Chapter 8 : Bilog na naman ang buwan.
"Nabalitaan ko po iyong panunugod rito ng mama nila Jam at Jem," sabi ni Trinity nang maupo siya sa rocking chair na nasa hardin ng bahay ng tiyahin niya. Doon siya tumuloy pagkatapos nang klase nila, tutal ay maaga pa naman.
"Wala iyon. Hindi naman sila nang-away. Pinaliwanag ko sa magulang nila kung ano ang tunay na nangyari at kung sino ang totoong mali," sagot nito sa kanya at saka siya inabutan ng malamig na tubig.
Napansin niya na tila galing sa iyak ang tiyahin niya. Maga ang eye bag at mamula-mula pa ang mata nito. "Teka, galing po ba kayo sa iyak, tita?" untag niya.
Biglang umiwas nang tingin si Indira sa kanya. "H-hindi. Napuwing lang ako kanina," pagtatanggi nito kaya tumango na lang si Trinity. Alam niyang nagsisinungaling lang ito sa kanya. Maaring dahil kay Tatiana ay kaya maga ang mata niya. Iyon ang akala ni Trinity.
"Kumusta nga pala si Tito Jim? Hindi pa po ba siya umuuwi?" tanong niya at saka tumayo sa rocking chair. Lumapit siya sa mga alagang rose ni Indira. Ang pupula nito at nakakaakit tignan. Tandang-tanda pa niya noon na madalas silang matinik doon ni Tatiana nang bata pa sila. Galit na galit si Indira dahil madalas nilang kalbuhin noon ang alaga nitong rose. Kaya naman halos mamula-mula ang mga palad nila sa dami ng palo sa kanila ni Indira.
"Okay naman siya. Madalas naman kaming mag-usap. Saka, nauwi siya noong nakaraang taon. Pasensya ka na kung hindi manlang kita naabutan ng mga chocolates. Alam mo naman ang mama mo, tiyak na hindi niya tatanggapin kapag nagpadala ako sainyo. Pero, alam ko naman na kasalanan ko. Ako ang unang nagtaboy sainyo kaya hindi ko rin siya masisisi kung bakit ganoon na siya sa akin ngayon. Nagsisisi nga ako kung bakit palagi akong poot dati. Siguro ay dala ng pagiging highblood ko kaya ako ganoon. Pero, ngayon ay unti-unti na akong nagbabago. Kahit pa paano ay naiiwasan ko nang magalit."
Pumitas ng isang rose si Trinity. Sinubukan niya kung magagalit ba si Indira. Nagulat pa siya dahil nginitian pa siya nito. "Ang bango ng rose ko 'di ba?" tanong pa nito.
"Opo, sobra," sagot niya at inamoy-amoy pa niya ito. "Mukhang nagbago na nga kayo, Tita Indira," sabi pa niya.
"B-bakit? Hindi ka ba naniniwala?" natatawa nitong tanong.
"Hindi naman po sa ganoon. Natuwa lang ako dahil hindi po kayo nagalit nang pumitas ako ng rose niya. Dati kasi e, malagasan lang ng isang dahon ang halaman niyo ay galit na galit na agad kayo sa amin ni Tatiana," sabi niya kaya tumawa ulit si Indira.
"Natatandaan mo pa pala iyon."
"Yes naman po. Hinding-hindi ko makakalimutan iyong umuwi ako sa bahay namin na namumula ang kamay ko. Iyak ako nang iyak noon. Iyong nga ang unang beses na makita kong nag-away kayo ni mama. Lalo akong natakot noon dahil nagsampalan pa po kayo. Parehas tuloy kaming umiyak ni Tatiana."
Naputol ang kuwentuhan nila nang makaramdan ng pag-iihi si Trinity. Nagpaalam siyang iihi sa tiyahin niya kaya itinuro naman nito ang banyo nila sa loob ng bahay niya. Habang naglalakad si Trinity papasok sa bahay ng tiyahin niyang si Indira ay napansin niyang halos ang gulo-gulo ng mga gamit nito. Pakiramdam niya ay tila madalas magwala ang Tita Indira niya. Nang mapadpad naman siya sa kusina nito ay nanlaki ang mata niya. Ang dating punong-puno ng pagkain ay ngayon ay wala manlang stock kahit isa. Nasa labas pa rin si Indira kaya tinangka niyang buksan ang prigider nito. Doon na siya tuluyang naawa sa tiyahin niya nang makita niyang halos puro tubig na lang ang laman nito.
Mukhang naghihirap na si Tita Indira. Totoo kayang ayos lang sila ni Tito Jim? tanong niya sa isip niya.
Nang maramdaman niyang papasok na sa loob si Indira ay dali-dali na siyang pumasok sa loob ng banyo. Alam na ngayon ni Trinity na hindi okay si Indira. May problema ito, sigurado siya doon.
Paglabas niya sa banyo ay nagpaalam na siyang aalis muna. Ang akala ni Indira ay uuwi na siya kaya hinatid pa siya nito sa labas ng gate nila. Sumakay sa tricycle si Trinity. Pumunta siya sa malapit na sari-sari store. Namili siya ng kahit kaunting makakain ng tiyahin niya. Pagkatapos mamili ay sumakay na siya ulit ng tricycle para bumalik ulit sa bahay ni Indira. Pababa na siya ng tricycle nang makita niya si Carson sa tapat ng isang tindahan doon. Nakita niyang nakatanaw ito sa bahay ng Tita Indira niya. Pagkatapos no'n ay umalis na ito at saka pumasok sa isang eskinita.
"Anong ginagawa niya rito?" bulong niya sa sarili niya.
Muling niyang pinindot ang door bell ng bahay ni Indira. Saglit lang ang tinagal at muli na naman niyang binuksan ang gate. Nanlaki pa ang mata nito nang muli niyang makita si Trinity.
"Oh, bakit nagbalik ka, Trinity?" nanlalaking matang tanong nito sa kanya habang nakatingin sa supot niyang dala-dala.
"Para sainyo po, tita," sabi niya at saka inabot ang kaunting grocery na pinamili niya.
"Ano ka ba? Bakit mo ginawa iyan?" nagtataka nitong tanong at saka tumawa. "Ay, siguro nakita mong wala akong stock ng food sa kusina ko kanina, 'no? Ano ka ba, Trinity. Nagkataon lang na naubos ang stock ko, pero mamimili na rin ako bukas," palusot pa nito kaya natawa na lang din si Trinity.
"Ganoon po ba. Akala ko kas—"
"Hindi bale, nabili mo na kaya tatanggapin ko na lang din," putol nito sa sinabi niya at saka kinuha ang supot ng grocery sa kanya.
"Pasensya na, Tita Indira," nahihiya niyang sabi.
"Wala iyon. Natutuwa nga ako at naisip mo pa ito. Napalaki ka ngang mabait ni Tessa," sagot niya kaya tumawa siya.
Nagpaalam na din si Trinity kay Indira dahil maggagabi na rin. Baka hanapin na siya ng mama niya. Ayaw pa naman nito na umuuwi siya ng gabi kapag pumapasok na siya sa school. Pag-aral ay aral lang. Walang lakwatsya. Iyon ang palaging pangaral sa kanya nito kapag umuuwi siya nang nag-aagaw na ang liwanag at dilim.
---**---
Pagbukas ng gate ni Tessa ay saktong pababa na sa tricycle si Trinity. Pag-abot nito ng bayad sa tricycle driver ay agad siya nitong tinapunan ng tingin.
"Sinong may sabi na pumunta ka sa babaeng iyon?" tanong niya paglapit nito sa kanya. Binigyan niya ng mahinang batok sa ulo si Trinity.
"P-paano niyo nalaman?" tanong niya. Naisip niya na nagpaalam nga pala siya kay Doti kanina. Maaring ito ang nagsabi sa kanya.
"M-may tinanong lang ako. Naki-balita lang ulit ako kay Tatiana," sagot niya kaya biglang nawala ang galit nito. Gusto niya rin kasing maki-balita kay Tatiana.
"Ano ang sabi ng pabayang si Indira?" tanong nito habang naglalakad na sila papasok sa bahay nila.
"Ganoon pa rin. Wala pa ring balita sa kanya," sagot niya kaya muling nadismaya ang mukha ni Tessa.
"Wala naman kasi ata siyang ginagawa! Mas may ginagawa pa ata ako kaysa sa kanya e," sagot agad ni Tessa.
