Prologue
Sabi nila, “True love is not about how many days, months, or years you have been together. It’s about how much you love each other every single day.” Wala namang mali sa nagsabi ng kasabihang ito. Kahit pa isang linggo pa lang kayo, kung alam mong nararamdaman mo na mahal na mahal mo siya sa bawat araw na nagdaraan, tunay na pagmamahal ‘yun. But how can you say you love someone, not just out of infatuation or lust? Hmm.
Kinakabahan ako at pakiramdam ko, anumang oras ay pwede akong himatayin sa harap ng maraming tao. Naiiyak ako—hindi ko na maintindihan kung naiiyak ba ako sa saya o dahil sa excitement, dahil ito na ang simula ng yugto ng buhay ko na tatanda ako at mamamatay akong siya ang kasama. Hindi na ako makapaghintay na sumagot ng oo at ipagpatuloy ang kwento ng buhay ko kasama siya. Wala na akong mas nanaisin sa buong buhay ko kundi ang maging kabiyak niya mula ngayon hanggang sa dulo.
Katamtaman lang ang init at sinag ng araw ngayon, pero pinagpapawisan pa rin ang aking mga palad. Hindi ko alam kung kaya ko bang magsalita kapag nasa harap na ako.
Unti-unting tumulo ang mga luha ko, na agad ko namang pinunasan—ayokong may makakita.
Inayos ko nang kaunti ang laylayan ng aking puting belo, huminga nang malalim, at saka naglakad nang dahan-dahan. Ninanamnam ko ang sarap ng tunog ng Can’t Help Falling in Love na instrumental sa aking tainga. I really can’t help falling in love with him every single day, hour, minute, and second of my life. Siya na talaga ang nakatakda para sa akin. Siya lang ang mamahalin ko habang buhay.
Sa unahan—bandang kanan sa harap ng pari—siya'y nakatayo. Tuwid ang kaniyang tindig, na para bang handa na siyang harapin ang buhay na kasama ako. Nakangiti siya, at kita ko ang mga luhang nangingilid sa kaniyang mga mata. Sa bawat hakbang ko papalapit sa kaniya, pansin ko ang malalalim niyang paghinga.
Hindi na ako makapaghintay.
Pagkarating ko sa harapan, agad niyang kinuha ang aking kanang kamay gamit ang kaniyang kaliwa. Hinalikan niya ito, at saka ako inalalayan papunta sa upuan sa harapan ng pari.
Hindi ko na binitawan ang kaliwang kamay niya simula nang maupo kaming dalawa—at ganoon din siya sa akin. Hindi rin maalis ang mga ngiti sa aming mga labi habang nagsisimula ang pari sa kaniyang seremonya.
Wala na akong gaanong naintindihan sa mga sinasabi ng pari sa aming harapan, basta ang alam ko lang ay masayang-masaya ako dahil mangyayari na ang matagal ko nang pangarap—ang maikasal sa taong pinakamamahal ko at maitali sa kaniya habang buhay.
May mga pagkakataong nagkakatinginan kami, at hindi namin mapigilang kiligin sa isa’t isa.
Ibang-iba ang itsura niya ngayon. Mas gwapo siya ngayon kaysa sa mga araw na magkasama kami. Hindi ko maipagkakaila na mahusay akong tumingin ng mapapangasawa—hindi lang sa itsura, kundi pati na rin sa ugali at pagkatao. Wala na akong iba pang masasabi tungkol sa kaniya, dahil alam kong nagtitiwala siya sa akin, at walang araw na hindi niya ipinakita—at pinadama—kung gaano niya ako kamahal at gaano ako kahalaga sa buhay niya. At kailanman, hinding-hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kaniya, pangako.
Saksi ako sa kung gaano siya kasipag sa lahat ng bagay. Alam ko kung gaano siya katalino, at ramdam ko ang malasakit niya sa akin. Na-appreciate ko ang lahat ng mga effort niya. Walang duda, siya ang lalaking gusto kong makasama habang buhay.
Bumalik ako sa realidad nang marinig kong tatanungin na siya ng pari.
“Groom, do you take your bride to be your lawfully wedded wife,” tanong ng pari sa kaniya, “to have and to hold, from this day forward, for better or for worse, for richer or for poorer, in sickness and in health, to love and to cherish, until death do you part?”
Gusto kong umiyak—iyong iyak na para bang wala nang katapusan, hanggang sa parang lumabas ang baga mula sa aking dibdib.
Pakiramdam ko ay kakapusin ako sa hangin sa mga oras na ‘to. Parang hindi ko na yata kayang ituloy pa ang mga sinasabi ng pari.
“I do,” sabi niya, sabay tingin sa akin at isang matamis na ngiti.
Halos ikamatay ko ang mga ngiti niya. Ang sagot niyang oo ay ang sarap pakinggan. Naka-record na sa isip ko, at para bang gusto kong ulit-ulitin bawat segundo ng aking oras.
Ang mapupungay niyang mga mata, ang tangos ng kaniyang ilong, ang kapal ng kaniyang mga kilay, at ang pula ng kaniyang mga labi—hindi na ako makapaghintay na halikan siya.
Tumingin ang pari sa akin.
Ayan na! sigaw ng aking isip sa megaphone, ang holy question!
“Bride, do you take your groom to be your lawfully wedded husband,” tanong ng pari sa akin—na gusto ko agad sumagot ng ‘oo’ kahit na hindi pa siya tapos magtanong, “to have and to hold, from this day forward, for better or for worse, for richer or for poorer, in sickness and in health, to love and to cherish, until death do you part?”
“I do,” mabilis na sagot ko matapos ang tanong ng pari.
Natawa siya ng bahagya nang tingnan ko siya, pero hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Oo, alam ko, masyado akong nagmamadali. Bakit ba? Gusto kong maikasal na sa ‘yo, mabilis na sabi ng isip ko. Hindi na ako makapaghintay eh.
Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay kaming dalawa lang ang nasa lugar na ito, kahit na alam kong maraming tao sa paligid. Hindi ko naman winawalang-bahala ang mga nakapaligid sa amin; sa totoo lang, nagpapasalamat ako sa kanilang lahat dahil sila ang mga saksi sa pag-iibigan at pag-iisang dibdib naming dalawa. Alam nila kung ano ang pinagdaanan namin, at masaya ako dahil may oras sila para dumalo sa pinakamasayang araw ng buhay naming dalawa.
“Have you brought these rings as a sign of your love and fidelity to one another?” pagpapatuloy ng pari sa malumanay na boses.
Nagtinginan kaming dalawa, at alam kong gusto niyang sabay kaming sumagot sa mga susunod na tanong ng pari.
“Yes, we have,” sabay naming sagot, kasabay nito ang matatamis naming ngiti sa isa’t isa.
Napakaganda ng hawak kong bulaklak—kulay violet. Gusto sanang tumulo ng luha sa aking mga mata, pero pilit kong pinipigilan. Ayaw ko rin masira ang itsura ko sa araw na ito, kahit na alam kong maganda ang ginamit kong makeup.
“Now, we come to a significant part of this ceremony—the exchange of rings,” paliwanag ng pari sa amin at sa mga nakapaligid sa amin. “These rings are not just beautiful pieces of jewelry; they are profound symbols of your love and commitment to one another.”
Inabot sa amin ang dalawang gintong singsing, at agad naman namin itong kinuha—kaniya ang medyo maliit na singsing, at sa akin naman ang medyo malaking singsing.
Tumingin siya sa akin, inabot ang aking kaliwang kamay, at pinasok ang singsing sa aking daliri.
“With this ring, I give you my heart,” sabi niya sa boses na parang naiiyak. “I promise to love you today, tomorrow, and always.”
Sana lang hindi niya mapansin at maramdaman ang nilalamig kong kamay. Kinakabahan pa rin ako at gusto ko nang umiyak dahil hindi ako makapaniwala na nandito na kami. Nandito na kami sa yugto ng buhay namin na kaya naming mahalin ang isa’t isa sa anumang uri ng kasiyahan at pagsubok sa buhay. Nandito na kami sa yugto ng aming buhay na handa na kaming sumugal na magkasama at magkasangga—magkakampi at kahit kailanman ay hindi magiging magkaaway. Kinuha ko ang kaliwang kamay niya at dahan-dahan kong pinasok ang singsing sa kaniyang daliri.
“With this ring, I give you my heart,” naiiyak kong sabi. “I promise to love you today, tomorrow, and always.”
Hindi na napigilan ng aking mga mata at kusa na itong tumulo, ilang patak ng luha. Mabuti na lang at ang mga bulaklak sa aking mga kamay ang napapatakan—hindi ko alam kung good sign ba ‘yun.
“May these rings always remind you of the love you share and the promises you have made,” dugtong ng pari matapos naming sumagot. “As you wear them, may they symbolize the unity of your lives and the unbreakable bond of your love.”
Damang-dama ko ang mga salitang binibitawan niya pati na rin ang mga sinasabi ng pari.
Gusto kong magsimulang gumising sa umaga na ikaw ang una kong makikita. Gusto kong ikaw lang ang laging kasama. Gusto kong magplano ng kakainin sa buong araw na ikaw ang kasama. Gusto kong mag-travel na ikaw ang kasama. Gusto kong makasundo ka sa lahat ng bagay—okay lang kahit may mga bagay na hindi kami magkasundo; basta’t ikaw ang kasama ko, alam kong masusulusyunan din namin ang mga bagay na iyon, dahil may tiwala kami sa isa’t isa. Marami pa akong gustong subukan na kasama ka, at alam kong ganoon ka rin sa akin.
Excited na rin akong maging magulang—kung pagbibigyan ng pagkakataon. Gusto ko sanang dalawa o tatlo ang anak, pero kung gusto niyang higit pa sa tatlo, walang problema; basta’t alam lang namin at may plano kami kung paano namin palalakihin ang mga bata na may sapat na suporta mula sa amin bilang mga magulang. Excited na rin akong gumising nang maaga, mag-ayos ng uniporme, at mag-prepare ng baon para sa kanya at sa mga anak namin sa umaga. Gusto kong maghatid ng mga anak namin papasok sa paaralan at magbigay ng goodbye kiss sa kanilang lahat. At syempre, mag-prepare at pumasok din ako sa opisina matapos ang lahat ng pag-aayos at paghahanda sa kanila. Kahit alam kong ngayon palang iniisip ko na ang mga bagay na iyon ay napapagod na ako, handa akong mapagod, dahil alam ko sa dulo ng araw, sila ang magiging pahinga ko.
Gusto ko pa sanang ma-imagine ang buhay na may pamilya kasama siya, kaso parang kulang ang oras ko ngayon.
“Will you love, honor, and care for each other as husband and wife for the rest of your lives?” pagpapatuloy na tanong ng pari sa amin.
Sa pagkakataong ito, hawak na namin ang mga kamay ng isa’t isa. Napunasan ko na rin ang ilang patak ng luha sa aking mukha.
“We will,” sabay na sagot namin.
Sigurado na ako, ito na talaga ‘yun. Dito na magsisimula ang buhay naming mag-asawa. Umaasa akong magiging matibay ang relasyon namin sa kahit anong dumating sa buhay naming dalawa. Mahal na mahal ko siya, mula noon at magpakailanman.
“By the power vested in me, I now pronounce you husband and wife,” masiglang sabi ng pari. “You may kiss your bride!”
Hinawakan niya ang nakapatong na puting belo sa aking ulo, at saka inalis ito sa pagkakataklob sa aking mukha. Hinawakan niya ang aking pisngi at unti-unting lumapit ang kaniyang mga labi.
This is it, Anna, this is the moment, hindi makapaniwalang sabi ng aking isip. This is where it all began.