5

1144 Words
GUSTO nang hampasin ni Jasmin si Daniel. Tulad ng dati, sinundo siya nito para sabay silang pumasok sa Rayos. Tuwing may aasikasuhin ang kaibigan sa Rayos ay dinadaanan siya para sabay silang pumasok. Nakangisi na si Daniel pag-upo pa lang ni Jasmin sa passenger seat, at nang tapunan niya ng masamang tingin ang lalaki ay malakas ang naging pagtawa nito. "Nervous huh, babe?" "Shut up!" Humagalpak ng tawa si Daniel, halos sumubsob sa manibela. "Eyes on the road!" tili ni Jasmin. "Baka mabangga tayo, maldita ka!" Lalo na itong tumawa sa outburst niya. Hinampas niya ng folder ang kaibigan. Ilang minuto bago ito tumigil sa pagtawa at sumeryoso rin mayamaya. "Papasok ka ba talagang ganyan, Jas? Mukha kang bibitayin, o. Mag-relax ka nga. Sa ganyang state of emotion mo ba haharapin si Gareth? Lulunukin ka niya nang buhay! You have to appear tough—or at least pretend to be, babe." "Babe-in mo'ng mukha mo, Daniella!" Napaubo si Daniel. Inirapan lang ni Jasmin ang kaibigan. Paulit-ulit siyang humagod sa buhok. Pinilit niyang mag-relax sa loob ng mga sandaling nasa biyahe sila. Nagtagumpay naman siya kahit paano. Panatag na siya pagpasok sa marketing department. Doon mas pinili ni Sir G na makihati ng private office, siguro dahil iilan lang sila sa department bago siya in-appoint. Nadatnan niya roon ang mga punctual at dati niyang kasamahan sa team. Ang mag-best friend na Elvina at Connie. "Ako lang ba ang nabibingi sa katahimikan?" basag ni Jasmin sa sobrang katahimikan sa bahaging iyon ng Rayos. Ramdam na ramdam niya na may kulang. Sabay na tumigil ang dalawa sa ginagawa at tiningnan siya. Sabay rin ang naging malungkot na pagngiti. "Hindi mo ba nami-miss si Sir G?" "Ako po ang assistant niya. Paano namang hindi ko siya mami-miss? Ayoko lang malungkot." Itinuloy ni Jasmin ang pagliligpit sa mesa. Sa patuloy na paglipas ng mga oras ay hindi niya mapigilang sulyap-sulyapan ang saradong opisina ni Sir G. Pasado alas-diyes ng umaga nang dumating ang bago nilang boss. Napatigil si Jasmin sa ginagawa nang marinig ang tunog ng pinto. Isang matangkad na lalaking natatakpan ng itim na itim na sunglasses ang mga mata ang sumalubong sa kanyang paningin. Naka-faded jeans at itim na rider's jacket ang lalaki, magulo ang buhok na sa hula niya ay hinangin habang nagmomotorsiklo. Sa sobrang itim ng suot na salamin ay hindi niya alam kung saan ito eksaktong nakatingin habang nakatayo sa pintuan. Napansin ni Jasmin na napatutok sa lalaki ang mga mata ng buong marketing team. Nahagip ng kanyang tingin ang sarkastikong paggalaw ng sulok ng bibig ng lalaki. "Get back to work, idiots!" sigaw nitong nagpapitlag sa kanilang lahat. "Where is Jasmin Lapuz?" Wala sa loob na tumayo si Jasmin at kalmadong naglakad palapit sa lalaki. Babatiin niya ang sarili mamaya dahil relax na relax siya. Nahuhulaan na niyang buburahin ng lalaking ito ang maraming magagandang alaala niya sa lugar na iyon. "Ikaw ba si Jasmin?" Naunahan siyang magsalita ng lalaki nang nasa harap na siya nito. Ilang segundong naramdaman niya ang titig ng lalaki sa ilalim ng itim na itim na sunglasses—na marahan nitong tinanggal para mas titigan siya. Natiyak mismo ni Jasmin nang mga sandaling iyon kung sino ang kaharap niya. Hindi nagbago ang itim na itim nitong mga mata... "Magaling talagang pumili ng babae si Dad," anang lalaki, pumunit sa mga labi ang nang-uuyam na ngiti. Pakiramdam ni Jasmin ay namutla siya sa galit nang