Chapter 1 - Ang sikreto ng Pamilyang Flower
Kalina's POV
Mayroon akong lihim na hindi dapat malaman ng ibang tao, lalo na ng pamilya ko. Tulala tuloy ako ngayon habang nakahiga sa kama ko. Tuwing umaga, kapag bubuksan ko ang mga mata ko ay ‘yun ang isip-isip ko. Nalulungkot ako dahil pakiramdam ko ay may malubha na akong sakit at anumang oras o araw ay maaari na akong magpaalam sa mundong ito. Kakaiba na kasi ang mga nangyayari sa akin. Normal pa ba na maging violet ang menstruation? Unang beses kong makita ‘yun ay nagsisigaw talaga ako sa loob ng banyo ko. Takot na takot ako dahil ang dating kulay pula na dalaw ko ay violet na ngayon. Isa pa, nagiging matakaw na ako pagdating sa mga prutas at gulay na dati naman ay ayaw na ayaw kong kinakain. Alam ko namang healthy ‘yun, pero natatakot na ako sa mga pagbabago sa aking katawan. Pakiramdam ko tuloy ay kinukulam ako o may kawirduhan talagang nangyayari sa katawan ko.
Hindi naman ako pumapayat, hindi rin nanlalata o nagkakaroon ng anumang pagiging mahina ko, pero minsan nagugulat na lang ako na kapag tumitingin ako sa harap ng salamin ay nagiging kulay light violet ang iris ng mata ko at dark violet naman ang pupil. Madalas mangyari ‘yun, pero kapag kinukurap ko na ang mga mata ko ay bumabalik na ito sa dating kulay nito.
Hanggang isang araw ay bigla na lang akong sinundo sa dorm ko ng buo kong pamilya. Nakakagulat lang dahil biglaan talaga 'yun. Madalang kasi akong umuwi sa bahay namin kaya nang makita ko sila ay naiyak ako dahil na-miss ko sila ng sobra. Niyakap ko agad sina mama, papa at ang mga kapatid kong sina Kuya Eldrige, Ayana at Guzman.
“Anak, isang linggo na lang at birthday mo na,” bungad na sabi ni mama na kinagulat ko naman. Dahil sa sobrang stress ko sa buhay ko ay nakalimutan kong magbi-birthday na nga pala ako. Isa na akong ganap na dalaga sa isang linggo. Ang bilis talaga ng panahon.
“Oo nga po. Muntik ko na ring makalimutan.” Pilit kong pinapakita sa kanila na masaya ako pero sa loob-loob ko'y naiiyak ako dahil gustong-gusto ko na ring sabihin sa kanila ang mga nangyayari sa akin. Nang si Kuya Eldridge naman ang yakapin ko ay napangiti ito sa akin. Nagulat pa ako nang titig na titig siya sa mga mata ko na para bang may sinusuri siya sa akin. “Kumusta? May iba bang nangyayari sa ‘yo? May weird ka bang nararanasan sa katawan mo?” tanong pa niya na lalo kong kinagulat.
“A-anong ibig mong sabihin?”
Natakot ako dahil naisip ko na baka may alam na sila sa mga nangyayari sa akin kaya’t pinuntahan nila ako ngayon dito sa dorm ko. Nagsimula na tuloy akong kabahan.
“Never mind. Malalaman mo naman na rin naman iyan mamaya,” saad pa niya at saka ako nginitian. Dahil doon ay nakahinga na ako ng maluwag. Nakaligtas ako. Masaya naman ang mga mukha nila kaya mukhang hindi tungkol sa sakit ko ang sinadya nila rito.
“Gumayak ka at uuwi na tayo sa probinsya natin,” biglang sabi ni mama.
“H-ha? Uuwi? Kasama ako?” Nanlalaki tuloy ang mga mata ko.
“Uuwi na tayo sa bahay natin. Sa tunay na bahay natin,” saad ni papa na lalo kong kinalito. I think may nangyayari sa aming pamilya na hindi ko alam. “B-bakit po? Eh, paano na ang pag-aaral ko rito? Hindi po ako pwedeng umuwi ngayon sa probinsya natin dahil may mga kailangan po akong gawin sa school namin. May mga projects at mga reports pa akong hinahanda.”
Ano ba talagang nangyayari? Lalo lang akong nai-stress sa eksena nila. “Wala ng oras. Hindi na mahalaga ang school mo sa ngayon. May kailangan kang malaman kaya kailangan na nating umuwi sa Chestara,” wika ni Kuya Eldridge kaya naguguluhan na talaga ako. Ano bang mayroon? May hindi ba ako alam? May tinatago ba sila sa akin? Oh, baka naman may surprise silang hinahanda para sa kaarawan ko? Siguro kailangan ko na lang silang sundin para walang gulo. Sayang naman kung hindi ko sisiputin ang birthday party na mukhang hinanda nila sa akin.
Ganoon na nga ang nangyari. Hinanda ko na ang mga gamit ko at sumama na ako sa kanilang umuwi sa probinsya namin. Katabi ko sa sasakyan ang bunso kong kapatid na si Guzman. Yakap-yakap ko siya dahil miss na miss na miss ko ang isang bulinggit na ito.
“Sana sa paglaki ko ay maging kagaya ako ni Kuya Eldridge,” biglang sabi ni Guzman. Nangiti ako. Mabuti na lang at ang kuya namin ang iniidolo niya. Alam kong good 'yon dahil mabait, matalino at malakas si kuya Eldridge. Akala ko ay tapos ng magsalita si Guzman, pero nagulat ako sa mga sumunod niyang sinabi. “Gusto ko ding magkaroon ng magic na kagaya kay Kuya Eldridge. Gusto ko ring magpalabas ng apoy sa mga kamay ko.” Napakunot ang noo ko sa narinig ko. Napatingin tuloy ako kay Kuya Eldridge.
“Eldrigde?!”
Napasigaw bigla si mama kay kuya. Pati si papa ay masama na rin ang tingin sa kaniya. Anong nangyayari? Totoo ba ang sinabi ni Guzman? Pati ako ay nakatitig na rin kay Kuya Eldridge. Namumutla tuloy ngayon ang mukha niya. “Wala na. Narinig naman na po nila. Bakit ba kailangan pa nating itago sa isa't isa eh, pamilya naman tayo. Ang mahalaga ay pang pamilya lang natin 'yun at hindi ilalabas sa ibang tao,” sagot ni Kuya Eldrigde na kinaliliito na lalo ng isip ko. Ano bang nangyayari? Paulit-ulit na akong nagtatanong sa sarili ko. Mababaliw na talaga ako.
“May hindi ba kami alam sa pamilyang ito?” tanong bigla ni Ayana—ang isa ko pang kapatid na babae. Mas matanda ako sa kanya. Hindi ko siya kagaya dahil medyo mailap siya sa mga tao lalo na sa magugulo. Pero, mabait naman ito.
“Tutal ay inumpisahan naman ni Eldridge, sige, sasabihin na namin sainyo ang nililihim namin kapag nakauwi na tayo sa Chestara,” ani Papa na seryoso na ngayon. Sa totoo lang ay kinakabahan ako. Lalo ata akong nai-stress sa sitwasyon namin ngayon. May problema kaya sa pamilya ko? Mayroon din kaya silang nararanasan na kagaya ng kawirduhan ng katawan ko?
Naging tahimik ang lahat at naging seryoso. Hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Guzman. Totoo kayang may kapangyarihan si Kuya Eldrige? Totoo kayang nakakapagpalabas siya ng apoy sa kamay niya? Maraming tumakbo sa isip ko. Buong biyahe namin ay puro ‘yun lang ang iniisip ko. Sa sobrang tulala ko’y hindi ko na namamalayan na nasa harap na kami ngayon ng malaki naming bahay na nakakagulat lang sa sobrang ganda. Napansin ko na kahit isa ata ay wala manlang kaming mga kapitbahay doon. Puro puno at damuhan lang ang katabi ng bahay namin na mayroon pang malalaking bakod na gawa sa bato na kasing taas din ng bahay namin na tila ba itinatago ang buong bahay namin sa maraming tao. Isa ito sa malaking bahay na ngayon ko lang nakita sa buong buhay. Nakapagtataka dahil biglang lumaki ang bahay namin. Malayong malayo ang bahay namin sa mga tabi-tabing bahay na nadaanan namin kanina sa kabilang street.
“Na-miss ko ang bahay natin at syempre pati na rin ang puno ko,” saad agad ng tuwang-tuwa na si Kuya Eldridge. Napataas naman agad ang kilay ko sa sinabi niyang puno. Pero dahil nasabik ako na makita ang loob na mansyon namin ay hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya.
“Tara na,” aya ni mama na nasa ibaba na pala ng sasakyan. Nagbabaan na kami sa sasakyan. Tulala at nilibot agad ng mga mata ko ang buong paligid. Sinalubong ako ng maaliwalas na hangin. Hindi masakit sa balat ang sinag ng araw kahit tanghaling tapat pa lang noon. Nakakapresko rin ang pag-wagayway ng mga d**o sa paligid at ang mga sariwang iba't ibang kulay na bulaklak na nagkalat doon.
“Hala! Nakalimutan ko pala ang susi ng bahay!” biglang sabi ni mama kaya nagulat kaming lahat. Kaya pala kanina pa niya binubutbot ang bag niya. Paano na kami niyan makakapasok sa loob. Excited pa naman ako.
“No problem, kayang kaya na ‘yan ng anak natin,” ani papa na tumingin agad kay Kuya Eldridge. Tumango naman agad si kuya kay papa na tila ba alam na agad ang kaniyang gagawin.
Napanganga kami ni Ayana at Guzman nang magpalabas ng apoy si Kuya Eldrige sa kaniyang kanang palad. Nagpalabas siya ng apoy sa kamay niya habang nakatingin sa amin. Totoo nga ang sinabi ni Guzman. Nakakamangha ang ginawa ni Kuya Eldrige. Hindi ako makapaniwala. Paanong nangyari ‘yun? Bakit may ganoon siyang kapangyarihan? Saan galing ‘yun?
Mas lalo kaming namangha nang makita namin na ang apoy sa kamay nito ay unti-unting naging isang susi.
“Oh my gosh!” Napapasigaw na lang sa gulat si Ayana. Hindi rin mawala ang titig nito sa apoy kanina na ngayon ay naging susi na.
“Ang nakita niyo ay ang kapangyarihan ko. Apoy ang kapangyarihan na binigay sa akin ng aking puno. Apoy na may kakayahan na gumaya ng kahit anong bagay,” paliwanag sa amin ni Kuya Eldridge. Binigay ni Kuya Eldridge ang susi kay mama. Agad namang lumapit si Ayana kay kuya at tinanong niya ito ng kung anu-ano. Ako naman ay lumapit kay mama para tignan ang susi. Nakakamangha na naging susi nga ang apoy ni kuya.
“Pumasok muna tayo sa loob at saka na namin ikukuwento ng Papa Odin niyno ang kapangyarihan namin na pinagkaloob ng mga puno namin,” saad ni Mama. Pag pasok namin sa loob ng bahay ay namangha kami roon. Kahit luma na ang loob ay malinis at napakaganda pa rin nito. Ang sabi sa amin ay may kaniya-kaniya kaming kuwarto rito na pinagplanuhan talaga nila papa at mama. Isa pa sa kinamangha namin ay may likod raw ang mansion na ito. Doon matatagpuan ang hardin namin na kung saan nakatubo o nakatayo ang mga puno na inaalagaan nila. Pumunta kami sa hardin at doon na namin nakita ang tatlong malalaking puno na magkakahilera. Iba’t iba ang mga kulay nito. Ngayon lang ako nakakita ng ganoong kakaibang mga puno.
“Ang unang puno na kulay green ay ang aking puno,” wika ni Papa Odin. “Ang kapangyarihan na pinagkaloob sa akin niyan ay ang kapangyarihan ng hangin. Hangin na kayang gumawa ng kahit anong potion: pampatulog, malubhang sakit, poison at kung anu-ano pa.”
Ipinakita sa amin ni Papa Odin ang kapangyarihan niya. Gamit ang hangin ay pinalipad niya si Guzman. Namangha kami at tuwang-tuwa naman si Guzman. Matapos naming makita ang kaniyang kakayahan ay ibinaba na rin niya agad si Guzman sa lupa. Tumakbo siya kay papa para yakapin ito.
“Ang ikalawang puno naman na kulay skyblue ay ang aking inaalagaan,” saad naman ni Mama. “Ice magic ang binigay nito sa akin. Ice magic na may kakayahang gumaya ng kahit anong pagkain. Maari ko ding lagyan ng poition o poison ang pagkain na gawa sa yelo kung gusto kong gawin. Pero, huwag ninyong isiping walang kwenta ang kapangyarihan ko dahil kapag sumabak ako sa laban ay kaya kong gumawa na ice ball na kayang dumurog ng ulo ng isang tao o kahit halimaw pa iyan.”
Ang cool din ng kay Mama Guinevere. Nakakagulat ang mga nalalaman ko.
“Ang ikatlong puno na kulay red ay ang akin. Nasabi ko naman na kanina kung ano ang pinagkaloob ng puno ko sa akin. Anyway, may good news kami dahil madadagdagan na naman dito ng isang puno at iyon ay ang sa iyo,” tukoy sa akin ni kuya kaya nagulat ako. Wait, totoo ba ang nadinig ko? Ako?
“A-ako? Magkakaroon din ako ng puno na gaya ng sainyo?” paglilinaw ko pa.
“Oo,” maikling sagot ni Kuya Eldridge kaya napatingin ako kay Ayana. Nag ngitian tuloy kami.
“At gaya po ninyo ay may ibibigay ring magic sa akin ang magiging puno ko?” tanong ko pa rin sa kanila.
“Oo at ‘yun ay unti-unting magaganap kapag ganap ka ng isang dalaga,” sagot ni papa.
“Nakakainggit. Sana maging dalaga na rin ako,” wika naman ni Ayana na napasibangot. Tila, pati ito ay gusto na ring magkaroon ng kapangyarihan.
Unti-unting naging exciting ang pagpunta namin dito Chestara. Excited na ako sa magiging puno ko. Excited na rin akong malaman kung anong kapangyarihan ang ibibigay nito sa akin. Anong kulay kaya ng puno ang magiging akin? Hindi na talaga ako makapaghintay.