PAGKATAPOS NG ISAN-LIBONG TAON
Pinatay mo ako ng gabing ‘yon. Pinatay mo ako at dinala sa langit ng makailang beses ulit. Dumilat ako at nakita kang umiyak habang yakap-yakap ako. Sabi mong hindi mo kayang kunin ang buhay ng nag-iisang dalaga ng lahing Haklon.
Pinaalis mo ako sa ‘yong palasyo at nakabalik ako sa kaharian. Laking galit ni Papa nang malaman niya ang ginawa ko. “Baliw ka ba? Ilang taon kanang pabalik-balik sa lugar niya, Kinra? Ni hindi ka nga kilala ng lalaking ‘yon. May buntot ka at may galamay siya. Hindi ka ba nandidiri ha?”
“Wala akong pakialam kung wala siyang buntot.” Umiyak ako at lumutang ang mga diyamanteng luha. “Minahal ko siya ng sampung libong taon. Hindi ‘yan magbabago kahit ikulong mo pa ako sa pinakailalim na parte o kahit pa ikulong mo ako ng milyong taon! Hindi niya ako tinanggap, Papa. Alam mo ang rason kung bakit.”
Natigilan si Papa sa nakita. Lumangoy siya at umupo sa kaniyang trono. Kung buhay siguro si Mama, baka mabigyan siya ng payo pero namatay ang aking ina nung ipinanganak ako. At nakakalungkot ding nasa kabilang dako ng planeta ang aking nakakatandang kapatid na lalaki.
Hindi ako ikinulong ni Papa. Hinayaan niya ako sa aking ginagawang paglalakbay sa iba’t-ibang dako ng kaharian. Lumipas ang ilang taon at nakita kong dumami ang populasyon ng mga Haklon nang makapag-asawa ang mga lalaki ng babaeng tao. Mabuti na lang at may maraming paraan upang makahinga sila sa ilalim ng tubig. Nasaksihan ko ring naging masaya si Kuya sa kaniyang napangasawa at nagmahal ulit si Papa ng tao.
Totoong masaya ako para sa kanila. Kaya inilihim ko na lang ang tila bubog kong puso na nawawasak kapag naririnig ko ang lambingan ng mga mag-asawa at tawa ng mga bata.
Pakiramdam ko na talagang isa na akong matandang dalaga. Para sa aking katinuan, hindi na ako nakikinig ng balita ukol sa mga Arok. Ayoko kasing magalit sa kapalaran o sa mga nangyari. Ayokong magpalaganap ng negatibong enerhiya sa umuusbong na populasyon ng Haklon.
Sapat na ang isang gabing kapiling kita.
Pero kung kailan tumahan ang aking puso, isip, katawan at kaluluwa, diyan ka naman pumasok ulit. Kampante akong nakikinig ng musika sa aking hardin nang bigla kang nagpakita.
“Bakit hindi ka na sumusunod? Bakit hindi ka na nagpakita?” galit na tanong mo. “Hindi ako naglagay ng gwardya sa mga dinaraanan mo.”
Napakunot-noo ako. “Tapos na ang isang gabing hiling ko sa’yo, Mahal na Hari.”
Kumilos ang mga malalaki mong galamay at pumulupot sa aking buntot at hinila mo ako papunta sa’yong mga bisig. “Hindi totoong mahal mo ako ng sampung libong taon?”
Nanlaki ang mga mata ko. “Anong nangyayari sa’yo, Mahal na Hari?”
Humigpit ang yakap mo sa’kin. “Mahal mo ba talaga ako?”
Hindi kita maintindihan kaya hindi ako umimik.
Nagulat ako nang bigla kang umungol at inilapat ang noo mo sa noo ko. “Sinubukan ko talagang magpakasal sa babaeng tao. Pero hindi berde ang buhok nila, hindi kasing puti ng perlas mong balat ang balat nila, hindi kasing kinang ng berde mong mata ang kanilang mga mata at higit sa lahat, wala silang buntot at palikpik.”
“Anong pinagsasasabi mo, Mahal na Hari?” Dinig ko ang tambol ng aking puso.
“Sinabi ko sa sarili ko na prayoridad ko ang mga Arok.” Mainit ang hininga mo sa aking leeg. “Pero nanghihina ako kapag lumalapit ako sa kanila. Hanggang sa nagkasakit ako. Alam mo ba ang sakit ko, Mahal na Prinsesa?”
“Ano?”
“Sakit sa puso.”
Nabahala ako at mabilis na kumalas sa mga bisig at galamay mo. Hinaplos ko ang maskulado mong dibdib at dinama ng aking palad ang lakas ng pintig ng puso mo. “May sakit ka sa puso? Anong sabi ng doktor? May gamot ba?”
Mainit ang iyong mga gintong matang nakatitig sa’kin. “Sabi niya, may isang gamot ng sakit ko. Hanapin ko ang nagpapatibok nito. Alam mo kung bakit ako nandito?”
Napaatras ako sa sagot niy at hinawi ko ang buhok ko mula sa aking mukha.
“Hindi ako makaalis-alis sa isla dahil nagkaroon ako ng problema sa mga bisita galing sa kalawakan. Pero walang gabing hindi ko hinanap ang presensya mo. Walang araw na hindi ko tinitingnan ang dinaraanan at tinataguan mo, Kinra.”
Napakagat-labi ako. “Alam mo talaga kung saan ako nagtatago non?”
Ngumiti ka. “Bakit sa tingin mo andali mong makasunod sa’kin? Bakit sa tingin mong hindi mahigpit ang seguridad sa mga dinaraanan mo?”
Namilog ang aking mga mata. “Lorim…”
“Sabi mo mahal mo ako ng sampung libong taon?”
Tumango ako.
“Minahal kita ng labin-isang libo, walong daan at apatnaput-isang taon, Kinra.” Malambot ang ekspresyon mo. “Nakita na kitang palangoy-langoy sa kahit saang sulok ng dalawang kaharian. Bakit sa tingin mong matiwasay ang paglalakbay mo kahit mag-isa ka?”
Napasapo ako sa dibdib. “Binantayan mo ako?”
Napangiwi ka. “Hindi ko lang inakalang nalingat lang ako at may lasing na pating kang kalaban.”
Tumawa ako nang maalala ang pangyayari. Hinaplos ko ang mukha mo. “Alam mo bang don ako umibig sa’yo?”
“Pumunta ako sa Papa mo at hiningi ang kamay mo pero hindi siya pumayag. Mababa ang tingin niyong mga Haklon sa aming mga Arok dahil wala kaming buntot.”
Napasinghap ako.
“Pinuntahan ko ang aking ama pero pinalayas niya ako.”
“Lorim…” Parang piniga ang puso ko.
“Sinabi ko sa sarili ko na babalikan kita kapag naging matagumpay ako,” mahina niyang sabi. “Nagtayo ako ng kaharian sa mga islang ipinagawa ko, Kinra. Bumalik ako sa inyo at ibinalita ng ama mo na sumama ka sa kapatid mo sa ibang dako ng planeta at magpapakasal sa nobyo mo.”
Namuo ang aking mga luha at umiling ako.
“Sa tingin mo, bakit ako pumayag na magpakasal sa iba?”
Nahulog ang mga luha mula sa aking mga mata.
“Huli kong nalamang hindi ka lumayo at sumusunod ka pa rin sa’kin. Pero hindi ko na mababawi ang kasunduan sa kasal. Nabulag ba ang puso ko sa sakit kaya hindi ko nahalata ang presensya mo?” Hinaplos mo ang mga luha sa aking pisngi. “Diyamante pa rin ang luha mo, Kinra.”
Kagat-labing niyakap kita ng napakahigpit. “Lorim…”
“Desidido na akong magpakasal sa tao nang pumunta ka sa isla.” Nanginginig ang boses mo. “Iba na ang prayoridad ko ng mga panahong ‘yon. Hindi mo alam kung gaano kasakit ang desisyong binitiwan ko ng gabing ‘yon. Ayokong pakawalan ka pero nakataya ang buo kong lahi…”
“Naiintindihan ko.” Tumango ako.
“Pero hindi ko pala kaya. Hindi ko kayang mabuhay pa ng labin-isang libo, walong daan at apatnaput-isang taon na wala ka.”
Hinaplos ko ang mga itim na luhang lumabas mula sa iyong mga mata. “Hindi ako magkakaanak, Lorim.”
Huminga ka ng malalim. “Sinabi ‘yan ng ama mo. Ang sagot ko? Para saan pa ang kayamanan at karangalan ko kung hindi ikaw ang katabi ko sa trono, Kinra? Para saan pa ang pinaghirapan ko ng ilang libong taon para maging kapantay mo kung hindi ikaw ang magiging reyna ko? Mahal kita at mamahalin kita kahit na wala tayong mga anak.”
Hinalikan kita ng mariin at niyakap mo ako ng mahigpit. Nauwi sa pagniniig ang ating muling pagkikita. Ikaw lang talaga ang makakapagbigay ng ganitong klaseng ligaya sa’kin, Lorim. Ikaw lang at wala ng iba.
“Anong iniisip mo’t malalim ang buntong-hininga mo?” Nilagay mo ang kamay mo sa aking balikat. Tumabi ka sa’kin habang nakatayo ako sa bintana at tinanaw ang isla.
“Inalala ko lang kung paano tayo nagkita muli.” Tumingala ako at nginitian kita.
Napatigil ka at naging malalim ang kulay ng mga mata mong ginto. “Ikaw na talaga ang pinakamagandang babae na nakita ko sa tanang buhay ko.”
Hinila ang aking puso ng iyong papuri. Tumingkayad ako at hinalikan ka sa mga labi. Niyakap mo ako at hinalikan ako ng mariin habang hinahaplos mo ang aking likod.
“Mama!”, “Papa!” sigaw ng tatlong batang yumakap sa ating dalawa.
Naghiwalay ang ating mga labi at nakita kong kumikislap ang iyong mga mata. Binuhat mo ang tatlong anak natin at binigyan sila ng halik sa pisngi.
“Ligo tayo, Papa?” tanong ni Hitros. “Gusto kong gamitin ang buntot ko.”
“Ako rin!” sigaw ni Horcom. “Mas malaki na buntot ko ngayon.”
Umiyak ang kaisa-isa nating babaeng anak na si Scoral. “Bakit galamay sa’kin? Bakit wala akong buntot?”
“May galamay ako.” Nakangiti ka habang binigyan ulit ng halik si Scoral. “Tuturuan kita kung pano gagamitin ‘yan.”
Gintong mga matang nakatigin sa akin na waring nagsasabing salamat sa milagro at nakaanak tayo. Hindi ko rin alam kung bakit at kung paano nangyari. Siguro dahil naawa ang mga diyos at diyosa sa ating dalawa? Siguro sapat na ang isang kaban ng perlas at mga diyamanteng iniluha ko para sa’yo. Siguro sapat na rin ang isang aparador ng gintong kabibi na nilikom mo sa tuwing nakikita o nararamdaman mo ang presensya ko. Sa tingin mo? Regalo ba nila ang mga anak natin dahil sa sakripsyo nating dalawa?
“Mahal kita, Kinra.” Mainit ang mga tinging hatid mo.
Tumango ako at hinaplos ang bisig mo. “Mahal din kita.”
TAPOS.
*********************************************************************
A/N:
I actually wrote this on a whim hahaha! I started around 4 o'clock this afternoon and I finished now at 7pm. This short story is worth 3 hours of my time - supposedly I'm going to study and do my projects. Hahahaa!
And wala akong planong i-upload ito using Latin letters. Originally, sa Baybayin writing system ko isusulat ang kwentong 'to kaya short story lang. Pero I realized na dapat may side by side comparison ako hahhaa. Susubukan kong mag-upload nito in Baybayin sa WP. Tingnan ko kung kakayanin. Hopefully pwede rito sa dreame.