"Bakit? Ano pong ginagawa niyo?" tanong niya habang binababa ang bag sa sofa.
"Nagbabahay-bahay na ako kanina. Pinapakita ko ang litrato ni Tatiana sa mga tao. Nagbabakasakaling may nakakita sa kanya. Sa ngayon ay nakadalawang baranggay pa lang ako. Nakakapagod din, ha! Pero, nakakalungkot lang dahil wala manlang nakakakita sa kanya," reklamo niya habang hinihilot ang mga tuhod niya pag-upo niya sa rocking chair sa salas nila.
"Patingin nga po ako ng litrato niya ngayong dalaga na siya." Tumayong muli si Tessa para i-abot sa kanya ang litrato. Pagtingin niya sa picture ni Tatiana ay napanganga siya.
"Wow! Para talaga kaming kambal. Kamukhang-kamukha ko pa rin siya, mama," natutuwang sabi ni Trinity.
"Kanina nga habang naghahanap ako ay akala nila ay ikaw ang nawawala. May mga kaklase ka kasi na napagtanungan ko. Pati ang mga ito ay gulat na gulat. Akala nila ay may kambal ka nga," sabi ni Tessa habang naghahanda na ng hapunan nila.
Habang nilalapag ni Tessa ang mga plato sa lamesa ay nakita pa niyang tinitigan ni Trinity ang litrato ni Tatiana. Alam niyang darating ang araw ay unti-unti na siyang magtataka. Sa ngayon ay itatago na lang muna niya ang sikreto nila ni Indira dahil ayaw niyang pati ito ay magalit sa kanya.
"Itabi mo na iyan at kumain na tayo," aya niya kay Trinity kaya inilagay na niya sa may upuan ang litrato ni Tatiana.
"Saan niyo nga pala nakuha ang litrato ni Tatiana?" tanong nito nang maupo na sa hapagkainan.
"Nakita ko ang f*******: account niya," sagot ni Tessa habang sinasandukan na siya ng kanin sa plato niya.
"May f*******: siya?" nagulat na tanong ni Trinity. Naglagay na siya ng adobong manok sa mangkok niya.
"Oo, search mo...Tatiana Mendez," tugon ni Tessa habang naghihiwa ng hinog na mangga. Paborito kasi nilang mag-ina na panghimagas iyon. Hindi ito nawawala sa hapagkainan nila. Kung mawala man ay hindi pa panahon nito.
Dahil doon ay minadali ni Trinity ang pagkain ng hapunan. Pagkatapos kumain ay agad siyang tumaas patungo sa kuwarto niya. Nagbihis muna siya bago atupagin ang cellphone. Nang mahiga na siya sa kama niya ay saka niya hinanap ang f*******: account ni Tatiana. Tulad nang sinabi ng mama niya ay nahanap niya nga ito. Ang profile picture pala nito ang kinuha ni Tessa para i-print. Nag-stalk siya sa f*******: account ng pinsan niya. Ang dami niyang nakitang litrato nito. Hindi makakailang mahilig mag-picture ang pinsan niya. Habang patuloy na hinahalungkat ang album ni Tatiana ay bigla siyang napadpad sa isang album nito na kinalaki ng mata niya.
"My love," basa niya sa album na nakita niya. Pinindot niya iyon. Doon niya nakita ang litrato nito kasama ang isang lalaki. Nanlaki ang mata niya. Pamilyar sa kanya ang lalaki. Parang nakita na niya ito.
"C-carson?" sabi niya at saka niya inilapit sa mata niya ang litrato ni Tatiana kasama ang tila boyfriend nito.
Nag-alinlangan siya dahil may nunal sa ilong ang lalaki sa litrato. Natatawa siya dahil hawig na hawig ito ni Carson.
Hindi kaya kakambal iyon ni Carson? tanong niya sa isip niya.
Tinignan niya ang information ng album. Nakita niyang naka-tag doon ang f*******: account ng lalaki na ang pangalan pala ay Dev. Nag-stalk din siya rito. Nakita niya na mukhang hindi ito masyadong active sa social media niya. Puro tag lang kasi ni Tatiana ang nakita niya sa timeline nito.
Napatingin siya sa bintana ng kuwarto niya. Nasisinagan siya ng bilog na buwan sa mukha niya. Bigla siyang nakaramdam ng takot. Pumasok sa isip niya na tuwing kabilugan nga pala ng buwan ay may bago na namang matatagpuan ng patay ng guwapong lalaki sa kung saan na sulok ng gubat sa Perno Town. Sigurado na may puputok na naman ng balitang may natagpuan patay bukas.
Napabalikwas nang bangon si Trinity nang biglang kumatok sa pintuan niya si Tessa. Agad niya itong pinagbuksan ng pinto habang nakasapo pa rin sa dibdib niya.
"GInulat niyo naman po ako, mama," singhal niya.
"Pasensya na. Nakalimutan ko kasing sabihin sa iyo na bukas na darating ang sasakyan mo," sabi nito na kinagulat niya.
"Ha? Sasakyan ko? Tama po ba ako ng dinig?" tanong pa niya habang nanlalaki ang mata.
"Oo, regalo raw sa iyo ng papa mo. Tutal ay hindi ka naman daw nag-birthday noong debut mo, ibibili ka na raw niya ng sasakyan para hindi ka na nahihirapan mamasahero. Saka, nakakahiya na kay Doti na sabay ka nang sabay palagi."
"O.M.G! Hindi ko inaasahan ito. Maraming salamat, mama at ganoon din kay papa," masaya niyang sabi habang napapatalon pa.
Napatingin sa bintana si Tessa. Nakita niyang bilog na naman ang buwan. "Anak, kapag natulog ka ay isarado mo ang bintana. Bilog ang buwan. Sigurado akong kababalaghan na naman ang hatid niyan," sabi nito kaya nawala ang saya ni Trinity.
"Kaya nga po. Sigurado ako na bukas ay may madadatnan na namang patay sa kung saan," sagot nito sa ina niya habang tumataas na naman ang mga balihibo niya sa katawan niya.
"Mag-pray ka bago matulog, Trinity," paalala nito bago tuluyang lumabas sa kuwarto niya.
Pag-alis ni Tessa sa kuwarto niya ay isinara na niya ang bintana ng kwarto niya. Bago tuluyang mahiga sa kama ay nagdasal na nga si Trinity. Pagkatapos noon ay saka siya nagtalukbong ng kumot niya.
---**---
"Hayop ka! May iba ka palang babae!" sigaw ng girlfriend ni Patrick habang pinapalo-palo pa siya sa braso niya.
"Ano bang sinasabi mo?! Tamang hinala ka na naman!" pagmaang-maanganan pa ni Patrick kahit ipinakita na ni Jenny ang ebidensya na may litrato si Patrick habang may kahalikan na ibang babae.
"Ano bang ingay iyan?! Natutulog na ang mga tao! Puwede ba, mahiya naman kayo!" sigaw ni Tiffany nang nilabas niya ang nag-aaway na mag-jowa.
"Pumasok ka na sa loob, Tiffany. Wala lang ito," sagot niya sa kapatid niya.
"Ano ba pinuputok ng butchi niyan?! Hindi ba niya matanggap na hindi kayo bagay dahil hindi siya maganda!" pagtataray pa ni Tiffany kaya napataas ang kilay ni Jenny.
"Kilala ko siya. Siya iyong babaeng putikan kanina sa Nevaeh University. Maldita ka pala. Bagay lang sa iyo ang nangyari kanina. Karma! Anyway, pumunta talaga ako rito para sabihin sa iyo na wala na tayo. Saka, pina-blocked ko na lahat ng card ko na hawak mo. Tapos na ang kaligayahan mong mukhang pera ka. Hindi na ako magpapaloko sa gaya niyong mga anak ng demonyo!" galit na sabi ni Jenny at saka malakas na isinarado ang gate ng bahay nila Patrick.
"Aba, pineperahan mo lang pala ang panget na iyon. Akala ko e, ang baba na ng taste mo," panunura pa ni Tiffany.
"Buwisit. Nauntol pa tuloy ang pagbili ko ng bagong phone!" galit na sabi ni Patrick habang nagdadabog.
"Kaya naman pala ang dami mong bagong sapatos palagi. Iba ka din e, ginawa mong tanga ang sarili mo. Hindi ka ba binibigyan ng pera ni papa?" tanong ni Tiffany habang nakapamewang sa harap ng kapatid niya.
"Binibigyan nga ba ako?" tanong pa ni Patrick na inis na inis na rin sa kanya.
"E, kasi naman, ayaw mong pagbutihan ang pag-aaral mo. Kung ako sa iyo, mag-aral kang mabuti para may 100k kang allowance buwan-buwan," pang-iinggit pa ni Tiffany kaya nainis na lalo si Patrick. Pumulot siya ng bato at akmang ibabato na sana kay Tiffany, pero nagtatakbo na ito papasok sa bahay nila.
Binitawan na niya ang bato at saka pumasok sa loob ng bahay nila. Amoy alak siya kaya hindi siya sumabay kumain sa pamilya, alam niyang masesermunan na naman siya ng papa niya kapag nagkataong maamoy siya nito. Kaya imbis na kumain ay tumuloy na lang siya sa kuwarto niya at saka natulog.
Bago niya tuluyang ipikit ang mata niya ay napatingin pa siya sa bukas na bintana habang bilog ang buwan. Nanlalabo na ang mata niya nang makita niyang tila may babaeng nakatayo sa loob ng buwan. Pagkatapos no'n ay tuluyan na siyang nilamon ng dilim.
Pag-sapit ng hating-gabi ay nagising si Patrick sa isang malamig na huni na tila nanggagaling sa kung saan. Kusa siyang bumangon sa pagkakahiga sa kama niya. Napatitig siya sa bilog na buwan. Tahimik na nang oras na iyon. Tanging kuliglig na lang sa mga puno at ang huni sa kung saan ang nadidinig niya. Gising ang diwa niya pero nagtataka lang siya dahil kusang naglalakad ang mga papa niya patungo sa labas. Natatakot na siya dahil parang may kung sino ang kumukontrol sa paa niya. Nakarating siya sa masukal na gubat na malapit lang sa likuran ng bahay nila. Patindi na nang patindi ang huni na naririnig niya.
Huminto ang naririnig niyang huni nang huminto na rin siya sa gitna ng gubat. Naluluha na siya nang oras na iyon. Wala na rin ang kalasingan niya dahil nakatulog na siya kanina. Naalala niya noong nakaraang araw na pinagsasabihan siya ng mama niya na iwasang umuwi ng gabi. Iwasan na ang paglalaro sa mga babae. Hindi siya naniniwala rito na totoo ang mga nababalitaang pagpatay sa mga kalalakihan na pinaglalaruan ang mga babae.
Tama nga si mama. Kung alam ko lang ay nakinig ako sa kanya. bulong niya sa isip niya.
Nanginginig ang mga tuhod ni Patrick nang makita niyang isang nilalang ang biglang bumaba galing sa buwan. Sa itaas ay hugis babae siya, pero nang tuluyang bumaba sa lupa ay naging-anyong lalaki na ito. Nakatalikod ito sa kanya nang bumaba ito sa lupa. Nang humarap ito sa kanya ay doon niya nakita ang magandang lalaki na galing sa buwan.
"S-sino ka?" takot na tanong ni Patrick habang hindi makagalaw.
"Ako ng God of the moon," pakilala nito sa kanya. "Siguro alam mo na kung bakit ako narito at nagpakita sa iyo?" tanong pa nito sa kanya.
"Please, maawa ka sa akin. Hindi na ako manloloko ng mga babae," sagot nito kaya ngumisi ang guwapong God of the moon.
Wala nang mahabang usapan. Naramdaman na lang ni Patrick ang matulis na kuko nito na tumusok sa loob ng dibdib niya. Bumulwak ang mga dugo sa bibig niya nang makitang hinugot nito nang buo ang puso niya. Nanlaki ang mata niya at kusang bumagsak sa damuhan ang katawan niya.
"Huli na para magsisi ka. Napakadami mo nang niloko na babae. Sobra na. Grabe na. Kaya dapat lang na patahimikin na kita."
Bago tuluyang pumikit ang mata ni Patrick ay kitang-kita niya kung paano nito kainin nang buong-buo ang puso niya. Pagkatapos ay tuluyan na siyang nilamon ng kadiliman.