PROLOGUE
Tatandang dalaga.
Mataba.
Hindi kagandahan.
Hindi nakapag-aral.
Walang magkakagusto.
Ilan lang yan sa mga salitang nakatanim sa aking isipan, na marahil ay iyon din ang dahilan kung bakit sa edad kong ito ay hindi ko pa rin nararanasang makipagrelasyon o ang magkanobyo.
Sabi nga nila never been touch, never been kiss. Iyan ako, si Aileen Corpuz. Nakakatawa mang isipin pero totoong hindi ko pa rin nararanasan ang mahalikan o kahit man lang ang mahawakan.
Subalit isang lalaki lamang ang siyang nangahas na nagnakaw sa akin ng aking unang halik na kahit sa aking panaginip ay hindi ko nakikita. Si Sir Benites.
Isa lamang akong katulong at walang tinapos na pag-aaral, ngunit ang isang tulad ko rin lamang ang bumihag sa puso ng isang lalake.
Isang lalakeng may mataas na estado sa buhay, guwapo, matalino, hinahangaan ng lahat ng mga kababaihan sa kahit anong aspeto. Si Carlo Benites. At ang mga katangiang iyon ay pasok ika nga sa aking panlasa.
Nagmula sa asaran, kantiyawan at sa isang halik. Unang halik na dumampi sa aking labi na siya ring nagpagulo sa aking tahimik na mundo. Halik na nagpatibok sa aming mga puso.
Hanggang sa ang pagtibok na iyon ay nauwi sa isang seryosong relasyon, takot man ang una kong naramdaman, ngunit nangibabaw pa rin ang isinisigaw ng aking puso kaysa sa aking isip.
Gayunpaman, hindi naging madali para sa aming dalawa ang lahat, lalo na sa aking parte dahil sa wala akong tinapos na mataas na edukasyon ay nakaranas ako at patuloy na nakakaranas ng pangungutya at pangmamata mula sa mga taong nakapalibot sa amin.
Ganoon pa man, lahat iyon ay binalewala ko na lamang, dahil para sa akin walang ibang mas mahalaga kundi ang pagmamahal, pagpapahalaga at respetong ibinibinigay at ipinararamdam sa akin ni Carlo.
Mahal ko si Carlo, at nararamdaman ko rin naman ang pagmamahal nito para sa akin, kahit na minsan pasaway ako at makulit na parang bata ay hindi iyon naging dahilan para mabawasan ang pagmamahal at respeto nito sa akin.
Masaya ako o masaya kami sa isa't-isa, at sa aming relasyon, walang araw na hindi ko naranasan at naramdaman ang pagiging kontento sa piling nito.
Subalit ang inaakala kong panghabang buhay na kaligayahan ay mababahiran din pala ng matinding kalungkutan at sakit sa aking puso.
Matinding kalungkutan at sakit, upang magtulak sa aking sarili na sumuko at bumitaw, na kahit ang aking pagiging masayahing ugali ay utay-utay na ring natatalo ng sakit na umaalipin sa aking puso dahil sa pagmamahal ko ng sobra sa lalaking umpisa pa lang ay kasama ko nang bumuo ng mga pangarap.
Pangarap na hanggang sa huli'y kaming dalawa pa rin ang magkasama, at dahil sa sakit na aking nararamdaman ay minsan ko na ring natanung sa aking sarili kung karapat-dapat pa ba ang pagmamahal na aming nararamdaman upang magpatawad o ang palayain na lamang ang isa't-isa, na hayaang gumaling at tuluyang makalimot mula sa mga sakit na nilikha dahil sa isang pagkakamali at kawalang tiwala.