HUMINGA nang malalim si Raven at pinuno niya ng malamig na hangin sa Paris, France ang kaniyang baga.
Palapit na naman ang winter. Ang mga puno sa paligid ay nagpapalit na rin ng kulay ng dahon. At ang hangin? Nanunuot na ang lamig sa kaniyang mga buto. Kaya naman hindi pupuwedeng hindi siya magsusuot ng may kakapalan na coat lalo na kung lalabas siya sa ukupado niyang hotel suite.
Naglalakad-lakad siya ng mga sandaling iyon sa may Champ de Mars kung saan located ang kinaroroonan ng Eiffel Tower. Isa iyong public green space sa Paris kung saan namamasyal ang mga turista o kung sino man na gustong makita ang Eiffel Tower sa malapitan.
Tuwing nasa Paris siya, hindi maaaring hindi niya masisilayan sa malapitan ang pamosong Eiffel Tower. Kahit tanaw iyon sa maliit na balcon ng kaniyang hotel suite, iba pa rin na makikita niya iyon sa malapitan.
“Ka-holding hands na lang ang kulang,” bulalas pa niya nang mapatingin sa magkasintahan na dumaan sa tabi niya.
Bumuntong-hininga siya.
Sampung taon na ang matulin na lumipas simula nang tuluyan niyang iwan ang bansang Pilipinas. Ipinilig niya ang ulo nang maalala na naman ang bansa na ni minsan ay hindi pa niya nabibisita.
May kirot sa puso niya tuwing naaalala ang bansang pinagmulan. Lalo na ang isang tao na ni minsan din ay wala na siyang balita pa.
Nagpatuloy siya sa paglalakad.
May dalawang linggo siyang bakasyon. Pinakamahabang bakasyon na tinanggap niya. Nagtatrabaho siya ngayon sa isang malaking airline company sa bansang Aronsdale. Doon siya pinatapon nang paalisin siya sa Pilipinas.
Pinatapon talaga ang term niya sa pagpapadala sa kaniya sa bansang iyon. Doon na rin siya nakatapos ng pag-aaral at nakapagtrabaho.
Twenty-eight na siya. Pero hanggang ngayon, bokya pa rin ang kaniyang love life. Hindi niya magawang buksan ang sarili sa ibang tao. Kaya focus lang siya masyado sa kaniyang trabaho. Sa sobrang dedicated nga niya, ilang beses na siyang nakatanggap ng award. Napakalaki na rin ng ipon niyang pera. Dahil hindi naman siya magastos sa sarili at wala siyang pinadadalhan na pamilya. Hindi rin siya palaging bumibili ng mga luxury bags, clothes, shoes o ng kahit na anong mamahaling gamit. Isang beses lang yata sa loob ng isang taon kung may matipuhan siyang mamahaling gamit. Pag-iisipan pa niya iyong mabuti kung worth it ba na gastusan o hindi?
Except sa makeup na kailangan niya sa trabaho.
Ayaw sana niyang tanggapin ang dalawang linggo na bakasyon. Pero binigyan siya ng mga benefits na hindi niya matanggihan. Katulad na lang ng bansa na gusto niyang puntahan. Libre din ang gastusin niya roon. Maging ang hotel na kaniyang tutuluyan. Binigyan pa siya ng allowance. Sino ba naman ang hindi tatanggi?
“You need to refresh yourself, Friah. Accept the vacation. Everyone needs this. And your body and soul need it too. Don’t refuse to give it to yourself once in a while. Okay?” naalala ni Raven na wika sa kaniya ng kaniyang boss.
Friah Matison, iyon ang pangalan na dala-dala niya sa bansang iyon. Never siyang naging si Raven. Sa loob tuloy ng sampung taon, pakiramdam niya ay nalibing na ng buhay ang pangalan niyang Raven Trojillo. Wala ng tumatawag niyon sa kaniya. Nakaka-miss din pala na tawagin siya sa tunay niyang pangalan.
Nang mapagod sa paglalakad ay naupo siya sa isang bench na hindi kalayuan sa mismong Eiffel Tower. Tahimik niya iyong pinagmasdan. Sanay naman siyang mag-isa roon. Immune na immune na siya.
“Pasalamat ka, Eiffel, love na love kita,” nakangiti pa niyang wika bago iyon kinuhanan ng picture gamit ang kaniyang cell phone. P-in-ost pa niya sa kaniyang Insta App ang kuhang larawan. Ang pangalan din niya roon ay Friah Matison. Pero wala siyang pino-post na kasama ang mukha niya. Kung hindi pagkain ay puro magagandang lugar na kaniyang nararating ang pino-post niya sa kaniyang social media.
Saktong kaka-post lang niya nang makatanggap naman siya ng tawag sa Insta. Video call iyon.
“Yes?” sagot niya sa tawag ni Sassy Morel. Anak ito ng boss niya at mabait din sa kaniya. Isa ito sa mga boss niya sa trabaho.
“Hi, Friah, you’re still in Paris, right?”
Tumango siya na ikinahinga naman nito nang maluwag.
“I can’t go to Paris tomorrow.”
“Why?”
Ipinakita nito sa kaniya ang boyfriend nitong nakahiga sa kama at ibabang bahagi lang ng katawan ang may nakatakip na kumot. Gets na niya agad ang nais nitong iparating.
Pilot ang boyfriend nito at sa ibang bansa nakabase. Bibihira din kung magkasama ang dalawa. Kaya mukhang sinusulit ni Sassy ang pagkakataon na makasama ang boyfriend nito.
“You get it now?” ani Sassy na napakagat labi pa.
Mukhang katatapos lang din ng loving-loving ng mga ito.
“Yeah. So, what’s the problem, Sassy?”
“You need to attend the party tomorrow on my behalf. Lots of pilots and airline owners are there, Friah. Maybe, this is your chance to meet your destiny,” ani Sassy na kinindatan pa siya. Tinutudyo siya.
Hindi naman kasi lingid sa lahat na bokya siya sa love life. Sa kaniya rin naman may problema.
“Whatever,” nangingiti na lang niyang wika. “Where’s the venue, then? And how can I enter the party?”
“I’ll send you the details later. And about the venue, it’s in Le Pré Catelan Lenôtre,” tukoy nito sa kilalang venue sa Paris, France para sa iba’t ibang klase ng events.
“I want you to enjoy the night for tomorrow, Friah. Don’t be kill joy. Bye. And oh,” anito bago tapusin ang tawag. “I’ll send you a gown and shoes you need to wear for tomorrow. Send me your hotel address. Okay?”
Tumango siya. “Okay.”
“Bye!”
Napabuntong-hininga si Raven matapos ang tawag na iyon. Pagkuwan ay muling pinagmasdan ang kagandahan ng Eiffel Tower.
Don’t be kill joy… naalala pa niyang bilin ni Sassy kanina.
Kung hindi lang mukhang importante ang party na dapat ay ito ang a-attend, siguro hindi siya mangingiming tanggihan iyon.