Part 1
***DHENNA***
"Hello, Dhenna? 'Asan ka na ba? Panay chat na sa akin ng ka-blind date mo. Naroon na raw siya sa meeting place niyo," nanenermong boses ni Kai sa kabilang linya nang sagutin niya ang tawag nito.
Umangat ang dulo ng pang-itaas na labi ni Dhenna. Kaninang umaga pa siya tinatawagan ng matalik niyang kaibigan at katrabaho na ring si Kai Suarez, at sising-sisi siya kung bakit niya pa sinagot ang ngayon ay tawag na naman nito. May ka-blind date kasi siya ngayon kaya tuwang-tuwa ang bruha. Ito pa ang mas excited kaysa sa kanya.
“Bakit ang tagal mong makarating doon? Nakakahiya sa tao," patuloy nito sa pagtatalak nang hindi siya umimik.
“Ano'ng magagawa ko kung traffic pa rin ang EDSA? Tss?" gasgas nang linyahan na pagtataray niya pero sa isip niya lang ginawa. Wala siya sa mood upang makipagtalo kay Kai. Mataray ang babaeng iyon. Siguradong hindi rin naman magpapatalo sa kanya.
"Oo na. Heto na. Malapit na ako," kaya matinong sagot na lamang niya habang titirik-tirik ang kanyang mga mata.
"Okay, sige. I-text o i-chat mo na lang ako 'pag nakita mo na siya. Sabihin mo agad sa akin kung guwapo nga ba talaga o hindi naman pala. Tawag ako ni Boss," kilig na huling wika ni Kai bago nito pinatay ang tawag.
Bakit hindi? Eh, ito lang naman ang may pakana nang pakikipag-blind date niya ngayon. Pakialamera sa kanyang love life ang gaga.
Sa totoo lang ay naloloka na siya sa pinaggagawa ni Kai mahanapan lang daw siya ng jowa. As if naman kailangan niya ng jowa, heller, masaya na siya sa pagiging single. Kung darating ang lalaking para sa kanya, eh ‘di thank you. Kung hindi naman ay, eh, 'di okay lang. Mabubuhay naman siya kahit walang lalaki. 'Tsaka hindi pa naman siya nawawala sa kalendaryo para magmadali na siyang makapag-asawa. Wala pa nga lang siyang trenta.
Isa pa ay hindi naman niya kailangan ng blind date kung gusto na niyang magkaroon ng boyfriend dahil sexy at maganda siya. Isang kendeng at kindat niya lang sa isang lalaki ay siguradong maglalaway na ito sa kanya.
Ngunit dahil makulit si Kai ay pinagbigyan na lang niya ngayon. Matahimik lang ang bruha. Inisip na lamang niya na wala namang mawawala sa kanya. Kasalanan niya pati dahil pinili niya ang kaibigan na isang abnormal.
“Naku naman!” ungol niya sa inis nang mas naipit pa siya sa traffic bandang Quezon Ave. Napailing-iling siya. Ngayon na siya may pagsisisi kung bakit niya pinatulan ang trip ng kanyang kaibigan. Eh, kung dumiretso na lamang siya ng uwi tapos natulog siya, eh, 'di peaceful sana ang buhay niya, hindi ganito.
Hay naku!
“Humanda ka sa akin na babae ka kung hindi guwapo ang lalaking ‘yon. Kakalbuhin talaga kita,” gigil na wika niya na para ba’y nasa tabi niya si Kai na kinakausap. May pangamba rin kasi siya na baka mamaya, eh, pangit pala ang ka-blind date niya na iyon o kaya naman guwapo nga pero maniac naman.
Hindi pa nila alam na magkaibigan ang totoong hitsura ng lalaking katatagpuin niya dahil nakita’t nakilala lang iyon ni Kai sa isang Dating App. Ang gaga niyang kaibigan kasi ay iginawan siya ng account na hindi niya alam, at ang sabi sa kanya ay sobrang ka-compatible niya raw ang lalaki na katatagpuin niya ngayon. Nahanap na raw nito ang kanyang ka-destiny, kung ‘di ba naman talaga gaga.
Well, guwapo naman si Neil Austria sa mga picture lalo na sa profile picture nito sa mga social media account nito. Nga lang ay malay ba niya at baka hindi naman pala iyon ang totoong picture ng lalaki. Sa panahon ngayon ay uso na ang mga poser account o fake account para makapanloko.
“Ay, salamat.” Nang sa wakas ay nakadating na siya sa mall na tagpuan nila ni Neil.
Sa loob ng Ventris Mall siya nag-park.
Nakapa niya ang dibdib nang bumaba na siya sa kanyang kotse. Kung kailan nandoon na siya ay saka pa siya nakaramdam ng nerbyos.
Nag-inhale and exhale muna siya. Pinayapa niya ang sarili bago niya pinadalhan ng text message si Neil. Ipinaalam niya na nandoon na siya sa basement parking ng mall.
'Okay. I'm here at Star Cafe. Just sipping coffee while waiting for you. Naka-white shirt ako at jeans lang. See you.' – ang kanyang nabasa sa reply nito.
In fairness, mabilis mag-reply ang lalaki. Mukhang hinihintay nga talaga siya kaya plus ten points ito sa kanya.
Nakagat niya ang kanyang lower lip. Sana, sana guwapo si Neil.
Isinuksok ulit niya ang kanyang cellphone sa kanyang bulsa. Pagkatapos ay with a pose at ngiting-ngiti na siyang pumasok na sa mall. No need na hanapin niya ang lugar na sinabi ng kanyang ka-date dahil kabisado na niya ang Ventris Mall. Dumiretso siya sa Star Cafe.
And there, nakita niya agad ang naka-white shirt na lalaki sa may labas ng Star Cafe. Nakatayo ito at may inaantay ang hitsura. Hinihintay na siya malamang sa labas kasi nainip na ito sa loob kasi ang tagal niyang dumating.
She paused for a while to regather herself. Nalaglag kasi ang kanyang puso, kailangan niya munang pulutin. Paano’y hindi lang pala guwapo si Neil Austria kundi ang guwapo-guwapo pala. Ang lakas ng dating nito. Tall, dark, and hot.
Hindi niya expected. Gosh!
But wait! Bigla ay natigil siya sa kanyang kilig-kilig. Napansin niya kasi na bakit iba yata ang mukha nito. Tama ba ang kutob niya kanina na iba ang ginamit nitong picture para itago ang totoong identity nito?
Ibinalik niya ang ngiti sa kanyang mga labi. Baka nga ganoon.
Saglit ay naglakas-loob na siyang lumapit kay Neil. Binalewala na lamang niya ang mga tanong na sa kanyang isipan. Ang mahalaga ay mas guwapo si Neil Austria sa personal.
Bukas ay ililibre niya si Kai. Magpapasalamat siya nang bonggang-bongga. Sa wakas, nakagawa rin ng matino ang gaga.
Busy sa pagti-text si Neil nang malapitan niya kaya tumikhim muna siya upang magpapansin.
Maang naman na napatingin sa kanya ang binata.
"Hi," matamis ang kanyang ngiting bati rito. Kaysa magtaka kung bakit parang hindi siya nakikilala o namumukhaan nito ay kinilig siya. Baka nagandahan din sa kanya.
"I'm Dhenna Ordeza. Ako iyong ka-compatible mo sa Dating App," tapos ay pakilala niya kasabay nang paglahad niya rito ng kanyang kamay. Aarte pa ba siya?
Ang nakapagtataka ay hindi umimik ang binata at hindi tinanggap ang kanyang pakikipagkamay. Kumunot lamang ang noo nito habang naglipat-lipat ang tingin nito sa kanyang kamay at sa kanyang mukha. Para ba’y ang tingin nito sa kanya ay parang tanga na nagpapakilala.
"Ikaw si Neil Austria, hindi ba?" paniniguro na niyang tanong. Kinakabahan na siya pero hindi niya inalis ang kanyang pagkakangiti.
"Sorry, Miss, pero hindi Neil ang pangalan ko. Ako si Randy. I think you approached a wrong person," subalit ay pagtatama na nga ng lalaki sa kanya.
Pakiramdam ni Dhenna ay may bumato sa kanyang puso at nabasag na parang salamin. Unti-unting nawala na ang ngiti sa kanyang mga labi kasabay nang dahan-dahan niyang pagbaba ng kamay niyang makikipag-handshake sana.
Tunog ng kanyang cellphone ang nagbalik sa kanyang katinuan at... at si Neil Austria ang tumatawag.
"Hello?" sagot niya na hindi inaalis ang tingin sa nagpakilalang Randy.
"Um, yeah... Gusto ko lang sabihin na nandito ako sa loob ng Star Cafe. Dito sa pinakadulo. Nasaan ka na?" sabi Neil sa kabilang linya.
"O-okay," walang gana na niyang sagot sa dapat ay kanyang ka-date. Feeling niya ay binuhusan siya ng pagkalamig-lamig na tubig.
May sinasabi pa si Neil sa kabilang linya pero hindi na niya nauunawan.
“Maiwan na kita,” dahil paalam na ng lalaki na Randy ang pangalan.
Wala sa loob na pinatay na niya ang tawag. Awang ang kanyang mga labi na isinunod niya ang tingin kay Randy, at ewan niya dahil parang may kumurot sa puso niya nang makita niyang may sinundo si Randy sa may bandang escalator.
Isang babae na buntis!