Boris’ POV
Seven thirty na ng gabi pero wala pa siya. Malinis na ang buong paligid, naugasan ko na ang tupperware ni Tita Tarsy at sarado na rin ang mga katabi kong shop. Tinawagan ko siya pero hindi naman ito sumasagot, nagri-ring naman ang phone niya. Ni kahit abiso o message ay wala rin kaya gusto ko nang isipin na niloloko lang ako ng babaeng nakausap ko kanina. Nakakabuwisit kasi nasayang lang ang oras ko. Isa pa, dapat kanina pa ako nakauwi ng bahay, kanina pa rin dapat nakasara ang aircon, malaki pa naman palagi ang bill ng kuryente ko rito.
Masyado akong nasilaw sa sinabi niyang kahit magbayad siya ng isang daang libong piso, basta makita na muna niyang maganda ang mga gawa ko. Confident ako sa sarili ko na magaling akong mag-tattoo kaya hinihintay ko talaga siya.
Nang dumaan ang twenty minutes pa, doon na ako nagpasyang umuwi na. Kinuha ko na ang remote ng aircon para sana i-turn off na ‘to, pero bigla akong nakarinig ng humintong kotse sa harap ng shop ko. Tinigil ko ang dapat na gagawin ko para sumilip sa labas. Paghawi ko sa kurtina ng bintana ng shop ko, natanaw ko ang pababa na sa magarang kotse na isang babaeng naka-uniform ng school na pang-Sta Monica College. School ng mga mayayaman ‘yon kaya mukhang rich kid ang isang ‘to.
Hindi ko na hinintay na tumawag pa siya sa labas. Ako na ang nagbukas ng sliding door ko. Sinalubong ko siya nang masaya kong ngiti.
“Maganda gabi, akala ko hindi ka na makakarating,” sabi ko sa kaniya pero tinitigan lang niya ako. Suplada ‘to, for sure. Kapag mayaman ganoon, e. Pero, oo, mukhang suplada siya kasi hindi manlang ako nginitian. Saka bakit parang galit siya? “Tara? Pasok ka sa loob,” aya ko na rin sa kaniya.
Wala siyang emosyon na pinapakita sa akin pero pumasok pa rin siya sa loob. Bago siya tuluyang pumasok sa loob, inikot muna niya ng tingin ang buong paligid. Mabuti na lang at naglinis na ako ng shop. Baka kasi maarte siya. Mabuti na lang din at nagwisik ako ng pabango kanina kaya mabango ang buong paligid.
“Ikaw ba talaga si Boris Valdez?” Sa wakas ay nagsalita na siya. Siya na nga ‘to. Siya ‘yung kausap ko kanina. Ngayong narito na siya sa loob ng shop ko, nakita ko na rin sa maliwanag ang mukha niya. Hindi ko mapigilang titigan ang maamo niyang mukha. Kahit na lang mukha siyang masungit at suplada, ang ganda-ganda niya pa rin sa paningin ko. Ilang taon na kaya siya?
“Oo, ako na nga po,” sagot ko sa kaniya.
“Mukhang ang pogi ng boses mo kanina sa telepono. Nagkamali ako kasi hindi naman pala. Anyway, hindi naman ‘yon ang pinuntan ko rito. Titignan ko na ‘yung mga pinagmamalaki mong tattoo, nasaan na ba?” tanong niya kaya tinuro ko nalang sa kaniya ang mga picture na nasa wall kahit ang totoo ay nasaktan ako sa sinabi niyang pangit ako sa personal. Natameme talaga ako doon. Nakakababa talaga ng confident kapag may pangit na sinasabi sa akin ng ibang tao, lalo na kung galing pa ‘to sa isang magandang binibini.
“Woah, I like it! Hindi ka sinungaling sa sinabi mong magaling ka. Magaganda ang mga gawa mo. Lahat ng ito ay pasok sa taste ko. Kelan ka puwede? Anytime ba ay puwedeng magpa-tattoo sa ‘yo?”
“Yes, oo, anytime, kahit anong oras, oo, puwede ako,” sagot ko sa kaniya kaya bigla siyang tumingin sa akin. Nautal-utal ako kasi natuwa ako nang purihin niya ang mga gawa ko. Saka, nakita kong ngumiti siya kaya parang napatitig ako sa kaniya lalo.
“Hindi ka lang pangit kuya, bobo ka pa ata. Kailangan inuulit mo pa sa english ‘yung tagalog na nasabi mo na?” masungit na naman niyang sabi kaya nawala agad ang paghanda ko. Tang-ina, ang sakit magsalita ng isang ‘to. Maganda nga, matinik naman ang dila. Malapit na akong mapikon. “Puwede ba, tagalog na lang ang isagot mo. Huwag kang mag-feeling english-ero, okay? Nakakaintindi naman ako ng tagalog.”
“Grabe ka naman. Talaga bang ganiyan ka? Hindi ka ba aware na masakit ka magsalita?” Hindi ko na napigilan. Hindi ko na kinayang marinig nung sabihin niyang bobo ako. Tanggap ko pa na sabihin niyang pangit ako, pero ang bobo, ah iba na ‘yan.
“Ay, oo nga pala. Hindi ka rin pala aware na naiinis ako sa tanga. Ngayong alam mo na, aware ka na. So, please, huwag kang tatanga-tanga para hindi ako naiinis, okay?”
Tumawa na lang ako. Tawa na naiinis na talaga. “Ang gara mo! Siguro sa iba ka na lang magpa-tattoo. Hindi ko kaya ang ugali mo. Ang sama ng tabas ng bibig mo, e,” sabi ko sa kaniya at saka ko siya tinalikuran.
“Tatanggihan mo ako na kayang magbayad ng triple sa fifty thousand pesos na pinakamalaking rate mo dito?” hindi lang siya masama magsalita, mayabang pa siya.
“Hindi na, sa iba ka na lang,” desidido kong sagot. “Umalis ka na rin at nasayang lang ang oras ko sa ‘yo,” dagdag ko pa at saka ko na ulit kinuha ang remote ng aircon para iturn-off ito.
“Bumiyahe ako ng apat na oras dito para tanggihan mo lang? Alam mo bang hindi pa ako nagdi-dinner? Sa layo nitong probinsya niyo, inabot ako ng apat na oras sa biyahe. Tapos, kanina pa ako hinahanap nila mommy at daddy, galit na galit na sila dahil wala pa ako sa bahay. Alam mo ba ‘yung mga tiniis ko para lang makapunta dito, tapos ganiyan lang?”
Lumingon na ako sa kaniya at saka ako ngumiti. “Kung maayos ka lang kasi magsalita. Kung sanay ka lang makipag-kapwa tao, ‘di sanay ay okay tayo. Ako pa ang sinisi mo sa bandang huli. Hindi mo ba alam na kanina pa rin ako naghihintay sa ‘yo. Dapat kanina pa ako namamahinga sa bahay ko. At dapat kanina pa ako nakakain ng hapunan ko. Hindi lang ikaw ‘yung nagtiis, ako rin,” buwelta ko naman sa kaniya.
Nakakatawa kasi para kaming magsyota na nag-aaway, nagsusumbatan sa mga mali. Sign na ba ‘to? Ay, hindi. Kung ganito lang din naman ang magiging girlfriend ko, hindi na.
Natahimik siya. Hindi niya ata inaasahang ipapatama ko rin sa kaniya ‘yung mga tiniis ko para lang mahintay ko siya.
“F-fine, sorry. Okay na?”
“Nag-sorry nga, galit naman ang tono ng pananalita,” sabi ko saka ako ulit tumalikod sa kaniya para kunin naman ang bag ko.
“My God, gutom ako, Kuya Boris, kaya mainit ang ulo ko. Please, pumayag ka na. Gusto ko talagang magpa-tattoo. Dati ko pa gustong magkaroon ng tattoo. Hindi ko lang magawa kasi ayaw ng parents ko. Pero ngayon, desidido na ako. Bahala na. Basta, magpapa-tattoo na talaga ako. At gusto ko ay sa hita,” sabi niya kaya namilog ang mga mata ko habang nakatalikod pa rin sa kaniya.
Pagkasabi niya sa salitang hita, parang biglang may nabuhay sa ibaba ko. Totoo ba ang narinig ko? Hita?
“Ano, Kuya Boris, galit ka pa rin ba? Magsalita ka nga diyan. Nagugutom na ako, gusto ko nang kumain. Tapusin na natin ang pag-uusap na ‘to,” sabi niya na atat na talagang kumain kaya naawa na ako. Este, dahil talaga sa hita kaya nawala ng kaunti ang galit ko.
“Sige, pumapayag na ako. Mag-usap na lang tayo sa telepono kung kailan ka magpapa-schedule. At please lang, maging maingat ka na sa mga sinasabi mo sa ibang tao. Kasi baka ma-timing-an mo ay ‘yung mga lalaking lumalaban sa babae. Delikado pa naman ngayon sa panahon na ‘to,” sagot ko sa kaniya pero inirapan lang niya ako. Maldita talaga.
“Oh, siya, okay na. Magme-message na lang ako kung kailan ako magpapa-schedule. Aalis na ako at gutom na gutom na talaga ako,” paalam niya at saka na ito tumalikod sa akin.
Napabuntong-hininga na lang ako pero may tuwa pa rin kasi sa wakas ay makakapag-tattoo na ako sa hita ng isang magandang binibini. Mayroon naman na akong na-tatto-an sa hita, kaya lang puro matatanda na at kadalasan ay lalaki pa. Pero ngayon, iba na kasi fresh at mukhang sexy ang hitang ta-tattoo-an ko.
Good luck sa akin sa araw ng pagta-tattoo ko sa kaniya.