Chapter 3: Then -- Justice

2559 Words
ELLA September 1990 (Then) Itbayat, Batanes   "BABAE, palangga!" Mabibigat man ang mga mata, maging ang buong katawan, wala man siyang madamang kahit na ano, kahit parang napupunta sa kung saan ang kanyang ulirat, nagawa pang marining Ella ang sinabi ni tatay Kent. Nakatingin ito sa gawi ng sulok ng kuwarto, sa bandang paanan niya, kung saan, huli niyang nakitang nakaupo ang ina bago siya tInurukan ni tatay Kent ng kung ano sa likod ng kanyang beywang. Sa bisig ni tatay Kent, nakapatong ang isang bagay na hindi matukoy ni Ella kung saan nanggaling. Malakas ang iyak niyon. At tulad niya, may paa at kamay. May ulo na pabaling-baling. Parang isang bata na tulad niya. Ngunit mas maliit. At panay lang sa pag-iyak.  Bago pa bumagsak ang mga mata ni Ella, nasilayan pa niya ang isang ngiti sa mga labi ni tatay Kent na kailanman ay hindi niya nakita. Sa muling pagmulat, kadiliman ang bumungad. Bagaman unti-unti, bahagyang lumiwanag. Ang bubungan nilang puno ng agiw sumalubong sa kanyang paningin. "Mama?" Paos ang kanyang tinig na luminga-linga sa buong kuwarto. Sarado ang pinto at walang ibang tao. Tanging ang lumang mesa na katabi ng kahoy na cabinet at isang silya sa sulok ng kuwarto ang naroroon. Pumihit siya patagilid, tatayo sana. Ngunit isang impit ang kumawala sa kanyang lalamunan. Mariing napasapo siya sa gitna ng kanyang tiyan. Lalo lamang sumakit at humapdi iyon, dahilan para iangat niya ang pang-itaas na katawan mula sa kutson. Sumandal siya sa pader. Ngiwi man ang mukha at naghihirap sa hindi maipaliwanag na hapdi na nanggagaling sa gitnang bahagi ng kanyang katawan, nahinuha niyang maliit na ang tiyan niya. "Magaling na ako?" tanong niya sa sarili. Ang sabi kasi ni tatay Kent, may sakit daw siya kaya lumalaki ang tiyan niya. Ilang buwan din siyang naghirap dahil doon. Gayunman, nitong huli marahil --- dahil hindi sigurado si Ella kung gaano katagal siyang nakatulog --- sa gitna ng himbing na pagtulog niya kagabi, tulad ng dati ay wala siyang saplot na nagising. Tulad ng dati ay kasama niya si tatay Kent sa kuwarto. Pero hindi tulad noon, hindi ito nakahiga sa tabi niya, hindi ito nakadagan sa katawan niya. Hindi ito nakahubad. Hindi rin siya nito pinaaalalahanang: "Ayaw ko na magsusumbong ka sa kahit kanino. Ayaw ko ring lalabas ng bahay. Ayaw ko rin na tumakas ka. Kapag tumakas ka, at ginawa ang mga ayaw ko, papatayin ko ang ina mo. Naiintindihan mo, Ella?" Higit pa roon, hindi nito isinisilid sa gitna ng kanyang hita ang isang bahagi ng katawan nito na hindi niya alam ang tawag. Basta lang ay nasa gitna rin iyon ng hita ni tatay Kent. Bagaman mula nang mag-umpisang lumaki ang tiyan ni Ella, hindi na niya nakitang walang damit si tatay Kent. Matagal-tagal na rin magmula nang gawin nito iyon sa kanya. Bagkus, may kung ano itong ibinabalot sa braso niya, saka pipisilin ang isang bilugang bagay na kapwa nakakabit sa tila isang orasang maliit. May itinatapat din itong metal na bagay sa kanyang dibdib at likod, habang sa butas ng mga tainga nito, may kung anong nakasuot. Sa paglaki ng kanyang tiyan, iyon lang ang ginagawa ni tatay Kent. Palagi din, araw-araw ay may ipinapainom itong mga gamot. Pinakakain din siya nang marami. Ang sabi ni tatay Kent, para daw lumakas ang katawan niya dahil nga sa may sakit siya. Kaya nang sabihin ni tatay Kent kagabi na gagamutin nito ang tiyan niya, ngumiti na rin siya saka tumango. Noon nito ipinasok at ipinatong sa mesa'ng iyon ang mga bagay na mukhang gunting at kung anu-ano pang kasingkulay ng kubyertos na ginagamit niya tuwing kumakain. Sa una, natakot siya noong itutusok nito ang malaking karayom sa kamay niya. Pero ang sabi ni tatay Kent: "Sa una lang masakit." Naalala pa ni Ella na iyon din ang sinabi nito noon --- noong unang beses itong pumasok sa silid niya isang gabi. Kaya naniwala siyang sa una lang talaga masakit, dahilan para siya ay tumango. Tiniis niya ang sakit, maging ang pagturok nito ng kung ano sa likod ng beywang niya. Tiniis ni Ella dahil kailanman, hindi nawala ang malaking paniniwala niya kay Tatay Kent. Malaki ang paniniwala niya dahil noong anim na taon siya, noong bigla itong dumating sa bahay nila ng kanyang ina, ang sabi ng nanay niya: "Doktor siya, anak." Humawak pa ang ina sa kamay ni tatay Kent. Magkatabi ang mga ito sa lumang sofa nilang nasa sala. Dahil sa bihirang makakita ng tao si Ella, nabighani siya noong una niya itong makita. Nagmano pa siya. Nagningning din ang kanyang mga mata habang nakatitig sa napakaamong mukha ng lalaki. Tila isa itong anghel na bumaba sa lupa: matangos ang ilong, malalim na mga mata, kung saan sa kanan, sa bandang sulok ay may maliit na nunal. Matamis din ang ngiti nito, pantay-pantay ang mga ngipin. At pagkaputi-puti ng balat. Parang artista, tulad ng mga napapanood niya sa hindi kalakihang telebisyon nila sa sala. "Naalala mo ba?" patuloy ng kanyang ina, "sa tuwing pumupunta tayo sa bayan? Sa tuwing kumukuha tayo ng pera doon? Sa kanya 'yon galing, anak. At mula ngayon siya na ang tatay mo. Gagamutin niya ang lahat ng sakit natin. Mula ngayon, magiging masaya na tayo. Hindi na tayo malulungkot." Ngumiti siya noon dahil totoong malungkot ang buhay nila. Nagisnan na niya ang malungkot na pamumuhay. Wala silang ibang kasama. Silang dalawa lamang magmula nang magkaisip siya. Kaya palagi, kapag nasisira kanilang telebisyon, nasa bakuran siya para maglaro ng lupa. Ang sabi ng ina, apat na taon siya noong mamatay ang totoong tatay niya. Wala daw silang ibang kamag-anak. Nasa ibang bansa na daw ang kamag-anak ng totoong tatay niya at kinalimutan na sila. Kaya nasabik siya sa pagtira ni tatay Kent sa kanilang bahay. At sa paglipas ng araw ay lumalim ang paniniwala niya rito. Lalo't nasaksihan niya kung paano nito ginagamot ang kanyang ina. Sabay pa nga ang mga ito na nagpapagaling. Ang sabi, may sakit din kasi si tatay Kent kaya maya't maya ay may sinisinghot ang mga ito habang nakaupo sa sala. Gamot daw iyon. Naniwala si Ella dahil totoong sumaya ang ina. Magmula kasi nang gamutin ito ni tatay Kent, natuto na ang kanyang ina na tumawa at ngumiti --- kahit pa nga wala itong kausap. Kaya walang nagawa si Ella kundi tanggapin ang unang pagkakataong sinabi ni tatay ni Kent na: "sa una lang masakit." Naniniwala siya dahil totoong masakit. At sa kinatagalan, ngayong siyam na taong gulang na siya ay parang normal na lang din ang lahat --- habang sa isip ay nakatatak ang isa pang paniniwala: papatayin nito ang kanyang ina kapag tumakas siya. Bagay kung bakit sa tuwing pinapaalalahanan siya nito, parati ay sagot niya: "Paano po ako tatakas, hindi naman po kayo lumalabas ng bahay. Hindi rin po ako makalabas sa kuwarto na 'to dahil palagi pong naka-lock." Natatawa lang lagi si tatay Kent bago nito alisin ang lahat ng saplot. "Ang bait talaga ni tatay Kent," bulong ni Ella sa sarili saka tiniis ang matinding sakit nang tumayo siya mula sa kama. Nanginginig man ang mga hita, nahinuha niyang may makapal na bagay na nakasuot sa kanyang pang-ibabang katawan. Isinampa niya ang kamay sa pader, malapit sa pintuan, saka sinilip ang nasa loob ng kanyang pajama. May kung anong nakabalot doon. Bagaman ay may kung ano pang nakabalot sa tiyan niya. Ngumuso siya sa pagtataka. Sa huli, hinayaan na lang ni Ella, hindi na iyon ginalaw pa. "Mama?" muli ay tawag niya. Nakahilig na ang ulo niya sa likod ng pinto. Matindi pa rin ang sakit at para bang mawawalan siya ng malay. Umiikot na rin ang paligid. Nanginginig pa rin ang kanyang mga binti. Noon niya naunawaang tuyot na ang lalamunan niya, maging ang mga labi. Dapat ay may tubig sa mesa. Dapat ay may pagkain doon, ngunit wala. "Mama!" Hinampas niya ang pinto, pero walang sumasagot. Nakagat ni Ella ang ibabang labi, napakamot ang hintuturo sa tungki ng ilong saka tinitigan ang seradura ng pinto. Tulad ng dati, sa tuwi-tuwina, kapag ganoong tinatawag niya ang ina at walang tugon, sa isip, parati ay may bumubulong doon: "Buksan mo ang pinto." Ginagawa naman iyon ni Ella, sumisilip siya kapag nataong hindi iyon naka-lock. Bagaman ay wala yatang minuto na wala sa sala ang ina at si tatay Kent sa harap ng telebisyon. Kahit pa nga sa kailaliman ng gabi, kahit pinuputol na ang kuryente sa lugar nila, gising pa rin ang mga ito. Minsan ay tinanong niya ang ina: kung bakit may pagkakataong hindi naka-lock ang pinto. Ang sagot naman nito: "Sinusubukan ng tatay mo kung tatakas ka." Tumango lang siya saka muli ay nagtanong: "Hindi po ba lumalabas ng bahay si tatay Kent? Gusto ko po kasing maglaro ng lupa sa bakuran." "Naku, anak. Hindi siya lumalabas. Ayaw niyang may makakakilala sa kanya." Nginusuan niya ang ina saka nagmaktol, "Wala namang makakakilala sa kanya. Wala tayong kapit-bahay." Doon na siya nito pipingutin sa tainga. Kaya ay wala na rin siyang nagawa. Buksan mo na, dali! Wala ka namang naririnig na ingay, 'di ba? Hindi nakabukas ang T.V. Baka walang tao, muli, sa isip ay bulong ng kung sino. Bagay na nagpapihit sa kanyang kamay sa seradura ng pinto. Umikot iyon at nagbukas. Sa pagsilip ay bahagyang naningkit pa ang mga mata niya. Hindi siya sanay sa liwanag. Binalutan kasi ni tatay Kent ng diyaryo ang bintana sa silid niya. Nang bahagyang masanay ang mga mata, sa unang pagkakataon ay walang nakaupo sa gula-gulanit nilang sofa. Tahimik. Patay ang telebisyon. Sa mesang nasa kusina na noon ay palaging makalat, walang nakapatong na kahit na ano. Wala ring hugasin sa lababo. Higit sa lahat, walang damit sa basket kung saan palagi ay puno ng maruruming labahin. Noon siya nagtaka. "Mama!" Katahimikan. "Mama?" Muli ay sigaw niya. Sa pagkakataong iyon ay nagtubig na ang kanyang mga mata. Kung bakit siya natakot ay dahil marahil wala siyang kasa-kasama. "Mama!" Nakailang tawag pa si Ella, habang sa pinto ay nakasandal ang nahihinang katawan, habang sa lalamunan ay lumalabas ang mga hagulgol at mga hikbi. Ganoon ang naging siste ni Ella sa dumaang isang araw: tatawagin ang ina, hahagulgol at iiyak, saka sa sahig ay uupo. Titigil kapag napagod, saka muli ay hihikbi at tatayo. Ni hindi mainda ang sakit na nadarama sa kanyang tiyan dahil sa isip ay takot at pangamba ang lumukob. Kinatanghalian ng kinabukasan, wala pa rin ang ina. Maging si Kent. Doon na siya hindi nakatiis na gapangin ang sahig patungong lababo. Pinilit ang sariling makatayo. Sa gripo ay doon siya uminom. Hindi mabilang ni Ella kung gaano katagal na nakasahod doon ang bibig, saka mayamaya ay nabasa na naman ang pisngi dahil sa pagluha. Sa pag-angat ng mukha, limang instant noodles ang nakapatong sa tauban ng mga baso. Dali-dali niya iyong binuksan, walang luto-luto na kinain ang laman habang sa sahig ay halos nakadapa na siya. Nang mahimasmasan at mapawi ang kalam ng sikmura at tuyo't na lalamunan, maraming tanong ang biglang dumating sa kanyang isip: kung iniwan na ba siya ng ina kasama si tatay Kent, kung babalikan pa ba siya, at kung bakit tila wala na siyang madama na kahit na ano sa ibabang bahagi ng katawan niya. Muli't muli ay humagulgol si Ella, matagal. Magdidilim na nang mapagod. Noon lang niya napansin na puno na ng dugo ang pajama'ng suot-suot. Suminghot-singhot lang siya, ipinampunas sa mukha ang neckline ng sando'ng suot. Marahil ay may buwanang dalaw na siya; iyon ang tinawag noon ng kanyang ina noong siya ay walong taon pa lamang --- noong unang beses siyang nilabasan ng ganoon. Kaya ay pumasok siya sa kuwarto, kumuha ng panibagong damit. Pumuntang banyo, nilinisan ang pang-ibabang katawan. Nais niyang maligo, bagaman ay hirap siya sa pagkilos dahil sa kung anong nakabalot na tela sa kanyang tiyan. Kaya sa huli ay umiihi na lang siya. "Aray ko!" Itinupi niya ang katawan habang nakaupo pa rin sa inidoro. Habol-hiningang muling hinugasan ang pang-ibabang katawan at madaling nagbihis. Isang damit na itinupi ang isinilid niya sa pang-ibabang panloob saka bumalik muli sa kama. Humiga. Iiyak na sana siya na magmuli nang maisilid ang kamay sa ilalim ng unan. May nakapa siya roon. Kaya agad ay bumangon siyang umupo, hinugot iyon. Isang litrato. Mabilis na nanlabo ang mga mata ni Ella. Mukha iyon ng kanyang ina, nakahalik ang mga labi sa pisngi ni tatay Kent. Naitanong niya sa sarili kung sino ang naglagay niyon sa ilalim ng unan. At bakit doon iyon inilagay? Hindi kaya dahil talagang hindi na magbabalik ang mga ito? "Mama, balik na po kayo . . ." hikbi niya sa litrato na tila buhay iyon at sasagutin siya. Ganoon ang siste niya hanggang sa kusa nang pumikit ang kanyang mga mata. Sa pagmulat, liwanag ang tumatagos sa pintuan ng silid. Nang mahinuhang mga kalampag at mga boses ang nagmumula sa labas ng bahay, na tila may tinatawag, wala sa sariling napabangon siya paupo sa kama. Bihira at suntok sa buwan na mayroong tao na napapagawi sa lugar nila, na kung tutuusin nga, parang wala talagang napagawi na ibang tao roon --- bukod kay tatay Kent. Liblib kasi ang kanilang lugar. Puro puno at mahirap tahakin ang daaan. Higit pa roon, sa tuwing nagagawi sila ng ina sa bayan noong wala pa si tatay Kent, ang tanging bahay na nadadaanan niya ay nasa pinakaibabang bahagi ng bundok. Kaya ay parang may kakapiranggot na pagkasabik na nadama si Ella. Nanlalata man ang katawan, dahan-dahan siyang bumangon. Nahulog ang litrato sa sahig. Dinampot niya iyon, tinitigan at nag-init na naman ang mga mata niya. Sa huli, isinilid niya iyon sa bulsa ng kanyang suot na shorts. Sapo ang tiyan, nakakubang pumunta siya sa harapang pinto ng kanilang bahay. Abot-kamay niya ang seradura pero natigil sa ere ang nanginginig na kamay niya. Ayaw ko na magsusumbong ka sa kahit kanino. Ayaw ko ring lalabas ka ng bahay. Ayaw ko ring tumakas ka. Kapag tumakas ka, at ginawa ang mga ayaw ko, papatayin ko ang ina mo. Naiintindihan mo, Ella? "Hindi naman magagalit si tatay Kent kung sisilip ako sa bintana. Hindi naman ako lalabas," aniya sa sarili. Pero lumipas ang sandali, muli, sa isip ay tinig na naman ni tatay Kent ang kanyang narinig. Gayunman isang boses na naman ang bumulong, Buksan mo ang pinto, Ella. Pagkakataon mo na para makalabas! Gusto mong maglaro ng lupa, hindi ba? Umiling-iling si Ella. Sa huli, ang bintanang jalousie ang kanyang binuksan. Sumilip siya roon saka napahinga ng malalim, agad na pumikit Damo, lupa, mga tuyong dahon; tila kay tagal na niyang hindi naamoy ang mga iyon. Mapapangiti sana siya nang magsalita ang mga tao sa labas, "Ara tawu! Sa ara bintana!" (May tao, nasa bintana!) anang boses babae. "Mutdeh!" (Batang babae). Nagmulat siya. Sa labas ng sira-sirang gate ng kanilang bahay, naroroon ang mga tao. Naunawaan ni Ella na nakikita siya ng mga ito, ngunit kung bakit hindi niya maintindihan ang salitang sinasabi ay hindi niya alam. Bagaman ay binilang niya sa isip kung ilan ang mga ito. Anim. Isa doon ay babae. Nakapapanood siya sa telebisyon ng mga palabas noong wala pa si tatay Kent. At alam niyang dalawa sa mga ito ay pulis. "Diaya katdan si Isabella David?" (Dito ba nakatira si Isabella David?), tanong ng isa sa mga pulis. Napasinghap si Ella. Hindi niya maintindihan ang ibang salita, pero iyon ang pangalan ng kanyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD