Kabanata 6

1680 Words
Boris’ POV Ang tahimik ng shop ngayon. Walang masyadong tao, tamang-tama para makapag-focus ako. Humuhuni lang ang makina, parang musika sa tenga ko habang tinatahi ko ang tinta sa balat ni Martin. Mabait si Martin, mukhang tahimik at magalang. Sa simula, ang usapan lang namin ay tungkol sa disenyo ng tattoo niya. Isang simpleng relo na tumitigil sa alas dose. Medyo ironic dahil mahilig din siyang mag-extend sa oras sa kuwento, parang hindi nauubusan ng iku-kwento. “Ano, okay ka lang diyan?” tanong ko at saka ko tinigil sandali ang makina para punasan ang tinta. “Oo, Boris. Sakto lang, masarap naman yung banat mo,” sagot niya habang natatawa. Ngumiti ako, pero halata sa mukha niya na may iniisip siyang malalim. Habang tahimik akong nagtatato, narinig kong huminga siya ng malalim. “Alam mo, Boris, ang hirap talaga minsan intindihin ng girlfriend ko,” bungad ni Martin. Sa wakas ay nagsabi na rin siya. “Bakit, ano bang nangyari?” tanong ko habang patuloy lang ako sa pagtatahi ng mga detalye sa tattoo niya. Minsan, ganito talaga sa shop—hindi lang tinta at karayom ang usapan; may kasamang kuwento ng buhay at hugot. “Alam mo yun, Boris… Sobrang moody siya. Minsan okay kami, masaya. Pero minsan, biglang susungit, magagalit nang walang dahilan,” kuwento ni Martin habang napapailing siya, parang natutuyuan na ng ideya kung paano susuyuin ang babae. “Baka naman may dahilan, ‘di lang niya lang masabi agad?” sagot ko habang dahan-dahan kong binabalanse ang pagkababad ng tinta sa balat niya. Alam kong mahirap magkuwento ng ganyan, lalo na’t tungkol sa taong mahal mo. “Siguro nga. Pero paano ba ‘yun? Parang pagod na ako intindihin siya palagi. Parang kailan lang, bigla siyang nang-away sa akin dahil lang mali yung nabili kong kape.” Napapaisip ako, habang binabalikan sa isip ang sarili kong mga karanasan. Alam ko yung pakiramdam na ‘yan—ang hirap minsan sa relasyon. Ganiyang-ganiyan din kami nung last kong naging girlfriend. Pero sabi ko nga, kung mahal mo, kailangan mo rin mag-effort at intindihin. Pero kasi ‘yung sa akin hindi na need ng effort kasi niloko na ako, e. Paano pa mag-e-effort kung nakita mong niloloko ka na. Pero sana ay hindi third party ang dahilan nitong kina Martin. “Alam mo, minsan kailangan mo lang maging pasensyoso, lalo na kung nasa mood swings siya. Pero importante rin na malaman mo kung bakit siya nagiging ganoon. Baka may mga pinagdadaanan siya na hindi niya masabi. Baka stress sa trabaho, pamilya, o baka may inaasahan siyang support na hindi mo napapansin,” paliwanag ko. Nakakatawa kasi ang galing ko na ring magpayo. Sa dami ng nagiging client ko, gumagaling na rin akong makipag-usap sa mga tao. Tahimik lang siya, nakikinig habang sinusundan ng mata yung bawat galaw ng karayom sa balat niya. Mukhang nag-iisip siya ng malalim, kaya tinuloy ko pa ang pagpapayo. “Pero Martin, ‘di rin maganda na ikaw na lang palagi ang nag-a-adjust. Kailangan mo rin i-explain sa kanya kung paano ka naapektuhan ng ugali niya. Minsan kasi, hindi nila alam na nasasaktan ka na,” dagdag ko pa habang inaayos ang huling detalye ng tattoo. “Paano ko sasabihin, Boris? Takot ako na baka mas lalo lang lumala.” “Diyan papasok ‘yung pagiging honest, pero kailangan mo ring ipakita na willing kang makinig sa side niya. Hindi lang tungkol sa reklamo, kundi sa pag-unawa sa kanya,” sabi ko at saka ko siya tinapik sa balikat para ipakita na tapos na ang tattoo. Tumayo siya, lumapit sa salamin para tignan ang tattoo. Napangiti siya, at sa tingin ko, may naliwanagan din siya kahit papaano. “Tama ka, Boris. Siguro, kailangan ko rin alamin kung anong nangyayari sa kanya, hindi lang basta magalit o mapagod. Salamat, Boris.” “Walang anuman. Masaya akong nakatulong sa ‘yo kahit papaano. Saka tandaan mo, sa relasyon, teamwork ‘yan. Hindi puwedeng isa lang ang nag-e-effort,” sagot ko habang inaayos ang mga gamit ko. Paglabas ni Martin sa shop, iniisip ko pa rin ang sinabi niya. Minsan kasi, ‘di lang tinta at karayom ang kailangan sa buhay. Kailangan din ng tamang timpla ng pag-intindi at pasensya, sa tattoo man o sa relasyon. Sa tingin ko, kahit pa paano, natuto rin siya ngayon, na hindi lahat ng sugat ay kailangan lang ng tinta para gumaling. Minsan, kailangan din ng tamang salita at pang-unawa. Nasa isip ko pa rin si Martin habang inaayos ko ang shop ko. Ngayon ko lang din naisip na may baon nga pala akong pagkain. Ito ‘yung binigay kanina ni tita Tarsy. Kasi naman, dapat kanina kakainin ko na ‘yon, kaya lang maagang dumating si Martin kaya inuna ko na muna siyang tattoo-an. Binalikan ko sa isip ang mga sinabi ko sa kanya—mga bagay na minsan, kahit ako rin, kailangan kong ipaalala sa sarili ko. Maraming beses na rin akong nakarinig ng mga kiwento ng pag-ibig dito sa shop, at lagi kong iniisip na bawat kuwento ay parang tattoo. May kanya-kanyang design, may kanya-kanyang kuwento sa likod ng bawat tinta. ** Pagkatapos ng dalawa ko pang client ngayong hapon, bumalik si Martin sa shop ko habang naglilinis na ako. Akala ko, may nakalimutan lang siyang bayaran o baka may ipapagawa pang dagdag sa tattoo niya. Pero nakangiti siya, at sa tingin ko, mukhang may gusto siyang ikuwento. “Boris,” bati niya. “Salamat kanina ha. Ang laki ng naitulong ng sinabi mo sa akin.” “Bakit, kumusta na kayo ng girlfriend mo?” tanong ko habang nagwawalis naman. “Nag-usap kami,” sagot ni Martin at nakita kong may kaunting liwanag na sa mga mata niya. “Sinubukan ko siyang tanungin kung anong problema, kung bakit siya madalas na nagiging moody. At ayun, lumabas na ang totoo.” Nagka-intriga ako sa sinabi niya kaya itinigil ko sandali ang ginagawa ko at pinakinggan siya ng mabuti. Mukhang seryoso siya at mukhang handa nang ikwento kung ano ang nangyari. “Alam mo, kuya, hindi ko inasahan na ganun pala ang pinagdadaanan niya. May problema pala siya sa trabaho, na hindi ko man lang napansin. Sobrang pressured siya sa mga deadlines at sa expectations ng boss niya. At ayun, dahil hindi niya maibuhos ang stress niya sa trabaho, sa akin niya nailalabas. Na-realize ko rin na mali ako dahil ‘di ko siya masyadong kinamusta tungkol sa trabaho niya. Lagi na lang akong nagfo-focus sa kung ano ang mali,” paliwanag ni Martin habang nakatitig sa akin na parang may bagong pag-asa. “Tama naman ‘yan,” sabi ko. “Kahit gaano ka kagaling sa isang bagay, ‘pag ‘di mo napansin ang maliliit na detalye, minsan doon pa mag-uumpisa ang lamat.” Ngumiti si Martin, pero kita ko na parang may isa pang bagay na nais niyang sabihin. “Boris, tinanong ko rin siya kung ano ang gusto niyang gawin para hindi na kami palaging nag-aaway. Ayaw ko na rin kasing ganito palagi. ‘Yung feeling na parang may mali pero ‘di ko naman maintindihan kung ano.” “Ano sabi niya?” tanong ko habang inaayos naman ang mga tinta ko. “Sabi niya, gusto niya lang maramdaman na naiintindihan ko siya. Na kahit hindi ko siya palaging mabigyan ng solusyon sa problema niya, at least, nandiyan ako para makinig.” Tumango ako. “Minsan ‘yan lang talaga kailangan, Martin. Alam mo, kahit sa tattoo, ganoon din. Minsan, ang gusto lang ng tao, may makinig sa kuwento nila habang tinititigan ‘yung tattoo na gusto nilang ipagawa. Ganoon din sa relasyon. Minsan, kailangan mo lang makinig. Hindi kailangan na palaging may sagot.” “Alam mo, Boris,” sabi ni Martin, “dahil sa usapan namin, parang nabawasan yung bigat. Parang mas kaya ko nang intindihin siya, at mas kaya ko na ring intindihin yung sarili ko.” Tumayo siya at tiningnan ang tattoo sa braso niya sa malaking salamin na nakasabit sa pader. Tinitigan niya ito, parang doon niya nakita yung mga naisip niya kanina. Naisip ko na baka, sa simpleng design na iyon, naipapahayag niya ang mga bagay na nahihirapan siyang sabihin. “Sakto ‘yung oras, Martin,” sabi ko sabay tingin sa relo sa dingding. “May tamang oras para sa lahat ng bagay. Baka ngayon, ‘yan ang oras na mag-adjust ka at intindihin siya. Pero alalahanin mo rin na dapat nagse-set ka rin ng oras para sa sarili mo. Baka kasi sa kakabigay mo sa kanya, wala nang matira sa sarili mo.” Tumango si Martin. “Oo, Boris. Naisip ko rin ‘yan. At sa totoo lang, natutuwa ako kasi narinig niya rin ako. Sabi niya, magbabago rin siya at susubukan niyang maging mas open tungkol sa nararamdaman niya.” Napangiti ako. “Ayan, teamwork, ‘di ba? Hindi lang ikaw, hindi lang siya, kundi kayong dalawa. Kapag nagtulungan, mas gagaan ‘yung dalahin. Parang itong tattoo—hindi ko naman magagawa ‘to kung wala ka. Dahil kung hindi mo naisip ‘yung design, wala rin akong babasihan para sa pag-tattoo.” “Oo nga, Boris. Salamat talaga sa mga payo mo. Sobrang laking tulong nang pag-uusap natin, isa pa, sobrang ganda nitong tattoo mo sa akin, ikaw talaga ang the best na tattoo artist dito sa Norza town, ipagkakalat ko ang tungkol dito para dumami pa ang client mo,” sabi niya at nagulat pa ako nang abutan niya ako ng tip. Ibabalik ko dapat sa kaniya pero tumakbo na siya paalis. Pagkaalis ni Martin, nakangiti pa rin ako. Naisip ko na minsan, ang simple lang ng kailangan para magliwanag ang buhay ng tao—kaunting kwento, kaunting pakikinig, at ang tamang salita. Dati, tanga rin ako sa buhay. Pero dahil sa mga taong palaging nagpapayo sa akin, natuto ako. Kaya ‘yung mga napulot kong aral sa ibang tao, ibabahagi ko rin sa mga taong naliligaw o nalilito sa buhay. Naisip ko tuloy si Miss sungit sa linggo. Ano naman kayang magiging topic namin kapag siya na ang ta-tattoo-an ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD