Apoy 18

1567 Words
HALOS isang linggo rin akong nasa ospital at napakalaki na rin ng pasasalamat ko sa lolo't lola ni Venus dahil sinagot nila ang kulang namin sa pambayad sa ospital. Naalala ko pa nga na namomroblema si Nanay kung saan kukuha ng pandagdag sa mga gastos ko pero dahil sa suhestyon ni Venus, ay tinulungan nila kami. Nagtalo pa nga kami ni Venus dahil doon... "Sino ba ang masusunod sa atin Mars? 'Di ba ako ang boss!" Pero kagaya ng palaging nang nangyayari, siya pa rin ang nasunod sa aming dalawa. Inalagaan niya pa ako at ilang araw niya rin akong tinuruan sa bahay ng mga na-missed kong lessons sa school. Naisip ko ngang sana'y nasa school na lang ako dahil sa estilo niya ng pagtuturo. "Mars! 'Pag hindi mo na-perfect itong quiz na ibibigay ko, wala kang meryenda at tanghalian mula sa akin!" Napakamot na nga lang ako sa ulo 'pag inaalala iyon. Parang hindi makatarungan! Nang pumasok naman akong muli ay bantay-sarado naman ako sa kanya. "Pati ba sa pag-ihi ko ay susunod ka pa rin?" tanong ko sa kanya habang kami ay naglalakad sa hallway ng school, papunta ako sa C.R. nang oras na iyon. "S'yempre hindi! Ano ako, baliw? Hmmp..." nagsusuplada niya namang tugon sa akin. Medyo nahalata ko ring parang namula ang mukha niya dahil doon. Napabuntong-hininga na nga lang ako dahil ang sabi ko sa Lolo't Lola niya ay siya ang aking babantayan subalit kabaligtaran yata ang nangyayari. Lalo na ngayong dapat mas maging maingat na kami dahil hindi na biro ang aming sitwasyon ngayon... nakapatay kasi ako ng alagad ni Lucifer. "Ako yata ang lugi sa pagbabantayang ito..." sabi ko sa aking sarili habang umiihi sa loob ng C.R.. SABADO, muli akong pinapunta ng lolo't lola ni Venus sa kanila. Halos tatlong linggo na rin magmula nang lumabas ako sa ospital. Hindi ko na naituloy ang sideline ko sa construction sa kabilang barangay dahil sa mga nangyari, mabuti na rin lang at walang kalaban ang nagpapakita sa akin maliban na lang sa mga bataan ng g**g daw ni Jupiter. Dalawang beses yata sa loob ng isang linggo kung ako'y guluhin ng mga iyon pero dahil mas malakas na ako kumpara dati ay wala na silang binatbat sa akin. Madali ko lang silang pinapatumba. Isang tao lang yata ang 'di ko kaya... ang babaeng iyon. "Hello, Mars!" bungad kaagad niya sa akin nang bumaba ako mula sa tricycle. Ewan ko ba, pero bigla akong napatitig sa kanya nang hindi inaasahan. "Hoy!" panggugulat niya. "Nagagandahan ka sa akin 'no?" Balak pa sana niyang pingutin ang aking ilong pero mabilis akong nakaiwas. "Hindi ah!" palusot ko na bigla niyang ikinangiti. "Sus! Tayo na nga sa loob," aya niya at nabigla na lamang ako nang bigla niyang hinawakan ang isa kong kamay. Hindi ko na iyon naiwasan at tila ba may kung anong kumulbit sa dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag, para kasing bumagal ang oras nang sandaling iyon. Bago kami pumasok s loob ay bigla siyang huminto. Ayaw ko sanang magsalita pero napatanong ako ng bakit sa kanya... "Salamat..." "Kasi... hindi ka bumitaw," dagdag pa niyang naging dahilan ng pagtibok nang mabilis ng aking puso. Hindi ko na nga naintindihan ang mga sinabi ni Lolo't Lola dahil doon. Hindi na yata tama ang nararamdaman ko at 'pag napapasulyap ako sa kanya ay may kung anong bagay ang nagpapagaan ng pakiramdam ko. "Imposible..." sabi ko sa aking sarili. Wala akong nararamdaman sa babaeng ito! Paulit-ulit ko iyong itinatak sa isip ko pero tila ba ayaw itong sang-ayunan ng aking sistema. "Mars..." bulong niya sa akin at muli niyang hinawakan ang aking isang kamay at sabay na pumasok sa lagusang nasa aming harapan. NANG sandaling iyon, hindi ko na nga napigilan ang aking sarili at hinawakan ko na rin ang kanyang malambot na kamay. Muli naming narating ang lugar na aming pinagsasanayan pagkatapos naming lumabas sa lagusan. "S-salamat..." bulong ko sa kanya. "Para saan?" tanong naman niya at pasimple pa siyang ngumiti. "W-wala..." Gusto ko sanang sabihing dahil nakilala ko siya. Dahil sa kanya kaya natuto akong muling ngumiti, makaramdam ng saya at magpasalamat. Salamat dahil palagi siyang nasa tabi ko. Napatingin na nga lang ako sa kanya nang mapansin ko siyang humahagikhik. Tinanong ko kung bakit pero mahinang hampas naman sa aking braso ang kanyang itinugon. "Magsanay na tayo. Mamaya, may ituturo akong bago sa 'yo..." Ginawa namin ang dati naming ginawa, naglaban kami nang hindi gumagamit ng kapangyarihan. Kumpara dati, ngayon ay mas nakakasabay na ako sa kanya. "Aba! Nakakasabay ka na, mas bibilisan at mas lalakasan ko pa nga..." sabi ni Venus sa akin at bigla na lamang siyang naglaho sa aking harapan. Agad ko siyang hinanap at nakita ko naman siya pero napakabilis talaga niya. Isang malakas na suntok ang biglang tumama sa aking katawan dahilan para mapaatras ako palayo. Saglit ko pa ngang nakita ang ngiti ni Venus at muli na naman siyang naglaho. Bigla siyang lumitaw sa aking harapan at mukhang aatake na naman siya... pero nagulat siya nang bigla akong nawala sa kanyang harapan. Napangiti ako nang magawa kong makapunta sa kanyang likuran sa isang kisapmata. Mabilis ko siyang hinawakan sa balikat pero mabilis din niyang nahawakan ang aking kamay na pinanghawak sa kanya. Napakahigpit ng kanyang kapit at nabigla ako nang biglang umangat mula sa lupa ang aking mga paa. "Yahhh!" bulalas niya pa at buong-lakas niya akong ibinato sa ere. Hindi ako makapaniwala, ang lakas niya pala! Mas nagulat pa ako nang bigla pa siyang tumalon para ako'y sundan sa ere. "Malakas ito, Mars!" sabi pa niya at walang pag-aalinlangan niya akong sinuntok ng napakalakas sa sikmura. Sa lakas noon ay lumikha pa ito ng bilog na impact sa hangin at pagkatapos noon ay mabilis akong bumulusok sa lupa. Subalit sa kabila ng sakit na natamo ko dahil sa atakeng iyon ay pinilit ko pa ring makalapag sa lupa nang nakatayo. Nahawan ang alikabok sa aking kinatayuan at bahagya pang yumanig ang paligid dahil doon. "Mars!" sigaw ni Venus at laking-gulat ko nang makita ko siyang lumulutang sa ere... lumilipad siya! "Ang galing mo na! Subukan naman nating gumamit ng kapangyarihan!" dagdag pa niya at nagkangitian pa kami. Nagliyab ang apoy sa kanang palad ko, kulay pula ito samantalang nabalutan naman ng tubig ang kanang kamay ni Venus at pagkatapos ay bigla na lang siyang naglaho. Napakabilis niya at bigla na lang siyang lumitaw sa aking harapan, sinuntok niya kaagad ako nang napakalakas. KUMALAT sa palibot naming dalawa ang mga nagtalsikang apoy at tubig mula sa aming mga kamay. Nagawa ko kasing masalag gamit ang kanan kong palad ang kanyang suntok. Nagkatitigan pa kami habang pinipilit niyang itulak ang aking kamay gamit ang kanyang kamaong nababalutan ng tubig. Sadyang napakalakas niya dahilan para mapaatras ako nang dahan-dahan subalit ayaw kong magpatalo... gusto kong ipakita sa kanyang malakas ako, na kayang-kaya ko siyang protektahan! "Venus! Tandaan mo... Ako ang magpoprotekta sa 'yo!" sabi ko sa kanya at biglang nagliyab ang aking apoy, lumaki rin ito. Isang pagsabog pa ang sumunod at doon na tumalsik palayo si Venus na mukhang gulat na gulat pa sa aking nagawa. Hindi naman ako roon nagtapos at agad kong inipon ang aking lakas sa aking mga binti't mga paa. Maliksi akong tumalon palapit sa kanya at muli siyang nagulat. "M-mars?" bulalas niya nang siya'y hawakan ko sa kanyang likod at baywang habang kami'y nasa ere. Pasimple ko lang siyang nginitian at nagliyab ang aming paligid nang kami'y lumapag sa lupa. Habang buhat-buhat ko siya ay napapalibutan kami ng apoy na nagmula sa aking kapangyarihan. "Hindi ko hahayaang masaktan ka nila..." sabi ko pa sa kanya habang nakatingin sa malayo. "Sira! Ibaba mo nga ako," utos naman niya at bigla na lang niya akong kinurot sa aking tagiliran dahilan para mapahiyaw ako dahil sa sakit. Tinawanan naman niya ako pagkatapos noon. "Bakit mo ginawa iyon?" naaasar kong tanong at bago kami matapos sa aming pagsasanay ay may isang bagay pa siyang itinuro sa akin... ang paglipad. "Mars, kumapit ka lang nang mahigpit sa akin," utos niya at naiilang ko naman siyang kinapitan sa kanyang balikat pero nabigla ako nang hilahin niya ang aking kamay dahilan upang magdikit kaming dalawa. Mas nagulat pa ako nang sabihin niyang yakapin ko siya habang ako'y nasa kanyang likuran. "S-sigurado ka ba?" nahihiya kong paniniguro at nginitian naman niya ako. "'Wag ka nang mahiya..." bulong pa niya at hindi ko alam kung paano ko nga ba siya niyakap. Nakaramdam ako ng 'di maipaliwanag na kiliti nang maramdaman ko ang lambot ng kanyang katawan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan ko ito at kahit minsan ay hindi ko man lang naisip na mangyayari ito sa akin. "Lilipad na tayo, Mars..." Naramdaman ko na lang ang pag-angat namin sa lupa pagkatapos niya iyong sabihin. Wala na rin akong nagawa kundi ang higpitan ang aking yakap sa kanya habang kami'y tumataas upang hindi ako mahulog. "Alam mo Mars, kaya mo ring lumipad," sabi niya sa akin. "Magtiwala ka lang sa iyong kakahayan! Ipunin mo lang ang iyong aura sa iyong mga paa at magagawa mo ito." "'Pag nagawa mong lumipad... may date tayo next week, promise." Nanlaki na lamang ang aking mga mata dahil sa gulat nang bigla niyang alisin ang aking kamay na nakahawak sa kanya. Nginitian pa niya ako nang siya'y humarap sa akin at pagkatapos noon ay dahan-dahan siyang lumayo sa akin. Seryoso nga siya, binitawan niya ako habang nasa ere. Bumigat agad ang aking pakiramdam at agad akong bumulusok paibaba. Napasigaw na nga lang ako dahil sa nangyari at kung hindi ko magagawang lumipad ay baka ikamatay o ikadurog ng aking mga buto ang pagbagsak ko sa lupa mula sa napakataas na aking pinagmulan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD