Chapter 1
Nakatitig lang ako sa dalawang magagandang nilalang na kausap ni Mother Vina na hawak ang aking kamay ngayon at dala niya ang maliit kong bag sa kabila niyang kamay. Hindi ko maintindihan kung anong nangyayari pero pagkatapos ng ilang araw na pagdalaw-dalaw sa akin ng mag-asawa na mukhang mayaman sa isang tingin. Hindi ko alam kung ako ang napili nila o may iba silang napili na batang aampunin ngayon. Para sa akin, hindi ko na iniintindi pa ang bagay na ‘yon. Isa lang ang alam ko, na ayaw sa akin ng mga sarili kong magulang kaya iniwan nila ako dito sa bahay ampunan. Kaya wala akong pakialam kung aaampunin nila ako, ang gusto ko lang ay mapag-isa at pag malaki na ko, aalis ako sa ampunan at bubuhayin ang aking sarili. Wala na akong tiwala sa iba pang tao, kahit mabuti pa ang pakikitungo nila sa akin. Kaya nga wala akong kaibigan rito, dahil alam ko kapag napalapit ako sa isa sa kanila, iiwan pa rin nila ako. Lumuhod ang babae sa aking harapan at matamis siyang ngumiti sa akin.
“Hello, Aisha, ako na ang magiging Mama mo ngayon…” malambing niyang sabi sa akin at napakurap naman ako.
“P-po?” di makapaniwala kong sabi at tumingin ako kay Mother Vina.
“Hindi ba’t ilang beses na silang dumalaw sa’yo? Naglaro pa nga kayo ni Mrs. Kaiser, hindi ba?” sabi nito sa akin at nahihiya akong tumango.
“Ayaw mo ba na magkaroon ka ng sarili mong pamilya? Gusto namin ng asawa ko na maging parte ka ng aming family.” mabait na sabi sa akin ni Mrs. kaiser at yumuko lang naman ako.
“Ayaw ko… Baka pag tumagal iiwan niyo rin ako katulad ng mga magulang ko. Dito na lang ako, Mother Vina, babawi na lang ako pag may trabaho na ako.” sabay tingin ko sa isa sa mga madre na nag-aalaga sa amin rito. Napatingin ulit ako kay Mrs. Kaiser nang hinawakan niya ang aking kamay at pinisil niya ito.
“Hija, promise ko na hindi ka namin iiwan. Aalagaan kita ng mabuti, wala kasi akong baby girl, at lahat ng anak namin ay makukulit na boys. Dahil hindi na ako pwedeng magkaanak, nandito kami ngayon para naman may maging anak kaming babae. Ikaw ang napili namin, Aisha, nakikita namin ang potential mo. Mabuti kaming tao kaya sana bigyan mo kami ng pagkakataon.” hinawakan ko ang kanyang pisngi at malawak naman siyang ngumiti sa akin.
“Sige na nga po… Pero pag ayaw niyo sa akin, ibalik niyo po ako rito, kay Mother Vina at huwag akong iwan sa kalsada.” mahina kong sabi. Natigilan naman siya. Hinila niya ako tapos ay mahigpit kong niyakap na kinagulat ko.
“Hinding-hindi namin ggawin ‘yon, hija, ituturing ka namin na tunay na anak. Tsaka may mga kapatid ka pa na sigurado naman ako na aalagaan ka rin at ipagtatanggol.” sabi ng asawa nito at hinaplos pa ang aking ulo. Hindi na lang ako sumagot at niyakap na rin si Mrs. Kaiser.
Kinabukasan, tuluyan na nila akong kinuha sa ampunan. Dala ang konting gamit ko, nagpaalam ako sa mga madre na nag-alaga sa amin, at pti na rin sa mga katulad kong bata na naroon. ‘Yong iba maliliit pa at ako naman ay may kalakihan na ng konti kaya alam ko na ang mga nangyayari sa paligid ko. Ang sabi ni Mother Vina, mas advance daw akong mag-isip compare sa mga batang ka-edad ko na.
First time kong sumakay ng isang magarang sasakyan, at hindi ko maiwasan na matuwa na tumingin sa labas ng bintana at nakikita ang mga naglalakihang gusali. Akala ko uuwi na kami sa bahay nila, nagulat na lang ako nang papalapit kami sa isang malaking shopping mall. Doon nga kami pumunta at hawak ni Mrs. Kaiser ang aking kamay habang naglilibot kami. Ang sarap lang na maglakad doon dahil hindi mainit. Marami silang binili para sa akin, damit, sapatos, at kung anu-ano pa. Kumain din kami sa isang restaurant at ang sarap ng mga pagkain na ngayon ko lang nakita at nakain.
“Nag-enjoy ka ba sa pamamasyal natin, Aisha?” tanong sa akin ni Mrs. Kaiser. Nasa sasakyan na kami ulit at pauwi na talaga.
“Opo, Mrs. Kaiser, maraming salamat po.” mahina kong sagot sa kanya. Matamis naman siyang ngumiti.
“Hindi ba’t sinabi na namin sa’yo na tawagin mo na kaming Mama at Papa, kami na ang magulang mo. parte ka na ng aming family, mas magiging masaya kami ng Papa mo pag kinilala mo kaming magulang mo, anak.” tumingin naman ako sa kanilang dalawa.
“Maraming salamat po, M-Mama, Pa-Papa…” nahihiya kong sabi at tumawa silang dalawa. “Sabi niyo po mga boys ang mga anak niyo, hindi po ba sila bully?”
“Bully? Naku, pag ginawa nila ‘yon paparusahan namin sila ng Papa mo. Pero mababait naman sila, Aisha, excited na nga sila na ma-meet ka.” tumango lang naman ako. Maya-mya nakarating na kami sa kanilang tahanan. Hindi ko maiwasan na humanga at mapaawang aking bibig nang makita ang bahay nila na parang palasyo, ang laki at ang lawak! Tumigil ang sasakyan sa harap nito at bumaba na kami. Hawak ni Mrs. Kaiser ang aking kamay at may babae na nagbukas malaking pinto ng bahay. Pumasok kami at namangha naman ako dahil ang ganda-ganda rin sa loob nito. Ang taas ng ceiling at kitang-kita ko ang mamahaling gamit na naroon. Lahat ay makikislap, may malaki silang larawan sa dingding, ang lalaki ng upuan, at may nakasabit pang parang crystal sa taas.
“Welcome to your new home, Aisha… Huwag kang mahihiya, ha? Bahay mo na rin ito ngayon.” malambing niyang sabi sa akin. Napatingin ako sa hagdan nang makarinig ako ng ingay. Nakita ko na may mga bumababang mga lalake, lima sila at ang tatangkad nilang lahat. Lumapit sila sa amin at natigilan nang makita nila ako. Nagtago naman ako sa likod ni Mrs. Kaiser at sumilip sa kanila. “Aisha, silang ang mga brothers mo. Boys, magpakilala nga kayo sa baby sister ninyo.”
“M-Mama, hindi po ako baby.” nakalabi kong sabi sa kanya. Tumawa naman siya at bigla niya akong binuhat. Sabagay, kahit 8 years old na ko, may kaliitan ako at medyo chubby.
“Ikaw ang bunso namin, kaya baby kita hangga’t gusto ko.” tuwa niyang sabi at hinalikan ako sa pisngi.
“Hello, Aisha, ako nga pala ang panganay, just call me Kuya Sage… At ito naman ang mga kapatid ko.” sabi ng isa na siyang pinaka matangkad sa lahat at may matamis na ngiti sa kanyang labi.
“My name’s Silas, welcome to the Kaiser family.” sabi ng katabi nito na may konting ngiti rin sa kanyang mukha.
“Ako naman si Steele, hindi mo na ko kailangan na tawagin na Kuya.” seryoso naman na sabi ng isa na nasa dulo.”
“Hello, baby Aisha, ako si Summit. Pwede mo akong tawagin na Kuya, or cute Kuya, poging Kuya.” binatukan ito ni Steele at tinulak nito ang kapatid.
“Shiloh…” tipid na sabi ng isa habang nakatitig siya sa akin. Masasabi ko na kahit bata pa ako, alam ko na kung gaano sila na ka-gwapo na tatlo. Hindi naman ako magtataka dahil maganda at gwapo ang kanilang magulang.
“He-hello sa inyo, ako si Aisha…” pakilala ko sa kanila at binaba ako ni Mrs. Kaiser. Lumapit sa akin si Shiloh at pinisil niya ang aking pisngi.
"Ang cute mo naman!" Tuwa nitong sabi at ngumiti lang ako sa kanya. Lumapit pa ang iba kong magiging kapatid na winelcome ako sa kanilang family. Dito nagsimula ang marangya kung buhay kasama ang Kaiser family.