SIMULA
~~
“TREFOR! TREFOR!!” Sigaw ng kanyang ina habang patakbong papasok sa kanilang bahay. Meron itong magandang balita para sa kanyang anak.
“Trefor, pumarine ka! Meron akong sasabihin sa iyo na importante. Tumawag sa akin ang Ninang Gina mo!” Muling sigaw ng ginang, nagulat naman ang binata dahil halos kakatulog lang niya.
"Trefor pumarine ka saglit!" Pag-uulit na tawag sa kanya, kaya kahit inaantok pa ay bumangon na ito sa kama.
Gulo-gulo ang buhok at nakabusangot yung mukha, dahil sa sobrang ingay ng kanyang ina.
“Bakit ga inay? Ang aga-aga pa nagsisigaw ka na diyan!” Reklamo ng binata dahil halos dalawang oras palang ang kanyang tulog.
“Huwag ka na magreklamo diyan, magandang balita ang sasabihin ko sayo. Naalala mo ga ang iyong Ninang Gina, yung taga Maynila. Tumawag sa akin ngayong-ngagon, ang sabi kailangan niya ng Personal Driver sinabi kong ikaw na lang, kaya ngayon pinapapunta kang Maynila para sa kanya magtrabaho.” Paliwanag ng kanyang ina, nagsalubong ang kilay nito dahil parang hindi nakikinig si Trefor sa sinasabi niya.
“Areng Kalaksot (lalaki) na are, nakakasura!! Kanina pa ako nagpapaliwanag dine hindi ka nakikinig!” Galit na sigaw ng ginang bago binatukan ang kanyang anak. Huminga naman ng malalim si Trefor dahil kahit inaantok pa siya ay nakikinig naman ito sa sinasabi ng kanyang inay.
“Inay naman kasi kahit kailan napakaligalig ninyo, alam mo namang wala pa akong masyadong tulog. Wala ka ng ginawa kundi gisingin ako, sino ga ang matutuwa. Galing akong trabaho inay, mamaya na tayo mag-usap. Pagkabanas na nga ginising mo pa ako, pahirapan na namang matulog.” Muling reklamo niya sa kanyang ina bago tumayo sa kinauupuan.
“Kadami mo namang reklamong bata ka, mamayang gabi ang luwas mo papunta sa Maynila. Ikaw huwag kang maging pasaway doon, mahiya ka sa Ninang Gina mo! Bumalik ka na sa kwarto mo, baka makurit pa kitang kalaksot ka!” Pahabol na sermon ng kanyang ina, napakamot na lamang siya sa batok niya bago muling humiga ng kama.
Napatitig siya sa bubong ng kanilang bahay, inaalala kung sino ang tinukoy ng kanyang ina na Ninang Gina pero hindi niya na talaga ito maalala.
Napabuntong hininga siya dahil hindi niya nakikita ang sarili sa Maynila.
Siya si Trefor Quimson, twenty five years old nagtatrabaho siya sa Palengke tuwing madaling araw. Sa umaga ay inaasikaso niya ang mga alaga nilang hayop. Nakapagtapos sa pag-aaral si Trefor, nag-apply siya papuntang ibang bansa pero kasamaang palad ay scammer ang napuntahan niyang agency sa Maynila. Kaya mas pinili na lamang niyang magtrabaho dito sa Batangas, malaki rin naman ang kinikita niya dahil sa mga gulay na kanyang ibinebenta at iba pa yung sahod sa pinagtatrabahuhan niya. Isang masipag na binata si Trefor, pero may pagkaluko rin lalo na pagdating sa mga babae. Dahil wala pa siyang balak mag-asawa, hindi ito seryoso sa mga nagiging karelasyon niya, walang nagtatagal. Maraming nagkakagusto sa kanya, isang matangkad na moreno si Trefor dahil sa trabaho nito ay lalong gumanda ang kanyang pangangatawan na bumagay sa katangkaran niya.
Dahil sa hindi na siya makatulog mas pinili na lang maligo. Habang ang kanyang ina ay nag-asikaso na sa kusina para sa kanilang tanghalian. Simpleng pamumuhay lang ang meron sila, hindi sila mayaman sapat ng nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Nag-iisang anak lang si Trefor, kaya hinahayaan na gawin kung anong gusto nito sa buhay, pero kahit papaano ay lagi pa rin siyang pinapangaralan ng kanyang ina.
“Anong ulam natin inay? Hindi na ako makatulog, sino ba yung sinasabi mong Ninang Gina ko?" Tanong niya paglabas sa kanyang kwarto.
“Taga Maynila si Gina, naging kaklase ko nung college ako sa aking back subject. Dalawang beses mo palang kasi siya nakita noong nag tatlong taon ka at seven years old. Mabait siya Trefor, pwede ka rin magpatulong kung itutuloy mo pang mangibang bansa. Nabanggit ko na ang bagay na yan sa kanya.” Kwento ng ginang habang nag gigisa ng bawang at sibuyas.
“Hindi ko siya maalala, pwede bang magpaalam muna ako sa palengke bago umalis? Mamayang madaling araw na lang ako babyahe.” Tanong niya sa kanyang ina, dahil baka magalit ang boss niya kapag umalis siyang walang paalam.
“Ikaw ang bahala basta lumuwas ka nakakahiya naman kay Gina dahil umaasa siyang darating ka." Sagot ng ginang bago hinarap ang kanyang anak.
"Huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo ang Ninang Gina mo, dahil marami yun iniisip. Mabait naman iyon pero may pagka-istrikto, matanda na kasi ang personal driver niya kaya naghahanap siya ng kapalit na pwedeng mapagkatiwalaan. At habaan mo ang iyong pasensya dahil lahat naman tayo merong ugali. Isang matandang dalaga ang iyong Ninang Gina, kaya sana pakisamahan mong maayos ikaw ang mas bata kaya intindihin mo.” Mahabang payo ng kanyang ina, walang masabi si Trefor kundi tumango na lang. Sanay naman siyang makisama sa mga matatanda na kaya hindi na iyon mahirap para sa kanya.
“Mayaman ba si Ninang Gina?" Tanong niya, binigyan muna siya ng pagkain bago sumagot ang kanyang ina.
“Oo mayaman ang pamilya niya, dahil nag-iisang anak sa kanya lahat ng responsibilidad. Kaya kung mainit ang kanyang ulo, huwag mo ng dagdagan pa. Kaya nga hindi siya nakapag-asawa, dahil mas pinili niyang aasikasuhin ang kanilang mga negosyo.” Napatango naman si Trefor dahil sa kanyang nalaman. Kahit papaano ay nagkaroon siya ng ideya kung anong klaseng tao ang pakisamahan niya.
“Ito ang Ninang Gina mo, mabuti meron pa ako nito sa social media ko." Pinakita niya ang larawan nilang dalawa nung seven years old siya. Batang-bata pa dito at mahahalata sa pananamit niyang meron talaga siyang kaya.
Nagandahan si Trefor sa kanyang Ninang Gina,
“Hindi ka pa kakain Inay?” Nakita niya kasing siya lang yung inihandaan ng pagkain.
“Mamaya na ako kakain hihintayin ko pa ang itay mo, pauwi na siya." Sagot nito, tinapos na ni Trefor ang kanyang pagkain para maayos na niya kung anong dadalhin niyang gamit.
Inilabas niya lahat ng kanyang mga damit para makapag pili ng dadalhin. Yung mga maayos ang kanyang kinuha dahil siguradong araw-araw silang aalis.
Habang nag aayos siya ng gamit ay tinawagan niya ang kanyang kasintahan na si Nadia. Agad namang sumagot ang dalaga excited pa ito dahil ilang araw din silang hindi nakipag-usap ni Trefor.
“Hello babe, kamusta?" Masiglang tanong ni Nadia, bumangon pa ito mula sa kanyang pagkakahiga.
“Ayos lang, meron akong sasabihin.” Seryosong sagot ni Trefor, bigla namang kinabahan ang dalaga.
"Luluwas ako ngayon papuntang Maynila, dahil kinuha akong driver ng Ninang ko. Magiging busy na ako sa trabaho.” Dagdag niyang sabi hindi agad nakapagsalita si Nadia, lalo pa lang magiging komplikado ang lahat para sa kanilang dalawa.
Nag-aaral pa si Nadia kaya hindi sila laging nagkikita ng binata, at kung freetime naman nito ay busy si Trefor.
“Ganun ba, okay lang babe basta lagi mo akong tawagan tuwing gabi. Mauwi ka pa naman dine diba?” Pilit pinasigla ni Nadia ang kanyang boses para hindi halatang malungkot siya sa pag-alis ni Trefor. Tatlong buwan pa lang silang magkarelasyon, at kahit noong bago-bago palang sila ay malabo na ang kanilang relasyon.
“Sige walang problema, kapag mauwi ako dine sasabihan kita para kahit papaano ay magkita tayong dalawa.” Pangako niya sa dalaga, nagpaalam na rin siya dahil ipagpapatuloy na nito ang pag-aayos ng kanyang gamit.
Alas-syete na ng gabi, tinawag na siya para kumain. Sabay-sabay sila ngayong dinner dahil maagang nakauwi ang kanyang ama galing barangay. Isang magiting kapitan ang ama niya, dahil maayos ang pamamalakad nito. Lahat ng kailangan ng kanilang barangay ay ginagawan niya ng aksyon. Hindi niya hinayaang may sirang street lights at laging malinis ang paligid lalo na yung mga kanal dahil doon nag+uumpisa ang baha kapag nabarahan iyon ng mga basura.
“Sabi ng iyong inay magtatrabaho ka raw sa Maynila, pag-igihin mo huwag kang gumawa ng kahihiyan doon.” Seryosong bilin ng kanyang ama, tumango naman si Trefor bilang sagot.
“Ako na ang bahala sa mga alaga mong baka at kambing, pati na rin sa gulayan mo. Sana lang at matuloy ang pangarap mong pumunta sa ibang bansa.” Dagdag pa nitong sabi sa kanyang anak, alam niyang matigas ang ulo ni Trefor dahil lagi itong nasasangkot noon sa gulo.
“Oo Tay hindi ko kayo binigyan ng sakit sa ulo, trabaho ang aking pupuntahan sa Maynila.” Magalang na sagot si Trefor, tahimik na silang kumain walang ng nagsalita pa sa kanila.
Pagkatapos ang kanilang dinner, nagpahinga lang sagot si Trefor bago matulog nag-alarm na lang siya ng alas-dose ng madaling araw. Dahil dadaan pa siya sa palengke para magpaalam.
Paggising niya agad siyang naligo pagkatapos nagpalit na ng damit pang-alis. Kumatok siya sa kwarto ng kanyang magulang para magpaalam na.
“Aalis na ako nay tay, isasara ko na lang yung gate.” Pasigaw niyang sabi habang kumakatok, maya-maya pa'y bumukas ang pinto.
“Sige mag-ingat ka, mag-text kapag nakarating ka na.” Sagot ng kanyang ina na pumipikit-pikit pa, nag-mano na siya bago tuluyang lumabas ng kanilang bahay.
Paglabas niya ay may mga traysikel na sa kabilang kanto kaya nag tawag siya doon.
“Oh saan ka mapunta Utoy?” Tanong ng ginoo sa kanya.
“Sa Maynila, doon ako magtatrabaho.” Agad niyang sagot bago sumakay, sa huling pagkakataon ay sinulyapan niya ang kanilang bahay.
Matagal-tagal siyang hindi makakauwi, balak niya ang kanyang magiging sahod ay iipunin bago ipaayos yung piggery nila noon.
Sana lang ay magtagal siya sa trabaho, dahil ito ang unang beses niyang malayo sa kanyang magulang. Hindi naman masyadong malayo pero, iba pa rin talaga kapag kasama mo ang pamilya.
To be continued...