"How to be you po, Trinity?" bati sa kanya ng babaeng kaklase nila.
Tinignan niya ito. Maganda naman ito at mukhang mayaman. Hindi niya inaasahan na pupurihin siya ng gaya nito. Alam kasi niya sa mga mayayamang magaganda ay maarte at suplada. Hindi naman sa nilalahat niya, pero parang ganoon na nga. Madalas kasi niya itong maranasan. Hindi niya alam kung inggit lang ba sa kanya ang mga ito dahil sadyang may maganda siyang mukha. Isa pa, lapitin din siya ng mga lalaki na siyang nagiging dahilan kung bakit dumarami ang nakakaaway niya. Hindi naman duwag si Trinity para hindi sila labanan. Umiiwas na lang siya sa gulo dahil ayaw din niyang maging basagulero sa mata ng karamihan. Dagdag points din kasi ang pagiging tahimik at seryoso lang sa mga kalalakihan. Sabi nga nila ay maganda iyong hindi mo masyadong pinapakita ang totoong ikaw. Maganda iyong pa-mystery lang.
"Bakit mo naman nasabi iyan?" nagtatakang tanong ni Trinity sa babaeng kaklase niya habang nakakunot ang noo.
"Sa lahat kasi ng babae nating kaklase ay ikaw lang kasi ang pinapansin ni Carson. Ang swerte mo dahil sobrang guwapo niya. Lahat ata kami ay guwapong-guwapo sa kanya," sabi niya kaya napangiti na lang si Trinity.
"Maganda kasi ang friend kong ito," pagmamalaki ni Doti pero hindi siya pinansin ng mga ito. Kay Trinity lang ito nakatingin na para bang gandang-ganda sa kanya.
"Naku, hindi. Feeling ko, hindi naman ganoong si Carson. Okay naman siya. May tinatanong lang kasi siya sa akin kaya ganoong puro ako lang ang kinakausap at pinapansin niya," sagot niya at saka umakbay kay Doti.
Nagtinginan ang tatlong babae na kaklase nila. Tila kusang umandar ang mga isip nila na kahit hindi magsalita ay alam na agad nila ang itatanong ulit kay Trinity.
"Maari ba naming malaman iyon, Trinity? Kung puwede lang naman. Ano ba iyong tinatanong niya sa iyo?" pagpupumilit pa ng isa nilang kaklase na babae na may mahabang buhok. Maganda rin ito, matangkad at makinis ang balat. Palihim tuloy na natatawa si Trinity sa kanila. Halatang-halata na mga patay na patay ito kay Carson. Pati ba naman ang mga iyon ay itatanong pa nila.
Sa totoo lang ay masaya siya dahil napapansin din niya na siya nga lang ang madalas pansinin ni Carson. Una pa lang, alam na agad niya sa sarili niya na maari siyang magkagusto kay Carson. Hindi dahil sa guwapo ito, kundi dahil nahumaling na rin siya sa amoy nito dahil kamukha ng pabango ni Carson ang pabango ni Cedrick. Isa pa, nakitaan niya rin ito ng kabaitan. Matalino rin ito at pa-mystery sa buhay. Sadyang Pa-heart to get lang si Trinity dahil ayaw naman niyang ipahalata kay Carson na gusto niya rin ito.
"Hindi sa pagiging mayabang ha? Inaaya niya kasi akong magluto sa kanila. Hindi kasi ako gaanong magaling sa pagluluto. Iyon ang napag-usapan namin dahil tinanong niya kung sanay ba raw ko magluto? Sinagot siya na hindi kaya ayon, simula no'n ay humaba na ang pag-uusap namin at palagi na niya akong kinukulit."
Biglang bumitaw sa pagkaka-akbay si Doti sa akin. "Totoo ba? Inaya ka niyang magluto sa bahay nila?" nanlalaking mata tanong ni Doti.
"Oo," maikling sagot niya.
"So, ano? Pumayag ka ba? Pupunta ka nga sa bahay nila?" tanong agad ng isa pa nilang kaklase na babae. Tila nadismaya ang mukha nila na para bang unti-unti nang naiinggit sa kanya.
"Siyempre, hindi. Hindi pa naman kami gaanong magkakilala. Actually, kahapon lang kami nagkakilala. Nagkasabay kami sa tricycle. Hindi ko nga inaasahan na magiging kaklase ko siya e."
"Tama naman ang ginawa mo, Trinity. Dapat lang na hindi ka muna sumama sa kanya. Mahirap na, baka mamaya e, silent killer pala si Carson," sabi ng isang babae nilang kaklase na may supil na pula.
"Wrong ka doon, Trinity! Sayang! Dapat sumama ka na sa kanya. Okay naman si Carson e. Mabait siya at mukhang hindi gagawa ng masama," sabi niya at saka tinignan nang masama ang tatlong babae na kaklase nila. "Tara na nga at baka hinihitay na tayo ni Carson," sabi pa ni Doti at saka niya sinuggo ang tatlong babae. Naramdaman na rin ni Trinity na mga plastic ito kaya hinayaan na niya si Doti.
Habang naglalakad na sila sa hallway ay busa nang busa si Doti. Inis na inis siya sa tatlo babae na kaklase nila. "Okay sila sa una, pero sa dulo, lumabas ang mga sungay!" singhal ni Doti.
"Hayaan mo na nga sila. Chill ka lang Doti at ayokong magkaroon tayo ng kaaway dito."
Nang sundan nila Trinity at Doti si Carson ay nakaabang na ito sa loob ng samgyupsal. Nasa isang bakanteng table na ito. Kinawayan sila nito nang makita sila kaya napanganga ang dalawa dahil. Hindi nila lubos maisip na agad-agad itong nakakuha ng table, habang ang haba-haba pa nang pila sa labas.
Nang lumapit silang dalawa sa kanya ay sinalubong pa sila nito nang magarang ngiti. "Anong ginawa mo? Bakit nakakuha ka agad ng puwesto? Kaalis mo lang, ha?" nagtatakang tanong ni Doti.
"Kaya nga. May kaibigan ka bang nagwo-work dito at malakas ka rito?" tanong naman ni Trinity.
"Wala akong kaibigan dito. Simple lang naman ang ginawa ko. Actually nga ay wala akong ginawa. Nagkaroon agad ako ng puwesto dahil rito," sagot niya at saka niya tinuro ang mukha niya. "Dahil diyan, kaya ako nakasingit. Look, puro babae ang nakapila sa labas. Hindi ko alam kung bakit pilit nila akong pinapauna palagi sa pila. Ayos lang daw na mauna na ako dahil cute naman daw ako," dagdag pa niya kaya natatawa sina Trinity at Doti.
"Hindi ka naman cute, guwapo ka kaya," puri pa ni Doti kaya nakangiti lalo si Carson.
"Thanks," maikli nitong sagot.
Tumingin si Carson kay Trinity. "Ikaw naman,Trinity? Anong nakikita mo sa akin? Guwapo nga ba ako?" tanong nito kaya napairap si Trinity. Naupo na siya at saka umiwas nang tingin sa kanya. "Mabuti pa'y um-order na tayo ng pagkain at ako'y nagugutom na," sagot na lang niya kaya natatawa na lang si Carson.
"Ang KJ mo naman, Trinity. Sasagot lang ng guwapo, hindi pa masagot. Mabuti nga at hindi na tayo pipila," sabi ni Doti na todo puri pa rin kay Carson.
"Fine. Guwapo na kung guwapo. Okay na? Puwede na ba tayong um-order?" sabi ni Trinity kaya sabay na tumawa sina Doti at Carson. Poot na poot ito sa dalawang pinagti-trip-an lang siya.
Itinaas na ni Trinity ang kamay niya para tawagin ang isang crew. Para gumanti sa dalawang nang-aasar sa kanya ay um-order siya ng pinakamahal na presyo para sa dalawa. "Dalawang one thousand set na samgyup. Mix iyon 'di ba? Para sa kanila iyan," sabi niya sa crew at saka tinuro sina Carson at Doti. "Sa akin naman ay plain lang. Iyon lang ang sa akin dahil makikihingi na lang ako ng ibang flavor sa mga kasama kong rich kid," sabi pa niya kaya pati ang crew ay natatawa sa kanya.
Napanganga sina Carson at Doti sa ginawa niya. Ngayon ay si Trinity naman ang ngingisi-ngisi sa kanila.
"Bakit hindi mo pa ginawang mix set din ang sa iyo. Ako na kasi ang magbabayad ng lahat ng order natin," pagmamayabang ni Carson kaya palihim na nagulat si Trinity. Hindi siya nagpahalatang nanghinayang siya. Kung alam niya lang ay ganoon na rin pala dapat ang in-order niya.
"Hindi na. Ayos na ako sa plain. Manghihingi na lang ako sa inyo ng ibang flavor dahil mukhang hindi naman natin mauubos ang lahat ng iyan," sagot niya.
Napatingin si Trinity nang biglang humawak sa bycep ni Carson si Doti. "Ikaw na talaga, Carson. Nasa iyo na ang lahat. Guwapo, hot, mabait, matalino at galanti. Ang swerte naman ng mapapangasawa mo," anito at saka hinimas-himas pa ang bycep nito.
IIling-iling na lang tuloy si Trinity kay Doti. Nanghinayang ulit siya na bakit hindi pa siya kay Carson tumabi. Chance na dapat sana niya ito para makatabi at maamoy ulit ang pabango nito na kagaya ng kay Cedrick. Isa pa, naiirita siya sa kaibigan niya dahil nilalandi nito ang bago niyang crush.
Ilang minuto nag-uusap sina Carson at Doti. Si Doti ang kausap niya pero kay Trinity siya nakatitig. Nakikita iyon ni Trinity kaya naiilang siya kay Carson.
Pagdating ng mga order nila ay nag-umpisa na silang magluto. "Ako na ang magluluto," prisinta ni Carson.
"Go lang, baby boy," sagot ni Doti kaya pinanlakihan na siya ng mata ni Trinity.
"Kumalma ka nga," bulong ni Trinity sa kanya habang nanlilisik ang mata. Napakaluwag ng upuan nila pero dikit na dikit si Doti kay Carson. Bagay na kinakairita lalo ni Trinity.
"Doti, pakuha naman ng chopstick sa counter. Nakalimutan ata tayong bigyan ng crew ng chopsick," utos ni Trinity.
"Sure," sagot nito at saka tumayo. Pag-alis ni Doti ay saka tumayo si Trinity. Nagulat pa si Carson nang siya na naman ang tumabi sa kanya.
"Oh, bakit lumipat ka sa tabi ko?" tanong nito sa kanya pero hindi na siya nakasagot. Nabigla rin kasi siya sa nagawa niya. Pero, agad namang gumaang ang loob niya nang muli niyang maamoy ang pabango na gamit nito.
"Uhm...narito kasi sa tapat ni Doti ang kimchi. Favorite na favorite ko kasi ito kaya dito na lang ako. Palit na lang kami ng upuan," palusot pa niya at saka siya kumain no'n kahit wala pang luto na karne. Pinapak niya nang pinapak ang kimchi kaya natuwa si Carson. Ngayon ay alam na niya ang isa sa mga paborito nito. Iyon kasi talaga ang pakay niya. Kapag trip niya ang isang babae ay una niyang inaalam ang mga hilig nito.
"Sige, diyan ka na nga lang. Gusto ko na rin na ikaw ang nasa tabi ko. Nakakainis na rin kasi ang kinikilos ng kaibigan mo. Mabuti kung ikaw ang gumagawa no'n sa akin e, ayos lang sa akin," sabi niya kaya napangisi siya.
"Hindi ako malandi, Carson," sabi niya at muli na naman siyang umirap. "Please, lutuin mo na nga agad iyan at gutom na gutom na kasi ako," reklamo pa niya pero sa loob-loob ay kinilig talaga siya sa sinabi nito sa kanya.
"OMG! Bakit ka lumipat sa upuan?!" inis na sabi ni Doti habang nakapamewang.
"Diyan ka na at narito kasi sa tapat nito ang kimchi. Alam mo naman na patay na patay ako dito," sagot niya kaya patabog na binaba ni Doti ang mga chopstick sa lamesa.
"Ah, okay. Bet ko rin naman ang ginawa mo. Ganyan nga, Trinity. Wala naman na si Cedrick kaya puwede ka na ulit magmahal ng iba. Aralin mo na ring landiin si Carson dahil jackpot ka na riyan," pang-uudyok pa nito kaya natawa si Carson.
"Grabe ka, Doti. Kumalma ka, please," iritadong sabi ni Trinity at saka siya inirapan.
"May boyfriend ka na pala dati?" tanong bigla ni Carson kaya napatingin si Trinity sa kanya.
"Oo, kaya lang ay kamamatay lang niya. Pinatay siya ng hindi namin malaman kung tao ba o halimaw? Ang sabi-sabi ay pinatay ito ng halimaw na galing sa buwan."
"Si Toscano iyon," sabi ni Carson kaya tumawa sina Trinity at Doti.
"Fan ka rin ng Moon Trap book?" tanong ni Trinity habang naiiling.
"Pati pala ikaw ay nahawa na sa virus ng librong iyon. Ang dami na talagang naadik sa librong iyon. Ibang klase din ang author no'n. Ang dami niyang binaliw," sabi ni Doti na naggugupit ng mga karne na mahaba na bagong salang lang sa lutuan.
"Paano kung true story talaga ang nilalaman ng librong iyon?" seryosong tanong ni Carson kaya napanganga ang dalawa.
"Astig kung ganoon, pero nakakatakot kung totoo talaga iyon. Pero, kung kasing guwapo mo naman at kasing hot sina Toscano at Drusus ay hindi ako matatakot sa iyo, laban lang ako kung ganyan nga kaguwapo sila," sagot ni Doti habang nakatutok sa mukha ni Carson ang gunting na hawak niya.
"Kung totoo man iyon. Gusto kong makita si Toscano. Igaganti ko sa kanya si Cedrick dahil pinatay niya ito. Nagkamali siya dahil hindi naman masama at babaero ang Cedrick ko," galit niyang sabi.
"Matagal na ba kayo ni Cedrick?" tanong pa ni Carson.
"Yes, matagal na at kilalang-kilala ko na siya. Hinding-hindi gagawa ng kalokohan iyon," proud na sabi ni Trinity. Tahimik lang si Doti kapag si Cedrick ang topic.
"Baka kasi may hindi ka pa nalalaman sa kanya. Baka palihim siyang nambabae kaya talagang pinatay siya ni Toscano," seryosong sabi ni Carson kaya nag-iiba na ang timpla ng mukha ni Trinity.
"Enough, Carson. Wala na iyong tao kaya pamahingahin na natin siya. Isa pa, naiinis na si Trinity. Baka mawala pa iyan sa mood," seryosong sabi ni Doti kaya napangiti si Trinity ng matipid sa kanya.
"Sorry," sabi na lang ni Carson at saka na niya hinango sa lutuan ang mga naluto nang karne.
Sa sinabi ni Carson ay tila napaisip tuloy si Trinity. May hindi nga ba siya nalalaman kay Cedrick? Gaya ba ng kuya ni Tiffany na si Patrick ay babaero rin ito?