Namalayan ko na lamang ang sarili kong naglalakad sa madilim na kalye at hindi alintana ang lahat ng mga nasa paligid. Pakiramdam ko ay pasan ko ang buong mundo. Lahat yata ng kamalasan sa daigdig na ito ay sinalo ko na. Gano'n ba ako kalakas para ibigay sa akin ang lahat ng 'to? Tsk. Natatawa na lang ako sa sarili ko. Siguro nga dahil hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ako at nakakaya pang lumakad. "Kailan mo ako titigilan, Panginoon? Kapag ba nakahandusay na ako sa kalsadang 'to? Kapag ba gumagapang na 'ko at wala nang lakas pang bumangon?" Muli akong natawa. "Ang tindi mo po. Saludo ako sa iyo." Itinaas ko ang aking kamay sa aking noo at sumaludo habang nakatingala sa kalangitan. Huminga ako ng malalim bago luminga sa paligid. Napansin ko ang isang tindahan sa kanang bahagi. Kaaga