titigan siya nito mula ulo hanggang paa na para siyang basurang pinepresyuhan ang katiting na halaga. "Excuse me?" "'Yan ba ang office ng magaling kong ama?" sa halip ay bale-walang tanong ng lalaki. Tumango si Jasmin, sabay kuyom ng kamay na nasa likuran niya. Dire-diretsong tumuloy sa silid ang bago nilang boss, pabalibag pang isinara ang pinto. Shocked pa rin na bumaling siya sa mga kasama, na tulad niya ay halos mga nakanganga rin, nasa state of shock. Ang lalaking iyon ba talaga ang anak na ibinilin sa kanya ni Sir G na alalayan niya? May urge siyang lumabas ng building at sumagap ng sariwang hangin. Sa tingin niya ay hindi kailangan ng tulong ng lalaking iyon. Siya ang may kailangan—kailangan niya ng dos por dos na ihahampas sa pagmumukha nito sa susunod na insultuhin siya. HALOS hindi huminga si Jasmin sa paglilitanya ng sama ng loob. Naroon sila ni Daniel sa loob ng kotse. Sinabi niyang huwag muna silang umalis. Kailangan niyang ilabas ang sama ng loob. Limang minuto yata siyang nagsalita nang halos hindi humihinga. Hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwalang anak ni Sir G ang nakaharap nilang lahat kanina lang. Masyadong mabait at kagalang-galang ang dati niyang boss para maging anak nito ang animo ay galit sa mundong si Gareth. Tila wala sa bokabularyo ni Gareth ang respeto sa kapwa. Unang pasok pa lang ay tila gusto nang sirain ang magandang image ng ama nitong nirerespeto nilang lahat. "Iniisip ko pa rin hanggang ngayon kung paano naging anak ni Sir G ang walang-modong lalaking 'yon, God..." Patuloy sa pag-iling si Jasmin, nakakuyom pa rin ang mga kamay. "Alam mo ba kung ano'ng unang sinabi niya? Instead na batiin kami ng magandang umaga, isang malutong na 'Get back to work, idiots!' ang pasalubong sa aming lahat!" Kahit hindi niya nakikita ang sarili ay nahuhulaan na niyang namumula pa rin ang kanyang mukha sa inis. Hindi yata humupa ang inis ni Jasmin buong maghapon. Mas tumindi pa dahil tatlong beses siyang tinawag ni Gareth Montalvo na wala namang ipinagawa sa kanya—tinitigan lang siya mula ulo hanggang paa at paa pabalik sa ulo, pagkatapos ay iiling-iling habang nakataas ang isang sulok ng bibig at nang-uuyam ang tingin. Nagawang pagpasensiyahan ni Jasmin ang unang dalawang beses pero sa ikatlong pagtawag ni Gareth ay handa na sana siyang makipag-away, hindi na niya kayang pigilan ang inis. Noon naman nagbigay ng utos si Gareth na para bang nahulaan na ang gagawin niya. Hiningi nito ang lahat ng trabahong naiwan ng ama at kailangang tapusin. Kuyom ang mga kamay na bumalik siya sa kanyang mesa. Ilang segundong kinalma niya ang sarili sa kanyang puwesto bago nagpasyang bumalik sa private office ni Gareth. Sinadya niyang pabagsak na ilapag sa mesa ang detailed reports, book records, at mga folder na naglalaman ng mga ongoing project ni Sir G. Tinawag uli siya ni Gareth nang nasa pintuan na siya. Bago pa man ito nakapagsalita ay inunahan na niya ng malamig na, "'Yan na lahat ang kailangan n'yong malaman, Mr. Montalvo. Kung may details na hindi n'yo maintindihan, itanong n'yo lang at ipaliliwanag ko. Marami akong reports na kailangang i-update, excuse me." Tumalikod agad si Jasmin at sinadya rin niyang ibalibag ang pinto. Kung hindi lang dahil kay Sir G ay mas gugustuhin niyang ma-fire na lang kaysa makasama ang anak nitong wala yatang nakuha kahit kaunting kabutihan mula sa dati niyang boss.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD