Chapter 9 - Viral

2499 Words
Chapter 9: Viral "Si Kuya Patrick?!" sigaw ni Trinity pagbukas niya ng f*******:. Halos masuka-suka siya nang makita niya sa f*******: ang litrato nito habang wakwak ang dibdib. Agad na kumalat sa social media ang litrato ni Patrick nang matagpuan itong walang buhay kaninang madaling-araw. "Ano iyan? May patay na naman bang natagpuan?" kinakabahang tanong ni Tessa sa kanya habang bumababa ito sa hagdan. Agad siyang lumapit sa anak niya at tinignan ang litrato. "Opo, kuya po siya ni Tiffany," sagot niya at saka ipinakita ang litrato ni Patrick sa ina niya. "Jusko! Bakit kaya siya naman ang pinatay? Sino ba talaga ang gumagawa nito? Tao ba o halimaw? Ano bang kakabalaghan ang nangyayari rito?" tanong niya habang nanginginig ang mga tuhod. "Lalo tuloy akong nag-aalala kay Tatiana. Sana naman ay ayos siya. Sana naman ay buhay at ligtas siya," dagdag pa niya. "Kilala kong babaero ang kuya ni Tiffany. Siguro ay iyon ang dahilan kung bakit pinatay siya," sambit ni Trinity habang humihigop ng kape. Sinubukan niyang bisitahin ang f*******: account ni Tiffany. Nagimbal siya nang makitang si Jenny na girlfriend nito ang sinisisi niya sa pagkamatay nito, dahil ayon sa post niya sa f*******: ay si Jenny ang huling kaalitan nito bago mamatay si Patrick. "Mali ito. Kilala ko si Jenny. Dati ko siyang nakakasama sa mga event sa simbahan. Mabait ito at alam kong hindi niya magagawang pumatay," sambit ni Trinity na kinagulat ni Tessa. "Si Jenny ba na anak ni Joaquin na may-ari ng bus station ang tinutukoy mo?" tanong ni Tessa. "Siya nga po. Siya ang sinisisi ni Tiffany. Siya raw ang pumatay sa kapatid niya," sagot ni Trinity kaya napapailing si Tessa habang hinahalo niya ang fried rice na niluluto niya. "Wala siyang ebidensya. Sigurado ako na hindi makukulong si Jenny, lalo pa't mayaman ang pamilya nila," sagot ni Tessa. Sinandukan na niya ng sinangag si Trinity sa plato nito. "Konti lang po. Wala akong ganang kumain dahil sa nakakagimbal na balita ngayong umaga," reklamo ni Trinity habang napapangiwi pa siya ng mukha. "Ako rin. Tiyak na hindi ako makakain nito." Napapailing na lang si Tessa habang pinagtitimpla ng kape si Trinity. "Anyway, anong oras po ninyo bibilhin ang bago kong sasakyan?" pag-iiba ni Trinity sa usapan. "Pero, teka nga pala. Bago ko ituloy na ibili ka ng sasakyan, nais kong malaman kung sanay ka na bang magmaneho?" Ngumiti ng matalim si Trinity nang itanong iyon ni Tessa. Kinuha niya ang wallet sa bag niya at bigla niyang pinakita ang driver license niya kay Tessa. "Aba'y may lisensya ka na agad?" nalalaking matang tanong nito sa kanya at saka inagaw ang ID sa kanya. "Yes po. Sinamahan akong kumuha ni Doti," sagot niya habang natatawa. "Trinity!" sigaw nito sa kanya. "Nilihim mo ito sa akin? Hindi mo sinabi na nag-aaral ka na pa lang magmaneho." "Nagpaalam ako kay papa. Alam niya ito. Siya nga ang nagpadala sa akin ng pera kaya nakakuha na ako ng lisensya ko e," sagot niya kaya lalong nainis si Tessa. "Kaya pala, push na push din siyang ituloy na ibili ka ng sasakyan. Tila ako pa ata ang na-supresa sa inyo e," inis niyang sabi kaya lalong natatawa si Trinity. "So, ano na po. Anong oras niyo po bibilhin ang sasakyan ko?" tanong ulit niya. "Pag-uwi mo mamayang hapon ay baka nandito na." "Excited na ako," masaya niyang sabi at saka niyakap ang mama niya. Kinurot pa siya nito sa tagiliran niya dahil hindi siya makapaniwala sa lisensya ni Trinity. ---**--- "Bakit tila sanay na sanay ka na sa mga eksena tuwing matatapos ang kabilugan ng buwan?" nagtatakang tanong ni Trinity matapos nitong malaman na parang wala lang sa kanya ang nalamang patay na ang kuya ni Tiffany. "Deserved," nakataas na kilay na sagot ni Doti kaya lalo siyang napanganga. "Bakit naman? May lihim ka rin bang galit sa kanya?" "Yes. Isa kaya ako sa pinaglaruan niyan. Mukhang pera ang lalaking iyon. Ang dami kong nagastos na pera sa linggo-linggo niyang pagpapabili ng bagong sapatos. Ang kapal ng mukha!" galit nitong sabi habang napapairap pa habang nagmamaneho. Nangisi si Trinity. "Bakit ngayon ko lang nalaman iyan? Ginulat mo ako naman ako, Doti," inis na sabi ni Trinity. "Dahil lihim lang daw e. Itinago namin ang relasyon namin dahil sabi niya rin. Iyon pala ay limang babae kaming pinagsasabay niyang lokohin. Kung hindi ako naging tanga sa kanya ay baka nakabili na ako ngayon ng bagong cellphone." "Ibig sabihin ay pinapatay nga talaga ang mga babaerong guwapo sa Perno Town?" hindi makapaniwalang tanong ni Trinity. "Oo. Legit talaga iyon. Pakiramdam ko tuloy ay totoo si Toscano. Totoong ito ang bumababa sa buwan para pumatay sa mga manlolokong lalaki." "At maaring taga-rito rin ang sumulat sa librong 'Moon Trap'," sagot ni Trinity. "Oo nga. Halos tumutugma nga sa mga nangyayari dito ang mga nakasulat sa libro. Hindi kaya, totoo sina Drusus at Toscano? Hindi kaya si Drusus ang nagsulat ng librong iyon?" Nagkatinginan tuloy silang pareho. "Kinikilabutan ako, Doti." "Parehas tayo." Pagdating sa Neaveh University ay nagulat sina Trinity at Doti nang makita nilang pasugod sa kanila sina Tiffany. Nagulat na lang sila nang lagpasan sila nito at doon nila nakita na nasa likuran pala nila si Jenny. "Mamatay tao ka!" galit na sabi ni Tiffany at saka niya itinulak si Jenny. Natumba si Jenny, pero agad rin siyang tumayo. Hinarap din niyang galit si Tiffany. "Huwag mo akong pagbintangan sa karmang nangyari sa mukhang pera mong kuya! Sa totoo lang ay deserved niya ang nangyari sa kanya. Isa pa, pinapanalangin ko nga kagabi na paslangin siya ng halimaw na pumapatay sa Perno Town e. Tignan mo nga naman, nagkatotoo ang hiniling ko. Tuwang-tuwa ako dahil kahit pa paano ay nakaganti ako sa mga kalokohang ginawa niya sa akin. Biruin niyo, halos isang milyon na ang nakukuha niyang pera sa akin. Ganoon ako naging tanga sa kuya mo, Tiffany! Kaya kung mangbibintang ka, make sure na may ebidensya ka, na ako ang pumatay sa kanya. Kasi ako, mayroon e. Kahit panoorin mo pa ang CCTV sa bahay namin. Hindi ako umaalis ng bahay namin simula nang umalis ako kagabi sa bahay niyo. Nasa kuwarto lang ako at iyak nang iyak. Kahit i-check mo pa ang oras ng CCTV, hinding-hindi ka mananalo. Kaya, ngayon mo sabihin sa akin na ako ang pumatay sa gago mong kuya!" sigaw ni Jenny at siya naman ngayon ang nanulak kay Tiffany. Nabuwal si Tiffany pero nasalo siya ni Jem. Akmang sasaktan sana siya ni Jem, pero nagbigay na ng warning si Jenny. "Subukan mo akong saktan, ipatatanggal ko sa pagiging manager sa kompanya namin ang papa mo!" pananakot niya kaya natigil si Jem. Tameme silang nilayasan ni Jenny. Wala silang nasabi pa dahil tama naman si Jenny. Nang maglakad ito papalapit kina Trinity ay nginitian pa niya ito. Nakipag-ngitian sa kanya si Doti dahil natuwa siya sa ginawa nito sa mga bruha nilang Ex-friend. "Ngayon ko lang nakitang magtaray si Jenny. Ang solid nang ginawa niya. Gusto ko iyong part na itinulak niya rin si Tiffany para makaganti siya. Kainis lang dahil hindi siya natuloy na tumumba sa sahig dahil sa alistong si Jem. Takot din ang gaga e. Hindi ko inaasahan na sa kompanya pala nila Jenny nagtatrabaho ang papa nila ni Jem at Jam." "Tara na sa room. Baka sa atin pa ibuntot ni Tiffany ang galit niya," aya ni Trinity. Napairap si Doti. "Bakit ba takot na takot ka sa kanila? Pagtatadyakan ko pa sila sa mga mukha nila e," inis niyang sabi kaya natawa na lang si Trinity. ---**--- Umuwing luhaan si Tiffany. Pumasok lang talaga siya ngayon para sugurin si Jenny. Hindi niya inaasahan na siya pa ngayon ang mapapahiya sa mata ng mga estudyante sa school nila. "Sabi ko sa iyo e, talo tayo. Wala tayong ebidensya," pangaral sa kanya ni Jem habang pabalik na sila sa bahay nila. "Nakakagalit lang. Una si Cedrick, ngayon naman si Kuya Patrick. Kahit gago ang kuya ko ay mahal ko iyon. Wala pa rin bang may alam kung sino ang gumagawa ng mga karumal-dumal na pagpatay sa Perno Town?" umiiyak na sabi ni Tiffany. "Si Toscano iyan," seryosong sagot ni Margo. "Shut up, Margo!" bulyaw sa kanya ni Jem na inis na sa kanya. "Seryoso ang usapan ngayon, Margo. Tigil-tigilan mo na iyang tungkol sa libro. Hindi ka na nakakatuwa," sabi naman sa kanya ni Clarissa. "Fine. Pero balang-araw ay maniniwala rin kayo sa akin," sagot niya at saka siya tumahimik. "Hatid ka lang muna namin sa bahay niyo, ha? Maya na lang ulit kami dadalaw sainyo pagkatapos ng klase," sabi ni Megan kay Tiffany. "Sige," matipid nitong sagot habang kalmado na ngayon. Lata na rin kasi siya dahil kanina pang madaling araw ito iyak nang iyak nang malaman nilang patay na ang kapatid niya. Pagdating sa bahay ay binaba na siya ni Jem. Mag-isang pumasok sa bahay nila si Tiffany habang lugmok na lugmok. Nadatnan niya sa labas na kinakabit na ang tarpaulen ng kuya niya. Agad niyang sinugod ang mga lalaking nagkakabit doon. Pinagpapalo niya ang mga lalaki. "Tanggalin niyo iyan. Hindi totoo na patay ang kuya ko!" sabi niya habang nag-iiyak na naman. "Tiffany!" bulyaw ng papa niya at saka siya inawat. Inakay siya nito sa loob ng bahay nila. "Ano ba, Tiffany!" saway din sa kanya ng mama niya. Agad niyang inabutan ng tubig ang anak niya dahil nag-iiyak na naman ito. "Ma, sinong gumawa nito kay kuya? Hindi puwedeng hindi siya mananagot sa lahat ng ito," iritadong sabi ni Tiffany. "Kumalma ka, Tiffany! Pinagtitinginan na tayo ng mga bisita oh," pabulong na sabi ng papa niya habang hinahagod ang likod niya. "Panuorin mo ang CCTV sa kuwarto ng kuya mo. Mukhang totoo ngang may halimaw na pumapatay sa bayan na ito," sabi ng mama niya at saka pinanuod sa kanya ang CCTV na nakuha sa kuwarto ni Patrick. Kinuha ni Tiffany ang cellphone ng mama niya. Pinindot niya ang video. Sa unang isang minuto ay makikitang mahimbing na natutulog ito sa kama niya. Pagkaraan ng ilan pang minuto ay biglang bumukas ang mata nito. Nakatingin na ito sa bukas na bintana. Kitang-kita sa mata nito na sa buwan siya nakatingin. Nagtaka sila dahil kusang tumayo si Patrick, habang titig na titig pa rin sa buwan. May pag-aalinlangan ang mukha nito na tila ba nagulat din sa inasta niya. Makikita sa video na para bang may pumupwersa sa katawan niya na maglakad. Nakuha din sa ibang bahagi ng bahay ang paglalakad niya palabas ng bahay. Iyon na ang huling kita nila na buhay si Patrick habang naglalakad palabas sa bahay nila. "Nagising siya at nakatingin sa bukas niyang bintana. Malinaw sa video na nakatingin siya sa buwan. Mukhang totoo ngang may pumapatay sa Perno Town. May halimaw sa buwan na kumakain ng mga puso ng mga lalaki rito. At isa ang kuya mo sa nabiktima niya," paliwanag ng mama niya kaya ngayon ay tulala na naman siya. Biglang naisip ni Tiffany si Margo. Parang gusto na tuloy niyang maniwala na true story ang nakasaad sa sikat na libro na pinamagatang Moon Trap. "Pagkatapos ng lamay ni Patrick ay aalis na tayo sa lugar na ito. Hindi na safe rito. Marami nang namamatay. Kahit ang sundalo o pulis ay walang magawa. Naniniwala na ako ngayon na hindi tao ang kalaban dito. Halimaw man o demonyo ay pare-pareho nating hindi alam. Mas mabuti nang umiwas na lang tayo rito," saad ng papa ni Tiffany na agad naman niyang tinutulan. "Ayoko po. Hindi ko kayang umalis sa bayan na ito. Dito na ako lumaki. Nandito ang lahat ng kaibigan ko," sagot agad niya. "Maiwan ka kung gusto mo. Mainam pa nga iyon dahil mahihiwalay ka na sa amin. Ang tigas na ng ulo mo, Tiffany. Hindi ka na rin namin kaya. Saka, okay na rin ito para may magbabantay sa bahay na ito," galit na sagot ng papa niya at saka siya nilayasan. Hinarap na lang nito ang iba pa nilang bisita. "Anak, sumama ka sa amin. Ayokong maiwan ka rito," pagpupumilit ng mama niya pero tumanggi pa rin siya. "Dito lang ako, tapos," sagot niya at saka niya tinalikuran ang mama niya. Pumunta siya sa kuwarto niya at saka nagkulong. Habang nakahiga sa kama niya ay binuksan niya ang cellphone niya. Sabog ang notification niya sa social media. Hindi niya inaasahan na maba-bash pa siya dahil sa pagbibintang niya kay Jenny. Nainis pa siya lalo nang may kumalat na video habang sinusugod niya si Jenny. Kitang-kita rin doon kung paano lumaban si Jenny sa kanya. Maraming natuwa dahil natalo siya. Kaya naman gigil na gigil siya lalo sa mga comment doon. Ang daming tumatawa sa kanya. Ang daming mga bad word na natanggap niya. Sa sobrang inis ay naibalibag na lang niya ang cellphone niya sa pader. Nabasag iyon at saka namatay. "Buwisit! May araw ka rin sa akin, Jenny!" sigaw niya at saka niya ipinikit ang mata niya. ---**--- "Kainis! Ang dami agad assignment!" reklamo ni Doti pagkatapos ng dalawang sunod na subject nila nang umagang iyon. "Hayaan mo na. Gusto ko nga iyon e. Gusto ko na ulit maging busy sa gabi. Nakaka-miss ma-stress sa gabi," sagot ni Trinity habang natatawa kay Doti. "Palibhasa'y matalino ka," sagot ni Doti na iirap-irap sa kanya. "Saan kayo kakain?" tanong ni Carson na biglang lumapit sa kanila. "Bakit sasama ka ba?" tanong din ni Doti na mukhang kinikilig. Titig na titig siya sa malinis na mukha ni Carson. Kahit tanghali na ay mukha pa rin itong fresh. "Diyan lang kami sa tapat ng school. Baka i-try naman namin iyong samgyupsal sa tabi ng coffee shop na kinainan namin kahapon," sagot ni Trinity "Ay, okay doon. Actually, na-try ko na kahapon doon. Sama ako, ha?" paalam nito at akmang aalis na sana siya nang bigla siyang tawaging muli ni Doti. "Oh, saan ka pupunta? Akala ko ba ay sasama ka sa amin?" Biglang tanong ni Doti. "Oo nga. Mauuna na ako dahil pipila pa doon. Para pagdating niyo doon ay uupo na lang kayo," sagot nito kaya natuwa si Doti. "Guwapo na, magaling pa," sabi ni Doti at saka siya kinindatan. "Sige na, susunod na lang kami sa iyo," sabi ni Trinity kaya tuluyan nang umalis si Carson. Sinusukbit na nila parehas ang mga bag nila nang biglang lumapit si Margo sa kanila. "Wala ba kayong ibang napapansin sa lalaking iyon?" tanong nito kaya napataas ang kilay ni Doti. "Ano ibig mong sabihin?" balik na tanong ni Trinity. "May tinatago siya. Ramdam ko iyon. Mapanganib ang lalaking iyon. Mag-ingat kayo," warning niya kaya tinawanan siya ni Doti. "Parang sainyo dapat kami mag-ingat, Margo. Mukha kasing nababaliw ka na sa kakasama mo kila Tiffany. Diyan ka na nga at baka kung ano pa ang magawa ko sa iyo," sabi ni Doti at saka hinila si Trinity palabas sa room nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD