Chapter Nine

3167 Words
CHAPTER NINE TONYO “GIVE yourself a break, you deserve it.” Basa ko sa isang post na ishinare ng kaklase ko noong high school. Iyon ata yung tinusok ko ng lapis or hinagisan ko ng libro? Hindi ko na maalala. Pero balik tayo sa shinare niya, tama naman iyon. Kahit gaano pa tayo ka-busy, kailangan rin nating magpahinga dahil kung hindi baka magkasakit lang ang end game natin. Mabuti nalang talaga at day off ko kaya puwede akong humiga buong araw pero ayoko rin naman ng walang ginawa. Puntahan ko kaya si Elsa? Ah, tama mas mabuting doon nalang ako tumambay kesa naman nakahiga at mag ML ako buong araw eh puro mga weak naman ang nasa team ko sayang lang effort kasi panay defeat kami. Awit. Agad akong bumangon. Hinablot ko ang tuwalyang nakalagay sa isang kulay black na hanger at nagtungo sa banyo para maligo. Dapat fresh. Wait for me Elsa my labs. “ITO ba o ang isang to? Tsk,” hawak ko ang dalawang tshirt na nakahanger. Yung isa ay kulay puti habang ang isa naman ay kulang blue. “Masyado namang maputi itong isa tapos may kwelyo pa. Hindi naman ako makikibinyag kaya wag to. Ekis to,” ibinalik ko sa cabinet ang puting tshirt na hawak ko. “Ito nalang kaya?” itinapat ko sa salamin ang hawak kong kulay asul na tshirt. Okay na siguro to. The simple, the better. Gusto kong maimpress si Elsarilla eh kaya naman todo ayos ako. Naka brush up pa nga yung buhok ko. Todo pabango pa ako ng paborito kong pabango na Bench. “Aha, tignan lang natin kung hindi mo pa ako pansinin mamaya. Sa gwapo kong to? Tignan lang natin kung hindi ka maglalaway huh,” gamit ang suklay na hawak ko ay itinuro ko ang sarili ko sa salamin. “Huh, wait for me Elsarilla,” sabi ko bago ko nilisan ang salamin kasi kung hindi ay baka mabasag. Wala eh, pogi problems. ELSA BUSY ako sa pagwawalis at paglilinis sa loob noong tinawag ni Lina ang pangalan ko. “Ate Elsa, itatapon ko na po ba ito?” itinaas niya ang isang supot na kulay pula. Hindi ko alam ang laman kaya naman imbes na sagutin ko ang tanong niya ay nagtanong rin ako pabalik. Sinagot ko ng tanong ang tanong niya. “Ano bang laman niyan?” itinigil ko muna ang pagwawalis at hinarap ko siya. When you are talking to someone, it is always advisable to look at them. “Mga kamatis po ate pero bulok na eh,” nakangiwing sabi niya habang itinaas ang hawak na supot. “Oh siya sige, itapon mo na. Tignan mo rin kung may iba pang sira na dyan na mga gulay or ano. Pakilista nalang. Bibili nalang ako mamaya sa palengke,” sabi ko. “Sige po ate,” tumango siya at tumalikod. Bumalik ako sa ginagawa ko. Hindi muna namin binuksan ang karinderya. Napaka dumi at ang daming kalat dahil sa nagdaang bagyo kaya naman ay maglilinis muna ang gagawin namin. Pinunasan ko ang pawis na namuo sa noo ko noong matapos ko na ang pagwawalis sa loob. Ipinalibot ko ang mata ko sa paligid. Noong matiyak kong wala ng kalat ay napangiti ako. Hay, medyo malinis na. Ang mga upuan at mesa nalang ang kailangang punasan para maging malinis. Nagpunta ako sa may kusina para kumuha ng pamunas. Kumuha rin ako ng isang maliit na lalagyan ng tubig. Nakita kong abala si Borg at Lina sa paglilinis sa kusina. Inaayos nila ang mga nagulong kagamitan sa pagluluto pati na rin ang kung anumang magulo sa kusina. Hindi ko na sila inabala pa at kinuha ko na ang ka-kailanganin ko sa paglilinis at lumabas ng kusina. Sinimulan kong punasan ang mesang malapit sa bintana. Sinigurado kong walang bakas ng kahit na anumang dumi at alikabok ang mesang pinupunasan ko. Isang mesa, dalawang mesa, tatlong mesa hanggang sa nasa ika sampung mesa na ang pinupunasan ko. Nasa kalagitnaan ako ng pagpupunas noong tumunog ang wind