KUYOM ang kamao na nanatili si Chelle sa rooftop ng hotel. Nagsiuwian na rin ang lahat ng bisita nila dahil inabot na ng hapon pero walang Leon ang nagpakita. Ni hindi ito matawagan at hindi rin mahagilap ng mga kapatid nito. Na tila sinadya ni Leon. . . na hindi magpakita ngayong araw sa kasal nila. Madilim na at nagbabadya na ring bumuhos ang malakas na ulan pero nanatili si Chelle sa stage kung saan sana sila manunumpa ni Leon sa isa't-isa. Hiyang-hiya rin ang pamilya ni Leon na panay ang hingi ng despensa sa magkapatid. Si Red lang ang nakikipag-usap sa mga ito dahil walang iniimikan si Chelle sa lahat ng tao. "Princess, let's go. Maaabutan tayo ng ulan," maalumanay na saad ni Red sa kapatid. Awang-awa siya sa kapatid niya pero wala naman siyang magagawa na hindi sumulpot si Leon.