Kabanata 33
Kinausap namin si Eon. Nag-uunahan pa nga kaming lima kung sino ang mauunang magsasalita. Kaya hindi na tuloy naiintindihan ngayon ni Eon an gaming mga pinagsasabi dahil sa gulo namin.
“Kagigising ko lang mga kaibigan, ano bang kaguluhan ito?” halata pa ang bakas ng antok sa boses ni Eon. Nakaramdam tuloy ako ng pagkahiya sa naging ingay ko kanina kasama ang mga iba ko pang kaibigan.
“Naku, Eon. Kung ganoon dapat pala hindi ka muna namin ginulo. Pasensya ka na talaga sa amin. Maaari ka na lang matulog muli. Saka ka na lang namin lalapitan kappag tuluyan ka na talagang nagising.” Pareho kami nang inaalala ngayon ni Aztar.
“Hindi na bale, nawala na naman ang antok ko. Kaya ayos lang na sabihin niyo ang mga gusto niyong itanong sa akin.” Nagtinginan pa kami ni Aztar. Kaya nagkasabay pa talaga kaming nagsalita.
“Kasi, Eon. Gusto ko lang sanang itanong kung maaari na ba naming malaman ang mga kakayahan naming lima? Para naman magawa naming sanayin ang sarili namin sa paggamit nito kung sakali mang magsisimula na ang misyon namin.” Muli naming binalingan ang bawat isa ni Aztar nang naririnig namin ngayon ang mga katagang pareho naming naisalita.
“Sinaulo niyo bang dalawa ang mga pinagsasabi ninyo ngayon?” may kahulugang pabiro ang pagsambit no’n sa amin ni Eon.
Nagtawanan na lang kaming lima dahil sa sabayang bigkas namin ni Aztar. Nang unti-unti na ngang napawi ang ingay. Naging seryoso na rin ako.
“Patungkol pala sa sinabi namin kanina ni Aztar, Eon. Sana maibahagi mo sa amin ang iyong mga kasagutan.” Bilang isang puno na nga lang ngayon si Eon. Tanging ang paggalaw lang ng kanyang mga sanga ang tangi na lang nitong nagagawa. Pati ang kanyang mga dahon sa kanyang ulohan.
“Pinagpahinga ko kayo ng ilang araw, matapos nating magsanay ‘di ba? Sa loob ng limang araw na pamamahinga ninyo. Kitang-kita ko rin kung paano na ninyo nakikilala ang bawat isa. At ikinagagalak ko iyong makita sa inyo. Pati ang tagapangalaga ay masaya rin sa mga paunti-unting pagbabago sa inyong mga sarili. Pero sa ngayon, hindi ko masasagot ang mga tanong ninyo, dahil hindi naman ako ang nagbigay sa inyo ng mga kapangyarihang taglay na siguro ninyo ngayon, o baka ibibigay pa lang.” napaisip ako sa naging usal ni Eon.
“Anong ibig mong sabihin, Eon?” angil ni Ave na ngayon ay inaayos ang tumabinging salamin.
“Ang ibig kong sabihin, ang tagapangalaga lang mismo ang makapagsasabi sa inyo kung ano ang mga kapangyarihang mayroon kayo, at bukas na bukas din ay makikipag-usap na siya sa inyo.” May parte sa akin na nagagalak, dahil nga sa makikilala na nga namin ang tagapangalaga na siyang nasa likod ng aming pagpunta rito. Na siyang nagtiwala na ilagay kami sa sitwasyong ito.
“Sa wakas ay makikilala na rin namin ang tagapangalaga. Ano kaya ang hitsura niya? Matanda na kaya? O magandang mangkukulam? O baka naman kasingtanda lang din ni Eon.” Marahang winagayway ni Eon ang kanyang mga sanga.
“Hindi naman kasi nalalaman ang gulang ng tagapangalaga. Kasi nga may mahika siya kung saan ay nagagawa nilang maiba-iba ang kanilang mga mukha. Tapos nagbabalatkayo rin sila kung saan ay nagagawa nilang maging matanda, bata, estranghero, at iba pa.” may biglang pumasok sa isipan ko kung saan ay binawi ko rin kaagad, iniling-iling ang ulo para mapalis at mawala ang naiisip. Imposible naman kasi kung siya ang tagapangalaga, gayong wala namang kakaiba sa kanya.
“Ibig sabihin, baka nandito lang siya sa paligid, nag-aanyong paru-paru lang siya o ibon para makita ang bawat pinagkikilos namin dito sa mundo ng mga engkanto? O baka naman---.”
Natigilan sa kanyang haka-haka si Hamina nang naunahan siya ni Eon na magsalita.
“Hindi ako ang tagapangalaga, isa lang ako sa kanyang mga tagasunod niya. At tungkulin kong gampanan ang mga ipinag-uutos sa akin ng tagapangalaga. Sana malinaw sa inyo iyon. Uulitin ko, hindi ako ang tagapangalaga, kaya iwala niyo na sa isipan iyon. Maliwanag ba?” marahan naman kaming nagtango. Ganoon na rin si Hamina na siyang nauna sa aming mag-isip ng ganoon.
Wala talaga sa isipan ko kanina na si Eon ang tagapangalaga, kasi iba ang pumasok sa isipan ko, pero malabong-malabo talaga. Kasi nandoon siya sa apartment, at wala naman siguro siyang kakayahan. Ordinaryong tagabantay lang siya ng inuupahan kong silid. Kumusta na kaya sila sa mundo ng mga tao? Ang mga magulang ko? Baka bumibisita pa rin si nanay roon, tapos wala ako roon. Paano kaya? Ano kaya ang sasabihin ng caretaker sa kanya kung wala ako roon?
Nilamon na nga ako ng mga kuro-kuro sa isipan ko. Hindi ko na napansing kanina pa pala ako tinatawag ng mga kasamahan ko, lalong-lalo na si Eon.
“Deeve? Deeve?” yugyog na sa akin ngayon ni Ave na siyang malapit sa akin, si Aztar kasi ay nakatingin lang sa akin.
“Huh? Ahh, pasensya na, may iniisip lang.” paghingi ko sa kanila ng paumanhin. Naibalik ko naman kaagad ang sarili ko. Nang nag-anunsiyo na nga si Eon.
“Ang mga kakayahan niyo ay malalaman niyo na rin bukas. Tanging ang tagapangalaga lang ang may alam sa mga kakayahan niyo. Pero sa mga nakalipas na pagsasanay. Pansin kong may isa sa inyong may lumalabas na kung anong kakayahan. Tama ba ako?” sa pahayag na iyon ni Eon. Hindi ko alam kung bakit nasa akin na ngayon ang mga mata ng karamihan.
“Oh? Bakit parang may kasalanan ako? Wala akong ginagawa, ah.” Paatras na sana ako nang nagsalita si Ave.
“Napansin nga namin ni Aztar nang pinatakbo mo kami, Eon. Iyong warm-up namin, kung saan ay paulit-ulit mo kaming pinapatakbo sa buong area. Nang pansin namin si Deeve na ang bilis ng takbo, ‘di ba, Aztar? Nilapitan pa nga natin no’n si Deeve para sabihan nang hindi pala siya aware na ganoon siya kabilis tumakbo.” Marahan lang na tumango si Aztar.
“Saka iyong naligo kami sa parang lawa, Eon. Iyon din ang pagkakataong hindi may nangyaring insidente na muntikan na akong mapahamak. Hindi namin sinabi iyon sa iyo---.”
“Pero alam ko. Alam ko, pero hindi ko rin sinabi sa inyong alam ko.”
“Alam mo? Talaga ba, Eon?” ‘di makapaniwalang tanong ni Kith.
“Oo, saka kitang-kita ko rin kung paano naglabas ng yelo sa kanyang kamay si Deeve. At iyon ang araw na nailigtas ni Deeve si Aztar. Doon ko nasasabing ang inyong samahan ay naging solido na. At kaya niyo na ngang iligtas ang bawat isa.” Nagtinginan kaming lima, habang ako naman ay pasimpleng nakatitig sa aking mga kamay.
“Pero hindi na ulit iyon lumabas sa kamay ko, kahit anong gawin kong pagpapalabas dito,” pag-amin ko. Kasi nga iyon naman ang totoo.
“Hindi talaga lalabas iyon, Deeve. Kasi kusa iyong lalabas kung may gusto kang iligtas na kaibigan. O, kung sino mang sa tingin mong gusto mong mailigtas sa kapahamakan.” Iyon ang pahayag ni Eon na tumatak sa aking isipan. Ibig sabihin lang pala na hindi pasadyang lalabas iyon, dahil hindi siguro iyon ang kapangyarihan ko.
“Basta magtiwala lang kayo sa mga kakayahan ninyo, dahil ang tagapangalaga ay may malaking tiwala para sa inyo. Iyan ang palagi niyong iisipin. Maliwanag ba?”
“Maliwanag.”
…
Malalim na ang gabi, pero hindi ko pa rin magawang matulog. Nakatulog na ang iba, pero ako, hindi pa. Paano naman kasi, iniisip ko ang mga pinagsasabi kanina ni Eon. Saka ang mga anunsiyo niya kung saan ay bukas na namin makikilala ang tagapangalaga. Sa wakas ay makikita na namin siya.
Ano kaya ang hitsura niya?
“Hindi ka pa inaantok, Deeve?” nagbaling ako ng tingin sa likod ko nang si Kith pala ang nandito.
“Oh, ikaw pala, Kith. Bakit gising ka pa? Akala ko tulog ka na rin.”
“Naalimpungatan lang, saka nakita kasi kitang nakaupo rito, kaya nilapitan kita rito. Ano baa ng bumabagabag diyan sa isipan mo?” aniya pa. Mahihina lang ang mga boses namin, baka kasi magising ang ibang kasamahan naming natutulog.
“Kaya pala, nagpapahangin lang. Saka hindi ako makatulog, ‘di pa kasi ako dinadalaw ng antok.” May katotohanan naman sa sinabi ko, saka isa pa, hindi rin naman ako makatutulog kahit na nakahiga ako roon sa kubo katabi nila.
“Pwede ba akong makiupo? Hindi na rin kasi ako inaantok, sasamahan na lang muna kita rito.” Nagtango ako, kaya naman ay nilibot niya ang kanyang sarili sa mismong inuupuan ko. Ngayon ay magkatabi na kami sa iisang upuan.
Nakatingala siya ngayon sa kalangitan, pati ako ay napatingala na rin. Ang mga bituin ay mistulang malapit lang sa amin. Sobrang liwanag ng kanilang mga pangingislap. Para bang sila lang ang sumasakop sa buong mundo.
“Iniisip mo ba ang mga importanteng tao na naiwanan mo sa mundo natin?”
Marahan akong napatango. Iyon din naman kasi ang isa sa naiisip ko kanina, kaya kaagad akong napatango sa tanong niya.
“Pareho pala tayo, iniisip ko na lang na pagkatapos talaga ng misyon natin dito, yayakapin ko talaga sila ng mahigpit. Saka hinding-hindi na ako magpapaapi sa mga laging nang-aapi sa akin doon. At hinding-hindi ako magbabago ng suot para lang sa kanila, dahil iyon ang kasuotan kung saan ay komportable ako, at wala akong pakialam sa kanila.” Napatingin ako kay Kith. Ang laki na nang ipinagbago niya. Hindi na siya ang Kith na mahiyain saka mahina ang loob. Siya na ang Kith ngayon na walang takot at marunong ng ipaglaban ang sarili.
Ako kaya? May ipinagbago ba sa akin? Sa tingin ko kasi wala pa.
“Kung saan man tayo dadalhin ng misyon nating ito. Sana ay matapos na ito, para makauwi na tayo sa mundo natin.”
“Tama ka, Deeve, pero hindi mo ba ma-mi-miss ang maiiwan natin dito sa mundo ng mga engkanto? Si Eon?”
“Siyempre naman, hindi ko makalilimutan si Eon, saka lagi ko na siyang itatatak sa isipan ko.” Walang pagdadalawang-isip kong kasagutan.
“Pero paano kung pagkatapos ng misyon natin, at nagawa nating manalo. Buburahin ng tagapangalaga ang ating mga alaala rito, mawawala na rin ang nabuo nating pagkakaibigan, dahil hindi na natin makikilala ang bawat isa pagdating natin sa mundo ng mga tao. Paano na?” hindi ko rin iyon naisip, ah.
Ibinaling ko ang aking mata pabalik sa nagkikinangang mga bituin.
“Huwag na nga muna natin iyang pag-usapan. Saka ang alalahanin na muna siguro natin ay kung magagawa ba nating mapagtagumpayan an gating misyon na mailigtas ang mga kapwa nating estudyante sa El Federico Academy. At saka magagawa kaya nating matalo ang mga nilalang na hindi natin alam kung ano-ano ang makalalaban natin.” Natutop ang mga tinginan namin ni Kith.
“Paano rin kaya kung makasalubong natin, o ‘di kaya ay makalalaban natin ang mga nam-bully sa atin, kakayanin kaya natin? Kahit na may kapangyarihan na tayo?” katanungan ni Kith na nagsilbing bangungot para sa akin.
Kasi sa buong buhay ko bilang estudyante sa El Federico Academy, sila ang sumakop sa aking sistema, na naging dahilan ng aking kaduwagan. At sana sa mundong ito, magawa kong labanan sila na hindi na takot sa kanilang mga pang-aapi at masasakit na salita. Sana nga lang talaga.
“Ikaw ba, Kith? Hindi ka ba takot na makaharap mong muli ang lalaking akala mong kaibigan mo na nagtraydor sa nararamdaman mo, na ginagamit lang pala ang mayroon ka para sa pansarili niyang kapakanan?” curious kong tanong sa kanya.
“Hindi ko pa iyan masasagot sa ngayon, katulad mo, may pagdadalawang-isip pa rin ako, dahil hindi madali sa akin ang kalimutan ang mga salitang bumaon na sa aking isipan, gayon din sa aking pusong sugatan.” Makahulugang tugon ni Kith.
Inalok ko na lang siyang pumasok sa kubo nang pansin ko na ang malamig na simoy ng hangin. Saka wala pa naman kaming mga dalang kumot dito sa labas. Kaya sabay kaming tumayo, pinauna ko lang siyang maglakad at ako’y nakasunod lang din sa kanya papasok ng kubo.
Nauna na siyang mahiga, ako naman ay nakaupo pa rin, nagdasal na muna bago tuluyang mahiga sa aking pwesto. Tuwid ang mga paa ko, habang ang aking mga kamay ay nakapailalim sa aking ulo. Sinubukan kong pumikit, pero hindi pa rin talaga ako inaantok. Kaya nakatitig lang ako sa bubong nitong kubo na gawa sa kahoy. Nagbibilang sa isipan ng mga tupa. Hanggang sa unti-unti na ngang nagsilaglagan ang mga talukap sa aking mga mata.