Prologue
BILLIONAIRE'S LOVE SERIES TWO:
NEFARIOUS INTENTIONS
Kung naging matatag at matapang ba ako kagaya mo? Tayo pa rin ba kaya?
Kung hindi ba ako sumuko agad at nagtiwala sa 'yo? Nasa tabi kaya kita ngayon?
Natupad kaya natin ang mga pangarap na binuo natin habang nakatingin sa papalubog na araw, sa harap ng malawak at asul na karagatan?
Marami akong gustong itanong sa 'yo. Ngunit alam kong kahit kailan, hindi ko na makukuha pa ang sagot sa mga iyon.
Ngunit kung magkakaroon ng himala, kung papayagan ng tadhana... gusto kong itanong sa 'yo ang mga tanong na kagaya ng;
Kamusta kana?
Masaya ka ba ngayon?
Kinakaligtaan mo pa rin ba ang almusal mo? Kagaya ng dati?
Kung ni minsan ba, sumagi ako sa isipan mo?
At kung… mahal mo pa ba ako?
Kasi kung ako ang tatanungin? Oo ang sagot ko sa lahat. Bawat minuto, araw, at taon... lagi kitang naaalala. Ikaw pa rin ang mahal ko, ikaw pa rin ang laman ng puso't-isipan ko. Ang mga naiwan mong alaala ang isa sa mga nagbibigay kasiyahan sa 'kin sa mga nakalipas na taon. Ngunit kung dati ay puro tuwa lang ang nararamdaman ko sa tuwing naaalala ko ang mga iyon noong magkasama pa tayo, ngayon ay may halo ng sakit, pangungulila, at panghihinayang.
Ngunit kung magkakaroon man ako ng pagkakataon na baguhin ang mga nagawa kong desisyon noon na siyang bumuwag sa 'tin, gano'n pa rin ang magiging pasya ko, gano'n pa din ang magiging desisyon ko.
Mapait akong napangiti habang nakatingin sa napakalaking telebisyon na nasa loob ng isang tanyag na bangko. Nasa labas ako ng establisyemento. Nakapagitna ang malinis at matigas na salamin ng tanyag na bangkong iyon sa akin at sa balitang aking tinatanaw.
Doon nakasulat sa balita ang isang napakasakit na katotohanan. Ngunit walang dapat sisihin kung bakit hindi ko na siya maabot ngayon. Walang ibang dapat sisihin kundi ako, ang sarili ko. Kasalanan ko at ng naging desisyon ko. Kaya dapat tanggapin ko ang lahat ng naging kinalabasan ng desisyong iyon.
Mukhang masaya na nga siya. Gwapo pa rin ito hanggang ngayon, ngunit mas gwapo kaysa sa huli ko siyang nakita. Mas lumaki ang pangangatawan niya, mas naging malamig at matigas din ang kanyang ekspresyon.
Ilang taon na rin ang lumipas. He looks so happy now.
Bagay nga sa kanya ang mundong iyon. Doon nga talaga siya nararapat. Tama nga si Aling Tanya, bagay ka sa mundong kinaroroonan mo ngayon. Hindi sa mundo ko, hindi sa mundong ginagalawan mo rin noon, noong kasama mo pa ako.
Hindi ka nababagay dito, hindi ka rin nababagay sa 'kin.
Bakit nga ba sumagi pa sa isipan ko ang tanong kung mahal mo pa kaya ako?
Sa estado ng buhay mo ngayon, hindi na imposible kung nakalimutan mo na ako. Hindi na nakakatakha kung sabihin mo mang hindi mo na ako kilala o hindi mo na maalala pa ang mga nangyari noon. Ang mga pinagsamahan natin at ang… pagmamahalan natin.
Hindi ko namalayang may kumawala na palang isang butil ng luha sa kanang mata ko.
Masakit. Ngunit wala na akong magagawa pa. Tapos na ang lahat. Nagawa ko na ang desisyong iyon at hindi ko na iyon mababago pa.
Sa totoo lang, hindi ko naisip na darating ang araw na magkakahiwalay kami. Hindi ko naisip na mangyayari ito sa 'kin, sa 'min. Masaya kami, mahal namin ang isa't-isa. At higit sa lahat, kuntento na kami sa buhay namin noon. Pero masyado talagang malupit ang tadhana.
Siguro nga hindi kami ang para sa isa't-isa. Pero kung hindi talaga kami ang para sa isa't-isa, sana naman ay hindi ganito kasakit. Sana hindi ganito kahirap.
Napalunok ako nang maramdaman kong parang may bumara sa lalamunan ko. Kahit maraming taon na ang lumipas, masakit pa rin. Parang kahapon lang nangyari ang lahat.
"Mama!"
Agad akong napalingon nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon. Napatingin ako sa maliit na gwapong lalaki, nakakunot ang noo nito. May hawak itong kumpol ng kandila na siyang ibinibenta nito. I smiled when I saw him. Kahit kailan talaga ay napakatigas ng ulo nito. Ilang beses ko ng sinabi rito na hindi na nito kailangan pang magbenta ng mga kandila dahil kaya ko namang kumita ng pera. Ngunit matigas talaga ito, kaya sa huli ay hinayaan ko nalang siya sa gusto niyang gawin.
"Umiiyak ka na naman ba? Siya na naman ba ang dahilan?" agad na tanong nito nang makalapit sa 'kin, madilim ang bukas ng mukha nito. Umiling ako bilang sagot. Ayokong aminin na tama siya, na iniiyakan ko na naman ang taong iyon. Alam ko kasing magagalit at magtatampo siya sa akin, at ayokong mangyari iyon.
"Sinungaling." madilim ang mukhang pinunasan nito ang isang butil ng luha ko sa aking pisngi gamit ang maliit na hinlalaki niya. Bigla akong nahiya. Magsisinungaling na nga lang ako, 'yong obvious pa!
"Okay lang ako, ikaw talaga!" natatawang saad ko sabay saka ginulo ang buhok niya. Pilit na pinapasaya ang tono ng boses. Napailing na lang ito. Halatang hindi kumbinsido sa naging sagot ko.
"Tara na nga, kain na tayo. Tumgots na ako eh." aya niya na ikinatango ko. Magkahawak kamay kaming naglakad palayo. Nasa kaliwang kamay niya inilagay ang lahat ng makukulay na kandilang dala niya dahil nakahawak ang kanang kamay niya sa kamay ko. Nasa kanang kamay ko naman ang maliit na bag na nilalagyan ko ng kita ko sa pagbebenta ng mga kakanin.
"Akin na 'yang mga dala mo." saad ko sa kanya ngunit mabilis itong umiling.
"Nope, I can manage!" anito sabay kindat. Hindi ko mapigilang matawa sa ginawa nito. Sa uri ng panalita nito ay aakalain mong anak mayaman at sa private school ito nag-aaral dahil may accent ang pagsasalita nito ng wikang ingles. He sounds so fluent and natural. Idagdag pa ang gwapong mukha nito. Kamukhang-kamukha rin nito ang lalaking tinatanaw ko sa TV kanina.
Nagsimula na kaming maglakad pauwi.
Ngunit bago pa kami makalayo ay muli kong nilingon ang telebisyong may lamang balita tungkol sa kanya. Nakasulat sa malaking flat screen TV ang pinakabagong balita tungkol sa mga nangyayari sa buhay niya.
Sports News: Famous Spanish-Filipino car racer and businessman Matthew Xequios Villafuerte once again won the 2024 Grand Prixtalleix car racing event held in Las Vegas, Nevada. Savannah Reyes, the daughter of Filipino politician Senator Alfonso Reyes, is also present at the event. People believes that Savannah is there to support Matthew in his competition. The two were rumored to be dating two months ago. But, neither made a statement.
'Yon ang sabi ng news anchor. Sa larawang ipinakita ay magkatabi si Savannah at Matthew. They look quite comfortable with each other. Siguro nga ay sila na.
Muli akong napangiti ng mapait. Natatawa rin ako sa sarili ko. Ang tanga ko talaga!
Bakit ko pa ba naiisip ang mga tanong na iyon? Sobrang layo na ng agwat namin ngayon. At kahit pareho lang ang hanging hinihingahan namin ay parang nasa magkaiba na kaming mundo. Dahil nandoon na siya sa mundong kahit kailan, alam kong hindi ko mapupuntahan. Ang mundo ng mga mayayaman, ang mundo ng mga alta.
Nanalo ulit siya, at alam kong masayang-masaya siya dahil noon pa man, iyon na talaga ang pangarap niya. Mukhang masaya rin siyang kasama ang maganda at mayamang babaeng katabi niya.
Napatingin ako sa repleksyon ko sa glass wall ng bangko.
Malayo, sobrang layo ko sa babaeng kasama niya ngayon.
Nakasuot ako ng isang plain na lumang pulang damit na nagmistulang kulay pink na dahil sa kalumaan, manipis na rin ang tela nito. Nakapusod ang mahabang buhok ko, maputla din ang natural kong maputing balat. Malapit na ring maputol ang manipis kong tsinelas na noong isang taon ko pa binili. Kaya sobrang layo ko sa babaeng iyon na maganda, sopistikada, at elegante.
Pero teka nga— bakit ko ba ikinukumpara ang sarili ko sa babaeng 'yon? Para saan? Walang dahilan upang ikumpara ko ang sarili ko sa babaeng sa tingin ko ay nilalaman na ng puso niya ngayon. At kahit ikumpara ko man ang sarili ko roon, alam kong talo na agad ako sa lahat ng aspeto. Sa aspeto ng edukasyon, estado sa buhay, at kagandahan.
Dapat ay maging masaya na ako para sa kanya, sa kanila. Dahil pareho lang naman kaming dalawa. Masaya na siya ngayon kasama ang babaeng 'yon at sa buhay na meron siya ngayon. At ako rin, kontento na ako sa simpleng buhay ko ngayon… kasama ang batang lalaking kahawak-kamay ko.
Kailangan ko na siyang kalimutan, kailangan ko ng burahin ang mga alaala naming dalawa noon. Hindi lang para sa akin, kundi para na rin sa maliit na lalaking kahawak-kamay ko ngayon. Sa lalaking mas mahal ko ng higit pa kaysa sa pagmamahal ko sa kanya.
Wala ng dahilan para hindi ko kalimutan ang mga alaala namin. Dahil alam kong kahit kailan, hinding-hindi na magku-krus pa ang landas namin.
Atleast, that is what I thought. Kaya anong ginagawa ni Matthew sa bayan namin? Bakit siya umuwi? Bakit siya nandito?!