PROLOGUE
UBOS na naman ang isang kaha ng sigarilyo at nagkalat ang mga upos nito sa kwarto. Nakahilera sa sahig ang mga pinag-inuman ko ng beer at ang ilan ay natumba na dahil nasa lapag lang ang mga ito.
Magtatakip-silim na naman. Papasok pa ako sa trabaho pero hindi pa ako nakakatulog.
Ilang gabi na rin akong ganito. Pumapasok na may impluwensya ng alak kaya minsan napapagalitan ako sa ospital na pinagtatrabahuhan ko.
Sa tuwing maaalala ko kasi siya, pag-iinom ng alak at paghithit ng yosi ang ginagawa ko. Binabalik-balikan ko rin ang lugar kung saan kami unang nagkita.
Tinungga ko ang huling bote ng alak. Ninamnam ko ang mainit na daloy ng likido sa lalamunan ko at hayaang sakupin nito ang sistema ko.
Nabuhayan ako nang biglang may kumatok. Sana ay siya iyon. Mabuti at ilang beses ko na rin siyang dinala sa bahay noon kaya alam niya kung saan ako pupuntahan.
Labis ang pagkasabik kong buksan ang pinto. Mabilis kong sinuklay ang buhok ko gamit ang daliri saka pinagpag ang suot na pantalon.
Nadismaya ako nang hindi ang taong inaasahan ko ang bumungad.
Binalingan nila ang mga natumbang bote ng alak at ang mga nagkalat na upos ng sigarilyo sa sahig.
Sinamahan nila ako sa gabing iyon at na-realize kong napakaswerte ko sa kanila.
Sabi nga ng barkada ko, baka kailangan kong magpalamig muna. Kaya sabi nila, try ko raw mag Baguio.
Noong una ay pinagtawanan ko lang pero bandang huli ay naisipan kong baka nga kailangan ko ito.
Bumyahe ako patungong Baguio para ayusin ang sarili ko. Hindi ko ginamit ang motor ko sapagkat ayaw kong magsama ng anumang makapagpapaalala sa kanya.
Pinikit ko ang mga mata ko at sinaksak sa tenga ko ang earphones habang dinadama ang malungkot na tugtog. Hanggang sa sumapit ang umaga, naramdaman ko ang panlalamig ng katawan ko.
Hinawi ko ang kurtina saka tinanaw ang magandang tanawin ng syudad.
Bumuntong hininga ako dahil parang mali yatang dito ang pinuntahan ko. Malamig. Kailangan ko ng kayakap sa gabi. Kaya't sana ay mahanap ko siya dito, baka lang sakali.