bc

Saranggola

book_age4+
20
FOLLOW
1K
READ
others
drama
serious
like
intro-logo
Blurb

“Ang buhay ay maihalintulad sa isang saranggola…”

Ito ang hindi ko malilimutang wika sa akin ng aking itay.

Sa isang malawak na lupang tinutubuan ng mga damong tanging kalabaw at mga baka lamang ang nakikinabang, doon ako palaging dinadala ng itay kapag natapos na siya sa kanyang pagsasaka. Sa bakanteng lupang iyon ay nagpapalipad kami ng saranggola.

chap-preview
Free preview
Saranggola
By: MC Jalapan getmybox@hotmail.com   ---------------------------------------------   “Ang buhay ay maihalintulad sa isang saranggola…”   Ito ang hindi ko malilimutang wika sa akin ng aking itay.   Sa isang malawak na lupang tinutubuan ng mga damong tanging kalabaw at mga baka lamang ang nakikinabang, doon ako palaging dinadala ng itay kapag natapos na siya sa kanyang pagsasaka. Sa bakanteng lupang iyon ay nagpapalipad kami ng saranggola.   Ang sabi ng itay, limang taong gulang lang daw ako nang ginawa niya ang pinakaunang saranggola ko. Mabilis daw akong natutong magpalipad nito. Simula noon, naging hilig ko na ang magpalipad ng saranggola. Sa bawat pagpapalipad ko nito ay para rin akong isang ibong nakawala. Tila ako mismo ay ang saranggola… malayang naaabot ko ang pinakatuktok ng aking pangarap.   Ang aking itay na lang ang nag-iisa kong pamilya. Pumanaw ang inay noong sanggol pa lamang ako. Simula noon ay hindi na nag-asawa ang itay. Tama na raw na dumating sa buhay niya ang inay at ngayong wala na siya, sa akin na lamang niya ilalaan ang kanyang pagsisikap at pagpupunyagi sa buhay.   “Sayang ang lupang ito,” ang palaging sinasabi ng itay kapag nagpupunta kami sa bukid kung saan kami nagpapalipad ng saranggola. “Mataba at patag ang lupa, at may ilog sa pinakagilid nito. Maraming maaaring gawin kagaya ng irigasyon sa pataniman ng palay o mais, o puwede ring gumawa ng palaisdaan, o ang ilog mismo ay pagandahin upang maging paliguan o resort. Kung may pera lang sana tayo, dito na ako magtatrabaho sa lupang ito. Napakaswerte ng taong makabili nito…” Ramdam ko ang pagnanais ng itay na mapaskaniya ang lupang iyon.   Totoo naman kasing napakaganda ng lupang iyon. Ang ilog ay may malalaking bato, malamig at preskong-presko ang tubig at may ga-higanteng kahoy sa pampang na nakapagbibigay ng lilim at dagdag sa angking ganda nito. At sang-ayon ako sa sinabi ng itay. Maraming puwedeng gawin sa lupang iyon.   Ang may-ari ng nasabing lupa ay isang kaibigan at kababata ng itay na naninirahan na sa Canada. At sa itay niya unang inalok ang lupa. Ang gusto ng may-ari ay taga-baranggay lang din namin ang makabili. Sa isang milyon sa kabuuang limang ektarya ay napakamura na. Presyong kaibigan kumbaga.   Ngunit kagaya ng ibang tagaroon na katuld din naming mahirap, walang may kakayahang bumili. Ni ang mismong kubo nga namin ay hindi mapaayos-ayos. At lalo na’t nag-aaral pa ako noon ng vocational course at hirap na hirap ang itay sa paghahanap ng pantustos ng pag-aaral ko. Kaya wala sa priority namin ang bilhin ang lupang iyon.   “Ang buhay ay isang saranggola. Lumilipad nang matayog at naaabot nito ang kanyang tugatog. Sana, isang araw ay maging kagaya ka rin niya... nakakalipad at naaabot ang tuktok ng iyong mga pangarap,” ang sambit ng itay isang araw habang nagpapalipad kami ng saranggola.   Wala akong maisagot sa sinabi niyang iyon. Marahil ay hindi pa hinog ang aking kaisipan upang mapahalagahan ang kanyang mga sinasabi. Wala naman kasing pumapasok sa aking isip kung ano ba talaga ang gusto ko. Basta ang alam ko lang ay dapat akong mag-aral, makatapos sa vocational na kursong kinuha at makapagtrabaho ng kahit ano. Iyon lang…   “Ano ba ang pangarap mo, Elmer?” ang tanong niya.   Tila binatukan ang aking ulo sa tanong niyang iyon. Blangko ang aking utak. “W-wala naman po… Ewan hindi ko po alam, eh,” ang sagot ko na lang.   “Ah… iyan ang mahirap. Dapat ay ngayon pa lamang, may target ka na upang ang lahat ng hirap at pagsisikap mo ay nakapokus sa iyong target. Mahirap kapag sabihin mong wala kang pangarap. Para kang isang taong nasa gitna ng dagat at walang timon ang iyong sinasakyan. Saan ka patutungo? Bahala na lang kung saan ka ipapadpad ng hangin at alon?”   Hindi ako nakakibo. Naisip ko na tama ang aking itay. At baling ko sa kanya, “E… k-kayo po, ano po ba ang pangarap ninyo?” ang pagbalik ko sa tanong sa kanya.   “Ah… isa lang, at iyon ay ang magtagumpay ka, ang lumipad ng matayog kagaya ng saranggola,” sabay haplos niya sa aking buhok.   Tila natunaw ang puso ko sa sinabing iyon ng aking itay. Gusto ko siyang yakapin.   -----   Isang taon ang lumipas at natapos ko ang aking vocational na kurso. ‘Di nagtagal ay nakapagtrabaho naman ako bilang welder sa isang pabrika sa aming lungsod.   Tuwang-tuwa ang itay. Ngunit lalo pa siyang natuwa nang pagkatapos ng isang taon ay natanggap naman ako sa isang malaking kumpanya sa middle east.   “May anak na akong abroad!” ang pagmamayabang pa niya.   “Tay… kapag may sweldo na ako, ipaayos natin ang bahay natin ha? Bibili tayo ng TV, refrigerator, DVD player, at lahat ng gamit sa bahay. Tapos, bibili rin tayo ng kalabaw para may sarili ka nang alaga.”   Tumango lang ang itay at ngumiti. “Magpakabait ka roon, anak. Huwag kang malunod sa pera. Isipin mo palagi ang saranggola. Gaano man katayog ang lipad nito, nananatili pa rin itong naka-angkla sa lupa.”   Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang ipahiwatig ngunit “O-opo itay” na lang ang aking isinagot.   Masaya ako sa aking bagong trabaho sa abroad. Hindi kukulang sa limampung libo ang aking sahod buwan-buwan. Dahil libre ang lahat at wala ring tax, net income ko na ang limampung libo kada buwan.   Ngunit ang problema ay hindi ako naging matipid sa pera. Kagaya ng maraming nagtatrabaho sa abroad, naging maluho ako. Binibili ko ang kung anu-anong mamahaling luho – bagong modelo ng cell phone, TV, component, relo, sapatos, damit at kung anu-anong kagamitan na hindi naman talaga kailangan. At ang masaklap, nanghingi ng buwanang sustento ang aking itay – dalawampu’t limang libong piso. Kalahati ng aking sahod!   Syempre, sumama ang aking loob dahil sa laki ng kanyang hinihingi.   “Kasalanan ko! Sinabi ko pa kasi kung magkaano ang aking suweldo!” ang paninisi ko sa aking sarili. Naisip ko na marahil ay kagaya ko, natuto na ring maging maluho ang aking ama.   Noong pinakauna kong bakasyon, akala ko ay may makikita akong pagpapabuti sa aming bahay dahil nga sa malaking halagang pinapadala ko. Ngunit laking pagkadismaya ko nang makita ang aming bahay. Kung anong klaseng bahay ang aking iniwanan ay ganoon pa rin ang aking nadatnan. Walang pagbabago. Hindi pa rin nakabitan ng koryente, tagpi-tagpi pa rin ang atip, at iyong pangarap niyang kalabaw ay hindi rin niya nabili.   “Saan mo ba ginastos ang perang pinapadala ko ‘Tay?” ang paniningil ko. “Kung susumahin lahat ang sampung buwan kong pagpadala, aabot ang kabuuan nito sa 250,000 pesos. Nasaan na ang halagang iyon?”   “Eh… huwag mo nang hanapin. Kung magbibigay ka ng isang bagay, huwag mong ungkatin kung saan ito napunta. Ang mahalaga, bukal sa iyong kalooban ang pagbigay.”   “Ang laking pera noon ‘Tay!”   “Malaking halaga nga siya. Pero anong magagawa ko kung naubos ko na? Sa panahon ngayon, mabilis maubos ang pera.”   “Itay naman eh….” ang sagot ko na lang na may halong pagmamaktol.   “Huwag tayong mag-away nang dahil lamang sa pera, anak. Isipin mo na lang na napaligaya mo ako...”   “Nagsugal po ba kayo?”   “Hindi”   “May ibang bisyo?”   “Wala.”   “May babae?”   Hindi niya sinagot ang huli kong tanong. “Anak… magtiwala ka sa akin. Masaya at ipinagmamalaki kita sa kung ano man ang nakamit mo ngayon,” ang isinagot lang niya.   Kaya nagduda talaga ako na may babae siya. “Kapag napatunayan kong may babae po kayo, hinding-hindi na kita padadalhan pa ng buwanang sustento,” ang pagbabanta ko.   Ngunit hindi ko pa rin matiis ang aking ama. Napag-isip-isip ko na matagal nang pumanaw ang inay at wala siyang katuwang sa buhay. Alam kong malungkot siya lalo na’t wala ako sa piling niya. Kaya napag-isip-isip kong okay lang siguro kapag may babae siya. “Biyudo naman siya at puwedeng-puwedeng mag-asawa muli. At tsansa pang magkaroon ako ng kapatid,” sa isip ko lang.   Tinawagan ko ang itay at ipinarating sa kanya ang aking desisyon na hindi ako magagalit kung may babae man siya, at na kung gusto niyang mag-asawang muli ay wala akong tutol.   Doon na inamin ng itay na may babae nga siya ngunit. At hindi raw niya pakakasalan ito.   “At bakit naman po. Mas maganda iyong magpakasal kayo upang may commitment siya na alagaan ka, dadamayan ka, at hindi na maghanap ng iba.” Nahinto ako sandali, “Bata pa ba siya?”   Hindi agad nakasagot ang itay. “Ah… oo,” ang pag-amin din niya.   Ako naman ang nagulat. Hindi ko alam kung matuwa o magduda. “Bakit? Ayaw ba niyang pakasalan ka?”   “Ah… hindi ko naman siniseryoso iyon,” ang sagot niya. “Huwag mo na nga lang akong pakialam. Basta masaya ako, okay na. Ang pagtuunan mo ng pansin ay ang trabaho mo.”   Medyo nadismaya ako sa sagot ng itay. Ramdam ko kasing naglalaro lamang siya sa babae. At kapag ganoon ang ginagawa niya, nangangahulugang ang babae ay namemera lang, nagbibigay lamang ng panandaliang aliw. At walang patutunguhan ang pagpapadala ko sa kanya ng pera buwan-buwan dahil sa babae lamang ito napupunta.   Kaya sa aking pagtatrabaho, mas lalong nawalan ako ng ganang mag-ipon. Kasi, ang sarili ko ngang tatay, hindi naman pinapahalagahan ang aking pinaghihirapan. Sa kanya pa lamang, malaking pera na ang nawawala sa akin. Kaya ang ginawa ko, nagwawaldas ng pera. Gastos dito, gastos doon.   Natapos ang pangwalong taon ko sa abroad at muling nakapagbakasyon. Kagaya ng dati, nagbonding kami ng itay ko sa lupaing iyon. Na-miss na raw niya ang pagbabonding namin, ang pagpapalipad namin ng saranggola at ang paliligo namin sa ilog. Simula kasi nang mag-abroad ako, hindi na ako nakadalaw pa sa lugar na iyon.   Ngunit taliwas sa naunang mga bonding namin kung saan ay malakas pa ang itay, sa panahong iyon ay bakas na sa mukha ng itay ang mga panahong lumipas. Matamlay at may kahinaan na ang kaniyang galaw at paglalakad, at hindi na siya ganoon ka masayahin. Iyon ang pagbabagong napansin ko.   Kagaya ng itay, may pagbabago rin akong napansin sa lugar. May dam na sa ilog na yari sa mga malalaking bato na maayos na pagkahilera. At lalong pa itong nagpaganda sa bagsak ng tubig patungo sa isang natural din na pool sa baba.   Noong tiningnan ko ang parte na malapit sa pampang, namangha ako sa aking nakita. Mayroon nang isang bago, kungkreto, at magandang bungalow na sa tingin ko ay katatapos pa lamang magawa.     “Mas gumanda na ang lugar!” sa isip ko lang. Sinarili ko na lang ang aking paghanga sa aking nakita. Alam kong pangarap ng itay ang maangkin ang lupaing iyon ngunit ngayong may bago nang nagmamay-ari nito at imposible nang maging amin, ayaw kong masaktan siya. Nagkunyari akong hindi ko napansin ang ganda ng pagbabago sa lugar.   Ngunit sa loob-loob ko, may inggit akong nadarama. Walong taon ako sa abroad ngunit ni kahit pagpapaayos sa aming bahay ay hindi ko nagawa. Dampa pa rin an gaming tinitirhan. Lampara pa rin ang aming gamit na pang-ilaw sa gabi.     “M-may nakabili na pala sa lupang ito tay?” ang malungkot kong tanong.   “Oo… ibinenta na ng may-ari kasi sobrang tagal na walang nag-aalaga at hindi pa napapakinabangan. Dalawang milyon ang pagbili niya!”   “D-di po ba isang milyon lang iyon dati?”   “Oo. Ngunit tumaas na ang presyo nito gawa nang napakatagal na.”   “G-ganoon po ba? Kasuwerte naman po ng nakabili.”   “Maswerte talaga...”   “T-taga-saan naman daw po ang nakabili?”   “Taga-rito rin… Ngunit nasa abroad din ang anak. Magaling lang sigurong humawak ng pera.”   Pakiramdam ko ay nanlumo ako sa aking narinig. Parang sinampal ako ng maraming beses. Gusto kong umiyak. Pakiwari ko ay ako ang pinariringgan ng aking itay, na hindi ako marunong humawak ng pera bagamat siya rin naman ang dahilan kung bakit hindi ako nakapag-ipon. Hindi na lang ako kumibo. Ibinaling ko na ang aking paningin sa ibang bagay.   “Naalala mo pa ba ang aral ng Saranggola?”   Binitiwan ko na lang ang isang pilit na pagtango. Iyong napilitan. Mistula akong natunaw sa kahihiyan. Naalala ko pa noong sinabi niya na ang pangarap niya ay ang magtagumpay ako. Ngunit bigo akong makamit iyon. Ang ibig sabihin noon, ay ako ang dahilan ng pagkabigo ng pangarap ng aking itay.   “T-tay…. Ayoko na pong mag abroad,” ang nasambit ko na lang. Iyong pakiramdam na nawalan ka na ng pag-asa at susuko ka na lang.   “Ano?” ang gulat niyang sagot. “Ano ang gagawin mo rito?”   “M-mag-tarabaho po sa bukid, kagaya ninyo, magsaka. Hindi naman mahalaga ang pera, ‘di ba? Ang importante ay masaya ako na kapiling ka. At masaya rin ako sa pagsasaka. Ayoko na roon sa abroad, ‘Tay. Wala namang nangyari sa buhay ko roon.”   Biglang nahinto ang itay. Halata sa kanyang mukha ang ibayong lungkot. Ngunit hindi niya ako pinigilan. “S-sige anak… ikaw ang bahala.”   Tahimik.   “Tamang-tama, masakitin na rin ako. Baka isang araw ay mawala na lang ako bigla sa mundo. Kahit papaano, nandito ka na sa tabi ko…” ang pagbasag niya sa katahimikan.   “Hindi mangyayri iyan itay… ‘di ba mag-aasawa pa po kayo?” ang biro ko.   Binitiwan lang niya ang isang pilit na ngiti sabay akbay sa aking balikat. Maya-maya lang ay hinalikan niya ako sa aking pisngi.   Nagulat ako sa paghalik niyang iyon. Hindi naman ganoon ka-expressive ang itay. Ni kahit minsan ay hindi pa ako hinalikan niya. Wala akong naaalala.   Nang tinitigan ko siya, nakita ko ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata. Hindi ko na tinanong pa kung bakit. Ang nasa isip ko ay marahil, nanghinayang siya sa pagkakataong makamit ko na sana ang aming minimithing pangarap ngunit sinayang ko ang pagkakataong iyon.   -----   Bumalik ako sa aking trabaho sa abroad na nakapokus na sa aking isip na iyon na ang pinaka-huli kong taon ng pagtatrabaho sa abroad. Subalit, hindi pa natapos ang kontrata ko ay nakatanggap ako ng isang masamang balita. Pumanaw ang aking itay.   “Paano nangyari Mang Frank!” ang tanong ko sa kapitbahay naming kaibigan ng itay.   “May kanser ang iyong itay. Matagal na niyang iniinda! Hindi mo ba alam? Sinabi ko kasi sa kanya na ipaalam sa iyo noong huli mong pagbakasyon.”   “Hindi po niya sinabi!”   “Ayaw kasi niyang mag-alala ka at hindi makapagtrabaho nang maayos. Ngunit pinayuhan ko siya na sabihin na sa iyo dahil malala na ang kalagayan niya noong pagbakasyon mo.”   Hindi ko na napigilan ang hindi mapahagulgol. Naawa ako sa itay at doon ko narealize na kaya pala siya nanghingi ng malaking pera buwan-buwan dahil sa kanyang pagpapagamot.   Agad akong umuwi bitbit ang matinding sakit sa katotohanang wala na ang pinakamamahal kong itay. At mas lalo pa akong nasaktan dahil wala man lang ako sa kanyang piling sa huling mga araw niya.   “Tay... patawarin po ninyo ako. Nag-isip po ako ng masama sa inyo dahil lang sa pera. Kung alam ko lang po sana ‘Tay na kailangan pala ninyo ang pera... sana hindi ko na lang winaldas ang mga iyon. Sana ay nadugtungan pa ang buhay ninyo!” ang sigaw ko habang na yakap-yakap ang kanyang kabaong.   Ngunit kahit anong pagsisisi at panaghoy ang gagawin ko, hindi na niya ako naririnig pa…   -----   Pagkatapos ng libing, ibinigay sa akin ni Mang Frank ang isang karton na inihabilin ng aking ama sa kanya upang ibigay niya sa akin kapag may nangyari sa kanyang masama.   Dali-dali kong binuksan ang karton. Ang unang bumulaga sa aking paningin ay ang saranggolang pinakatago-tago niya. Iyon ang pinakaunang saranggolang ginawa niya para sa akin. May nakasulat, “Ang saranggola ay maihalintulad sa buhay ng tao… sa paglipad nito ay kailangan din ng gabay. Sana ay naging mabuting gabay ako para sa iyo, anak...”   Tumulo na naman ang aking mga luha. “Itay... patawad po. Napakabuti po ninyong gabay. Nakalipad ako, narating ang malayong lugar. Ngunit para rin akong isang saranggolang napunit sa hangin at bumulusok. Ako po ang may problema ‘Tay... Ako ang sumira sa ating mga pangarap. Patawarin niyo po ako. Bigo po ako…” ang sambit ko habang humahagulgol.   Nasa ganoon akong paghagulgol nang napansin ko ang isang sobre sa loob ng karton. Nang binuksan ko ito, nakita ko ang papel na may sulat-kamay ng itay. “Anak… pasensya ka na, hindi ko ipinaalam sa iyo ang aking karamdaman. Ayoko lamang na mag-alala ka. Pasensya ka na rin sa paghingi ko ng buwanang sustento. Ang totoo, inipon ko ang lahat. Hindi totoong may ibang babae ako. Ang inay mo lamang ang mahal ko at ikaw lamang ang nag-iisa kong anak. Ayaw kong baguhin pa ang mga iyan sa buhay ko. Noong umabot na ng sapat ang pera, saka ko ito ginastos. Patawarin mo ako anak. Naalala mo noong tinanong mo ako kung sino ang nakabili ng lupa sa may ilog at ang sagot ko ay isang kapitbahay na ang anak ay nasa abroad? Ikaw iyon, anak. Sa iyo ang limang ektaryang lupa na iyon, pati na ang bahay. Ako ang nagpatayo noon, gamit ang pera mo. Gusto kong isorpresa kita. Nakita ko kasi kung paano mo nilustay ang pinaghirapan mong pera. Hindi kita sinisisi. Naintindihan kong sabik ka sa mga bagay na noon mo lamang nakamtan at nahawakan. Kaya ako na ang gumawa ng paraan. Ayaw kong kagaya ko, masadlak ka sa kahirapan. Huwag kang mag-alala, masaya ako sa aking paglisan dahil kagaya ng saranggolang may matayog na lipad, naabot mo rin ang rurok ng tagumpay. Paalam, anak. Mahal na mahal kita...”   WAKAS.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

ONE NIGHT WITH MY BOSS BILLIONAIRE (SPG/FREE)

read
10.1K
bc

The General's Grandson(TAGALOG/SPGR18+)

read
167.0K
bc

PARAUSAN NG BILYONARYO

read
55.1K
bc

POSSESIVE MINE

read
976.0K
bc

DARCY'S DADDY (BXB)

read
22.2K
bc

Yakuza's Contract Wife [ SPG ]

read
177.0K
bc

NINONG HECTOR (SPG)

read
56.8K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook