HINDI talaga ako makapaniwala na may gusto rin palang makipagkaibigan sa akin, at 'di ko pa inaasahan na isa pa siyang babae. Madalas kasi akong nilalayuan ng mga kaklase ko, kaya nga nang ako'y tanungin ni Venus na kung pwede raw ba kaming maging magkaibigan?
Gumaan bigla ang pakiramdam ko. Gusto kong ngumiti pero pinigilan ko iyon. Sa totoo lang, hindi kasi ako pala-ngiting tao.
"Ang tahimik mo Mars?" tanong ni Venus sa akin, kasalukuyan kaming nakatambay sa rooftop. Absent kasi ang dalawa naming teacher para sa sunid naming subjects, kaya pumunta ako dito. Ito namang si Venus, sumunod sa akin.
"Kasama ba ng pagiging magkaibigan natin ang pasunod mo kung sa'n ako pumunta?" tanong ko sa kanya.
"At pwede ba, Marcelo ang itawag mo sa 'kin. Ang pangit-pangit ng Mars." Dagdag ko pa. Sa totoo lang, naririndi na rin ako sa bibig ng babaeng ito.
Napatigil siya sa ginagawa niyang pagbabasa at tumayo.
"Syempre! Bilang kaibigan mo, gusto ko na samahan kita para 'di ka gumawa ng ikakapahamak mo," abi niya sa akin at nakapamewang pa siya habang sinasabi 'yon.
"At iyong Mars, ehmmm..." Nag-isip siya ng konte.
"Ayaw ko nga, ang cute kaya ng Mars."
NAKAKAASAR, kahit anong pilit ko na huwag niya akong tawaging Mars ay 'di ko mapilit. Halos isang linggo na niya akong tinatawag sa gano'ng pangalan. Pati si Ma'm Jane at ang ilan sa mga kaklase ko ay nahawa na rin, Mars na rin ang itinatawag nila sa 'kin.
Napatingin ako sa malayo nang bigla akong may naisip na itanong sa kanya.
"Pero seryoso 'to. Bakit sa dinami-rami ng pwedeng maging kaibigan, bakit ako?"
"Hindi naman lingid sa kaalaman mo na marami ang ayaw sa 'kin, tingnan mo nga ang itsura ko... Mukha akong adik!" dagdag ko pa.
Lumapit siya sa 'kin at sumandal din sa dingding gaya ko.
"Hindi ko in-expect na itatanong mo sa 'kin iyan," aniya.
"Basta! Basta, gusto kitang maging friend... Bakit, ayaw mo ba?"
Napakawalang-kwenta ng sinagot niya, pagkatapos ay tinanong pa ako.
"Hindi naman sa ayaw ko... Tingnan mo nga ako, 'di ka ba natatakot sa itsura ko?" Muli ko siyang tinanong pero tinawanan niya lang ako.
"Ang OA mo, wala akong pakialam kung gan'yan ka o ano ka. Basta gusto kitang maging friend... That's it!" Nakangiti pa siya nang sinabi niy iyon sa akin.
Nasabihan pa ako ng OA, kung sabagay, tama naman siya. Kung ano-ano lang kasi ang iniisip ko. Dapat nga'y magpasalamat ako dahil may gustong makipagkaibigan sa 'kin, at hindi lang 'yon... isa pa siyang cute na babae.
Hindi naman ako bulag para 'di mapansin na may itsura siya. Ang mga kaklase ko ngang lalaki, inggit na inggit sa akin. Bakit daw sa dinami-rami ng matinong lalaki ay ako pa ang kinaibigan ni Venus? Kaso, wala silang magagawa, iyon ang gusto ng crush nila at 'di ko ito kasalanan.
"Tara na, Mars," yakag niya sa 'kin.
"Malapit nang mag-time para sa next subject, baka ma-late tayo.
"Ako na talaga si Mars," bulong ko na lang sa aking sarili.
KINAHAPUNAN, 'di ko alam kung bakit halos lahat ng teacher namin ay wala. 'Yong teacher namin sa last subject na MAPEH, wala rin. Naisip ko na kung ganito ay mas mabuti pa na umuwi na lang ako. Tutal, wala na rin naman akong gagawin dito. At kagaya ng madalas kong ginagawa, mag-o-over-de-bakod na naman ako sa likod ng Building C. Hindi ko kayang maghintay hanggang alas-singko.
"Sa'n ka pupunta, Mars?" tanong agad ng katabi kong si Venus.
"Maglilibot lang ako sa labas... may bibilhin pala ako sa Canteen," wika ko na kaagad niyang kinunutan ng noo.
Mukhang palpak pa ang palusot ko kaya napataas din siya ng kilay.
"Weh? Dala ang bag? Parang uuwi ka na n'yan. Kaso 'di ka papalabasin ng guard," aniya.
"Basta, 'ge... d'yan ka na," sabi ko at lumabas na ako ng room. Hindi ko na siya pinansin at nagmadali akong lumabas. Pumunta agad ako sa likod ng Building C, nandito ang mga 3rd year sections. Ang masama nito, 'pag may nakakita sa akin ay madaling makakapunta ang mga ito para ako'y sitahin dahil may backdoor ang building. Maraming nakakaalam na lahat ng mga gustong umuwi ng maaga ay dito pumupunta kasi 'di pa natataasan ang bakod dito. Kaya nga kadalasan ay may mga officers na nagmamatiyag dito.
Naging maingat ako sa mga kilos ko, maraming beses na akong nahuli at ayaw ko nang dalhin sa guidance office.
"Ok! Wala," sabi ko sa aking sarili at pagkatapos ay dahan-daha't dali-dali akong umakyat ng bakod. Akala ko'y lusot na ako, kaso biglang may isang estudyante ang lumabas sa backdoor.
"Hoy! Bawal 'yan!" Sumigaw pa siya kaya may nagsisunuran pang mga estudyante.
"Bumalik ka dito, Marcelo!" Nataranta na nga lang ako dahil nando'n din pala si Ma'm Jane. Nasa taas na ako ng pader kaya masasayang ang pagod ko kung ako'y babalik pa. Pasensya na Ma'm, sabi ko sa aking isip at pagkatapos ay tumalon na ako palabas. Patakbo na sana ako nang biglang may malamig na bagay ang pumulupot sa mga binti ko. Napangudngod nga ang mukha ko sa lupa nang ako'y madapa.
"Nag-over the bakod ka, Mars!" Nagulat ako nang isang pamilyar na boses ang nagsalita.
"Bad ang ginawa mo, Mars..."
Tatayo na sana ako pero nanlaki ang mata ko nang aking makita ang bagay na nasa binti ko. Tubig na parang lubid iyon. Lumakas nga ang kabog ng dibdib ko. Sinundan ko ang pinagmulan ng bagay na 'yon.
"V-Venus..."
Napatakbo ako nang malaman ko na siya pala ang may hawak sa bagay na 'yon. Pero hindi ako nakalayo dahil may nakapulupot sa binti ko.
"Halimaw ka!" Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klaseng takot. Si Venus na nakipagkaibigan sa akin... Hindi siya tao!
Nanginginig ang mga tuhod ko dahil sa aking natuklasan. Nagdilim ang paningin niya habang papalapit sa 'kin. Wala akong laban sa kanya dahil sa kakaiba niyang mahika o kung ano man iyon. Napalunok-laway na lang ako, mukhang papatayin na niya ako. Itinaas na nga niya ang isa niyang kamay... gagamitan niya yata ako ng kanyang kapangyarihan. Napapikit na lang ako. Mukhang katapusan ko na yata.
Hanggang sa isang pagtawa mula sa kanya ang narinig ko at pagkatapos ay pinisil niya ang aking ilong.
"Nakakatawa ka, Mars! Takot na takot ka talaga..." Tumawa talaga siya nang tumawa.
"Ang tapang mo 'pag nakikipagsuntukan pero heto't nabahag ang buntot mo sa akin!"
Inalis na niya ang nakapulupot na bagay sa mga binti ko at dahil do'n ay nagmadali akong tumakas.
"Mars! Hmm..." Pero bigla siyang lumitaw sa harapan ko.
"Sa'n ka ba pupunta?"
No choice na ako, mukhang hindi ko siya matatakasan. Hindi na niya hawak ang mga binti ko. Kahit babae s'ya ay kailangan ko siyang labanan.
"Umalis ka sa daraanan ko!!" Isang malakas na suntok ang ginawa ko pero walang kahirap-hirap niya itong sinalag gamit ang isa niyang kamay.
"Tumigil ka nga, Mars! Magpapaliwanag ako," wika niya sa akin pero 'di ko siya pinakinggan.
"Halimaw ka!" Sumuntok muli ako, pero nahawakan niya ang aking braso at itinulak niya ako sa lupa. Pagkatapos no'n ay may nabuong bola ng tubig sa mga palad niya.
"Mars... 'pag 'di mo pa ako pinakinggan ay tatamaan ka na talaga!"
Tanging pagtakas lang ang nasa isip ko nang mga oras na iyon. Patakbo na ako nang ibato niya ang bolang-tubig sa aking daraanan.
"Ayaw ko na! Hindi na ako tatakas!" Itinaas ko pa ang dalawa kong kamay para hindi niya ako saktan. Nang dahil sa bola ng tubig na itinira niya sa lupa... nagkaroon ng hukay ang daraanan ko. Pa'no pa kaya kung sa akin iyon tumama? Napa-antanda na lang ako ng Krus habang siya'y lumalapit sa akin.
"Alam mo, ang OA mo! Now I know..." Nakapamewang siya habang tinatawanan ako.
"Wala akong gagawing masama sa 'yo, okoy! Friend nga kasi kita..."
Medyo nabawasan ang kaba ko sa sinabi niyang iyon, tapos ngumiti pa siya.
"S-Si... Sino ka ba talaga?" nauutal kong tanong sa kanya.
"At ano 'yong nakita ko kanina? Hindi iyon kayang gawin ng normal na tao..."
"Sasabihin ko rin sa 'yo, ok? Pero bago 'yon, bakit ka nag-over the bakod?" tanong niya sa akin. Naging parang imbestigador ang dating niya sa klase ng kanyang pagtatanong sa akin. Hindi ko siya sinagot, bagkus ay tinalikuran ko siya.
"Ano ba Mars!" Nagulat ako nang tinalunan niya ako at lumapag sa harapan ko.
Shet! Hindi nga siya tao.
Ang sama ng tingin niya sa akin.
"Bakla ka ba?" Pero sa tanong niyang iyon ay parang nagpintig ang punong-tainga ko. Ang huling tao na nagsabi o nagtanong sa 'kin ng gano'n ay binugbog ko... Pero sa pagkakataong ito'y mukhang 'di ko magagawa. Matikas na lamang akong tumindig at seryoso ko siyang tiningnan.
"Pakiulit nga ng tanong mo?" sabi ko. Pero tinawanan niya lang ako sa tanong ko na iyon. Muli niya akong tinanong kung bakit daw ako tumakas, nakulitan na ako kaya sinagot ko na rin.
"Ang kulit! Nainip kasi ako, gusto ko na pating umuwi. Wala na naman tayong klase..."
"Ay ikaw? A-Anong ginagawa mo dito?" pahabol kong tanong.
"Eh... Ano," sabi niya at napatawa pa siya.
"Friend nga kita, 'di ba? Halata ko kasing nagsisinungaling ka kanina... Ito na ang una't huli na pagtakas ko. Pero, alam mo..." Tinawanan na naman niya ako.
"Ang dami ko talagang tawa sa iyo kanina... 'di ko akalaing gano'n kang matakot." Sinabi pa niya na patuloy sa pagtawa.
Hindi ko nga alam kung maaasar ba ako o matatakot. Nakaramdam pa ako ng hiya dahil sa sinabi nya. Kahit naman sino siguro'y matatakot sa kanya. Isang tao na kumokontrol ng tubig? Hindi 'yon normal at tao ako, matatakot syempre ako.
"Yabang mo! Matatakot syempre ako... hindi ka kasi tao," tugon ko sa pang-aasar niya. Napatigil siya sa pagtawa at biglang sumeryoso ang itsura. Kinabahan ako, nagalit yata at biglang kinuha ang kanang kamay ko.
"Nakikita mo ba ito, Mars? Ang tattoo na ito... Patunay ito na magkapareho tayo!"
Hindi ko makuha ang pinupunto niya. Anong ibig niyang sabihin? Ang malas na markang ito sa palad ko... Paano kami naging magkatulad?
"Huwag mo nga akong lokohin," sabi ko sa kanya.
"Tao ako at normal! 'Wag mo akong itulad sa iyo."
"Uhmmp..." Pero pinitik niya lang ang tainga ko.
"Ang OA mo, sinabi ko nang parehas lang tayo..."
Ngumiti na nga siya at tumalikod sa akin.
"Hoy! Anong gagawin mo?" tinanggal kasi niya ang unang-tatlo na butones ng suot nyang blouse.
"Sira kang babae ka!" Pipigilan ko na sana siya pero tumambad sa akin ang likod niya na may markang katulad ng nasa palad ko. Kung sa akin ay hugis apoy, ang kay Venus naman ay hugis tubig.
"Matagal nang nasa likod ko ito. Sinubukan ko na itong burahin pero ayaw... hanggang isang araw, nagulat na lang ako nang aking matuklasan na kaya ko palang komontrol ng tubig..." paliwanag niya at pagkatapos ay kanyang inayos ang pagkakasuot niya sa blouse. Nakangiti pa siya na humarap sa akin.
"Kung ang sa akin ay tubig, apoy naman ang sa 'yo."
Hindi ko alam kung paano magsasalita sa mga sinabi niya. Batid ko na hindi siya nagsisinungaling pero paano ako maniniwala? Napatingin ako sa kanang palad ko. Itinapat ko ito sa lupa at nag-concentrate. Inisip ko na may lalabas ditong apoy... at pagkatapos ay ibinira ko ito sa lupa.
Nakarinig ako ng pigil na pagtawa sa tabi ko kaya parang naasar ako. "Pinagtitripan mo ba ako? Wala namang lumabas na apoy 'ah!" Naiinis kong sinabi sa kanya.
Ginagawa lang yata akong sira-ulo ng babaeng ito.
"Saan ka pupunta?" tanong niya agad sa akin.
"Uuwi na ako! Pinagtitripan mo lang ako..." Sabi ko matapos iyon.
"At ngayon, alam ko na rin kung paano mo napabagsak ang mga bumugbog sa 'kin... at ang paggaling ng mga sugat at galos ko?"
"Nagulat din ako nang bigla kitang mapagaling gamit ang kapangyarihan ko..." wika nya.
"Ikaw ang una kong napagaling."
"Ipinakita ko sa iyo na ganito ako dahil kaibigan kita... Nagulat nga ako nang makita ko ang tattoo sa palad mo nang pinagaling kita." Dagdag pa niya.
Kaibigan. Matagal na rin nang huli akong magkaroon ng gano'n. At ngayon, isang babae ang nakipagkaibigan sa akin. Isang 'di-ordinaryong babae. Gusto kong matawa, pero tinakbuhan ko na lang siya.
"Hoy! Hintay!" sigaw ni Venus at walang kahirap-hirap niya akong naabutan.
"Mars... Gusto ko lang sabihin sa iyo na," Hindi niya itinuloy ang kanyang sinasabi. Hindi ko maipaliwanag pero parang kinabahan ako.
"Ano 'yon?" seryoso kong tanong.
Nginitian na naman niya ako.
"Don't forget na may assignment tayo sa Math, Science at English. 'Wag mo ring kalimutan na ang group natin ang cleaners bukas." Nagpaala-ala siya, pagkatapos ay huminto siya at nagpaalam na sa akin.
"Ingat ka, Mars!"
Akala ko pa naman napakahalaga ng sasabihin niya. Kailangan ko nga talagang umuwi agad, ang dami pala naming assignment. Habang naglalakad ako pauwi ay napatingin ako sa kanang palad ko.
"May kapangyarihan nga kaya ako?" naging palaisipan sa akin ang bagay na iyon. Ang sinabi ni Venus, totoo nga kaya na pareho kami?