chime. Napatigil ako sa ginagawa ko. Inilagay ko ang pamunas sa may lalagyan ng tubig. Nagpunas ako sa gilid ng suot kong short at agad na hinarap ang taong dumating. “Magandang araw po. Wala po munang—” “Yo! Hello Elsa my labs!” Nakangiting Tonyo ang tumambad sa akin. Ang gara ng porma niya. Ang dating buhok niya na magulo at bagsak ay naka brush up na. Mas lalo lang din lumitaw ang kaputian niya dahil sa suot niyang kulay blue na tshirt at amoy na amoy rin ang pabango niya. Naligo ata to sa perfume. Napasimangot ako bago nameywang. “Anong ginagawa ng isang epal na kutong lupa dito?” “Grabe ka naman Elsa my labs, yun agad napansin mo? Wala man lang Hi Tonyo ang gwapo mo jan? Ni hi ni hoy? Nakaka hurt ka ng feelings ha,” napasandal siya sa may dingding at nakahawak siya sa may dibdib niya na para bang may nakatarak na kutsilyo doon. “Hoy, wag mo ako artehan ha. Kung andito ka para mang kulit umalis ka na. Busy ako ngayon,” tinalikuran ko siya at kinuha ang pamunas para punasan ulit ang mesa. “Tsk, alam ko namang busy ka eh. Kaya nga andito ako, Tonyo the gwapitong nurse overload with hotness to the rescue,” sabi niya. Para siyang si Dora the explorer dahil sa klase ng tono niya. Humarap ako sakanya at nakita kong naka thumbs up siya. Anong trip nito? “Kailangan mo ba ng mag-iigib ng tubig? Tonyo is here, to the rescue,” nagflex pa siya ng kanyang braso dahilan kung bakit nagpakita ang mga muscles niya. Naka taas ang kilay kong nakaharap sakanya. Hay nako. “May faucet kami,” blangkong sabi ko. Nakita kong natigilan siya. “Ehem, ano nalang… Eh di ako nalang ang magsisibak ng panggatong kung wala kayong—” “May solane kaming gamit,” putol ko sa kung ano pang sasabihin niya. Nakita ko ang pagkamot niya ng kanyang ulo. “Ehm… Eh ano nalang, taga saing ng kanin?” patanong niyang sabi. Alanganin pa siyang ngumiti. “May rice cooker kami.” “Taga pakain ng aso?” “Wala kaming aso.” “Taga laba ng damit?” “May washing machine kami.” “Oh edi asawa mo nalang.” “May—” Natigilan ako dahil sa sinabi niya. Tumalim ang mga mata ko at mariin ko siyang tinignan. “Ginagago mo ba ako?” nakapameywang kong sabi. “Hindi ah. Minamahal kitang tunay…” sabi niya habang iwinawagayway ang dalawang kamay sa harapan ko tapos nagfinger heart siya. Napabuntong hininga nalang ako. Ang kulit ni Tonyo kahit kailan. Sabi ko naman sainyo, mas makulit pa siya kesa sa anak ko. “Tonyo, puwede ba ha, busy ako. Wala akong panahon para makipag lokohan sayo. Umalis ka na,” pagtataboy ko sakanya pero nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa akin. “Luh, sinong may sabing nakikipaglokohan ako?” seryosong sabi niya. Walang bahid ng kapilyuhan ang tono niya. “Tsk.” “Tutulong ako ngayong araw sayo!” masigla niyang sabi na para bang hindi siya seryoso kanina. Bipolar ba tong taong to? “Bahala ka,” nasabi ko nalang at bumalik sa ginagawa ko. “Orayt! Let’s go!”narinig kong sabi niya. Umiling nalang ako. Bahala talaga siya jan. SERYOSO nga ang loko dahil ngayon, nagma mop na siya sa sementadong sahig. Kaya pala tinanong niya ako kung nawalisan ko na ang buong paligid, dahil ima mop niya pala. “Ate, seryoso ba yan?” napatingin ako kay Lina na tumabi sa akin. Andito kami sa may hamba ng pintuan ng kusina, nakaharap kay Tonyo na nag ma mop. Malayo si Tonyo kaya naman ay hindi niya naririnig ang kung anong pinag-uusapan namin. “Oo Lina. Pabayaan mo siya jan. Nag volunteer eh kaya pagbigyan mo siya,” natatawang sabi ko kaya naman pati tuloy si Lina ay natawa rin. When our laughter died down, seryoso akong tinignan ni Lina. “Pero ate naniniwala ka bang trip trip lang ni kuya yan?” seryosong tanong niya. “Oo naman. Wala lang