong ko sakanya habang hinahaplos ang buhok niyang mas malambot pa kesa sa buhok ko. "Yung mga clouds po mama ko," masayang tugon niya sa akin. Ako naman ay napangiti. He really is my sunshine because he makes me happy when skies are gray. "Wow, anong meron sa clouds anak?" Mahinahon kong tanong. Hinahaplos ko pa rin ang buhok niya. "Andyan daw po kasi si papa ko mama ko. Sabi ng mga kalaro ko andyan daw po si papa ko kaya tinitignan ko ang clouds po," inosenteng sabi niya. Nadurog ang puso ko dahil sa sinabi ng anak ko. Hindi ko alam pero lahat naman ginagawa ko para maibigay ko ang gusto niya pero iba pa rin talaga kapag meron ang kanyang ama dito sa tabi namin. "Ayoko na pala maging doktor mama ko. Gusto ko na pala maging piloto para makapunta ako sa mga clouds tapos makikita ko si papa ko po. Diba po mama ko?" Humarap siya sa akin at sobrang pagpipigil sa sarili ang ginawa ko para lang hindi tumulo ang luhang pinipigilan ko. Ginawaran ko siya ng isang ngiti bago nagsalita. "Ayaw mo na sa doktor? Akala ko ba ikaw ang gagamot kay mama at Nay Nina kapag may sakit?" Natatawa kong tanong. I laughed to hide the sadness and tears away. Natigilan siya sa sinabi ko at nag isip isip. Inilagay niya ang mga kamay niya sa kanyang baba na para bang nag iisip kung anong magiging desisyon niya. "Hmmmm. Puwede po bang piloto muna tapos doktor mama ko? Saglit lang naman ako sa piloto tapos pagkatapos ko doon ay sa doktor na ako," paliwanag niya na para bang napakadali ng desisyong naisip niya. Natawa ako. Ang inosente niya talaga. “Sige pero dapat saglit ka lang sa piloto ha? Tapos balik ka sa pagiging doctor,” pakikisabay ko sakanya. Nagningning ang mga mata niya. Halatang halata na nagustuhan niya ang sinabi ko. “Opo mama ko. Saglit lang po ako manga five minutes lang po,” itinaas niya pa yung limang daliri niya para ipakita ang limang minutong sinabi niya. Natawa ako dahil sa ginawa niya kaya naman ay pinanggigilan ko siyang kurutin sa pisngi saka ko siya kiniliti sa kili kili at sa may bewang niya. “Mama ko, stop! Stop! Time-out po! Hahahaha—tama na mama ko. Hindi ko na kaya,” iniharang niya ang kanyang dalawang maliliit na kamay para pigilan ang pagkiliti ko sakanya. Tumayo siya kaya napatayo rin ako. Tumakbo siya patungo sa nakasaradong pinto ng kwarto habang tinatawag ang pangalan ni Nay Nina, nagsusumbong siya na ayaw ko daw siyang tigilang kilitiin. “Nay Nina si mama ko po!” narinig kong sabi niya at sinundan ko siya. Hinabol ko siya pero binagalan ko ang pagtakbo ko papunta sa direksyon niya. “Rawr!” “Ahhhhh!” tuluyan niyang nabuksan ang pinto at kumaripas siya ng takbo palabas. Natawa nalang ako sa pinag gagawa naming mag-ina. Hindi ko na siya sinundan pa at isinarado ko nalang ang pinto. Nagtungo ako sa bintana kung saan kami nakaupo ni Jay-ar kanina pero sa ngayon ay nakatayo na ako, hindi na ako nakaupo. Tinignan ko ang ulap at naalala ko na naman ang sinabi ng anak ko. I am sorry anak, alam kong miss na miss mo na ang Papa pero wala tayong magagawa. Kaya naman hangga’t maaari ay ginagawa ko ang lahat para lang maging maayos siya. Hinding hindi ko rin pinapaglapas ang mga pagkakataong hindi ako busy sa karinderya kaya naman nakakapag bonding kami. Isa iyon sa mga gustong gusto kong gawin sa tanan ng buhay ko ang makipag bonding sa anak ko. Sinusulit ko na ang mga panahong bata pa siya. Dahil panigurado kapag malaki na siya ay hindi ko na magagawa ang mga bagay na ginagawa naming mag-ina gaya nalang ng paglalaro naming dalawa. “Sana andito ka. Sana andito ka sa tabi namin. Kung bakit ba kasi ang aga mong umalis, ang daya mo. Sabi mo hindi mo kami iiwan eh,” bumuhos na ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Sabi ko sa sarili ko kaya ko to kasi strong ako. Wala akong ibang choice kung hindi ang maging matatag para makasurvive pero deep inside ang sakit sakit na. Durog na durog ako at ayokong mamroblema ang mga taong nakapaligid sa akin kaya naman pinapakita kong matatag ako pero ang totoo ay nahihirapan na ako. Pinagpapatuloy ko lang ang laban para sa anak ko dahil ayokong masira ang kinabukasan niya. Mabuti na lamang at isinarado ko ang pinto dahil kung hindi ay makikita nila akong umiiyak at baka mag-alala pa silang dalawa. Tumingin ulit ako sa kalangitan. Hindi iyon gaanong maliwanag at makulimlim iyon, parang alam na alam ng kalangitan ang aking nararamdaman kung kaya’t pati ito ay nagluluksa kasabay ko. “Pero wag kang mag-aalala. Gagawin ko lahat para sakanya—para sa anak natin. Gagawin ko lahat ang makakaya ko para lumaking maayos ang anak natin. Gabayan mo kami ha? Wag kang antukin jan ha, gabayan mo kami,” nangingiting bulong ko. Umihip ang hangin at kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang pagpikit ko sa mga mata ko. Ninamnam ko ang lamig nito dahil pakiramdam ko ay niyayakap niya ako—niyayakap niya ako na para bang sinasabi niyang andito lang siya. Napangiti ako. Simula noon hanggang ngayon hindi mo pa rin talaga nakakalimutan ang mga ipinangako mo sa akin—sa amin. Salamat, Jackson. End of chapter.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD