Isang palapag lang. Iyon ang tanging nasa isip ko habang nasa loob ng elevator. Isa lang naman kasi talaga ang aakyatin ng lift para makarating sa last floor ng building. Huling palapag na ang kinalalagyan ng opisina ni Gian at sa palapag bago iyon, doon lang ako manggagaling. Kaming dalawa na rin lang ni Cordelia ang nasa loob ng elevator. Hindi ko na kailangang itanong sa kanya kung saan ang tungo n'ya sa building na ito. Saan pa ba? E 'di sa opisina rin ni Gian. Alangan namang sa rooftop, hindi ba? Siguro ay nabalitaan din n'ya na nakabalik na rito sa Maynila ang kanyang ex-boyfriend. Ang bilis naman n'ya, kararating lang ni Gian pero narito na s'ya kaagad? O baka naman updated s'ya sa nangyayari kay Gian? Did he tell her? Na pauwi na s'ya rito sa lungsod? At bakit? Ngumuso ako.