Boris’ POV
Mula umaga pa lang, hindi ko na mabura sa isip ko ang sinabi ni Tanya. “Ikaw lang ang gusto kong mag-tattoo sa akin buong linggo. Walang iba.” Akala ko desidido na siya. Asang-asa na ako. Hindi ko na siya trip, to be honest. Maldita, masungit at parang ang lakas ng loob niya na hawakan ang oras ko.
Pinili kong maniwala. Sinara ko ang shop buong araw para lang sa kanya. ‘Di ako tumanggap ng ibang kliyente kahit marami ang nagpapa-book sa akin. Sabi niya, magpapa-tattoo siya ng alas-diyes ng umaga. Alas-diyes y media na, pero wala pa rin. “Okay lang,” sabi ko sa sarili ko. “Baka na-late lang.” Pero nung sumapit ang alas-onse, alam ko nang niloloko na niya ako.
Patingin-tingin ako sa phone, tinitignan kung may text ba, missed call, o kahit anong palatandaan na baka na-i-stranded lang siya o may nangyaring masama. Wala. Ni isang notification, ni isang update—tahimik. Si Tanya, siguro, hindi basta-bastang babae. Gusto niya siguro na siya lang ang center ng atensyon, kaya ayos lang sa kanya kung iwanan ako sa ere, basta siya ang nasusunod. Pero sa totoo lang, nakakainit ng ulo.
Naglakad-lakad ako sa loob ng shop, pilit na pinipigil ang inis. Pinapainit pa ng araw ang loob ng shop, kahit na umuulan sa labas. Sa kalagitnaan ng init ng ulo ko, bumalik sa isip ko ang mga hirit ni Tanya nung huling usapan namin.
“Ayoko ng ibang artist, ikaw lang. Maganda ‘yung mga gawa mo, nakita ko. Huwag mo akong bibiguin, Boris, ha?”
Pilit kong binabalanse ang pagitan ng pagiging propesyonal at ang pagka-badtrip ko. Nambola pa siya, wala naman, hindi naman pala susulpot. Iniisip ko na ring i-text siya—tanungin kung nasaan na siya. Pero alam ko rin na ang oras ko lang ang masasayang. Hindi naman siya ang tipo na nagbibigay ng paliwanag siguro.
Pagpatak ng alas-singko ng hapon, sinara ko na ang shop. Ano pa bang silbi ng maghintay? Tutal, wala na akong inaasahan. Hindi ko na rin kayang pigilin ang frustration ko. Pinatay ko ang mga ilaw, siniguradong naka-lock ang pinto, gate at saka ako tumingin ulit sa phone ko. Wala pa rin kahit anong mensahe mula kay Tanya.
Sa totoo lang, gusto ko siyang harapin, itapon sa mukha niya ang oras na nasayang ko, ang perang pinakawalan ko para sa araw na ‘to. Pero hindi ko rin magawa. Wala akong balak pumatol sa ganitong klaseng babae. Baka ako maging mali sa huli.
Naupo ako sa harap ng lamesa, tumitig sa mga disenyo na ginawa ko para sa kaniya. Sa utak ko, ang dami ko nang naisiping paraan kung paano ko siya paparatangan, pero alam ko, wala ring pupuntahan ang lahat. Pabayaan ko na lang ba? O bigyan ko siya ng leksyon?
Pero isa lang ang sigurado—‘di ko na uulitin ‘to.
Sumandal ako sa upuan, hinayaan ang bigat ng katawan ko na mag-relax. Pero kahit anong gawin ko, ramdam ko pa rin ang kirot ng inis sa puso ko. Hindi naman sa bago na itong pag-indiyan ni Tanya, pero bakit ba nagawa ko pa ring maniwala na this time, magiging totoo siya sa salita niya? Nasilaw ako sa two hundred thousand pesos niyang alok. Oh, baka naman scammer. Baka nagpapanggap lang siyang mayaman. Ang dami tuloy tumatakbo sa isip ko. Kung ano-ano na tuloy ang naiisip ko tungkol sa kaniya.
Mag-iilang araw ko nang hindi tinatanggap ang ibang kliyente para sa kanya. Ilang araw na pakiramdam na parang may maling desisyon akong ginawa. At ngayong gabing ito, mas naging malinaw sa akin kung gaano kalaki ang nasayang ko—oras, pera, at pasensya. Kung tutuusin, sana nagpatuloy na lang ako sa ibang clients. Sana nag-ipon na lang ako ng pera kaysa umasa sa walang kuwentang pangako.
Nagpatuloy ako sa pagtingin sa phone ko, kahit alam kong walang darating na mensahe mula kay Tanya. Alas-sais na ng gabi, pero walang senyales mula sa kanya. Inisip ko, “Ano kayang ginagawa niya ngayon? Nasa bahay lang kaya siya at natatawa, iniisip kung gaano niya ako nalaro ngayon?”
Napansin ko na sumisikip na ang dibdib ko. Hindi lang dahil sa inis, pero dahil sa pakiramdam na wala akong kontrol sa sitwasyon. Gusto ko siyang puntahan at tanungin ng direkta, “Ano ba ang problema mo? Bakit mo ako pinaikot sa ganito?” Pero alam ko, hindi ‘yon ang tamang paraan para harapin ang mga taong tulad niya. Kapag bumaba ako sa level niya, ako lang ang talo.
Umupo ako muli, ipinatong ang mga siko sa lamesa at hinawakan ang mukha ko. Pagod na ako. Hindi lang sa araw na ito, kundi sa buong linggong ito ng pagpapanggap na maayos ang lahat. Pero ‘di ako maayos. Halos lumipas ang buong linggo nang wala akong kinita dahil lang sa maling tiwala.
Pinilit kong I-text si Tanya. Sinimulan ko ng, “Nasaan ka na? Buong araw kitang hinintay.”
Pero bago ko pa natapos, naisip ko, hindi na rin worth it. Walang patutunguhan ang mensaheng ‘yon. Parang kilala ko na si Tanya—hindi siya magpapaliwanag. Wala siyang gagawin kundi manisi o magpanggap na walang nangyari. Baka nga magbigay pa siya ng excuse na wala sa lugar, pero sa totoo lang, ayoko na marinig ang kahit anong rason.
Binura ko ang message at binalik sa bulsa ang phone ko. Tama na, sabi ko sa sarili ko. Hindi ko na hahayaang kontrolin pa ng isang tulad niya ang oras ko. Kung hindi siya sisipot, ‘di na rin ako magpapaloko ulit. Minsan, kailangan ko na ring tumayo at mag-set ng boundary sa mga kliyenteng wala namang respeto sa oras at serbisyo ko.
Nang papatayin ko na ang ilaw ng shop, biglang nag-vibrate ang phone ko. Inabot ko ito, umaasang baka si Tanya ‘yon, pero hindi. Isang random na message lang mula sa isang kaibigan, tinatanong kung may available akong schedule bukas. Kusa akong napangiti. Buti na lang, may ibang tao pa ring nag-a-appreciate sa trabaho ko.
Nagpasya akong magpa-book ulit ng kliyente para sa mga susunod na araw. Enough na ‘to. Hindi na ako maghihintay sa mga walang kiwentang pangako. Si Tanya ang huling tao na bibigyan ko ng ganitong klaseng special treatment. ‘Pag ginawa ko ulit ‘to, ako na ang tunay na talo.