magawa sa buhay si Tonyo at ako ang gustong gusto niyang kulitin at bwisitin,” mabilis kong sabi. “Uhm… Ate ano wag kang magagalit ah..” dahan dahang sabi ni Lina. Tinignan ko siya. “Alam mo kasi ate para sa akin seryoso talaga si kuya sayo...” sabi niya at nanlaki ang mata ko. Nakita ko ang pangamba sa mga mata niya at mabilis na iwinagayway ang mga kamay sa harapan naming dalawa. “Ate wag ka po magalit, sa tingin ko lang po yon,” mabilis niyang sabi. Umalis ako sa pagkakasandal ko sa pintuan at nagtatanong ang mga mata kong nakatingin sakanya. “Paano mo naman nasabi?” curious kong tanong sakanya. “Kasi naman ate, kung talagang pinagtri-tripan ka ni kuya matagal ng tumigil magpapansin sayo yan. Kasi tignan mo naman ang tagal ka na niyang kinukulit eh. Kung trip niya lang ang pangungulit sayo baka nagsawa na yan kasi di mo naman sinasabayan ang gusto niya. Saka ate, hindi lang naman ikaw ang babae sa mundo. Kung gugustuhin niya puwede ka niyang tigilan kulitin tapos maghahanap ng bagong mabwibwisit if naglalaro lang siya. Pero tignan mo naman ate ilang beses mo na ba siyang pinagtabuyan andito pa rin siya. Isa lang ibig sabihin nun, seryoso siya sayo,” mahabang sabi ni Lina. Ganoon ba iyon? “Sige ate, sa kusina lang ako,” ni hindi niya ako hinintay magsalita at agad na umalis. I was left speechless. Wala akong masabi dahil alam ko sa sarili kong tama naman si Lina. Sadyang ayaw ko lang talaga tanggapin. “Elsa?” Masyado akong nakulong sa paniniwalang walang nagseseryoso sa panahon ngayon lalo na sa isang katulad kong single mother. “Elsa?” Masyado akong inunahan ng paniniwala kong walang nagtatagal at walang forever kaya todo deny ako sa katotohanan. “My labs?” Masyado akong nakulong sa nakaraan kaya ayokong paniwalaan ang nangyayari sa kasalukuyan. “Elsa!” “Ay pansit!” napatalon ako dahil sa gulat noong marinig ko ang isang sigaw na pumukaw sa pag-iisip ko. “Okay ka lang ba? Tinatawag kita kanina pa,” nag-aalalang sabi ni Tonyo. Bakit ganyan siya? Papaano niya nagagawang mag-alala sa akin gayong ang ginawa ko lang sa kanya ay ang sigawan at ipagtabuyan lang siya? “Bakit?” “Anong bakit? Tinatanong kita kung okay ka lang ba? May masakit ba sayo?” Imbes na sagutin ko ang mga tanong niya ay iba ang namutawi sa bibig ko, “Tonyo bakit mo to ginagawa?” tinignan ko siya ng diretso. Mata sa mata para makita ko ang reaction niya. “Malamang gusto kong makatulong sayo. Naglilinis tayo diba?” aniya. Nakangiti siya pero alam kong seryoso siya. “Bakit gusto mo akong tulungan?” tanong ko. Itinabi niya ang mop na hawak saka siya naglakad at tumigil sa harapan ko. “Dahil ayokong mapagod ka.” “Bakit?” mariin kong tanong. Nakita kong natigilan siya at napayuko. Noong hindi siya nagsalita ay muli akong nagsalita. “Bakit Tonyo? Bakit ba ayaw mo akong mapagod?” madiin ang bawat pagbigkas ko sa mga salitang binibitawan ko. Bawat segundo ay mas lalo kong nararamdaman ang tension sa aming dalawa. Naghihintay lang ako ng sagot niya. Kaya naman hindi na ako nagsalita dahil gusto kong siya ang magsalita. Gusto kong marinig ang rason niya, ang paliwanag niya. Gusto kong malaman para ako’y maliwanagan. Nagbuga siya ng marahas na hininga bago nag-angat ng tingin. “Hindi pa ba halata Elsa?” matamlay siyang ngumiti, “Hindi pa ba halata? Ayaw kitang mapagod dahil mahalaga ka sa akin. Nagpapapansin ako sayo dahil gusto kita. Hindi ba halata?” Alam kong may gusto si Tonyo sa akin pero ang marinig mismo sakanya na gusto niya ako ay hindi ko pa ring maiwasang magulat. Bumuka ang bibig ko para magsalita pero natutop din agad iyon dahil hindi ko alam kung ano bang sasabihin ko. Mapakla siyang tumawa. “Hindi mo ba halata? Grabe, kung hindi mo halata napaka manhid mo naman. Iniinis kita para mabigyan mo ako ng atensyon. Gustong gusto ko kasi kapag ganon. Kapag yung atensyon mo na sa akin. Ang gago ko no? Sa ganoong paraan lang ako nakakakuha ng atensyon mo.” “Tonyo …” “Okay lang. Naiintindihan ko naman. Sino ba naman ang magseseryoso sa mga sasabihin ko kung ang pagkakakilala mo sa akin ay isang kwela at makulit na Tonyo?” ngumiti siya pero hindi dahil sa tuwa kundi dahil iyon sa lungkot. “Pero kahit na ganoon okay lang sa akin. Dahil ang totoong lalaki ay kayang magtiis at maghintay. Titiisin ko ang mga sakit na nararamdaman ko dahil sa pagtataboy mo sa akin at hihintayin kita kung kailan puwede na. Wag na wag mong iisiping nanunumbat ako ha? Sinasabi ko lang kasi yung nararamdaman ko, ayokong maglihim sayo. Nakakasakal kasi at napaka bigat sa dibdib. Ang tagal ko rin tong kinimkim no,” tumawa siya. Pero hindi nakabawas sa tension na namamagitan sa amin ang pagtawa niya. “Tonyo bakit ako?” naguguluhan kong tanong. Iyon naman kasi talaga ang pinaka tanong ko. Bakit ako? Bakit sa isang katulad ko? Tinaasan niya ako ng kilay. Ang sungit niya tignan. “Bakit hindi ikaw? Elsa, lahat ng gusto ko sa isang babae nasayo at ikaw ay one of a kind. A very beautiful diamond in this world full of rocks,” sabi niya na para bang sapat na sagot iyon sa katanungan ko. “Bakit sa isang katulad ko Tonyo? Isang single mother lang ako. May sabit,” nalilito kong sabi. “Elsa please lang,” umiling iling siya saka niya pinisil ang ilong niya. Narinig ko ang marahas niyang paghinga. “Please lang. Wag mong masabi sabi sa akin yan. Ano lang kung single mother ka at may sabit? Bilid nga ako sayo eh. Hindi lahat ng single mother ay kasing sipag mo. Hindi lahat ng single mother kasing buti mo. Porket single mother hindi na puwedeng magmahal o mahalin? Bakit may batas bang nagsasabing bawal mahalin ang single mother? Wala naman diba? Kaya please lang wag mong masabi sabi yan lalo na harapan ko. Wag na wag mong ni-la-lang ang babaeng mahal ko.” Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. Akala ko ba simpleng pagkagusto lang ang nararamdaman niya para sa akin? Higit pa pala doon ang nararamdaman niya! Hindi ko maintindihan ang sarili ko pero malakas na kumabog ang puso ko. The last time na naranasan ko ito ay noong inaya ako ni Jackson sa isang date. Diyos ko, ano po bang nangyayari sa akin? Hindi kaya… “Anong sabi mo?” gulat na gulat kong tanong. Malalaki ang mata kong nakatingin sakanya. “Mahal kita.” TONYO “ANONG SABI MO?” Ito na Tonyo. Matagal mo nang hinihintay ang pagkakataong ito. Huwag na huwag kang totorpe torpe. Huminga ako ng isang malalim na hininga bago seryosong tumingin sakanya at nagsalita. “Mahal kita.” Nakita ko ang panlalaki ng mga magaganda niyang mata niya at ang pangnganga niya. isang palatandaan na nagulat siya. Dalawang salita lang ang sinabi ko pero ganyan na ang reaction niya. Paano kaya kung ayain ko siyang magpakasal, baka nahimatay na siya. Noong hindi siya nagsalita ay kumabog ng malakas dahil sa kaba ang puso ko. Sh!t, sh!t, sh!t, nagsalita ulit ako noong hindi siya makapagsalita. “Elsa? Magsalita ka naman please,” pagmamakaawa ko. Sa tanang buhay ko, hindi ako nagmakaawa kahit kanino—kay Elsa lang. “Tonyo… p-paano?” aniya. Sh!t, busted ata tayo mga brad. Pero pakialam ko naman, hindi ako susuko. Kung kinakailangan kong maghintay okay lang. “Okay lang Elsa, okay lang. Sinabi ko lang naman yung nararamdaman ko. Hindi ko naman sinabing suklian mo kaagad yung pagmamahal ko. Gusto ko lang malaman mo. Nakakasakal na rin kasi ang naglilihim ng feelings eh,” sabi ko habang matamlay na nakangiti. “Tonyo… h-hindi…hindi ko alam…” putol putol na sabi niya. Halatang halata ang gulat sa buong mukha niya. Nakita ko ang panginginig ng kamay niya. Nilapitan ko siya at masuyong niyakap. Mas lalo ko tuloy naramdaman ang panginginig niya. “Shhh, okay lang. Okay lang. Sinabi ko lang naman yon dahil ayoko nang maglihim pa sayo. Masakit sa dibdib,” malumanay kong sabi. Naramdaman kong tumango lang siya at hindi na nagsalita. Pinaghandaan ko na ang araw na ito. Ang araw kung kailan ako magtatapat kay Elsa. Alam kong simula ngayong araw na ito ay magbabago na ang lahat. Alam ko yon at natatakot ako. Kumalas ako sa pagkakayap sakanya at masuyo kong hinawakan ang kanyang mga pisngi. “Alam kong sobrang kapal ng mukha ko para hilingin sayo ito Elsa pero sana ay pagbigyan mo ako,” sabi ko. Mabuti nalang at hindi ako nautal dahil sa takot. Baka hindi ko lang masabi ng maayos ang gusto kong sabihin kapag nautal ako. “Ano yun?” pabulong niyang tanong. “Maari bang wag mong ipagdamot sa akin ang mahalin kita? Alam kong hanggang ngayon ay nalilito ka pa rin at gulat na gulat ka pa rin. Pero sana wag mong ipagdamot ang isang bagay—wag na wag mong ipagdamot na mahalin kita kasi sa totoo lang hindi ko kayang pigilan yung nararamdaman ko para sayo.” Nakita kong tinitigan niya ako sa mata. Kinabahan ako habang naghihintay sa kung ano man ang magiging sagot niya. Never in my life akong natakot sa isang tingin ng babae. Kahit nga kay nanay na may hawak na pamalo hindi ako natakot eh. Ngayon lang. kay Elsa lang. “Sige. Pero sana ay hayaan mo akong mag-isip. Sa totoo lang Tonyo hindi ko pa rin alam ang sasabihin ko sayo. Kaya wag ka sana magulat kung iiwasan kita kase defense mechanism ko lang iyon,” maliit ang boses niya habang sinasabi iyon. Masuyo kong hinaplos ang pisngi niya bago ko siya pinakawalan at ngumiti ako ng pagkalapad lapad na para bang walang namuong tension sa aming dalawa kanina. “Oo naman! Si Tonyo ata to! Maghihintay para sayo kahit gaano pa yan katagal,” masiglang sabi ko bago dinampot ang mop. “Itutuloy ko lang ang pag ma mop,” imporma ko sakanya. Tumango siya bago pumasok sa kusina. Hays. Sa wakas umamin rin ako, yung pag amin na walang halong biro. Actually, ito ang unang beses kong kinabahan para lang sa pag amin ng feelings ko. Hindi ko kasi ito naranasan noong highschool ko. Mostly kasi mga babae ang umaamin sa akin noon. Ganito pala ang nararamdaman nila sa tuwing umaamin sila sa aking crush daw nila ako. Ngayon alam ko na ang nararamdaman nila. Awit sayo Tonyo. ELSA PARA akong isang kandila na natunaw noong naisarado ko ang pintuan. Agad akong dinaluhan ni Lina. Si Borg ay wala sa loob ng kusina. Baka ay nasa labas. “Ate, anong nangyari? Ayos ka lang po ba?” “Lina, tama ka, umamin siya sa akin kanina lang. Pero hindi ko alam. Natatakot ako. Natatakot ako,” sabi ko sakanya. Niyakap niya agad ako habang hinahagod ang likod ko. “Shhh, ate. Kalma lang. Hindi mo naman kailangan magbigay ng sagot ngayon din. Alam kong natatakot ka pa kaya naman ay wag mong pinapahirapan ang sarili mo. Wala namang pumipilit sayo na magbigay ng sagot agad. Nasa saiyo ang desisyon at kung ano man iyon ay kailangang irespeto ni kuya. Kalma lang ate,” hinahagod niya ang likod ko. Isinandal ko pa lalo ang katawan ko kay Lina at hinigpitan ko ang pagkakayakap ko sakanya. Sa mga oras na to ay hindi na ako nag-inarte pa. Kailangan ko ng mayayakap at masasandalan dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Ano ba dapat ang maramdaman ko? Ano ba dapat ang desisyong gagawin ko? Ano ba talaga? Kaya ko ba? Gusto ko ba? End of Chapter nine.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD