INTRODUCTION
Bago ang aking KASAL
Napakaganda ng suot kong wedding gown. Isang kilalang designer ang may gawa nito at pinakamahal sa collection niya. Halos hindi ko nakilala ang babae sa salamin kanina. Ako pala yun. Napangiti ako sa sarili kong kalokohan.
“Friendship, ikaw na! You look gorgeous,” puri ng kaibigan ko mula pagkabata. Alam niya ang lahat ng sikreto ko sa buhay. Si Gina Crisologo, kasing idad ko lang. Twenty-five na kami last month, magkasunod lang ang birthday namin tatlong araw lang ang pagitan.
“Salamat friendship.” Ang tangi kong sagot sa kanya.
Sabay namin tinignan ang reflection ng babae sa salamin. Masaya siya, sobrang saya. Siguro ay dahil tama ang naging desisyon niya sa buhay. Tama ang pinili niyang tao para mahalin ng buong buo mula sa araw na ito at hanggang wakas.
Hindi ko rin inakala na darating ang oras na ito na walang pagdududa kong sasabihin na mahal ko ang lalaking napili ko. Tapos na ang lahat ng pagdududa ko. Kampante na ang puso ko, kaya siguro ganito ang itsura ko ngayon, sobrang saya. Nanggagaling ang maaliwalas kong kaanyuan sa loob ko. Glow from the inside, sabi nga nila.
Twenty-five years old na ako, Marinella C. Cortez, Arin kung tawagin ng pamilya at kaibigan. Hindi na ako bata, panahon na para magpamilya. Maayos naman ang bago kong trabaho. Kampante na ang isang CPA na katulad ko sa managing firm na pinasukan ko. At ang pag-aasawa panahon na din, para magkaroon pa ako ng maraming anak! Yes, gusto ko maraming anak, kasi naman nag-iisa lang ako. Nakiki-ate at kuya lang ako. Nakakaingit nga ang iba dahil kumpleto sila ako, isa lang.
“Okay ka na friendship? Naghihintay na ang groom mo. Kung ayaw mo sa kanya akin na lang.” pabirong sambit ni Gina. Alam ko naman crush nya din ang mapapangasawa ko. Lahat ata ng akin, gusto rin niya. Napatawa ako.
“Sige , sasabihin ko mamaya sa kanya.” Biro ko din. Para ko ng kapatid si Gina. Mula teenager siya na ang kasama ko.
Sabay kaming napatingin sa pintuan ng pumasok ang pinsan kong lalaki na si Louie. May dala itong pumpon ng bulaklak. Pink roses, may isang daang piraso yata na bulaklak na iyon na kalagay sa pink din na box. Ang laki ng lalagyan.
“There’s a note attached to it. I’m sure you know who sent you those flowers.” Ngumiti siya, magkahalong pangamba at pag unawa ang ngiti sa labi niya.
Inabot ko ang note na kinuha ni Gina sa gitna ng mga bulaklak. Humugot ako ng isang malalim na hininga bago ko binuksan ang maliit na envelope na may card sa loob nito.
“I hope you made the right decision. I wish you happiness!”
Walang nakasulat na pangalan dito. Pero alam ko sa kaibuturan ng puso ko kung kanino ito nanggaling. Ngumiti ako at sa isip nasabi kong “Yes! I know I made the right decision.”
Pagkatapos nito, magkahawak kamay kami ni Louie at Gina na lumabas ng silid para makita ko na ang lalaking napili kong mahalin habang buhay.
------------
------------
CHAPTER 1
“Arin,”
Isang lalaki ang papalapit sa akin sa ilalim ng malaking puno ng manga kung saan ako nagbabasa ng libro para mag review sa nalalapit na exam. Naka uniform pa ng pang football ang lalaki. Sobrang tangkad, sobrang ganda ng katawan at makalaglag panty ang gwapo nitong mukha, at kung hindi ba naman sobrang swerte nito ay may dimples pa sa magkabilang pisngi.
“Unfair ka naman lord. Nagsabog ka ng swerte, sangkatutak na balde ang pinang sahod ng mommy niya, hindi ka man lang kumurap?” Sabi ko sa sarili sabay taas sa tungki ng ilong ko ang malapit ng malaglag na eyeglasses ko.
Siya lang naman ang star player ng varsity team ng school namin. Ewan ko ba kung paano kami naging magkaibigan nito. Ang layo ng hitsura namin. Nerdy girl ako, heartthrob naman ang mokong. Pero mabait siya sa akin. Kadalasan tagapagtanggol ko pa sa school pag may nangungulit.
“Bakit?”
Napatunganga siya sa akin. Nakakatawa ang mukha, bukas ang bibig at ang dark green eyes nito na parang dalawang nagniningning na orbs ay nakabukas ng malaki at nakatitig sa akin.
“Ang sungit!" Napabuntung hinga na lang siya. "Sino na naman ang nakagalit mo?” nagtatakang tanong nito.
Para naman akong nabuhusan ng malamig na tubig. Unfair naman kasi na sungitan ko ang mokong na ito. Bukod sa naabala ang pagaaral ko, wala naman siyang ibang kasalanan. Mali ako. Para makabawi...
“Sorry!” Sabi ko kaagad, “What can I do for you?” Sinundan ko ng tanong. Nakakapagtaka kasi na lagi siyang nakasunod sa akin. Hindi na nga ako nanonood ng practice niya at tahimik lang na nagrereview, tapos susulpot na lang siyang bigla sa harapan ko.
“Masungit ka pa din!” Biro nito at pinisil ang ilong ko.
“Ano ba kasi ang kailangan mo?” Nangati tuloy ang ilong ko na pinisil niya. Lagi na lang ganito ang ginagawa niya sa akin, isumbong ko kaya sa coach nya.
Napahagikhik siya pagkakita sa namumula ko na yatang ilong, dahil patuloy kong kinamot ng mga kuko ko. Ang kati-kati kasi, nanahimik naman ang ilong ko na matangos din naman, kaya lang pag pinipisil nya talagang nagangati.
“Sorry!” Humingi naman niya ng paumanhin kaagad, matapos iyon ay biglang sinabi na, “Sama ka sa akin sa week-ends. May party sa bahay, birthday ni kuya Enzo.”
“Ayaw ko ng party.” Sabay iling ko paulit ulit.
“Bakit naman?” Kumunot ang noo niya. Nagpang-abot pa ang kilay.
“Wala akong kilala doon at saka sobrang yaman ng mga kaibigan ni kuya mo, matatanda pa." apat na taon ang tanda ni kuya Enzo sa akin, sa kanya tatlo. "At saka di ba may girlfriend ka? Baka masabunutan pa ako ng maldita mong girlfriend pag nakita niyang bitbit mo na naman ako.” Ilang beses na kasi akong pinag iinitan ng girlfriend niya. Akala yata aagawin ko ang mokong na ito. Hindi naman ako ilusyunada, alam ko kung saan ilalagay ang sarili ko.
“Break na kami ni Clara,” napabuntong hininga pa pagkasabi niyon.
Si Clara, tatlong buwan lang niyang girlfriend.
“Ayun… kaya ako naman ang kinukulit mo! No way po kuya! May aagawin ako sa weekends,” sambit ko na parang hindi apektado pero ang puso ko tumatalon sa tuwa. At least wala siyang girlfriend ngayon, walang mangaaway sa akin.
“Sige na, please. Sama mo si Gina.” Sambit nito. Hay! Kung alam lang niya kung gaano ko siya gustong pagbigyan sa bawat hilingin nya sa akin. Pero baka biglang tumakbo palayo sa akin ang mokong na ito pag nalaman niya sekreto ko.
Hindi ko kailanman aaminin na crush ko siya tatlong taon na ngayon. First year pa lang ako crush ko na siya. Sophomore year naman niya noon ng sumali siya sa football team, doon ko siya unang nakita. Isang taong pagitan namin. Third year and fourth year na kami ngayon.
Hindi naman kasi ako ilusyunada. Okay na sa akin na kaibigan ang turing niya sa akin. Okay na ako ng ganito. Nakikiamoy-amoy lang sa sobra naman kasing bango niya, kahit pa pawis na pawis. At kung makaporma ay naman, laglag panty ang mga babae sa school. Last na year na kaming magkasama graduating student siya. At ang balita sa States siya mag aral ng college.
Bukod pa doon, impossible na magkagusto sa akin ang isang Theodore Benjamin "Teejay" Abesamis. Langit ang tulad niya, kahit na ako mukhang anghel, dito lang ako sa lupa. Hayaan ko na siya magisa sa langit. Ayaw ko ng gulo. Sa dinami dami ng babaeng may crush din sa kanya maraming magagalit sa akin.
Sus! Ano ba naman itong iniisip ko. Suntok sa buwan iyon alam ko.
“Basta. Kakausapin ko si Gina at susunduin ko kayong dalawang sa Inyo ng 6pm sa Saturday.” Tinitigan pa ako ng parang wala akong way para tumanggi. Nakakunot na naman ang noo nya. Makapal ang kilay ni Teejay itim na itim, parang Indian, pero ang mata green at sobrang haba ng pilik mata. Palit na lang kaya kami.
“May—“ may gagawin ako sa sabado, ang gusto kung sabihin pero nagsalita siya agad.
“No! I will see you Saturday! Kung kailangan kaladkarin kita, gagawin ko!” At nagbanta pa ang mokong.
Kinamot ko ang ulo ko. Pag ganito ang mood niya, walang makakapigil sa kanya.
“Sige na nga!” Sagot ko at medyo padabog kong sinara ang libro ko. Hindi lang ako niya titigilan, mabuti ng sumangayon na ako kaagad. Nawala tuloy ang interest ko mag aral.
“Okay! Lika na. Kain tayo sa labas ng school. Dismissed na kayo di ba? Libre kita sa McDonald’s.” sabi nito at dali-daling tumayo.
“Ayaw ko kumain.” Iling ko ulit.
“Wag mong sabihin nag diet ka noh. Ang payat payat mo para kang ting-ting.” Sabay tawa ng malakas. Kinuha niya ang libro ko, pinasok sa bag at hinablot iyon. Pagkatapos ay kinuha niya ang kamay ko at hinatak ako palabas ng school.
Hindi niya pansin ang mga matang nakatitig sa amin. Lalong lalo na sa akin.
Naku po! Galit na naman ang buong high school class sa akin.