Chapter 01
Kassandra POV
USOK at ingay ng mga sasakyan ang sumalubong sa amin, pagkababa namin sa bus. Andito kami ngayon sa divisoria kasama ang kaibigan kong si Vicky.
"Andito na naman ang suki kong maganda," tukso sa akin ni Manong Rex ang may–ari ng tindahan na lagi kong binibilhan.
"Mang Rex, dapat malaki–laki ang discount ko ngayon!" Sabi ko kay Manong habang namimili ako ng mga pares na hairclip at mga hairbond.
"Basta para sayo, Ganda , limang peso na lang. Pumili kana. Bibigyan kita ng discount sa bawat item na bibilhin mo."
Masaya akong ngumiti kay Manong Rex.
"Narinig mo iyon, Kass? Hala, pili kana bago pa magbago ang isip ni Manong Rex," biro ni Vicky, ang bakla kong bestfriend. Simula pagkabata ay sobrang lapit naming dalawa. Vicky---short for Victor.
Sinulyapan ko ang kaibigan ko. Kahit saan ako magpunta ngayon ay lagi niya akong sinasamahan. Natatakot na sila dahil sa nangyari sa akin noon. "Sigurado ka ba talagang samahan akong mamili ngayon? Akala ko sasama ka sa catering?"
Ngumuso ito. "Siyempre uunahin kita, bakla. Baka mamaya niyan may dumukot sayo sa gilid ng daan. Ang Catering sa sunod linggo pa 'yun, sumama ka sa akin may bayad naman. Kinulang sa tao si Madam, para makakita tayo kung paano kinakasal ang mga mayayaman. Sa reception ka at ako sa simbahan, para mag–assist. Kasal iyon nang Doctor ni Lola Esme si Doc. Zane Dela Costa, gwapo kaya ni Dok kaya lang nakatali na."
Ngumiti ako sa kanya. Narinig ko na ang pangalan ng doktor na iyon.
"Ayan, ganyan. Ang ganda–ganda mo kapag nakangiti ka." Tunog bolang wika ni Vicky.
"Ikaw lang yata ang nagsabi na maganda ako, Vicky."
Nanlaki ang mga mata nito.
"Ay sus, insecure lang sila sayo. Kaya, kung ano–ano ang mga sinasabi sa'yo. Sobrang ganda mo, Kassandra , to the highest level. Tingnan mo si Manong Rex, hindi maalis ang titig sayo."
Napakamot ng ulo ang matandang may–ari ng munting pwesto ng mga sari–saring burloloy sa buhok.
"Maganda naman talaga itong si Kassandra," sang–ayon ng matanda habang nilalagay sa plastic ang mga napili ko.
Bigla akong natahimik at napatingin sa full length body mirror sa harapan ko. Pinilit ko ang sarili na ngumiti. Pinagmasdan kong mabuti ang aking kabuoan. Maganda naman talaga ako pero tapulan ako nang tsismis ng mga kapitbahay kong walang magawa sa buhay.
Lagi ako ang nakikita nila, at si Vicky ang handang makipag–away para sa akin. Hindi ko na lamang sila pinapatulan dahil ayoko ng gulo. May punto din naman sila sa mga binabatong tsismis sa akin.
Malandi daw ako? Pero sa puntong iyon mali–maling sila, dahil wala akong nilalandi. Disgrasyada? Doon sa part na iyon ay tama sila, maaga akong nabuntis. Matalino daw sana kaya lang boba, nagpabuntis pero walang tatay ang anak ko. Sayang lang daw ang ganda ko pero walang napapatunguhan dahil maaga akong naging ina. Ang daming Sayang na mga salita, mula sa mga taong perpekto.
Ilan sa mga salitang naririnig ko sa araw—araw. Hindi ko ginusto ang nangyari sa akin. Hindi ko kasalanan kung nagbunga ang kahayupan na ginawa sa akin. Hindi ko ginusto—hindi kailanman.
May biglang tumulo na luha sa mga mata ko na mabilis pinahiran ng mga daliri ko at pinilit kong muli na ngumiti.
Bigla akong hinila ni Vicky palapit sa isang tindera na may edad na. "Manang, ano ang maganda sa mukha nitong kaibigan ko?"
Ngumiti ang matandang babae at hinagod ako ng tingin. "Mga mata niya maganda saka sobrang tangos ng ilong at ang labi niya mapupula." Sabi nito. "Saka ang buhok niya pwedeng pangcommercial ng shampoo."
"Pati 'yung katawan!" Sigaw naman ng lalaki sa kalapit p'westo.
Tumango–tango naman ang babae bilang sang–ayon sa lalaki. Pinamulahan ako sa sinabi nila, hindi ko alam kung magandang papuri ba iyon o hindi? Lagi kami dito sa divisoria para mamili ng mga paninda ni Nanay at pinapadala ko sa bus patungo sa probinsiya namin.
At malimit din akong maging tampulan ng tukso ng mga kalalakihan. Hindi ko alam kung dahil ba sa nakaraan ko o dahil nagagandahan lang talaga sila sa akin, pero hindi naman nila ako binabastos. Kundi tinutukso lang kaya kapag namimili kami ni Vicky. Mas pinipili kung magsuot ng pinaka–maluwang na damit.
Maong at shirt ay palagian ko na suot. Binayaran ko na lahat ng mga pinamili ko. Na iba't–ibang klaseng burloloy sa buhok. Ang iba rito sa mga pinamili ko ay para sa anak kong si—Beatha.
Sixteen years old ako noong nabuntis kaka–graduate sa highschool. Valedictorian ako, puno ng pangarap. Gusto ko rin sana maging Doctor at proud na proud sa akin si Tatay. Ang dami niyang pangarap para sa akin, pinagmamayabang niya ako sa lahat. Pati sa mga kamag–anakan namin na ako ang mag–aahon sa aming kahirapan. Pero nabigo ako sa parteng iyon, namatay si Tatay na baon–baon niya ang sama ng loob sa akin at sa mga taong pinagtawanan lang kami.
Si Nanay at Lola ang naging sandalan ko, sila ang naging kakampi ko at si Vicky. Walang naniniwala sa akin na ni–rape ako. Kahit ang mga pulis, nagkaroon lang ng konting imbistigasyon dahil wala akong maiturong suspect ay tinigil nila ang imbistigasyon dahil daw sayang sa oras at panahon.
Nakakapanghina at nakakasama ng loob. Hayop ang mga lalaking dumukot sa akin ng gabing iyon habang naghihintay ako ng masakyan pauwi at hindi rin ako sigurado kung ilan sila ang gumalaw sa akin pero ang lumabas sa medical report ko, iisang semilya lang ang nakita sa akin, isa sa mga dahilan kung bakit ayaw nilang maniwala at may nakita pang pera sa loob ng school bag ko. Na may halagang isang–daang libong peso, iyon yata ang kabayaran sa pambababoy sa akin.
Pagkatapos gamitin ang katawan ko ay basta na lang akong iniwan sa tabi ng daan. Para bang isa akong hayop na itinapon na lang.
Nakaraan, na pilit kong binabaon sa limot pero minsan, hirap akong kalimutan sa tuwing nakikita ko si—Beatha. Bunga siya pero anak ko parin siya, nabuo siya sa sinapupunan ko. Gusto ko man siyang mawala noong una pero kasalanan sa diyos ang pumatay.
Binuhay ko siya at naging inspirasyon na kailangan ko magpatuloy sa buhay. Hindi ako nagsisi na binuhay ko siya at pinalaki. Dahil lumaki siyang mabuting anak, maganda at matalino.
Dahil sa muli kong pag–alala sa nakaraan hindi ko napansin ang isang lalaking tumatakbo at nabunggo ako. Kasunod niyon ay isa pang bugso ng mga humahabol na kalalakihan. Because of that, nawalan ako ng panimbang at nabuwal ako sa kalsada at tumilipon lahat ng mga dala ko at nagkalat sa kalsada.
Eksaktong paparating ang isang kulay lumot na pick up truck. Napatili si Vicky habang ako naman ay nakapikit at hindi makabangon mula sa pagkalugmok sa kalsada.
Ang tanging narinig ko lang ay ang maugong na pagsagitsit ng mga gulong sa lakas ng preno na ginawa ng driver.
Nang magmulat ako ng mga mata ay tumambad sa aking harapan ang hood ng sasakyan. Halos dalawang dipa ang layo mula sa akin. At kung hindi nakapagpreno ang driver ay malamang sinundo na ako ni kamatayan. Mabilis na dumalo sa akin si Vicky. Subalit mas mabilis na nakalapit ang driver ng pick up truck sa akin. Inalalayan niya akong makatayo.
"You hurt, Miss?" He said softly. "Your not looking your way." Medyo iritado ang tinig na dagdag nitong sabi. Ngunit biglang natigilan ang lalaki. Ang mahigpit na pagkahawak sa mga braso ko ay bahagyang lumuwang. "Have we met before?
Maang na napatingala ako sa lalaki. Wala sa loob na ipiniksi ang mga braso ko sa kanya. Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Oh my God!" Natutop ni Vicky ang bibig at dali–daling dinampot ang bag ko at mga nagkalat na pinamili ko.
Nakakunot ang noo nang lalaki na nakatitig sa mukha ko, tila ba may hinuhukay sa kanyang isipan. He tried to say something pero hindi makapuwang sa bibig niya.
"I know you, parang ikaw ang babae sa club?" Ulit ng lalaking nakabunggo ko. "Ikaw talaga 'yun, i pay for almost two hundred thousand for a shit." Uyam nitong sabi na bahagyang dismayado ang tinig.
"Ngayon lang kayo nagkita, may pa gano'n kana!" Salag ni Vicky.
Napalunok ako at hindi makasagot sa kanya. Akmang tatalikuran ko na siya nang muling humigpit ang hawak niya sa braso ko.
"Ikaw talaga 'yun," pagpupumilit niya.
"Kaydan, let's go! Kailangan na natin maihatid ang mga supplies," sigaw ng isang gwapong lalaki na sumungaw mula sa bintana. Sumulyap ako rito at agad itong nagbawi ng paningin at agad ipinasok ang ulo sa loob ng sasakyan.
Mabilis na hinila ni Vicky ang kamay ko palayo sa lalaki. Nang maramdaman naming humabol ang lalaki ay lakad–takbo ang ginawa naming magkakaibigan hanggang marating namin ang matao na lugar sa divisoria. Tumawid kami sa kabilang panig ng kalsada patungo sa bahagi ng Recto kung saan may mga bus na dumadaan.
Mabilis naming pinara ang bus. K'pwa pa kaming humihingal ni Vicky nang makasakay hanggang sa makahanap kami ng bakanteng mauupuan namin.
Umaalingawngaw sa isipan ko ang pangalan ng lalaki kanina.
"Kaydan?" Yan ang kanyang pangalan.
Ang pangalan na laging maugong sa bar, pangalan na laging pinagkakaguluhan ng mga kababaihan. Pangalan na lagi kong naririnig, kung saan ako nagtatrabaho one year ago. Isa akong waitress sa isang bar sa probinsiya namin pero ngayon andito ako ngayon sa manila para asikasuhin saglit ang mga papeles ko, pupunta ako ng japan para magtrabaho. Bukas pa kami uuwi ni Vicky sa province, na sinundan lang ako dito para samahan sa mga nilalakad.
Si Kaydan ang lalaking bumili sa akin ng isang gabi. Dahil sa matindi ng aking pangangailangan, nilunok ko ang aking pride sa ginawa kong iyon ay parang pinatunayan ko ang gossip nila sa akin.
Inabot ni Vicky ang kamay ko at naramdaman ko ang mga pagpisil na ginagawa niya. "Paano 'yan hindi mo nabili 'yung ibang gusto mong bilhin para sa tindahan mo?" Nag–aalalang tanong niya. "Grabe naman iyon sa dinadami ng tao na makikita natin ang lalaking iyon pa! Paano ko ba makakalimutan ang g'wapong mukhang iyon? VIP lagi sa club ang lalaking iyon ang sabi ni Precy anak daw mayaman 'yun at Doctor kaya gano'n ang treatment sa kanya sa bar."
"Nagulat din ako! Akala ko makakalimutan ko na ang lalaking iyon." Pagkibit–balikat ko. "Ang importante nabili ko ang para kay Beatha, tiyak matutuwa ang anak ko dito sa mga burloloy na nabili ko. Pero sayang din 'yung mga pang–ipit na napili ko, sabi kasi ni Nanay iyon ang mabenta sa tindahan at malakas sa tubo."
"H'wag kang manghinayang, tiyak matutuwa na si Beatha diyan sa mga naiwan. Mainam na rin 'yun kesa naman pagpiyestahan ka ng lalaking iyon. Hindi mo ba nakita at parang nakakita ng multo nang makita ka. Naku, ilang panlalait ang ginawa sayo noong gabing iyon pero ginamit ka parin. Walang hiya ang lalaking iyon, ang dami pa niyang inarte." Naiinis na sabi ni Vicky.
Hindi ako nakakibo kasi totoo ang sinabi niya. Inayawan niya ako ng gabing iyon, ang dami niyang sinabi na hindi maganda pero ginalaw parin niya ako. Tiniis ko na lang kailangan ko ang pera niya, mareremata na ang lupa at bahay namin dahil naisanla noong panahong nagkasakit si Tatay.
Ang perang binayad niya sa akin ay pinangtubos ko at ginamit kong puhunan sa maliit na tindahan na binabantayan ni Nanay.
Tanging si Vicky at Precy lang ang nakaka–alam sa ginawa ko. Naisip kong wala ng mawawala sa akin dahil may anak na rin naman ako pero iyon lang at hindi ko na inulit at hindi ko na uulitin pa.