Apoy 10

1583 Words
LUNES na naman at kailangan na namang pumasok. Makikita ko na naman ang babaeng iyon. Kung sabagay, wala naman akong magagawa dahil magkaibigan daw kami. "Mars! Wait!" Narinig kong may tumawag sa akin habang papasok sa gate ng school at mukhang kilala ko na kung sino. "Hi Hi Hi!" Tumatawa pa siya nang lumapit sa akin. Tiyak na panibagong araw ko na namang kasama siya. "Hui! Ba't ang tahimik mo?" tanong niya sa akin habang magkasabay kaming naglalakad papunta sa room. "Galit ka ba dahil do'n?" may kahinaan niyang tanong. Nakuha ko naman agad ang tinutukoy niya. "Hindi ako galit," sabi ko. "Gusto ko lang ng katahimikan," dagdag ko pa. Pumasok kami sa room nang 'di man lang siya inimikan. Matapos umupo ay agad akong umub-ob sa aking desk. "Hmm...Kaya ko lang naman ginawa 'yon kasi gusto nina Lola. Hindi ko rin naman ginusto 'yon. Hindi ko nga alam kung bakit nila gustong magka-bf na ako," mahina niyang paliwanag sa akin. Sa mga narinig kong iyon ay bigla kong naalala ang aking sinabi sa Lolo't Lola niya. "Ako po ang bahala sa kanya." Napatunghay ako at napabuntong-hininga dahil do'n. Hindi ko talaga alam kung bakit ko iyon nasabi sa kanila. "B-babawiin ko na lang... 'wag ka lang magalit," malungkot niyang sinabi habang nakatingin sa kawalan. "S-sige na nga! Okay lang sa 'kin, basta sa Lolo't Lola mo lang," mabilis kong tugon. Kung bakit kasi ako pa? Ang dami naman d'yang pwede. Naiilang tuloy ako sa kanya. Tapos t'wing mapapatingin ako sa kanya, pakiramdam ko ay gumaganda siya. Pansin ko na mas gumanda siya ngayon. Napansin ko pang parang iba siya ngayon... ngayon ko lang siya nakitang may lipstick sa labi at parang mas tumapang ang amoy ng kanyang pabango. Ayaw ko sanang isipin, pero hindi ko maiwasan. Mabuti na nga lang at 'di na siya umimik matapos ang sinabi kong iyon, bagkus ay kumuha siya ng notebook at pasimpleng nagsulat. "Mas pogi ka 'pag naka-smile." Pasimple akong napapangiti 'pag naaalala ko iyon. Ewan ko ba, parang ang lakas ng kapangyarihan no'n para mapangiti ako. Ayaw ko ngang maalala pero 'laging sumasagi sa isip ko. ORAS na ng recess, wala akong pera kaya tahimik na lang akong dumungaw sa bintana at tumingin sa labas. Pinagmasdan ko na lang ang paligid, baka mabubusog na rin ako sa paglanghap ng sariwang hangin. "M-mars!" Napapitlag ako ng bahagya nang may nagsalita malapit sa akin. Isa ito sa mga kaklase ko. "B-bakit?" tanong ko sa kanya. "A-ano...T-tawag ka ni Venus," nakangiti niyang sagot. "Ayun s'ya! Nasa may pinto, hinihintay ka." Itinuro pa niya sa akin kung nasaan si Venus. Hindi ko sana siya lalapitan dahil nakatingin sa akin ang mga kaklase ko pero napilitan na rin ako. Todo-ngiti tuloy sila sa akin. Under na nga yata ako ng babaeng ito. "Ano'ng problema?" tanong ko sa kanya habang nakatingin sa malayo. Naghintay ako sa pagsagot niya, pero wala. Parang hindi siya ang kaharap ko. "T-tayo sa canteen!" sabi niya at nabigla ako nang hawakan niya ang kaliwang braso ko. Hindi ko alam kung dapat ba akong mailang dahil ang daming nakakakita sa amin pero... para talagang kakaiba siya ngayon. Hindi siya ang Venus na nakasanayan ko. "Ano'ng gusto mong kainin? Sagot ko," sabi niya sa akin habang nakatayo kami sa harapan ng bilihan ng pagkain sa canteen. "Tubig na lang ako," tugon ko. Napabuntong-hininga siya sa sagot ko at padabog siyang kumuha ng tray. Umorder siya ng dalawang plate ng spaghetti, dalawang sandwich, at dalawang softdrinks. "Ikaw ang magdala!" Iniabot niya ito sa akin at naghanap naman siya ng aming mapu-pwestuhan para kumain. "Ayun! Doon tayo," sambit niya at sumunod naman ako. Pagka-upo nga lang namin ay biglang may kumatyaw sa aming dalawa, ang mga kaklase pala namin. "Ayieh! Ang sweet naman nila! Mars and Venus!" "Bagay!" sabi no'ng isa. "Ayieh!" Pinagtinginan tuloy kami ng mga nasa canteen. Napayuko na lang ako dahil sa hiya. Nginitian naman ni Venus ang mga kaklase namin. Ewan ko ba, bakit yata tuwang-tuwa pa siya sa pang-u-ulit ng mga kaklase namin. "Ubusin mo 'yan, huh!" sabi niya sa akin na parang nag-uutos. "Dapat ay 'di ka na gumastos," sagot ko naman. "Kumain ka na nga lang!" pagalit niyang sinabi, kaya tumahimik na lang ako. Kung sabagay... grasya ito, kaya dapat tanggapin ko na rin. Ang sama lang kasing tingnan, siya na nga ang babae, tapos siya pa ang gumastos. "Bakit ko ba iniisip na girlfriend ko siya? Nakakarumi!" Napailing na lang ako sa naisip ko. Sa Lolo't Lola nga lang pala niya kami dapat magpanggap at hindi 'yon seryosohan. Kumain na lang ako para makalimutan ang walang kwentang bagay na 'yon. "Problema mo?" tanong ko kay Venus nang mapansin kong nakatingin siya sa akin. "W-wala! Kumain ka na lang," naiirita niyang tugon. Napansin ko pang namula ang pisngi niya at nahuli ko pa siyang ngumiti. Pagpasok namin sa room, ay umaatikabong kantyaw ang sumalubong sa aming dalawa. Hinayaan ko na nga lang ang mga kaklase ko, wala rin namang mangyayari kung magsasalita pa ako. Kaya umupo na lang ako at tumahimik. "Ui! Venus! Kayo na ba ni Mars? I mean, ni Marcelo?" tanong ng isa sa mga kaklase naming tsismosa. Napatawa naman si Venus sa tanong na iyon. "Close lang talaga kami. As if namang may love hormones ang katabi ko." Pinalo pa niya ako sa braso. Nagtawanan naman ang lahat ng mga kaklase ko dahil sa sinabi niyang iyon. Pakiramdam ko nga ay ako ang pinagtatawanan nila. Kung ano-ano pa kasi ang sinasabi ng katabi ko sa kanila. KINAHAPUNAN, bago mag-uwian ay biglang may ni-request sa akin si Venus. Gusto ko sanang tanggihan, pero kagaya ng palaging nangyayari... pumayag na rin ako. "Oo na!" sabi ko sa kanya. Gusto kasi niyang ihatid ko siya sa sakayan. Ewan ko ba, parang may nakain yata siyang 'di maganda ngayon. "Pagtsi-tsismisan na naman kami ng mga kaklase namin," bulong ko. "May sinasabi ka ba?" nakangiting tanong ni Venus. "W-wala! Sabi ko, tara na." Pagkalabas pa lang namin sa gate ng school ay kapansin-pansin agad ang mga naka-itim ng t-shirt sa labasan. Para silang mga m'yembro ng frat. Hindi sila mga estudyante rito dahil hindi ko sila namumukhaan. Marami sila at parang may hinahanap, kalat-kalat din kasi sila. "Shet!" bulalas ko nang mapansin kong may tattoo sila ng bungo sa kanang braso. Hindi ako pwedeng magkamali, kasamahan ito ng mga snatcher sa Poblacion at ni Boy Arnis. Pero bakit sila nandito? Ako kaya ang hinahanap nila? Ang dami kong tanong pero isa lang ang sigurado, masama ang kutob ko rito. Sa dami nila, tiyak na makikita nila ako, kung ako nga ang kanilang hinahanap. "V-venus..." bulong ko sa kanya. "Why?" "P-pasensya na, bukas na lang kita ihahatid." Pagkasabi ko no'n ay nakayuko akong naglakad. Hindi ko na nilingon si Venus at mabilis akong lumayo sa school. "Ayun siya!" Nalintikan na! Akala ko'y makakalusot na ako, hindi rin pala. May hawak pala sila ng picture ko at 'di ko alam kung saan nila nakuha iyon. "Mga Brad! Ayun siya!" isinigaw pa niya, dahilan para malaman ng mga kasamahan niya. Doon na ako kumaripas ng takbo. Narinig ko pa ngang nagtilian ang ilang babaeng kapwa ko estudyante at malamang marami rin ang 'di nagulat... palaaway pa rin kasi ang imahe ko sa kanila. Ayun! Sa tantya ko ay nasa dalawampu ang humahabol sa akin na mga mukhang adik. Pumasok ako sa isang maliit na gubat para mataguan sila. Ang akala ko nga'y hindi nila ako susundan, pero akala ko lang iyon. "Halughugin n'yo! Hindi dapat makatakas 'yon!" utos ng tumatayong lider nila. May katangkaran at may hawak pa siyang tubo. Puro aritis din ang tainga niya. Nagtago ako sa kumpol ng d**o, subalit minamalas yata ako. Napatalon kasi ako nang biglang may nalaglag na maliit na ahas mula sa itaas. Dahil na rin sa dami nila, kaya ayun... mabilis nila akong nakita. Hindi na ako nakatakbo dahil agad nila akong pinalibutan. Karamihan sa kanila ay may mga dalang pamalo at mukhang delikado ako rito. "M-mga Brad! Hindi ko yata kayo kilala," sabi ko sa kanila. "Sino ba kayo?" dagdag ko pa. Dito na ako nilapitan ng tumatayong lider nila. May angas ang tingin niya sa akin at may dala pang tubo na hinihimas-himas pa niya habang lumalapit. "Hindi mo pa nga kami nakikilala... pero ikaw!" Dinuro pa niya ako. "Malaki ang atraso mo sa amin! Sa Jupiter's g**g! At lahat ng bumabangga sa aming grupo ay 'di namin pinalalampas," ani pa niya at isa-isang sumama ang tingin nila sa akin. Para akong kakainin ng buhay. Sa dami nila ay baka hindi ko sila kayanin. Kaya kailangan kong makaisip ng paraan para malusutan sila, iyon ang tumatakbo sa isip ko ng mga oras na iyon. "Ikaw!" sabi ko sa tumatayong lider nila. "Lugi ako dahil marami kayo. Ba't kaya 'di tayo maglaban? One-on-one! At 'pag natalo kita... eh, pababayaan n'yo na ako." Napatawa siya sa suhestyon ko. "S-sigurado ka ba, bata? Ako ang kanang kamay ni Boss Jupiter, kaya 'wag mo akong minamaliit," sabi pa niya sa akin. "O, gano'n naman pala. Eh, bakit ka pa nagsama ng marami? Ibig sabihin ba no'n ay 'di mo ako kayang patumbahin?" matapang kong sinabi na ikinaasar niya. "Hindi ko gusto ang tabas ng dila mo!" wika niya at nagtitigan kami. Pagkatapos ay hinubad niya ang kanyang damit. Bumungad sa akin ang bato-bato niyang katawan. Mukhang gusto niya akong sindakin, pero 'di ito uubra sa akin. "Mga kasama! Walang makikialam! Ako na ang bahala sa isang ito," paalala pa niya sa kanyang mga kasamahan. Hinubad at tiniklop ko naman ang aking polo. Inilagay ko rin sa bag at inilapag sa lupa, pagkatapos. Nandito na ako, kaya wala na itong atrasan. Kung mabugbog man ako rito ay wala na akong magagawa, ang mahalaga naman ay lumaban ako. "Hindi ko na gagamitin ang dala kong tubo. Baka isipin mong hindi ako patas lumaban," aniya habang nakangisi. "Ayos 'yan!" tugon ko naman. Sa tingin ko ay mukhang mas matibay siya, kumpara kay Boy Arnis. "Bahala na nga..." bulong ko pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD