“TAPOS ka na ba dyan?”
Mula sa kanyang binabasa ay nag-angat ng tingin si Penelope. Nakangiting nakatanghod sa kanya si Achilles. Inabot niya rito ang kanyang enrollment form. “Tingnan mo nga kung okey na ito.”
Unang araw ng enrollment para sa first year sa Saint Matthew University. Dalawang beses pa lang siyang nakatuntong sa unibersidad. Una ay noong kumuha siya ng entrance exam tatlong buwan na ang nakaraan. Pangalawang beses ay ngayong mag-e-enroll siya. May trabaho ang Mama niya kaya si Achilles ang kasama niya.
“Tama na ito. Tara na sa accounting para magpa-assess bago tayo magbayad.” Tumayo na si Achilles.
Tumayo na rin siya at sumabay sa paglakad ng binata. “Sa tingin mo, magkano kaya ang aabutin ng babayaran ko?”
Napatingin sa kanya si Achilles. “Siguro, aabot ng twenty to thirty thousand.”
Napahugot siya ng hininga. Eksaktong twenty thousand lang ang dala niya. Kapag nagkataon ay baka kulang pa ang pera niya.
“Kailangan bang bayaran ko na lahat ngayon?” Nag-aalalang tanong niya habang umaagapay sa mga malalaking hakbang nito. Sa taas niyang 5’5” ay nagmumukha pa rin siyang maliit kapag nakatabi kay Achilles dahil mahigit anim na talampakan ang taas nito.
Huminto sa paglalakad si Achilles at sinulyapan siya. “Ang patakaran dito sa SMU ay minsanan lang ang bayaran at iyon ay sa enrollment mismo.”
Nalungkot siya sa narinig. Paano na lang kapag nagkulang ang pera niya? Ibig sabihin ay kailangan na naman nilang bumalik kinabukasan. Alam niyang walang problema kay Achilles kahit pabalik-balik pa sila ng ilang beses sa SMU. Kilala niya ang kababata, lahat ay gagawin nito para sa kanya. Minsan nga ay biniro siya ni Louise, ang nakababatang kapatid nito. Para kay Achilles ay wala daw siyang gagawing mali o masama. Biro man iyon pero alam niyang may katotohanan sa likod nito.
“Paano kung kulang ang pambayad, ibig sabihin hindi na makakapag-enroll?” May ideya na siya sa isasagot ng kababata niya pero gusto lang niyang makasiguro baka nagkakamali lang siya.
Tumango si Achilles. “Ganoon na nga iyon. “ Nasa harap na sila ng kotse nito. Kinuha nito ang susi at binuksan ang kotse. Pinapasok siya nito sa loob. Saka ito pumuwesto sa driver’s seat. “Mahigpit ang eskuwelahan sa patakarang iyon,” sabi nito bago binuhay ang makina ng kotse.
Hindi na siya umimik. Bahala na. Mamaya na lang niya ang iisipin kung talaga ngang may problema.
Ilang sandali pa ay nasa harapan na sila ng isang gusali. Pagbaba nila sa kotse ay napansin niya agad ang dalawang napakahabang pila ng mga estudyante. Tantiya niya ay humigit-kulang sa isang libong estudyante ang naroon.
“Tara na. Pumila na tayo.” Nauna nang humalo sa mga estudyante si Achilles.
“Ang dami naman ng tao dito,” nagtatakang sabi niya.
Nilingon siya ni Achilles. “Kakaunti pa nga lang ang mga estudyante na nandito ngayon.”
Umarko ang kilay niya sa narinig. “Ano? Kakaunti pa lang iyan?”
Nagpatuloy sa paglalakad si Achilles. Pumuwesto ito sa dulo ng isang pila. Sumunod naman siya dito.
“Wala pang kalahati ang bilang ng mga estudyanteng nandito sa quota ng mga mag-e-enroll na first year,” sabi nito nang muli siyang lingunin nito.
“Bakit ilan ba dapat ang enrollees ng first year?” curious niyang tanong.
“Ang alam ko tatlong libo na first year ang tinatanggap dito taun-taon.”
Namilog ang mata niya. “Wow! Talaga?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Tumango lang si Achilles bago ito muling humarap sa unahan ng pila.
Ibinaling niya ang tingin sa mga nakapilang estudyante. Gaano kaya karami ang estudyante sa SMU? Kung ang first year ay tatlong libo na, ilan kaya ang nasa higher years? Mayroon kayang sampung libong estudyante dito?
Naputol ang daloy ng pagmumuni niya nang muling magsalita si Achilles. “Naiinip ka na ba?”
Nakangiting umiling siya. Hindi niya maramdaman ang pagkainip dahil bukod sa mabilis ang daloy ng pila ay nawiwili ang mga mata niyang panoorin ang iba’t ibang reaksyon ng mga estudyante habang pumipila.
“Sigurado ka?” May pag-aalala sa tinig ni Achilles.
“Oo, walang problema,” nakangiting sabi niya.
Parang hindi naniniwala ang binata sa sinabi niya. Naka-plaster pa rin sa mukha nito ang pag-aalala. “Mabuti pa siguro ay umupo ka muna doon sa lilim.”
Sinundan niya ng tingin ang itinuturo ni Achilles. Napansin niya ang ilang sementadong bench na nakapaikot sa ilalim ng punong acasia, ilang metro ang layo mula sa kinatatayuan nila.
“Ako na ang bahala dito. Paglabas ko mamaya ay tapos na ito.”
“Sasamahan na lang kita. Nakakahiya nga sa iyo kasi ako ang mag-e-enroll pero ikaw naman ang gumawa ng halos lahat.”
“Huwag mo nang isipin iyon. Ang mabuti pa ay sumunod ka na lang sa sinasabi ko para hindi ka mapagod. Sige na, please.”
Napa-buntunghininga siya. Kapag ganitong gumagamit na ng salitang please ang kababata niya ay kailangan na niya itong sundin. Kung tatanggi pa siya ay baka maisipan na naman nitong buhatin siya kung hindi man hilahin.
ANIM na taong gulang pa lang siya noong mamatay sa isang aksidente ang kanyang ama, si Paul Grant, empleyado sa US Embassy. May nakuhang malaking halaga mula sa insurance ng kanyang ama ang Mama niya. Sapat na sana iyon para mabuhay sila ng maayos sa matagal na panahon. Pero isang taon mula ng mamatay ang Papa niya ay nagkasakit naman ang bunso niyang kapatid na si Ydelle na noo’y tatlong taong gulang pa lamang. Kinakailangan itong maoperahan dahil ipinanganak itong may diprensiya sa puso. Malaking pera ang ginastos dahil sa operasyon ng kapatid niya. Kaya ilang buwan matapos mailabas sa ospital ay naghanap ng trabaho ang kanyang Mama. Tiyempo namang naghahanap ang pamilya Villavista ng kusinera at nang mag-apply ang Mama niya ay natanggap agad ito. Dati nang nagtrabaho bilang kusinera ang Mama niya sa isang restaurant sa Maynila bago pa ito nakilala ng kanyang Papa. Nang ikasal ang mga magulang niya ay pinahinto na ng Papa niya sa pagtatrabaho ang Mama niya.
Mabait ang mag-asawang Villavista kaya nang magsimulang magtrabaho ang Mama niya ay pumayag ang mga ito na sumama silang magkapatid. Binigyan sila ng tirahan kasama ang iba pang katulong sa mansyon. Dito niya nakilala si Achilles na noo’y siyam na taong gulang at ang nakababatang kapatid nito na si Louise na mas bata ng isang taon sa kanya. Naging kalaro nila ni Ydelle ang magkapatid na Villavista na tulad ng mga magulang ng mga ito ay may mabuting kalooban din. Hindi sila matapobre at hindi rin mayabang sa kabila ng pagiging masalapi ng mga ito.
Nasa Grade 5 pa lang siya noon at may apat na taon nang naninilbihan ang Mama niya sa pamilya nina Achilles. Kagagaling niya sa eskuwelahan nang maabutan niya ang ina na naghahanda ng pagkain. Pagkatapos nitong maihanda ang pagkain ay inutusan siya nitong dalhin ito sa hapag kainan ng mansyon. Agad naman siyang tumalima dito. Inabutan niya roon ang magkapatid na Achilles at Louise. Pagkatapos mailapag ang pagkain ay agad na siyang umalis. Pero pagtalikod pa lang niya ay hinawakan na siya sa kamay ni Achilles. Sinabi nitong samahan silang kumain. Nagpasalamat siya pero tumanggi sa alok nito. Akmang tatalikod na siya kaya lang ay pinigilan siya nito. Nagpupumilit ito at gumamit pa ng salitang please. Sa kabila nito ay tumanggi pa rin siya dahil nahihiya siya. Hindi niya inaasahan ang sumunod nitong ginawa. Bigla na lang siya nitong hinila pabalik sa mesa. Tumatawang nakamasid sa kanila si Louise. Napilitan siya tuloy na pumayag sa gusto nito.
Ang sumunod na pangyayari ay noong nasa unang taon sa high school na siya. Naglalakad siyang pauwi noon mula sa eskuwelahan nang may marinig siyang busina ng sasakyan. Tumabi siya sa kalsada at nilingon ang pinanggalingan ng busina. Nagulat siya nang makilala ang kotseng ginagamit nina Achilles. Inanyayahan siya nitong sumakay sa kotse. Tumanggi siya dahil ilang hakbang na lang ang layo nila mula sa gate ng mansyon. Sa sinabi niya’y biglang bumaba ng sasakyan si Achilles. Nagulat pa siya nang walang sabi-sabing binuhat siya nito. Nagpupumiglas siya pero sadyang malakas ang kababata niya. Parang walang anumang ipinasok siya nito sa kotse at pinaupo sa tabi ng nakatangang si Louise. Simula sa araw na iyon ay hindi na siya tumanggi pa sa mga paanyaya nito para hindi na maulit ang pangyayaring iyon.
Kinuha niya ang wallet sa kanyang shoulder bag. Binuksan niya ito at inilabas ang perang naroon. “O, hetong twenty thousand. Kung kulang ito ay dagdagan mo muna. Bayaran ko na lang sa iyo pag-uwi natin.” Inabot niya ang pera sa binata saka tumalikod at tinungo ang sementadong bangko.
“AYUN pala ang hinahanap natin, eh. Tara lapitan natin siya,” yaya ni Ulysses kay Heinrich nang mapansin nito si Achilles na nakapila sa harapan ng accounting office.
Tinapik niya sa balikat si Achilles nang makalapit sila dito.
Gulat na napalingon sa kanila si Achilles.
“Brod, anong ginagawa mo dito? Nag-e-enroll ka na ba?” sunud-sunod na tanong ni Heinrich nang lumingon sa kanila si Achilles.
“Hindi pa ako nag-enroll kasi wala pa naman tayong enrollment. Mayroon lang akong sinamahang kaibigan na mag-e-enroll ngayon,” iritableng sagot ni Achilles.
“Sino?” mausisang tanong ni Ulysses.
“Si Penelope, ang kababata ko.”
“Penelope? Babae iyon, ah,” kunot-noong sabi ni Heinrich.
“Oo, babae nga siya. Ano naman ang problema doon?” medyo pagalit na tanong ni Achilles.
Umiling lang si Heinrich.
“Nasaan na siya? Akala ko ba kasama mo?” nagtatakang tanong ni Ulysses.
“Pinaupo ko muna siya doon sa shed.” Inginuso ni Achilles ang kinaroroonan ni Penelope. “Ano bang kailangan ninyo at inaabala ninyo ako dito?”
“Tinatawagan ka namin pero hindi mo naman sinasagot ang cellphone mo. Pupunta na sana kami sa bahay ninyo. Mabuti na lang at napansin namin ang kotse mo malapit dito kaya hinanap ka namin. Kailangan ko kasi ang tulong mo,” paliwanag ni Heinrich.
“Bakit anong problema mo?” nagtatakang tanong ni Achilles. “Naiwan ko ang cellphone ko sa kuwarto ko kaya kahit mag-ring pa ito ng ilang beses ay walang sasagot dito.”
“Kumuha kami ng classcards. Incomplete siya sa major subject natin,” sabad ni Ulysses.
Napatingin si Achilles kay Heinrich.
“Hindi ko kasi naipasa iyong research paper pagkatapos ng finals natin. Kaya kung puwede ay tulungan mo sana akong makagawa ng research paper para maayos ko iyong grade ko,” pakiusap ni Heinrich.
“Sige, tutulungan kita. Pero umalis muna kayo dito at nakakaabala na kayo.”
Nilinga ni Ulysses ang mga estudyanteng kasama nitong nakapila. Noon niya napansin na pinagtitinginan na pala silang magkakaibigan.
“Okay, sige. Hihintayin ka na lang namin. Maghahahanap muna kami ng mauupuan. Tara na, Heinrich.” Pagkasabi nito’y tumalikod na si Ulysses.
KANINA pa pinagmamasdan ni Penelope si Achilles. Hindi pa siya nagtatagal sa kanyang pagkakaupo sa sementadong bench nang mapansin niya ang dalawang lalaking lumapit sa kababata niya. Marahil ay kaibigan ang mga ito ni Achilles dahil masinsinang nag-uusap ang tatlo sa kabila ng pagiging abala ng kababata niya sa pagpila. Medyo may kalayuan sa kinauupuan niya ang kinaroroonan nina Achilles at ang mga kasama nito. Pero napansin niyang parehong guwapo ang dalawang lalaki.
Hindi niya maiwasang pagkomparahin ang tatlo. Halos magkakasintaas ang tatlo. Ang isa sa dalawang lalaki ay animo’y nasunog sa araw ang balat at mas maliit ang pangangatawan kaysa kay Achilles. Ang isa naman ay mas maputi at mas matipuno naman kay Achilles.
Nang lumayo ang dalawang lalaki kay Achilles ay sinundan niya ng tingin ang dalawa. Hindi niya inaasahang maglalakad patungo sa kinaroroonan niya ang dalawa. Biglang nanayo ang mga balahibo niya sa batok. Ang akala niya ay lalapitan siya ng dalawa ngunit nakahinga siya ng maluwag nang mapansin niyang umupo ang mga ito sa bakanteng bench malapit sa kanya. Nang makaupo ang mga ito ay patuloy pa rin ang dalawa sa pag-uusap. Hindi niya gaanong maunawaan ang pinag-uusapan ng dalawa dahil medyo maingay ang kapaligiran sa dami ng mga estudyanteng nagkakagulo. Nabaling ang atensyon niya sa lalaking nasunog ang balat sa araw. Sa pagkakatitig niya rito ay natanto niyang hindi nasunog ang balat nito kundi talagang kulay nito iyon. Wala kasi sa itsura nito ang magbilad sa araw na tulad ng mga magbubukid. Sa klase ng pananamit nito at sa pagkilos ay mukhang galing sa de-buena pamilya tulad ng kaibigan niyang si Achilles.
Mas guwapo pala ito sa malapitan. Matangos ang ilong, bilugan ang mga mata na binabagayan ng makakapal na kilay. Prominente ang mga panga nito at may mumunting tubo ng balbas sa paligid ng mukha nito. May pagkakahawig ang itsura at pati ang pangangatawan nito kay Taron Egerton, iyong bidang lalaki sa pelikulang Kingsman. Pinagsawa niya ang mga mata sa pagtitig sa kabuuan ng lalaking ito nang bigla na lang mapatingin ito sa kanya. Huling-huli nito ang ginagawa niyang pagtitig. Naramdaman niya ang biglang pag-init ng kanyang mukha. Patay-malisyang ibinaling niya ang paningin sa kinaroroonan ni Achilles. Wala na ito sa pila. Nasa loob na siguro ito ng administrative building.
Ilang sandaling itinuon niya ang tingin sa mga nakapilang estudyante. Nang muli niyang sulyapan ang lalaki ay nakatingin pa rin ito sa kanya. Samantalang ang kasama nito’y abala na sa cellphone nito. Wala sa loob na napatingin siya sa suot na relo kahit wala naman sa isip niya ang tumingin sa oras. Kapag ninenerbiyos siya ay karaniwan na niyang ginagawa ang pagtingin sa kanyang relo kahit na ang totoo’y hindi naman talaga siya interesado sa oras. Nakayukong hinaplos-haplos niya ang suot na relo at hindi niya magawang magtaas ng tingin sa takot na mahuling nakatingin pa rin sa kanya ang lalaking iyon. Ang mga titig nito’y parang nanunuot sa kailaliman ng kanyang pagkatao na animo’y binabasa nito ang kaloob-looban niya. Alumpihit na siya sa pagkakaupo. Hindi niya maipaliwanag ang kabang nararamdaman. Napasulyap siyang muli sa mga nakapilang estudyante. Hindi pa rin niya makita si Achilles.
Achilles, bakit ba ang tagal mo? Bulong ng isip niya.
Gusto sana niyang tumayo at hanapin si Achilles pero hindi niya kabisado ang lugar. Baka mamaya’y maligaw o mawala siya sa karamihan ng tao. Mas malaking problema kapag nagkataon.
Mula sa kanyang peripheral vision ay napansin niya ang paglapit ng lalaking iyon sa kanya.
“Miss…” Narinig niyang sabi nito.
Napilitan siyang mag-angat ng tingin. Tumambad sa kanya ang nakangiting mukha nito.
“Hi! May hinihintay ka ba?”
“O-oo. Iyong kaibigan ko,” sagot niya saka sumulyap sa mga nakapilang mga estudyante.
“Puwede bang umupo muna sa tabi mo?”
Ibinaling niya ang tingin dito saka marahang tumango. Kinuha niya ang shoulder bag na nasa tabi niya at ipinatong ito sa kanyang kandungan.
Umupo ang lalaki sa tabi niya.
“Ako nga pala si Ulysses.” Iniabot nito ang kanang kamay sa kanya.
“Ako naman si Penelope,” pilit ang ngiting sabi niya bago tinanggap ang pakikipagkamay nito. Hindi nito agad binitiwan ang kamay niya.
“Penelope ang pangalan mo?” Nakarehistro sa mukha nito ang pagkagulat.
“Oo,” naguguluhang sagot niya.
“Ikaw ba iyong sinasabi ni Achilles na kababata niya?”
Tumango siya.
Agad nitong binitiwan ang kamay niya. “Kaibigan ka nga lang ba niya o nobya?” seryosong tanong nito.