CHAPTER 2

3105 Words
KJ INIWAN ko sina Daddy at Tito Rafael sa terrace, nakita ko kasing dumating na si Liam mula sa eskwelahan nito. Dalawang araw na kami ni Daddy dito sa bahay nina Tito Rafael. May mga proyekto kasing pinapagawa si Tito Rafael sa bayan at si Daddy ang sponsor ng mga ito. Malapit sa puso ni Daddy ang mga kabataan kaya naman nagtayo siya ng isang foundation para makapag-aral ang mga hirap sa buhay na gustong makapag-aral sa private school. Ito ang Amorsolo Foundation Academy. Ayaw sana akong isama ni Daddy rito kasi may pasok ako sa Maynila, kaya lang mapilit ako dahil gustong-gusto ko talaga dito sa probinsya. Tuwing pupunta rito si Daddy ay lagi akong sumasama. Gustong-gusto ko namamasyal sa mga kalapit na lugar dito. Malapit lang dito ang pier at may mga magagandang beach din. Sa kabilang ibayo naman ng bayan ay mabundok na bahagi na gusto ko ring puntahan lalong-lalo na ang Bulusan Lake. Naulinigan ko ang pagdating ni Liam kanina kaya gusto kong may makausap naman. Kahit kasi nasa iisang bahay lang kami ay bihira naman kami mag-usap ng pinsan kong si Liam. Nakarating ako sa tapat ng kanyang silid at marahan akong kumatok. Binuksan naman nito at hinayaan akong makapasok. “Ano’ng kailangan mo?” tanong niya sa akin. “Wala lang, gusto ko lang may kausap,” sagot ko. Bumalik si Liam sa kanyang study table at tila may ginagawang assignment. Lumapit ako at tiningnan ang sinusulat nito sa notebook pero bigla nitong itiniklop. “Bakit ka ba nandito? ‘Di mo ba alam marami pa akong assignment?” masungit na sabi niya sa akin. Ganito talaga siya masungit kahit noong maliliit pa lang kami. Palagi na lang kami nag-aaway. Pero ngayong malalaki na kami ay pinagpapasensyahan ko na lang siya. “Assignment lang? Gusto mo tulungan kita, tapos pasyal tayo dun sa beach?” Sa kabila ng pagiging masungit niya ay pinipilit ko siyang pakisamahan. “Bakit hindi ka pumunta ro’n? ‘Di ba, may bodyguard ka naman. Magpasama ka.” Si Arnel ang tinutukoy nito na matagal nang pinagkakatiwalaang bodyguard ni Daddy. Mula nang mamatay ang mommy ko ay palagi na akong pinasasamahan ni Daddy sa mga bodyguards niya. Alam ko namang ginagawa ni Daddy iyon para sa siguridad ko dahil madalas siyang wala sa tabi ko. Takot daw siyang pati ako ay mawala rin sa kanya kagaya ni Mommy. Si Liam ay may bodyguard din mula noong naupong mayor si Tito Rafael dahil na rin sa siguridad nito. Ang gusto ko sana ay magkasama kaming magpinsan sa mga lakad kahit minsan lang. Napabuntong-hininga nalang ako, “Sige na nga, hindi na kita i-istorbohin.” Tumalikod na ako at nang lalabas na ako ng kanyang kuwarto ay bigla akong may naalala. Napalingon ako sa kanya. “’Ngapala, kaklase mo ba si Audrey?” tanong ko. Bigla siyang tumigil sa pagsusulat at napatingin saakin. “Hindi, bakit?” “Wala lang, napanood ko kasi ang galing niyang maglaro, ‘tska ang ganda rin niya,” sabi ko. Hindi ko talaga maitanggi na nagandahan ako sa softball player na iyon. Hindi ko alam kung may nakakatawa ba sa sinabi ko at humalakhak si Liam. “Seriously? Nagagandahan ka kay Audrey? Ang baduy kaya niya.” “Paano naging baduy?” tanong ko. “Kung napanood mo lang noong sumali iyon sa Miss Intramurals parang ako ang nahihiya sa mga pinagsasabi niya. Trying hard mag-English mali-mali naman. Nakaka-turn off,” anitong napailing sabay tawa. “Grabe ka namang makapintas. So ano’ng nangyari? Nanalo ba siya?” tanong ko. “Oo. Akalain mo siya pa ang nakasungkit ng korona. Pambihira!” Natigilan siya sa pagkukuwento nang makita niyang imbes na ngumiti ako ay nainis ako sa mga pinagsasabi niya. “Ikaw, bakit ka nga pala nandito? ‘Di ba nag-aaral ka sa Maynila?” Inilagay ko ang aking kamay sa magkabilang bulsa ko at sumandal sa may study table niya. “Absent ako. Babalik naman agad kami ng Maynila, eh. Kaya nga gusto ko sanang mamasyal. P’wede mo ba akong samahan? Kahit mamaya o kaya bukas. Iyon naman talaga kasi ang dahilan kung bakit sumama ako kay Daddy.” “Iba ka rin, ano? Pa-espesyal ka lagi. ‘Tsaka nandun ka na nga sa siyudad pupunta ka pa sa pangit na lugar na ‘to, at dito ka pa talaga mamamasyal,” mapaklang napangiti ito. “Maganda kaya rito. Ikaw lang ang hindi nagagandahan,” tugon ko. “Hindi talaga ako nagagandahan. Kaya nga gustong-gusto ko na makaalis sa lugar na ‘to, eh. Si Daddy lang kasi ayaw akong payagan na mag-aral sa Maynila. Kagaya mo, gusto ko rin doon sa eskwelahan na pinapasukan mo. Hindi sa pipitsuging paalaran na ‘yon.” “Pipitsugin? Baka nakakalimutan mong daddy ko ang may-ari ng school na ‘yon? P’wede mo naman sana i-sekreto ang mga saloobin mo kung talagang ayaw mo sa eskwelahan ng daddy ko, hindi ‘yong sasabihin mo sa harapan ko mismo,” prangka na sabi ko sa kanya. Tila nag-init ang aking pakiramdam nang laitin ni Liam ang paaralan na pinaghirapang ipundar ni Daddy para matulungan ang mga mahihirap. Nakita ko ang pagngiti niya ng mapakla. “Oo na. Wala naman kasing nagtatanong sa akin kung gusto ko ba sa paaralan na ‘yon o hindi. Nakakainis lang si Dad, kaya naman niya akong pag-aralin sa ibang private school doon pa talaga ako tinapon. Mayabang ka lang, palibhasa sa Maynila ka nag-aaral kaya nasasabi mo ang mga ‘yan. Pero darating din ang araw na mapapapayag ko rin si Dad. Sa Maynila ako mag-aral makikita mo. Ayoko habang buhay sa lugar na ‘to.” Napailing ako. Ayoko nalang siyang patulan dahil baka ang mga daddy pa namin ang mag-away. Kabaliktaran namin ang isa’t-isa dahil ako, gustong-gusto ko ang buhay sa probinsya kasi tahimik at simple lang. Pero ito namang si Liam ay halos sumpain ang lugar na kinalakihan niya. Lumabas na lang ako ng silid dahil baka hindi ako makapagtimpi at magkasagutan na naman kami. KINABUKASAN ay nagpasama ako kay Arnel. Pumunta kami sa beach. Halos kalahating oras din kami roon at ang sunod naming pinuntahan ay ang sikat na Ubu Falls. Hindi na ako nagpaalam kay Dad dahil alam kong sandali lang naman puntahan iyon dahil wala namang traffic. “Sir, sigurado ka bang hindi tayo pagagalitan ni Mayor at ng daddy mo?” tanong sa akin ni Arnel habang nagda-drive. Dala-dala namin ang isang sasakyan ni Tito Rafael. Sinabi ko kay Arnel na nagpaalam na ako kay Daddy pero ang totoo ay sinamantala ko lang na may meeting sila sa opisina ni Tito Rafael. “Oo, hindi naman magagalit ang mga iyon. Pupuntahan lang naman natin ang Ubu Falls,” sagot ko. Tumango na lang si Arnel at ipinagpatuloy ang pagmamaneho. Mayamaya pa ay bahagyang zigsag at paakyat na ang tinatahak ng aming sasakyan. Nararamdaman ko ang tila nakakabingi na pressure sa aking tainga nang papaakyat na ang aming sasakyan. Hindi na kami nag-aircon kaya binuksan ko ang bintana. Napalunok ako habang dinama ang malamig na simoy ng hangin mula sa lilim ng mga naglalakihan at matatayog na mga puno. Iisa lang naman ang daan at may mangilan-ngilan na kabahayan din kaming nadaraanan sa paanan ng bundok. Ilang minuto pa ang lumipas at narating na namin ang nasabing Ubu Falls. May mangilan-ngilan na mga sasakyan at motorsiklo kaming natatanaw na nakaparada hudyat na marami din ang dumarayo sa lugar. Nang maiparada ni Arnel ang sasakyan ay sabik akong bumaba at tiningnan ang paligid. Hindi pa naman gaano develop ang lugar pero napakaganda nito. Malalakas na kuliglig at lagaslas ng tubig ang tanging naririnig sa magubat na paligid ng falls. Napalingon ako sa isang motorsiklo na kung tawagin nila ay ‘habal-habal’—isa itong uri ng pampasaherong motor na nagdadala ng mga pasahero sa paanan ng bundok. Tumigil iyon sa likuran ng aming sasakyan. Bumaba ang nakaangkas na babae na may sukbit na backpack sa likuran nito. May suot itong sombrero, naka-maong pants at sapatos na animo’y bota. Nagulat ako nang makilala ko kung sino ang babaeng iyon. “Audrey!” tawag ko sa kanya habang naglalakad siya paakyat sa matarik na bahagi ng burol. Lumingon siya sa akin at tumigil sabay napangiti. “KJ?!” Tila gulat na gulat siya nang makita ako. Agad siyang bumalik pababa at lumapit sa akin. “Anong ginagawa mo rito?!” halos magkasabay na tanong namin sa isa’t-isa. Nakatitig ako sa kanya, marahil ay na-conscious siya sa magulo niyang buhok. Kaya tinanggal niya ang kanyang sombrero, bumagsak tuloy ang mahaba at unat niyang buhok. Pagkatapos ay itinali niya ito at isinuot muli ang kanyang sombrero. “Pauwi na ako sa’min,” sagot niya sabay napangiti. Simple lang ang ganda ni Audrey pero nagagandahan talaga ako sa kanya. Lalo na kapag ngumingiti siya dahil lumalabas ang maliliit na dimple niya sa magkabilang pisngi. “Ibig mo sabihin malapit lang ang bahay niyo rito?” tanong ko. Bumaba na si Arnel sa sasakyan at tiningnan nito kong sino ang kausap ko. Tumabi saakin si Arnel. Nakita kong napayuko ng bahagya si Audrey at ngumiti kay Arnel. “Hi, po!” bati niya. “Sige mauna na ako sa inyo, malayo pa kasi ang bahay namin dito. Hindi na kayang akyatin ng motorsiklo, eh.” “Ibig mong sabihin maglalakad ka lang?” tanong ko. “Oo, s’yempre,” sagot niya. Nagtaka ako kung paano niya nakakayanang umuwi dito araw-araw gayong napakalayo na nito sa bayan. “Ibig mo sabihin araw-araw umaakyat ka ng bundok?” Natawa siya at umiling. “Hindi naman. Sa bayan ako tumutuloy sa tito at tita ko, tapos weekend umuuwi ako rito. Wala kasing pasok ngayon kaya umuwi na ako.” Napatango-tango nalang ako. “Ah! Ganun ba? Ang ganda pala ng falls dito sa inyo,” sabay tingin ko sa tubig na bumabagsak mula sa itaas na bahagi ng bundok. “Pangkaraniwan na lang ‘yan sa akin kasi dito na ako lumaki.” Tumingin siya sa kanyang pambisig na orasan, “Sige, maiwan ko na kayo.” “Teka, p’wedeng sumama papunta sa inyo?” pahabol kong tanong. Nilingon niya ako ulit, “Ha? Eh, malayo kasi baka mapagod ka.” “Ayos lang. Kaya ko,” tugon ko. “Sir, baka malayo ang bahay nila,” pigil ni Arnel sa’kin. “Kaya ko naman, eh,” dugtong ko. “Sir, hindi natin p’wedeng iwanan ang sasakyan dito. Huwag na tayong pumunta ro’n. ‘Tsaka baka hanapin ka na ng daddy mo ako malalagot,” sabi ni Arnel. Tama naman siya baka mapagalitan na kami ni Daddy. Nanghihinayang ako dahil gusto ko sanang umakyat ng bundok. “O sige, ingat ka na lang,” sabi ko kay Audrey. Kumaway lang siya sa akin at mabilis siyang naglakad paakyat ng burol. Sinundan ko na lang siya ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang nawala sa paningin ko dahil sa dami ng mga matataas na mga puno. Ibinalik ko na lang ang aking atensiyon sa malakas na lagaslas ng tubig na nahuhulog mula sa itaas na bahagi ng bundok. Makalipas ang halos isang oras na pamamalagi namin sa paanan ng Ubu Falls ay nagyaya nang umuwi si Arnel. Hindi na ako nakipagmatigasan dahil nag-alala na rin ako baka hinahanap na kami ni Daddy. NANG maiparada ni Arnel ang sasakyan ay agad na nagmadali akong pumasok sa loob ng bahay nina Tito Rafael. Nakita kong nakatayo si Daddy na nakatalikod mula saakin at nakapameywang. “Saan naman kaya pumunta ang batang iyon?!” narinig kong sabi niya. Agad na inginuso ako ni Liam kaya lumingon si Daddy sa akin. “Dad…” “Saan ka ba pumunta, bata, ka? Kanina ka pa namin hinahanap!” galit na sabi niya. “Namasyal lang po kami ni Arnel,” mahinang tugon ko. “At hindi ka nagpaalam?!” “Sorry, Dad.” “Puwede kang mapahamak sa ginagawa mo, Julius,” sabat naman ni Tito Rafael habang bumababa ito ng hagdan. Kapag seryoso ito ay hindi ako tinatawag sa palayaw ko ganoon din si Daddy. Malamang ang ibig sabihin niya ay nanganganib ang buhay ko dahil sa mga kalaban niya sa politika o kaya sa mga taong may lihim na galit sa kanya. Kaya hindi ako puwedeng pagala-gala. Umupo ito sa sofa habang si Daddy naman ay nakatayo lang habang galit na nakatingin sa akin. Naunawaan ko naman si Daddy dahil overprotective talaga siya sa akin. Tila natutuwa pa si Liam na pinapanood habang pinapagalitan ako nina Daddy at Tito Rafael. Si Arnel ang napagalitan ng husto dahil inako nito ang kasalanan ko. Sinabi nito na siya ang nagyaya sa akin na mamasyal. KINABUKASAN ay halos maghapon lang akong nasa kuwarto dahil pinagbawalan na ako ni Daddy at Tito na lumabas. Napabalikwas ako sa pagkakahiga nang may kumatok sa pintuan. “Sasama ka ba?” tanong ni Liam sa akin na bahagyang sumilip sa may pintuan. “Saan naman? Bawal na nga akong lumabas, ‘di ba?” tugon ko. Natawa lang ito at umiling, “Ikaw naman kasi hindi ka marunong magpaalam ng maayos. Puwede ka na raw lumabas basta kasama ako. Ano? Sama ka sa’kin sa school? May laro kasi kami ngayon.” Tila nabuhayan ako ng loob dahil sa wakas ay makakalabas ulit ako. “Sige, sama ako!” nakangiting tugon ko. Agad akong nagpalit ng damit. Nagsuot ako ng maong pants at puting t-shirt. Agad akong lumabas ng kuwarto at sinundan si Liam na nauna na sa akin lumabas ng bahay. Himala dahil ngayon lang ako niyaya ni Liam na sumama sa kanyang lakad. Napakamot ako sa ulo dahil akala ko kaming dalawa lang, nakabuntot pa rin pala ang mga bodyguards namin. Nang makarating kami sa academy ay nakatanaw lang sina Arnel at ang bodyguard ni Liam sa amin sa ‘di kalayuan. Kami ni Liam ay dumiretso na sa malawak na field kung saan sila mag-lalaro. Naupo ako sa damuhan at hinintay na mag-umpisa ang laro nina Liam. Walang duda na magaling talaga maglaro si Liam. Napapalakpak ako nang maka-home run siya. Mayamaya ay nakita kong nagsidatingan ang grupo ng mga kababaihang softball player. Nakita ko agad si Audrey. Royal blue na may kombinasyong puti ang suot nitong uniporme kaparehas ng uniporme nina Liam. Ang kalaban naman ng mga ito ay nakakulay dilaw. Hindi ko alam kung bakit parang na-excite ako nang makita ko siya. Agad akong napatayo mula sa pagkakaupo ko sa damuhan. “Hi, Audrey!” nakangiti kong bati sa kanya. Nagulat siya nang makita ako. Agad na lumapit ang grupo nila sa gawi ko. “Ba’t nandito ka? Oo nga pala, kayo pala may-ari ng eskwelahan,” tanong at sagot din niya. Tila pati mga mata nito ay nakangiti. “Manonood lang ng laro. Good luck!” sabi ko. “Thank you. Pagkatapos nila, kami naman, medyo kinakabahan nga ako, eh.” “Relax ka lang, basta galingan niyo.” Umupo ulit ako sa damuhan at inilatag ko ang aking panyo sa tabi ko para paupuin si Audrey. “Maupo ka,” yaya ko sa kanya. “Grabe naman! Bakit may panyo pa? Sanay naman ako umupo sa damuhan. Ako pa,” anito. “O siya sige kung sanay ka, eh, di umupo ka na lang.” Nginitian ko siya at hindi ko na tinanggal ang nilatag kong panyo. Nagpasalamat siya at umupo na lang sa tabi ko. Sa likuran namin ay ang mga teammates niya. Naririnig ko pa na tila nagbubulungan ang mga ito. Napangiti na lang ako. Hindi ko naman kasi maintindihan ang mga sinasabi nila dahil hindi ako marunong umintindi ng salitang Bicol. Naghiyawan ang koponan nina Audrey nang manalo ang koponan nina Liam. Pati ako ay tuwang-tuwa rin, s’yempre proud ako sa aking pinsan. Mayamaya ay tinawag na sina Audrey ng kanilang coach. Tumayo na siya at nagpaalam sa akin. Nag-umpisa nang mag-warm up ang koponan nina Audrey, sila na kasi ang susunod na maglalaro. Basa naman ng pawis na naupo si Liam sa tabi ko. Inabot ko sa kanya ang mineral water na pinabili ko kanina kay Arnel sa canteen. Kinuha naman niya iyon at matamang nakatuon ang pansin sa mga kababaihang naglalaro ng softball. Si Audrey ang unang batter kaya nakatuon din ang tingin ko sa kanya. Pakiramdam ko ako ang kinakabahan. Ang porma niyang tingnan habang inaabangan ang bola. Matangkad at tila pang beauty queen ang dating ni Audrey, parang hindi naman siya bagay sa ganitong laro. Sa tingin ko ay mas bagay sa kanya ang volleyball. Napapalakpak ako’t napahiyaw nang malakas na tinamaan ng bat ang bola. Malayo ang itinalsik niyon kung kaya’t mabilis siyang tumakbo sa first base. Pero napasinghap ako nang makita ko siyang nadulas. Hindi ko alam kung sinadya niya ba iyon o hindi. Karaniwan kasi sa ganitong laro, minsan ay nagpapadulas lalo na kapag may putik sa field para marating agad ang base. “Ayos lang ba siya?” alalang tanong ko habang napatingin kay Liam. Napahalakhak lang si Liam, “Bakit, worried ka sa crush mo? Laking bundok ‘yon kaya ‘wag kang mag-alala.” Hindi ko alam kung saang ideya kinuha ni Liam at nasabi nitong crush ko si Audrey. Hindi ko pinansin ang sinabi niya bagkus ay tuloy lang ako sa panonood. “Go! Go! Audrey!” sigaw ko. Napapalakpak ako na halos magtatatalon ako sa tuwa nang makarating na siya sa home run. Tumingin siya saakin at pareho kaming nag-thumbs up. Masayang-masaya ang lahat nang matapos ang laro at parehong nanalo ang koponan nina Liam at Audrey. Inihanda ko ang tubig na ibibigay kay Audrey. Pawisan siyang lumapit sa gawi ko at may putik pa ang damit. Agad kong inabot sa kanya ang mineral water. “Salamat,” nakangiting saad niya. “Congratulations! Ang galing niyo!” sabay kinamayan ko siya. Natigilan ako nang mapansin ko ang mga gasgas niya sa may braso at siko. “Wait, may sugat ka, ah,” pag-aalala ko. “Wala ‘to, maliit lang,” aniyang ipinagpatuloy ang pag-inom ng tubig. “Sugat pa rin ‘yan.” Nilinga ko ang kanilang coach at sinabihan kong dalhin si Audrey sa clinic para malapatan ng paunang lunas. Agad namang dinala ng mga ito si Audrey sa clinic. Kitang-kita ko ang pag-arko ng isang sulok ng mga labi ni Liam nang tumingin ito sa akin. Ano na naman kaya ang iniisip niya? Hinayaan ko na lang siya at iniwan. Agad akong sumunod kina Audrey sa clinic at mataman kong hinintay na matapos ang paggamot sa mga galos nito. Pagkatapos ay nagpa-order na rin ako ng pagkain para sa team nina Liam at Audrey at sama-sama kaming kumain sa canteen.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD