Mikaela's POV
Magkahawak kamay kaming naglalakad ni Blaine papasok sa loob ng ospital. Narito kami ngayon para sa aming monthly check up. Si Dra. Garces ay ang gynecologist na tumitingin sa amin ni Blaine. Isa siyang fertility specialist at siya ang nagmo-monitor ng fertility status naming mag-asawa.
Dumaan na kami sa maraming test. Nakaka-pressure na rin sa part namin ni Blaine, minamadali kasi kaming magka-anak ng mga taong nakapaligid sa amin. Gustong-gusto kong magka-anak, kaya lang ay hindi ko naman ipinipilit na dumating kaagad. Kapag hinihintay mo kasi ay lalo namang hindi dumarating. Para sa akin ay may tamang panahon para sa lahat ng bagay.
Siyam na test ang dapat sana ay isasagawa sa amin, ngunit inuna muna ang tatlo at iyon ang hihintayin namin na resulta. Pinababalik kami ng aming doktor after two days.
"Paano po, doc, aalis na kami," paalam ni Blaine kay Dra. Garces, nakipagkamay pa siya rito.
"Okay. Baka makalimutan ninyo ang schedule ng pagbalik ninyo rito kaya ire-remind ko na lang kayo thru email. Importante kasing kaharap ko kayo mismo habang binabasa ang magiging resulta ng mga test sa inyo nang sa ganu'n ay maipaliwanag ko rin ng maayos."
"Sige po, doc asahan ninyong darating kami." Ako na ang sumagot para sa aming mag-asawa.
"Thank you, doc."
Tumango si Dra. Garces sabay ngiti at lumabas na kami nang silid nito.
Kampante naman ako na walang magiging problema sa mga test na isinagawa sa amin ni Blaine, kaya hindi ko na masyadong inisip iyon.
Matapos ang check-up namin ay kumain muna kami sa restaurant bago maghiwalay. May importanteng bagay pa kasing aasikasuhin si Blaine sa munisipyo, ako naman ay may seminar na pupuntahan, na naka-schedule ngayong 2pm. Ang seminar na iyon ay para sa mga kababaihan. Ako ang isa sa mga napili na magsalita at magbigay ng inspirational at encouraging speech para sa kanila.
"Take good care of yourself okay? Sandali lang naman ang lalakarin ko, magkita na lang tayo sa mansion before dinner," bilin sa akin ni Blaine.
"Okay. Ikaw rin, mag-iingat ka," sabi ko naman.
Tumango siya at kinabig ako para yakapin. Hinalikan niya ako sa noo at pagkatapos ay sa aking mga labi naman.
"I'll miss you dearly. I wish I could have more time to spend with you." May panghihinayang sa mukha ni Blaine. Kung wala lang kaming parehong lakad ngayong araw ay gusto sana naming umuwi muna sa resthouse ng mga Montreal, para makapagpahinga ng magkasama kahit dalawang araw lang, kaya lang ay napakahirap isingit sa schedule ni Blaine ang magbakasyon.
"Ayos lang, sige na, umalis ka na baka mahuli ka pa sa lakad mo." Tumango si Blaine, pinisil pa muna niya ang palad ko bago tuluyang bumaba at lumipat ng sasakyan. Nakabuntot ang mga bodyguard niya sa kaniya at pinagbuksan pa siya ng pinto. Pagkapasok niya ay ibinaba agad niya ang bintana ng sasakyan at kumaway sa akin, kaya naman ginaya ko ang ginawa niya, may pinindot akong buton at kusa ng bumaba ang salamin bintana ng kotse na gamit ko. Gumanti ako ng kaway sa kaniya. Bago maghiwalay ng tatahaking daan ang mga sasakyan namin ay nagsabi pa siya sa akin ng 'I love you'. Hindi ko narinig ngunit naintindihan ko naman sa pamamagitan ng pagbuka ng kaniyang bibig. Kaya nginitian ko siya at saka tumango.
_
Pagdating ko sa venue ng seminar ay binati agad ako ng mga tao na naroon at gumanti naman ako ng pagbati sa kanila.
Nakasanayan ko na ang tumayo at magsalita sa harapan ng maraming tao, kaya naman simpleng bagay na lang sa akin ang ganitong klase ng okasyon. Sa dami na ng napuntahan kong seminar ay natutuwa ako dahil ang mga taong nakakasalamuha ko ay laging masaya at masarap kausap.
Nang mag-umpisa na akong magsalita ang lahat ng atensiyon ng mga tao ay nasa akin, nakakatuwang isipin na nakikinig sila sa akin at interesado sila sa mga sinasabi ko.
Ang pinaghandaan kong speech mula pa kagabi ay nai-deliver ko naman ng maayos. Matapos ang speech ko ay nagpaalam na ako sa mga taong in-charge sa seminar na iyon at nagmamadaling umalis. Nagpahatid ako diresto sa mansion.
Nagbihis lang ako sandali at nagtungo na sa kusina para tumulong sa paghahanda ng hapunan. Nadatnan ko si Mama Claudia na punong abala sa pagluluto. Uuwi si Papa Gustavo ngayon para sumalo sa amin sa hapunan, kaya naman sinigurado ng biyenan kong babae na siya mismo ang magluluto ng mga pagkain na kakainin ng kaniyang asawa.
"Ano'ng tinutunganga mo diyan? Kunin mo ang sandok at haluin mo 'to baka masunog," utos sa akin ni Mama nang makita niya akong nakatingin lang sa kaniya. Namamangha kasi ako sa tuwing nakikita ko siya sa kusina. Maliksi ang mga kilos niya at ang mga kamay niya ay napakabilis lalo na sa paghihiwa ng mga gulay.
Nagmamadaling sinunod ko ang utos ni Mama. Ang totoo ay hindi ako magaling magluto na kagaya niya, mga simpleng pagkain lang ang kaya kong lutuin. Si Mama Claudia ay isang sikat na international chef bago pa siya nakilala ni Papa Gustavo, kaya hindi puwede sa kaniya ang aanga-anga sa kusina.
Huminga muna ako ng malalim bago kinuha ang sandok, alam kong masisigawan na naman ako kaya hinanda ko na ang aking sarili.
"Hindi gan'yan ang tamang paghalo! Paghawak pa lang ng sandok ay mali na!"
Nagulat ako at halos mapalundag nang malakas ng tapikin ni Mama Claudia ang kamay ko. Mabuti na lang at mabilis ako, nagawa kong maiiwas ang kamay ko upang hindi ito dumikit sa gilid ng kawali dahil siguradong malalapnos ang balat ko sa paso.
"Sorry po, Mama!" paumanhin ko.
"Ang lakas-lakas ng loob mo na mag-asawa, hindi ka naman marunong magluto! Ano ang ipapakain mo sa anak ko? Kaya hindi ko magawang payagan na bumukod kayo dahil alam na alam ko na ang mangyayari. Kawawa lang ang anak ko sa'yo. Hindi ko inalagaan at pinalaki ng maayos ang anak ko para gutumin mo lang." Nag-umpisa na siyang magsermon sa akin.
Sa dami nang masasakit na salita na nasabi sa akin si Mama Claudia simula pa noong magnobyo pa lang kami ni Blaine ay parang na-immune na ako. Masakit pa rin naman kung iisipin kaya lang ay hindi ko na masyadong dini-dibdib.
Wala talagang araw na hindi ako sinisermunan ni Mama. Kapag nasa mansion ako ay ang liit-liit nang tingin ko sa sarili ko. Hindi ko nga alam kung ano ang iniisip sa akin ng mga kasambahay namin na nakakarinig at nakakasaksi kung paano ako tratuhin ni Mama?
Sinikap kong pagbutihin ang lahat nang ginagawa ko ngunit wala naman nakikitang tama sa akin si Mama. Ni minsan ay hindi niya ako nagawang purihin sa mga achievements ko. Tanggap ko na, hanggang dito na lang talaga ang relasyon namin, kahit ano'ng gawin ko para maging mabuting tao sa harapan niya, at kahit ano'ng gawin ko para i-please siya ay inilalayo naman niya ang loob sa akin. Wala nang patutunguhan kung ipipilit ko pa ang sarili ko.
Naghahanap ako ng kalinga ng isang ina pero hindi ko makita iyon kay Mama Claudia. Sinukuan ko na ang pangarap ko na isang araw ay magugustuhan niya rin ako. Isang himala na lang siguro ang makakagawa ng ganu'n.
Basta ang importante sa akin ay ang relasyon namin ni Blaine, nagkakaintindihan kami at nagmamahalan. At the end of the day, kami lang naman ang magkakampi hanggang sa huli.